Isang Malaking Pulutong ng Tunay na mga Mananamba—Saan Sila Nanggaling?
“Narito! isang malaking pulutong, . . . mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero.”—APOCALIPSIS 7:9.
1. Bakit lubhang interesado tayo sa ngayon sa makahulang mga pangitain sa Apocalipsis?
SA PAGWAWAKAS ng unang siglo C.E., nakakita si apostol Juan ng mga pangitain ng kahanga-hangang mga pangyayaring may kaugnayan sa layunin ni Jehova. Ang ilan sa mga bagay na nakita niya sa pangitain ay natutupad sa ngayon. Ang iba ay nakalaang matupad sa malapit na hinaharap. Lahat ng ito ay umiikot sa kapana-panabik na kahahantungan ng dakilang layunin ni Jehova na pakabanalin ang kaniyang pangalan sa harap ng lahat ng nilalang. (Ezekiel 38:23; Apocalipsis 4:11; 5:13) Bukod diyan, ang mga ito’y nagsasangkot ng pag-asa ng bawat isa sa atin ukol sa buhay. Papaano ito mangyayari?
2. (a) Ano ang nakita ni apostol Juan sa kaniyang ikaapat na pangitain? (b) Anong mga katanungan hinggil sa pangitaing ito ang ating isasaalang-alang?
2 Sa ikaapat na serye ng mga pangitain sa Apocalipsis, nakita ni Juan ang mga anghel na pumipigil sa mga hangin ng kapuksaan hanggang sa “ang mga alipin ng ating Diyos” ay matatakan sa kani-kanilang noo. Pagkatapos ay nakita niya ang pinakakapana-panabik na pangyayari—“isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika,” na nagkakaisa sa pagsamba kay Jehova at nagpaparangal sa kaniyang Anak. Ang mga ito, sinabi kay Juan, ay mga taong lalabas mula sa malaking kapighatian. (Apocalipsis 7:1-17) Sino yaong inilarawan bilang “mga alipin ng ating Diyos”? At sino ang bubuo ng “malaking pulutong” na makaliligtas sa kapighatian? Magiging isa ka kaya sa kanila?
Sino “ang mga Alipin ng Ating Diyos”?
3. (a) Sa Juan 10:1-18, papaano inilarawan ni Jesus ang kaniyang kaugnayan sa kaniyang mga tagasunod? (b) Ano ang pinaging posible ni Jesus para sa kaniyang mga tupa sa pamamagitan ng kaniyang sakripisyong kamatayan?
3 Mga apat na buwan bago siya mamatay, tinukoy ni Jesus ang kaniyang sarili bilang “ang mabuting pastol” at ang kaniyang mga tagasunod bilang “mga tupa” na alang-alang sa kanila’y isusuko niya ang kaniyang buhay. Pantanging binanggit niya ang mga tupang natagpuan niya sa loob ng isang makasagisag na kulungan ng tupa at pagkaraan ay binigyan niya ng pantanging pangangalaga. (Juan 10:1-18)a Buong-pagmamahal, isinuko nga ni Jesus ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga tupa, na inilalaan ang halagang pantubos na kailangan upang sila’y mapalaya mula sa kasalanan at kamatayan.
4. Sino ang unang tinipon bilang mga tupa kaugnay ng binanggit dito ni Jesus?
4 Gayunman, bago gawin ito, si Jesus bilang ang Mabuting Pastol ay aktuwal na nagtipon ng mga alagad. Ang mga nauna ay ipinakilala sa kaniya ni Juan Bautista, ang “bantay-pinto” sa ilustrasyon ni Jesus. Naghanap si Jesus ng mga taong tutugon sa pagkakataong maging bahagi ng kabuuang “binhi ni Abraham.” (Genesis 22:18; Galacia 3:16, 29) Nilinang niya sa kanilang puso ang pagpapahalaga sa Kaharian ng mga langit, at tiniyak niya sa kanila na siya’y maghahanda ng isang dako para sa kanila sa bahay ng kaniyang makalangit na Ama. (Mateo 13:44-46; Juan 14:2, 3) Angkop lamang na sabihin niya: “Mula noong mga araw ni Juan Bautista hanggang ngayon ang kaharian ng mga langit ang tunguhin na pinagpupunyagian ng mga tao, at sinusunggaban ito niyaong mga pasulong na nagpupunyagi.” (Mateo 11:12) Ang mga ito na sumunod sa kaniya upang maabot ang tunguhing iyan ay napatunayang nasa loob ng kulungan ng tupa na binanggit ni Jesus.
5. (a) Sino “ang mga alipin ng ating Diyos” na tinutukoy sa Apocalipsis 7:3-8? (b) Ano ang nagpapakita na marami pa ang makikisama sa espirituwal na mga Israelita sa pagsamba?
5 Sa Apocalipsis 7:3-8, yaong nagtagumpay sa pasulong na pagpupunyagi tungo sa makalangit na tunguhing iyan ay tinukoy rin bilang “ang mga alipin ng ating Diyos.” (Tingnan ang 1 Pedro 2:9, 16.) Ang 144,000 bang binanggit doon ay likas na mga Judio lamang? Yaon bang nasa loob ng makasagisag na kulungan ng tupa sa ilustrasyon ni Jesus ay mga Judio lamang? Hinding-hindi; sila’y mga miyembro ng espirituwal na Israel ng Diyos, anupat lahat sila’y kasama ni Kristo sa espirituwal na binhi ni Abraham. (Galacia 3:28, 29; 6:16; Apocalipsis 14:1, 3) Mangyari pa, sa wakas ay darating ang panahon na ang takdang bilang ay mahuhusto. Ano ngayon? Gaya ng inihula ng Bibliya, ang iba pa—isang malaking pulutong nila—ay sasama sa espirituwal na mga Israelitang ito sa pagsamba kay Jehova.—Zacarias 8:23.
Ang “Ibang mga Tupa”—Sila ba’y mga Kristiyanong Gentil?
6. Sa anong pangyayari tumutukoy ang Juan 10:16?
6 Pagkatapos banggitin ang isang kulungan ng tupa sa Juan 10:7-15, isa pang grupo ang isinali ni Jesus sa mga pangyayari, na sinasabi: “Mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito; ang mga iyon din ay dapat kong dalhin, at makikinig sila sa aking tinig, at sila ay magiging isang kawan, isang pastol.” (Juan 10:16) Sino yaong “ibang mga tupa”?
7, 8. (a) Bakit nasa maling saligan ang pagkakatatag ng idea na ang ibang tupa’y mga Kristiyanong Gentil? (b) Anong mga pangyayari hinggil sa layunin ng Diyos para sa lupa ang dapat na makaapekto sa ating kaunawaan sa kung sino ang ibang tupa?
7 Minamalas ng mga komentarista sa Sangkakristiyanuhan sa kabuuan na ang ibang tupang ito ay mga Kristiyanong Gentil at na yaong mga nasa kulungan ng tupa na binanggit kanina ay mga Judio, yaong mga nasa ilalim ng tipang Batas, at na ang dalawang grupo ay aakyat sa langit. Subalit si Jesus ay ipinanganak na isang Judio at likas na nasa ilalim ng tipang Batas. (Galacia 4:4) Isa pa, yaong nagpapalagay na ang ibang tupa ay mga Kristiyanong Gentil na gagantimpalaan ng buhay sa langit ay hindi nagsasaalang-alang sa mahalagang bahagi ng layunin ng Diyos. Nang lalangin ni Jehova ang unang mga tao at ilagay sila sa halamanan ng Eden, niliwanag niya na ang kaniyang layunin ay na kalatan ang lupa ng mga tao, na gawin ang lupa na isang paraiso, at na ang mga nangangalagang tao ay magtamasa ng buhay magpakailanman—sa kondisyon na igagalang nila at susundin ang kanilang Manlalalang.—Genesis 1:26-28; 2:15-17; Isaias 45:18.
8 Nang magkasala si Adan, hindi nabigo ang layunin ni Jehova. Buong-pagmamahal na naglaan ang Diyos para sa mga supling ni Adan upang magkaroon ng pagkakataong tamasahin ang bagay na hindi pinahalagahan ni Adan. Inihula ni Jehova na magbabangon siya ng isang tagapagligtas, isang binhi, na sa pamamagitan niya ay makakamtan ng lahat ng bansa ang mga pagpapala. (Genesis 3:15; 22:18) Ang pangakong iyan ay hindi nangangahulugang lahat ng tao sa lupa ay dadalhin sa langit. Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Hindi pa natatagalan bago niya sabihin ang ilustrasyong nakatala sa Juan 10:1-16, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na mayroon lamang isang “munting kawan” na sinang-ayunan ng kaniyang Ama na bigyan ng makalangit na Kaharian. (Lucas 12:32, 33) Kaya kapag binabasa natin ang ilustrasyon ni Jesus sa kaniyang sarili bilang ang Mabuting Pastol na nagsuko ng kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga tupa, magiging isang kamalian na hindi isama ang karamihan na siyang dinala ni Jesus sa ilalim ng kaniyang maibiging pangangalaga, ang mga nagiging sakop sa lupa ng kaniyang makalangit na Kaharian.—Juan 3:16.
9. Sing-aga ng 1884, ano ang pagkaunawa ng mga Estudyante ng Bibliya sa pagkakakilanlan ng ibang tupa?
9 Sing-aga ng 1884, ipinakilala ng Watch Tower ang ibang tupa bilang ang mga taong bibigyan ng pagkakataong mabuhay sa lupang ito sa ilalim ng mga kalagayang tutupad sa orihinal na layunin ng Diyos. Naunawaan niyaong mga sinaunang Estudyante ng Bibliya na ang ilan sa ibang tupang ito ay ang mga taong nabuhay at namatay bago ang ministeryo ni Jesus sa lupa. Gayunman, may ilang detalye na hindi nila naunawaang mabuti. Halimbawa, inakala nila na ang pagtitipon ng ibang tupa ay magaganap lamang pagkatapos na ang lahat ng pinahiran ay tumanggap na ng kanilang makalangit na gantimpala. Datapuwa, tunay na naunawaan nila na ang ibang tupa ay hindi lamang mga Kristiyanong Gentil. Ang pagkakataong maging isa sa ibang tupa ay bukás kapuwa sa mga Judio at mga Gentil, sa mga tao sa lahat ng bansa at lahi.—Ihambing ang Gawa 10:34, 35.
10. Upang tayo’y tunay na ituring ni Jesus na kaniyang mga ibang tupa, ano ang dapat na maging totoo tungkol sa atin?
10 Upang bumagay sa paglalarawang ibinigay ni Jesus, ang ibang tupa ay dapat na mga tao, anuman ang lipì o lahing pinagmulan, na kumikilala kay Jesu-Kristo bilang ang Mabuting Pastol. Ano pa ang kasali rito? Sila’y dapat magpamalas ng kaamuan at handang paakay, na siyang mga katangiang likas sa mga tupa. (Awit 37:11) Gaya ng napatunayan sa munting kawan, dapat na “alam [nila] ang tinig” ng mabuting pastol at hindi pinahihintulutan ang kanilang sarili na maakay ng iba na maaaring magsikap na humikayat sa kanila. (Juan 10:4; 2 Juan 9, 10) Dapat na kilalanin nila ang kahalagahan ng ginawa ni Jesus sa pagsusuko ng kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga tupa at magsagawa ng lubusang pananampalataya sa paglalaang iyan. (Gawa 4:12) Dapat silang “makinig” sa tinig ng Mabuting Pastol kapag sila’y hinihimok niyang mag-ukol ng sagradong paglilingkod tangi lamang kay Jehova, patuloy na hanapin muna ang Kaharian, manatiling hiwalay sa sanlibutan, at magpakita ng mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig sa isa’t isa. (Mateo 4:10; 6:31-33; Juan 15:12, 13, 19) Nababagay ba sa iyo ang paglalarawang iyan ng mga itinuturing ni Jesus na kaniyang ibang tupa? Ibig mo ba? Anong napakahalagang ugnayan ang nabuksan sa lahat ng tunay na nagiging ibang tupa ni Jesus!
Paggalang sa Awtoridad ng Kaharian
11. (a) Bilang tanda ng kaniyang pagkanaririto, ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga tupa at mga kambing? (b) Sino ang mga kapatid na tinutukoy ni Jesus?
11 Mga ilang buwan pagkatapos na ibigay niya ang ilustrasyon sa itaas, si Jesus ay muling nasa Jerusalem. Habang nakaupo sa Bundok ng mga Olibo at nakatanaw sa lugar ng templo, pinaglaanan niya ang kaniyang mga alagad ng mga detalye ng ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.’ (Mateo 24:3) Muli na naman niyang binanggit ang tungkol sa pagtitipon ng mga tupa. Bukod sa iba pang mga bagay, sinabi niya: “Kapag ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian, at ang lahat ng mga anghel na kasama niya, kung magkagayon siya ay uupo sa kaniyang maluwalhating trono. At ang lahat ng mga bansa ay titipunin sa harap niya, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao mula sa isa’t isa, kung paanong pinagbubukud-bukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing. At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanang kamay, ngunit ang mga kambing sa kaniyang kaliwa.” Sa talinghagang ito, ipinakita ni Jesus na yaong pinag-ukulan ng pansin ng Hari ay hahatulan batay sa kung papaano nila pinakitunguhan ang kaniyang “mga kapatid.” (Mateo 25:31-46) Sino ang mga kapatid na ito? Sila ay ang inianak-sa-espiritung mga Kristiyano na samakatuwid ay “mga anak ng Diyos.” Si Jesus ang panganay na Anak ng Diyos. Kung gayon, sila’y mga kapatid ni Kristo. Sila “ang mga alipin ng ating Diyos” na binanggit sa Apocalipsis 7:3, ang mga pinili mula sa sangkatauhan upang makibahagi kay Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian.—Roma 8:14-17.
12. Bakit napakahalaga ng paraan ng pakikitungo ng mga tao sa mga kapatid ni Kristo?
12 Ang paraan ng pakikitungo ng ibang tao sa mga tagapagmanang ito ng Kaharian ay napakahalaga. Minamalas mo ba sila na gaya ng pangmalas ni Jesu-Kristo at ni Jehova? (Mateo 24:45-47; 2 Tesalonica 2:13) Ang saloobin ng isang tao sa mga pinahirang ito ay nagpapaaninaw ng kaniyang saloobin kay Jesu-Kristo mismo at sa kanyang Ama, ang Pansansinukob na Soberano.—Mateo 10:40; 25:34-46.
13. Gaano kalawak ang pagkaunawa ng mga Estudyante ng Bibliya noong 1884 sa talinghaga ng mga tupa at mga kambing?
13 Sa labas nito ng Agosto 1884, may-katumpakang ipinakita ng Watch Tower na ang “mga tupa” sa talinghagang ito ay yaong naglalagay sa harapan nila ng pag-asa ng sakdal na buhay sa lupa. Naunawaan din na ang talinghaga ay tiyak na may pagkakapitan kapag si Kristo ay namamahala na mula sa kaniyang maluwalhating trono sa langit. Ngunit, noong panahong iyon hindi pa nila maliwanag na nauunawaan kung kailan siya magsisimula sa gawaing pagbubukud-bukod na inilarawan doon o kung hanggang kailan ito matatapos.
14. Papaano natulungan ng isang pahayag sa kombensiyon noong 1923 ang mga Estudyante ng Bibliya na maunawaan kung kailan matutupad ang makahulang talinghaga ni Jesus?
14 Gayunman, noong 1923, sa isang pahayag sa kombensiyon, niliwanag ni J. F. Rutherford, presidente noon ng Samahang Watch Tower, ang panahon para sa katuparan ng talinghaga ng mga tupa at mga kambing. Bakit? Sapagkat, sa isang bahagi, ipinakikita ng talinghaga na ang mga kapatid ng Hari—ang ilan sa kanila sa papaano man—ay naririto pa rin sa lupa. Sa gitna ng mga tao, yaon lamang kaniyang inianak-sa-espiritung mga tagasunod ang tunay na maaaring tawaging kaniyang mga kapatid. (Hebreo 2:10-12) Ang mga ito’y hindi mananatili sa lupa sa buong panahon ng Milenyo, na nagbibigay ng pagkakataon para sa mga tao na gumawa ng mabuti sa kanila sa mga paraang inilarawan ni Jesus.—Apocalipsis 20:6.
15. (a) Anong mga pangyayari ang tumulong sa mga Estudyante ng Bibliya na wastong makilala ang mga tupa sa talinghaga ni Jesus? (b) Papaano pinatunayan ng mga tupa ang kanilang pagpapahalaga sa Kaharian?
15 Sa pahayag na iyan noong 1923, gumawa ng pagsisikap na makilala yaong nababagay sa paglalarawan ng Panginoon tungkol sa mga tupa at sa mga kambing, subalit may iba pang bagay na kinailangang maunawaan bago liwanagin ang buong kahulugan ng talinghaga. Nang sumunod na mga taon, unti-unting ipinagbigay-alam ni Jehova ang mahahalagang detalyeng ito sa kaniyang mga lingkod. Kasali rito ang lubusang pagkaunawa, noong 1927, na “ang tapat at maingat na alipin” ay ang buong kalipunan ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano sa lupa; gayundin ang pagpapahalaga, noong 1932, sa pangangailangang walang-takot na ipakilala ang sarili na kasama ng pinahirang mga lingkod ni Jehova, gaya ng ginawa ni Jonadab kay Jehu. (Mateo 24:45; 2 Hari 10:15) Sa panahong iyan, batay sa Apocalipsis 22:17, ang mga tulad-tupang ito ay partikular na pinasiglang makibahagi sa pagdadala sa iba ng mensahe ng Kaharian. Ang kanilang pagpapahalaga sa Mesiyanikong Kaharian ay mag-uudyok sa kanila hindi lamang upang magpakita ng makataong kabaitan sa mga pinahiran ng Panginoon kundi upang ialay ang mga sarili kay Jehova sa pamamagitan ni Kristo at maging matalik na kaugnay ng kaniyang mga pinahiran, na masigasig na nakikibahagi sa gawain na kanilang ginagawa. Ginagawa mo ba iyan? Para doon sa mga gumagawa nito, sasabihin ng Hari: “Halikayo, kayo na mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.” Sa harapan nila ay naroroon ang dakilang pag-asa ng walang-hanggang buhay sa kasakdalan sa makalupang sakop ng Kaharian.—Mateo 25:34, 46.
Ang “Malaking Pulutong”—Saan Sila Patungo?
16. (a) Anong maling pagkaunawa ang taglay ng sinaunang mga Estudyante ng Bibliya tungkol sa pagkakakilanlan ng lubhang karamihan, o malaking pulutong, sa Apocalipsis 7:9? (b) Kailan at sa anong saligan itinuwid ang kanilang pangmalas?
16 Noon ay naniniwala ang mga lingkod ni Jehova na ang lubhang karamihan (o, malaking pulutong) sa Apocalipsis 7:9, 10 ay iba sa ibang tupa sa Juan 10:16 at sa mga tupa sa Mateo 25:33. Sapagkat sinasabi ng Bibliya na sila’y “nakatayo sa harap ng trono,” inakala na sila’y nasa langit, wala sa mga trono, na namamahala bilang kasamang tagapagmana ni Kristo, ngunit nasa isang pangalawahing dako sa harap ng trono. Sila’y itinuring na di-gaanong tapat na mga Kristiyano, yaong mga hindi nagpakita ng espiritu ng tunay na pagsasakripisyo-sa-sarili. Noong 1935 ang pangmalas na iyan ay itinuwid.b Nilinaw ng isang pagsusuri sa Apocalipsis 7:9 sa liwanag ng mga tekstong gaya ng Mateo 25:31, 32 na ang mga tao rito sa lupa ay maaaring sabihing ‘nasa harap ng trono.’ Ipinaliwanag din na ang Diyos ay walang dalawang pamantayan ng pagkamatapat. Lahat ng magtataglay ng kaniyang pagsang-ayon ay dapat na manatiling tapat sa kaniya.—Mateo 22:37, 38; Lucas 16:10.
17, 18. (a) Ano ang naging dahilan ng biglang pagtaas, mula noong 1935, ng bilang niyaong umaasa sa walang-hanggang buhay sa lupa? (b) Sa anong mahalagang gawain masigasig na nakikibahagi yaong nasa malaking pulutong?
17 Sa loob ng maraming taon pinag-uusapan na ng bayan ni Jehova ang tungkol sa mga pangako ng Diyos may kinalaman sa lupa. Dahil sa kanilang inaasahang magaganap noong mga taón ng 1920, ipinahayag nila na “Angaw-Angaw na Ngayo’y Nabubuhay Ay Hindi Na Mamamatay Kailanman.” Subalit hindi naman milyun-milyon ang yumakap sa mga paglalaan ng Diyos para sa buhay nang panahong iyon. Sa nakararami na tumanggap ng katotohanan, ang banal na espiritu ay nagbunga ng pag-asang buhay sa langit. Gayunman, lalo na pagkalipas ng 1935, isang malaking pagbabago ang naganap. Hindi naman sa niwalang-bahala ng The Watchtower ang pag-asang buhay na walang-hanggan sa lupa. Sa loob ng mga dekada pinag-uusapan na ng mga lingkod ni Jehova ang tungkol dito at naghahanap na niyaong binabagayan ng paglalarawan ng Bibliya. Gayunman, sa takdang panahon ni Jehova, tiniyak niya na naipakilala ng mga ito ang kanilang sarili.
18 Ipinakikita ng hawak na mga ulat na sa loob ng maraming taon karamihan sa mga dumadalo sa Memoryal ay nakikibahagi noon sa mga emblema. Ngunit sa loob ng 25 taon pagkaraan ng 1935, ang dumadalo sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay biglang tumaas sa mahigit na sandaang ulit ang dami kaysa sa bilang niyaong mga nakikibahagi. Sino ang iba pang ito? Ang inaasahang magiging miyembro ng malaking pulutong. Maliwanag, dumating na ang panahon ni Jehova upang tipunin sila at ihanda sila upang makaligtas sa dakilang kapighatian na malapit nang dumating. Gaya ng inihula, sila’y lumabas “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” (Apocalipsis 7:9) Sila’y masigasig na nakikibahagi sa gawaing inihula ni Jesus nang sabihin niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
[Mga talababa]
a Para sa isang maliwanag, sunod-sa-panahong pagtalakay hinggil sa mga kulungan ng tupa sa Juan kabanata 10, tingnan Ang Bantayan, Agosto 15, 1984, pahina 10-21, 30-1.
b The Watchtower, Agosto 1 at 15, 1935.
Ano ang Iyong Komento?
◻ Bakit ang pangitain sa Apocalipsis kabanata 7 ay may pantanging interes?
◻ Bakit ang ibang tupa sa Juan 10:16 ay hindi limitado sa mga Kristiyanong Gentil lamang?
◻ Ano ang dapat na maging totoo doon sa mga nababagay sa paglalarawan ng Bibliya hinggil sa ibang tupa?
◻ Papaano nagtatampok ng paggalang sa awtoridad ng Kaharian ang talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing?
◻ Ano ang nagpapakitang dumating na ang panahon ni Jehova upang tipunin ang malaking pulutong sa Apocalipsis 7:9?