-
Mga Study Note sa Filipos—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Mag-ingat: Sa talatang ito, tatlong beses inulit ni Pablo ang pandiwang Griego na isinaling “mag-ingat,” na laging sinusundan ng salitang nagsisimula sa pare-parehong katinig na Griego. (Tingnan ang Kingdom Interlinear.) Ipinapakita ng ganitong istilo ng pagsulat na napakaimportante ng mensahe at kailangan itong sundin agad. Mapapansin din na ang tatlong paglalarawan niya sa mga nagsasapanganib sa pananampalataya ng mga taga-Filipos ay tinapatan niya sa sumunod na talata ng tatlo ring paglalarawan sa mga tapat.
maruruming tao: Lit., “mga aso.” Dito, ginamit ni Pablo sa makasagisag na paraan ang terminong “aso” para babalaan ang mga taga-Filipos laban sa huwad na mga guro. Marami sa mga gurong ito ang nagtataguyod ng Judaismo. Sa Kautusang Mosaiko, marumi ang mga aso, at madalas gamitin sa Kasulatan ang terminong ito sa negatibong diwa. (Lev 11:27; tingnan ang study note sa Mat 7:6.) Sa mga lunsod, kadalasan nang tira-tira lang ang kinakain ng mga aso, kaya para sa marami, partikular na sa mga nanghahawakan sa Kautusang Mosaiko, marumi ang kinakain ng mga hayop na ito. (Exo 22:31; 1Ha 14:11; 21:19; Kaw 26:11) Sa Hebreong Kasulatan, tinatawag kung minsan na mga aso ang mga kaaway ng tapat na mga lingkod ni Jehova. (Aw 22:16; 59:5, 6) Nang tawagin ni Pablo na aso ang huwad na mga guro, ipinapakita niya na marumi ang mga taong ito at hindi karapat-dapat na maging tagapagturo ng mga Kristiyano.
nagtataguyod ng pagtutuli: O “pumuputol ng laman.” Posibleng ginamit ni Pablo ang ekspresyong “pumuputol ng laman” para ipakita ang malaking kaibahan nila sa mga “tunay na tinuli” (lit., “pumuputol sa palibot”) sa sumunod na talata.—Tingnan ang study note sa Fil 3:3.
-