Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 4/22 p. 20-22
  • Paano Ko Maaaring ‘Igalang ang Aking Ama at ang Aking Ina’?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Maaaring ‘Igalang ang Aking Ama at ang Aking Ina’?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Tamang Saloobin
  • Magalang na Pananalita
  • Ang Pangangailangan ng Unawa
  • Bakit Ko Dapat ‘Igalang ang Aking Ama at ang Aking Ina’?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Paano Kung Nag-aaway Sina Tatay at Nanay?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Bakit Ayaw Akong Unawain ng Aking mga Magulang?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • “Parangalan Mo ang Iyong Ama at ang Iyong Ina”
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2018
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 4/22 p. 20-22

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Maaaring ‘Igalang ang Aking Ama at ang Aking Ina’?

‘BANGGITIN mo ang isang bagay na ginagawa mo na nakasasakit sa iyong mga magulang.’ Ang tanong na ito ay itinanong sa 160 mga kabataan. Halos 43 porsiyento ng mga lalaki ang nagsabi na ito ay sa pamamagitan ng “hindi pagtrato [sa magulang] nang may paggalang.” Sa mga babae, 42 porsiyento ang nagsabi na kanilang ‘hindi iniintindi ang kanilang ama,’ at 63 porsiyento ang nagsabi na ‘sinasagot’ nila ang kanilang ina o sa iba pang paraan ay hindi mapagpasakop at palasagot. Gayunman, inamin ng marami sa mga kabataang ito na inaakala nilang isang pananagutan na gawing ‘mabuti ang pakiramdam’ ng kanilang mga magulang at maging matulungin. Subalit sa kabila ng mabuting mga intensiyon, kadalasang sila’y bigo.

Bagaman marahil ay talagang nais mong sundin ang utos ng Bibliya na igalang ang iyong mga magulang, batid mo na may mga panahon na hindi ka gumagalang sa kanila. Paano mo maiiwasan ang mga patibong?​—Efeso 6:2.

Ang Tamang Saloobin

Mayroong dalawang paraan na maaari mong malasin ang iyong mga magulang. Ang Kawikaan 30:17 ay bumabanggit tungkol sa “mata na tumutuya sa kaniyang ama at humahamak ng pagsunod sa kaniyang ina.” Sa kabilang dako, ang Kawikaan 17:6 ay nagsasabi, “Ang kaluwalhatian ng mga anak ay ang kanilang mga magulang.” Kaya maaari mong malasin ang iyong magulang bilang isa na hahamakin o tutuyain o isa na ipagmamalaki mo, sa wari ba’y, ang iyong kaluwalhatian. Ang saloobing susundin mo ang titiyak kung baga igagalang mo o hindi ang isang iyon.

“Ngunit paano ba madarama ng isa ang paggalang kung ang mga magulang ng isa ay hindi kagalang-galang,” sulat ng isang kabataang nagngangalang Louise. Ang sagot ay tingnan mo ang kanilang mabubuting katangian, pahalagahan ang mga ito, at dito mo ituon ang iyong pansin. Nasumpungan ng mga mananaliksik na sina Nick Stinnet at John DeFrain na ang pagpapahalaga sa mga membro ng pamilya ay isa sa pangunahing katangian ng isang matibay na pamilya. “Ang isang dahilan kung bakit nahihirapan tayong magpahayag ng pagpapahalaga ay sapagkat hindi tayo natutong maging mahusay na mga minero,” paliwanag nila sa kanilang aklat na Secrets of Strong Families. “Ginugugol ng mga minero ng brilyante sa Timog Aprika ang kanilang buhay sa pagtatrabaho sa pamamagitan ng pagbibistay ng libu-libong tonelada ng bato at dumi sa paghahanap ng ilang munting mga brilyante. Kadalasan ang kabaligtaran ang ginagawa natin. Binibistay natin ang mga brilyante, masikap na hinahanap ang dumi. Ang ating matibay na mga pamilya ay mga eksperto sa brilyante.”

Ang bawat tao ay may mabuting mga katangian at mga nagawa. Kung hahanapin mo ang mabubuti, masusumpungan mo ito. Sa pamamagitan ng ‘paghahanap sa mga brilyante,’ makikita mo ang mga dahilan upang igalang ang iyong mga magulang.

Gayunman, ang wastong pangmalas sa iyong mga magulang ay nagsisimula sa wastong pangmalas mo sa iyong sarili. Kung hindi ka nakadarama ng mabuti tungkol sa iyong sarili, mahirap na makadama ka ng mabuti sa iba. Pinayuhan ni apostol Pablo ang unang-siglong mga Kristiyano: “Sinasabi ko sa lahat sa inyo na huwag tantiyahin ang kaniyang sarili na higit sa kaniyang tunay na halaga, kundi magkaroon ng mahinahong pagtasa sa kaniyang sarili.”​—Roma 12:3, Charles B. Williams.

Yamang hindi ka dapat maging mapagmataas, iwasan naman ang kabaligtaran na pagwawalang-bahala sa iyong “tunay na halaga.” Kung ang iyong paggawi ay matatag na nakasalig sa Bibliya, magkakaroon ka ng tiwala sa iyong pasiya, yamang “ang paalaala ni Jehova’y mapagkakatiwalaan, pinadudunong ang walang karanasan.” (Awit 19:7) Ang gayong pagtitiwala ay hahadlang sa iba na pangyarihin kang kumilos nang walang galang.

Magalang na Pananalita

Ang paggalang ay ipinakikita sa iyong mga magulang sa pamamagitan ng kung ano ang sinasabi mo sa kanila at kung paano mo sinasabi ito. Kung ang lahat ay maayos, karaniwan nang hindi ito problema. Subalit, kung minsan, ang iyong mga magulang ay magsasabi o gagawa ng mga bagay na nakasasakit sa iyong damdamin. At, sa panahon ng iyong pagkatin-edyer, maraming nakalilitong mga damdamin ay maaaring magpangyari sa iyo na magalit sa iyong sarili. Mga kabiguan, pagkadama ng kawalan o pagkakanulo, at takot ay maaaring maging isang pagkalaki-laking emosyonal na pasanin. Dahil sa gayong matinding mga pagkayamot, maaari kang kumilos na gaya ng lalaking si Job, na nagsabi: “Kaya ang aking pananalita ay padalus-dalos.”​—Job 6:1-3.

Gayunman, ang “padalus-dalos na pananalita” ay maaaring maging walang galang. “Kung minsan kapag ipinakikipag-usap ko ang isang problema kay Inay at hindi niya masakyan ang aking punto, nagagalit ako at nakapagsasalita ako ng isang bagay dala ng galit upang saktan siya. Ito ang paraan ng pagganti ko sa kaniya,” sabi ng 22-anyos na si Roger. “Subalit pag-alis ko, ang sama ng pakiramdam ko, at alam kong hindi rin mabuti ang pakiramdam niya.”

Naunawaan ni Roger na ang kaniyang walang pagpapahalagang mga salita ay parang mga ‘saksak’ at ‘nakakasakit’ at hindi lumulutas ng anumang problema. Alam niya ang sabi ng Bibliya, “Ang dila ng pantas ay kagalingan.” (Kawikaan 12:18; 15:1) “Bagaman mahirap, ako’y bumabalik at humihingi ng tawad,” sabi ni Roger. “Alam kong ito ang pinakamabuting bagay na dapat gawin sa paningin ni Jehova. Sa panahong iyon mas mahinahon kong naipakikipag-usap ang problema at nalulutas namin ito.” Oo, ang angkop na paghingi ng tawad ay nagpapakita na talagang iginagalang mo ang iyong mga magulang.

Yamang ang nakasasakit na pananalita ay karaniwang ginagatungan ng galit, mahalagang matutuhan mong pakitunguhan nang wasto ang potensiyal na mapangwasak na damdaming ito. “Ibinubulalas ng mangmang ang buong galit niya, ngunit ang pantas ay nagpipigil,” sabi ng Kawikaan 29:11. (New International Version) Kaya, kung ikaw ay galit, hintayin mo hanggang ang iyong mga emosyon ay maging mahinahon saka mo sikaping ipahayag ang iyong sarili nang mahinahon. Subalit ang paglinang ng magalang na pananalita ay nangangahulugan ng higit pa sa basta ‘pagbilang hanggang sampu.’

Ang Pangangailangan ng Unawa

“Ang unawa ng isang tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit, at isang kagandahan ang paraanin niya ang pagsalansang,” sabi ng Kawikaan 19:11. Ang orihinal na salitang Hebreo para sa “unawa” ay tumatawag-pansin sa “pag-alam sa dahilan” ng isang bagay. Kaya ang pagkakaroon ng unawa ay magpapangyari sa iyo na tumingin sa kabila pa roon ng kagyat na alitan.

Halimbawa, kung ayaw kang payagan ng isang magulang na magtungo sa isang lugar, tanungin mo ang iyong sarili, ‘Pinag-iisipan ba ng aking magulang ang pinakamabuting kapakanan ko? Ano nga bang kaibhan kung hindi ako magpunta? Ito ba’y dahilan lamang sa pagmamataas o pagiging maka-ako?’ Bagaman ang kalagayan ay maaaring maging nakasisiphayo, ito na ba ang katapusan ng mundo? Pagkatapos na pag-isipan ito, baka makita mo ang mabubuting dahilan upang pigilin ang iyong bibig at huwag nang palubhain pa ang kalagayan sa pamamagitan ng pagsagot.​—Kawikaan 10:19; 16:23.

Pinalalaki ng unawa ang pagkamaunawain, sapagkat pinangyayari nito na malaman mo ang mga kalagayan o pinagmulan ng iba. (Kawikaan 21:11) Halimbawa, ganito ang sabi ng isang babae: ‘Dati’y nininerbiyos akong gumugol ng panahon na kasama ng aking pamilya. Subalit nang magkasakit nang grabe ang nanay ni itay, gumugol kami ng maraming panahon na kasama niya. Kinakausap niya ang aking ama na para bang siya’y isang bata, at kailanman’y hindi ko naisip si itay na kasinggulang ko. Kaya naisip ko na marahil ay mahirap na buhay ang dinanas niya, at ako’y hindi gaanong naging maramot. Ngayon hindi na ako naiinis kay itay kapag may ipinagagawa siya sa akin.’

Gayundin, ang unawa ay tumutulong sa iyo na makita ang kagandahan na ‘paraanin ang pagsalansang.’ Oo, kahit na sa palagay mo ay mayroon kang dahilan upang magreklamo, maging handang magpasensiya sa iba at saganang patawarin sila. (Colosas 3:13) Kapag ikaw ay nasaktan, natural lamang na mag-isip na gumanti. Subalit sa pagiging mapagpatawad, inihihinto mo ang masamang siklo na karaniwang nagwawakas sa walang galang na pananalita o pagkilos.

Kailangan mo ang unawa lalo na kung ikaw ay dinidisiplina ng iyong mga magulang. Ang katangiang ito ay tutulong sa iyo na tanggapin ang pagtutuwid at matanto na ang paggawa ng gayon ay para sa iyong kapakinabangan. (Ihambing ang Awit 2:10.) Prangkahan, ang mga mangmang lamang ang “humahamak sa disiplina ng kaniyang ama.” (Kawikaan 15:5) Kaya sa halip na maghimagsik o magmukmok kapag ikaw ay itinutuwid, magpakita ng galang sa iyong mga magulang sa pagsisikap na ikapit ito.

Tutulungan ka rin ng unawa na maging sensitibo sa mga kalagayan ng iyong mga magulang at sikaping tulungan sila. Isang kabataang nagngangalang Josh ay nagpapaliwanag kung paanong isinaalang-alang niya at ng kaniyang kapatid na lalaki ang kalagayan ng kanilang ina. “Minsan ay umuwi ang nanay ko mula sa trabaho na totoong yamot at pagod,” sabi ni Josh. “Sanay na kami rito kaya nilinis na namin​—kami ng kapatid kong lalaki​—ang bahay bago siya dumating. Tuwang-tuwa siya.” Nagpapakita ka ba ng gayunding paggalang sa iyong mga magulang?

Ang pagpapakita ng galang ay nangangahulugan din ng paggalang sa pribadong buhay ng iyong mga magulang. May mga panahon kung kailan ang iyong mga magulang ay kailangan ding mapag-isa. Baka may mahalagang mga bagay silang pag-uusapan na ayaw nilang marinig mo. Ibigay mo sa kanila ang karapatang iyan. Kung masumpungan mo ang iyong mga magulang na seryosong nag-uusap, bakit hindi ka magtungo sa iyong silid o kaya’y dumalaw sa isang kaibigan? Ipakikita nito na ikaw ay isang taong may unawa.

Kaya humanap ng mga paraan na kung paanong maipakikita mo ang iyong paggalang sa iyong mga magulang. Ang gayong paggalang ay karaniwang magpapasulong ng iyong kaugnayan sa kanila. Kahit na kung hindi man, magkakaroon ka ng kasiyahan sa pagkaalam na pinaluluguran mo ang Diyos. Sa pagpapakita ng gayong paggalang, “maaaring mapabuti ka at mabuhay ka nang matagal sa lupa.”​—Efeso 6:3.

[Larawan sa pahina 21]

Kapag ang isang magulang ay nagsasalita ng isang bagay na nakasasakit sa iyong damdamin, sikaping iwasan ang walang galang na pananalita

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share