Kanino Tayo Makaaasa ng Tunay na Katarungan?
“Hindi baga gagawa nang may katarungan ang Hukom ng buong lupa?”—GENESIS 18:25, The Holy Bible in Modern English, ni Ferrar Fenton.
1, 2. Paano naaapektuhan ang maraming tao sa umiiral na kawalang-katarungan?
MARAHIL ikaw ay nalulungkot sa nakikita mong laganap na kawalang-katarungan. Paano ka personal na naaapektuhan ng umiiral na kawalan ng tunay na katarungan?
2 Ang mga ibang tao’y naaapektuhan sa pamamagitan ng pag-aalinlangan sa pag-iral ng isang Diyos na makatarungan. Sila’y baka nag-aangkin pa man din na sila ay agnostiko. Marahil ay narinig mo na ang salitang iyan. Iyan ay tumutukoy sa isang tao na may paniwala “na anumang talagang katotohanan (gaya baga ng Diyos) ay di-nakikilala at ma[rahil] di-maaaring makilala.” Ang biologong si Thomas H. Huxley, isang tagapagtaguyod noong ika-19-na-siglo ng ebolusyon ni Darwin, ang unang gumamit ng salitang “agnostiko” sa ganitong paraan.a
3, 4. Ano ang kasaysayan ng pinagmulan ng salitang “agnostiko”?
3 Datapuwat, saan ba kinuha ni Huxley ang salitang “agnostiko”? Sa aktuwal, kaniyang hinango ito sa isang pananalitang ginamit sa naiibang diwa ng isang abogado noong unang siglo, si apostol Pablo. Ito’y ginamit sa isa sa pinakatanyag na mga talumpati kailanman. Ang talumpating ito ay may kaugnayan sa ngayon, sapagkat naghahandog ito ng isang matatag na batayan sa pagkaalam kung paano at kung kailan iiral ang katarungan para sa lahat at, lalong higit, kung paano tayo personal na makikinabang dito.
4 Ang salitang “agnostiko” (“di-kilala”) ay kinuha sa binanggit ni Pablo na isang dambana na doo’y nakasulat “Sa Isang Di-Kilalang Diyos.” Ang maikling talumpating iyon ay isinulat ng manggagamot na si Lucas sa ika-Gawa 17 kabanata ng makasaysayang aklat ng Mga Gawa ng mga Apostol. Una muna’y ipinakikita ng kabanata kung paano napapunta si Pablo sa Atenas. Sa kasamang kahon (pahina 6), mababasa mo ang panimulang impormasyon na ibinigay ni Lucas at ang teksto ng buong talumpati.
5. Ano ba ang kapaligiran nang magtalumpati si Pablo sa mga taga-Atenas? (Ipabasa ang Gawa 17:16-31.)
5 Ang talumpati ni Pablo ay tunay na mabisa at karapat-dapat sa ating maingat na pagsasaalang-alang. Yamang tayo’y napalilibutan ng malaganap na kawalang-katarungan, malaki ang maaari nating matutuhan dito. Una muna’y pansinin ang kapaligiran, na mababasa mo sa Gawa 17:16-21. Ipinagmamalaki ng mga taga-Atenas na sila’y naninirahan sa isang tanyag na sentro ng kaalaman, na kung saan nagturo sina Socrates, Plato, at Aristotle. Ang Atenas ay isa ring lunsod na napakarelihiyoso. Sa buong palibot niya ay may nakikita si Pablo na mga idolo—yaong idolo ng diyos ng digmaan na si Ares, o Mars; yaong kay Zeus; yaong kay Aesculapius, ang diyos ng panggagamot; yaong sa marahas na diyos ng karagatan, si Poseidon; yaong kina Dionysus, Athena, Eros, at mga iba pa.
6. Ano ba ang makikita sa inyong lugar kung ihahambing sa nakita ni Pablo sa Atenas?
6 Subalit, ano kaya kung dinalaw ni Pablo at tiningnan ang inyong bayan o lugar? Baka makakita siya ng maraming mga idolo o mga rebulto, kahit na sa mga lupain ng Sangkakristiyanuhan. Saanmang dako, marami ang kaniyang nakita. Isang giyang aklat ang nagsasabi: “Ang mga diyos ng India, di-tulad ng kanilang salawahang ‘mga kapatid na lalaking’ Griyego, ay tig-iisa ang asawa, at ang iba sa lubhang hinahangaang mga diyos ay inaatasan na makapareha ng kani-kanilang mga kasamang babae . . . Di kalabisang sabihin, mayroong milyun-milyong mga diyos na may kinalaman sa lahat ng anyo ng buhay at kalikasan.”
7. Ano ang katulad ng sinaunang mga diyos na Griyego?
7 Maraming mga diyos na Griyego ang inilalarawan na imbi at labis na imoral. Ang kanilang asal ay kahiya-hiya kung makikita sa mga tao, oo, makakriminal maituturing kung tungkol sa karamihan ng mga lupain sa ngayon. Kung gayon, ikaw ay may lahat ng kadahilanan na mag-usisa kung ano bagang uri ng katarungan ang marahil inaasahan buhat sa gayong mga diyos ng mga Griyego noong nakalipas na panahong iyon. Gayunman, nakita ni Pablo na ang mga taga-Atenas ay may natatanging debosyon sa mga iyan. Puspos ng matuwid na kombiksiyon, siya’y nagsimulang magpaliwanag ng mga dakilang katotohanan ng tunay na pagka-Kristiyano.
Isang Naghahamong Grupo ng mga Tagapakinig
8. (a) Ano ang mga paniniwala at mga pagkakilala ng mga Epicureo? (b) Ano ang paniwala ng mga Stoiko?
8 Ang ibang mga Judio at mga Griyego ay nakinig nang may interes, subalit paano maaapektuhan ang maimpluwensiyang mga pilosopong Epicureo at Stoiko? Gaya ng makikita mo, ang kanilang mga ideya ay nahahawig sa maraming kaparaanan sa karaniwang mga paniniwala sa ngayon, maging iyon mang mga itinuturo sa mga kabataan sa paaralan. Ang mga Epicureo ay nagrekomenda ng pamumuhay na makukuhanan ng pinakamaraming kalayawan hangga’t maaari, lalo na ang kalayawan ng isip. Ang kanilang pilosopiya na ‘kumain at uminom, sapagkat búkas tayo’y mamamatay’ ay walang sinusunod na prinsipyo at kagalingang-asal. (1 Corinto 15:32) Sila’y hindi naniniwala na mga diyos ang lumalang sa sansinukob; sa halip, sila’y naniniwala na ang buhay ay sumipot nang di-sinasadya sa isang sansinukob na kusang sumulpot din. Isa pa, ang mga diyos ay hindi interesado sa mga tao. Kumusta naman ang mga Stoiko? Ang kanilang idiniriin ay lohika, sa paniniwala na ang materya at ang puwersa ay mga pangunahing prinsipyo sa sansinukob. Ang mga Stoiko ay gumuguniguni ng isang di-personang diyos, imbis na maniwala sa Diyos bilang isang Persona. Sila’y naniniwala rin na kapalaran ang umuugit sa pamumuhay ng tao.
9. Bakit ang situwasyon ni Pablo noon ay isang hamon sa pangangaral?
9 Paanong tumugon sa pangmadlang pagtuturo ni Pablo ang gayong mga pilosopo? Ang pagkamausisa na may kahalong kahambugan ng pag-iisip ay isang ugali ng isang taga-Atenas noon, at ang mga pilosopong ito ay nagsimulang makipagtalo kay Pablo. Sa wakas, siya’y kanilang dinala sa Areopago. Sa gawing itaas ng pamilihan ng Atenas, ngunit sa ibaba naman ng matayog na Acropolis, ay naroon ang isang mabatong burol na ang pangalan ay kinuha sa Diyos ng digmaan, si Mars, o Ares, kaya ang pangala’y Burol ng Mars, o ang Areopago. Noong sinaunang mga panahon, isang hukuman o kunsilyo ang nagpupulong doon. Baka si Pablo ay dinala sa isang hukuman ng hustisya, na marahil nagtitipon na kung saan kanilang natatanaw ang kabigha-bighaning Acropolis at ang tanyag na Parthenon nito at pati na rin ang mga ibang templo at mga rebulto. Ang iba’y nag-aakala na nasa panganib ang apostol sapagkat ibinabawal ng batas Romano ang pagpapasok ng mga bagong diyos. Subalit kahit na kung si Pablo’y dinala sa Areopago upang ipaliwanag lamang ang kaniyang mga paniniwala o upang itanghal doon kung siya baga’y isang kuwalipikadong guro, siya’y napaharap sa isang mahirap pakitunguhang mga tagapakinig. Kaniya kayang maipaliliwanag ang kaniyang mahalagang mensahe nang hindi sila nagagalit?
10. Paano gumamit si Pablo ng pamamaraan o taktika sa pagpapasok ng kaniyang impormasyon?
10 Pansinin buhat sa Gawa 17:22, 23 ang ginamit ni Pablo na pamamaraan o taktika at karunungan sa kaniyang pagpapasimula. Nang kaniyang kilalanin kung gaano karelihiyoso ang mga taga-Atenas at kung gaano karami ang kanilang mga idolo, ang iba sa kaniyang mga tagapakinig ay baka nag-akala na iyon ay isang pagpuri sa kanila. Imbis na atakihin ang kanilang pagkakaroon ng maraming diyos, ang pansin ay itinutok ni Pablo sa isang dambana na kaniyang nakita, isang inialay “Sa Isang Di-Kilalang Diyos.” Pinatutunayan ng kasaysayan na umiral nga ang gayong mga dambana, na dapat magpatibay ng ating pagtitiwala sa ulat ni Lucas. Ginamit ni Pablo ang dambanang ito bilang isang pinaka-batong tungtungan. Totoong mahalaga sa mga taga-Atenas ang kaalaman at lohika. Gayumpaman, kanilang inamin na mayroong isang Diyos na kanilang “di-kilala” (Griyego, aʹgno·stos). Makatuwiran lamang, kung gayon, na payagan nilang ipaliwanag siya ni Pablo sa kanila. Walang sinumang makatututol sa pangangatuwirang iyon, di ba?
Ang Diyos ba ay Hindi Maaaring Makilala?
11. Paano inakay ni Pablo ang mga kaisipan upang mapatutok sa tunay na Diyos?
11 Bueno, ano ba ang katulad ng “di-kilalang Diyos” na ito? “Ang Diyos” ang gumawa sa sanlibutan at lahat ng naririto. Walang sinumang tao ang magtatatwa na umiiral ang sansinukob, na ang mga halaman at mga hayop ay umiiral, at tayong mga tao ay umiiral. Ang kapangyarihan at katalinuhan, oo, ang karunungan, na nahahayag sa lahat na ito ay nagpapahiwatig na ito’y bunga ng ginawa ng isang marunong at makapangyarihang Manlilikha, imbis na bunga ng pagkakataon lamang. Sa katunayan, ang hanay ng pangangatuwiran ni Pablo ay lalo pa ngang kapit sa ating kapanahunan.—Apocalipsis 4:11; 10:6.
12, 13. Anong modernong ebidensiya ang nagpapatibay sa punto na iniharap ni Pablo?
12 Hindi pa natatagalan, sa aklat na In the Centre of Immensities, ang Britanong astronomong si Sir Bernard Lovell ay sumulat tungkol sa sukdulang pagkamasalimuot ng pinakasimpleng mga anyo ng buhay sa lupa. Kaniya ring tinalakay kung ang gayong buhay ay malamang na naging gayon sa pamamagitan ng di-sinasadyang pagkakataon lamang. Ang kaniyang konklusyon: “Ang posibilidad na . . . isang di-sinasadyang pagkakataon lamang ang dahilan ng pagkabuo ng isa sa pinakamaliit na mga molekula ng proteina ay di-sukat maguniguni na pagkaliit-liit. Sa nasasakop ng panahon at espasyo na ating tinatalakay ay talagang sero iyon.”
13 O dili kaya ay isaalang-alang ang kabilang sukdulan—ang ating sansinukob. Ang mga astronomo ay gumagamit ng mga aparatung elektroniko upang pag-aralan ang pinagmulan nito. Ano ba ang kanilang natuklasan? Sa God and the Astronomers, si Robert Jastrow ay sumulat: “Ngayon ay nakikita natin kung paanong pinatutunayan ng mga astronomo na tama ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pinagmulan ng sanlibutan.” “Para sa siyentipiko na namuhay sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya sa bisa ng pangangatuwiran, ang kuwento ay nagtatapos na mistulang isang masamang panaginip. Kaniyang naakyat ang kabundukan ng kawalang-muwang; nang halos mararating na lamang niya ang pinakamataas na taluktok; habang isang bato na lamang ang kaniyang dapat tawirin, siya’y sinasalubong ng isang pangkat ng mga teologo [mga taong naniniwala sa paglalang] na nangakaupo na roon noong daan-daang taóng lumipas.”—Ihambing ang Awit 19:1.
14. Anong pangangatuwiran ang sumuporta sa sinabi ni Pablo na ang Diyos ay hindi tumatahan sa gawang-taong mga templo?
14 Sa gayo’y makikita natin kung gaano kawasto ang sinabi ni Pablo sa Gawa 17:24, na umaakay sa atin sa kaniyang susunod na kaisipan, sa Gawa 17 talatang 25. Ang makapangyarihang Diyos na gumawa “ng sanlibutan at ng lahat ng bagay na naririto” ay tunay na lalong dakila kaysa materyal na sansinukob. (Hebreo 3:4) Kaya’t hindi makatuwirang isipin na siya’y makatatahan sa mga templo, lalo na yaong mga itinayo ng mga tao na hayagang umaamin na siya’y kanilang “di-nakikilala.” Anong bisang punto na iharap sa mga pilosopo na marahil sa mismong sandaling iyon ay nakatanaw sa maraming templo na nasa gawing itaas!—1 Hari 8:27; Isaias 66:1.
15. (a) Bakit kaya si Athena ay nasa isip ng mga tagapakinig ni Pablo? (b) Yamang ang Diyos ang Tagapagbigay, sa anong konklusyon dapat umakay iyan?
15 Marahil, ang mga tagapakinig ni Pablo ay mga debotong nanata sa Acropolis sa isa sa mga rebulto ng kanilang patronang diyosa, si Athena. Ang sinasambang si Athena sa Parthenon ay yari sa garing at ginto. Isa pang rebulto ni Athena ang may taas na 20 metro at natatanaw buhat sa mga barko sa karagatan. At sinasabing ang idolong kilala sa tawag na Athena Polias ay nahulog buhat sa langit; ang mga tao’y palagiang nagdadala ng bagong gawang-kamay na mga kasuotan para roon. Subalit, kung ang Diyos na hindi kilala ng mga taong iyon ang kataas-taasan at Siya ang lumalang sa sansinukob, bakit pa kailangang siya’y dulutan ng mga bagay na handog ng mga tao? Siya ang nagbibigay ng mga bagay na kailangan natin: ang ating “buhay,” ang “hininga” na kailangan natin upang sumustine sa buhay, at “lahat ng bagay,” kasali na ang araw, ang ulan, at ang mabungang lupa na pinagtatamnan ng halamang pinagkukunan natin ng pagkain. (Gawa 14:15-17; Mateo 5:45) Siya ang Tagapagbigay, ang mga tao naman ang tagatanggap. Tunay na ang Tagapagbigay ay hindi umaasa sa mga tagatanggap.
Buhat sa Isang Tao—Nanggaling ang Lahat
16. Ano ang iniharap ni Pablo na paniwala tungkol sa pinagmulan ng tao?
16 Pagkatapos, sa Gawa 17:26, si Pablo ay nagharap ng katotohanan na dapat pag-isipan ng maraming tao, lalo na yamang ngayon ay napakamalaganap ang pang-aapi sa mga ibang lahi. Kaniyang sinabi na “ginawa [ng Maylikha] buhat sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa balat ng buong lupa.” Ang ideya na ang lahi ng sangkatauhan ay isang pagkakaisa o pagkakapatiran (na nagpapahiwatig ito ng katarungan) ay isang bagay na kailangang pag-isipan ng mga taong iyon sapagkat may paniwala ang mga taga-Atenas na sila’y may pantanging pinagmulan na nagtatangi sa kanila sa natitirang bahagi ng sangkatauhan. Gayunman, ang pinaniniwalaan ni Pablo ay ang ulat ng Genesis tungkol sa unang tao, si Adan, na naging ninuno nating lahat. (Roma 5:12; 1 Corinto 15:45-49) Gayunman, baka sumaisip mo: ‘Ang gayun kayang paniwala ay maaaring patunayan sa ating modernong panahon ng siyensiya?’
17. (a) Paanong ang mga ibang ebidensiya sa ngayon ay nakatutok sa katulad na patotoo ni Pablo? (b) Ano ang kaugnayan nito sa katarungan?
17 Ang teoriya ng ebolusyon ay nagpapahiwatig na ang tao’y bunga ng ebolusyon sa iba’t ibang lugar at uri. Subalit maaga noong nakalipas na taon, ang buong seksiyon sa siyensiya ng Newsweek ay iniukol sa paksang “Ang Paghahanap kina Adan at Eva.” Ito’y nagtutok ng pansin sa kamakailang mga pagsulong sa larangan ng genetics. Bagaman, gaya ng aasahan natin, hindi lahat ng siyentipiko ay sumasang-ayon, ang nabubuong larawan ay nakatutok sa konklusyon na lahat ng tao’y may iisang ninunong pinagmulan. Yamang, gaya ng sinabi noong una pa ng Bibliya, lahat tayo ay magkakapatid, hindi baga dapat magkaroon ng katarungan para sa lahat? Hindi baga lahat tayo ay may karapatan na pakitunguhan nang walang pagtatangi anuman ang kulay ng ating balat, ang klase ng ating buhok, o iba pang panlabas na mga pagkakaiba-iba? (Genesis 11:1; Gawa 10:34, 35) Kailangang malaman pa natin, gayunman, kung paano at kung kailan darating ang katarungan para sa sangkatauhan.
18. Ano ang batayan ng sinabi ni Pablo tungkol sa mga pakikitungo ng Diyos sa mga tao?
18 Bueno, sa Gawa 17 talatang 26, tinukoy ni Pablo na ang Maylikha ay maaasahan natin na mayroong isang kalooban, o makatuwirang layunin, para sa sangkatauhan. Batid ng apostol na nang nakikitungo ang Diyos sa bansang Israel, Kaniyang iniutos kung saan sila maninirahan at ipinaalam niya kung paano sila maaaring pakitunguhan ng mga ibang bansa. (Exodo 23:31, 32; Bilang 34:1-12; Deuteronomio 32:49-52) Mangyari pa, ang sinabi ni Pablo ay baka unang-unang may pagmamataas na ikinapit sa kanilang sarili ng mga tagapakinig niya. Sa katunayan, sa alam man nila o hindi, ang Diyos na Jehova ay nagpahayag ng hula tungkol sa kaniyang kalooban may kinalaman sa panahon, o punto sa kasaysayan, na kung kailan ang Gresya ang magiging ikalimang dakilang kapangyarihan ng daigdig. (Daniel 7:6; 8:5-8, 21; 11:2, 3) Yamang ang Isang ito’y nakapagmamaneobra kahit sa mga bansa, hindi ba makatuwiran na tayo’y magnais na makilala siya?
19. Bakit ang punto ni Pablo sa Gawa 17:27 ay makatuwiran?
19 Hindi sa bagay na tayo’y pinabayaan ng Diyos na maging walang alam sa kaniya, na kakapa-kapa sa dilim. Tayo at ang mga taga-Atenas ay binigyan niya ng batayan para matuto tungkol sa kaniya. Sa Roma 1:20 ay sumulat si Pablo nang malaunan: “Ang di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita magmula pa nang paglalang sa sanlibutan, sapagkat natatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniya mang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.” Samakatuwid, ang Diyos ay talagang hindi malayo sa atin kung ibig natin na matagpuan siya at matuto tungkol sa kaniya.—Gawa 17:27.
20. Paanong totoo nga na sa Diyos “tayo’y nabubuhay at kumikilos at umiiral”?
20 Ang pagpapahalaga ay dapat magpakilos sa atin na gawin iyan, gaya ng iminumungkahi ng Gawa 17:28. Ang Diyos ang nagbigay sa atin ng buhay. Ang totoo, taglay natin ang higit pa kaysa simpleng buhay lamang sa diwa na gaya ng isang punungkahoy na may buhay. Tayo, at karamihan ng mga hayop, ay mayroong nakatataas na kapasidad na makakilos sa buong palibot natin. Hindi baga ikinagagalak natin iyan? Subalit higit pa ang sinasabi ni Pablo. Tayo’y umiiral bilang intelihenteng mga tao na may kani-kaniyang personalidad. Dahil sa ating bigay-Diyos na utak tayo ay nakapag-iisip, nauunawaan natin ang mga prinsipyong mahirap unawain (gaya ng tunay na katarungan), at nabubuo sa atin ang isang pag-asa—oo, pag-asa sa hinaharap na matutupad ang kalooban ng Diyos. Gaya ng makikita mo, tiyak na naisip ni Pablo na ito’y mahirap na tanggapin ng mga pilosopong Epicureo at Stoiko. Upang tulungan sila, siya’y sumipi buhat sa mga ilang makatang Griego na kanilang nakikilala at iginagalang, at ang mga makatang iyon ay nagsabi rin: “Sapagkat tayo man naman ay kaniyang lahi.”
21. Sa paano tayo dapat maapektuhan ng ating pagiging lahi ng Diyos?
21 Kung naiintindihan ng mga tao na tayo ay lahi, o supling, ng Diyos na Kataas-taasan, angkop lamang na sila’y sa kaniya tumingin para sa pagkakaroon ng patnubay sa kung paano mamumuhay. Hahangaan mo ang lakas ng loob ni Pablo, samantalang siya’y nakatayo halos sa lilim ng Acropolis. Siya’y lakas-loob na nangatuwiran na ang ating Maylikha ay tunay na mas dakila kaysa anumang gawang-taong rebulto, kahit na roon sa ginto-at-garing na rebulto sa Parthenon. Lahat tayo na naniniwala sa sinabi ni Pablo ay kailangan ding sumang-ayon na ang Diyos ay hindi katulad ng alinman sa mga idolong sinasamba ng mga tao sa ngayon.—Isaias 40:18-26.
22. Paanong ang pagsisisi ay napapasangkot sa pagtanggap natin ng katarungan?
22 Ito ay hindi lamang isang teknikal na puntong dapat tanggapin ng isang tao sa kaniyang isip samantalang nagpapatuloy mamuhay na gaya ng dati. Iyan ay niliwanag ni Pablo sa Gawa 17 talatang 30: “Totoo, pinalipas na nga ng Diyos ang mga panahon ng gayung kawalang-alam [ng pag-iisip na ang Diyos ay gaya ng isang walang kabuluhang idolo o na kaniyang tatanggapin ang pagsamba sa kaniya sa pamamagitan ng gayung mga idolo], gayunman ngayon ay sinasabihan niya ang sangkatauhan na magsisi silang lahat sa lahat ng dako.” Sa gayon, habang siya’y nagpapalawak patungo sa kaniyang mabisang konklusyon, si Pablo ay nagharap ng isang nakagugulat na punto—ang pagsisisi! Samakatuwid kung tayo’y sa Diyos umaasa ng tunay na katarungan, ang kahulugan niyan ay na tayo’y kailangang magsisi. Ano ba ang hinihiling nito sa atin? At paano magbibigay ang Diyos ng katarungan para sa lahat?
[Talababa]
a Tulad ng marami sa ngayon, nakatawag-pansin kay Huxley ang mga gawang pang-aapi na umiiral noon sa Sangkakristiyanuhan. Sa isang sanaysay sa agnostisismo, siya’y sumulat: “Kung makikita lamang natin . . . ang malakas na agos ng pagpapaimbabaw at kalupitan, ang mga kasinungalingan, ang patayan, ang mga paglabag sa bawat obligasyon ng sangkatauhan, na umagos buhat sa pinagmumulang ito sa paglipas ng kasaysayan ng mga bansang Kristiyano, ang ating pinakamatitinding guniguni ng Impiyerno ay magiging bale-wala.”
Masasagot Mo Ba?
◻ Anong situwasyong relihiyoso ang nakita ni Pablo sa Atenas, at paano isang nakakatulad na situwasyon ang umiiral sa ngayon?
◻ Sa anu-anong paraan lalong dakila ang Diyos kaysa lahat ng mga diyus-diyusan na noo’y sinasamba sa Atenas nang panahon ni Pablo?
◻ Anong mahalagang katotohanan tungkol sa paraan ng pagkalalang ng Diyos sa lahi ng sangkatauhan ang nangangahulugan na dapat sanang may katarungan para sa lahat?
◻ Paano dapat maapektuhan ang mga tao ng pagkaalam ng tungkol sa kadakilaan ng Diyos?
[Kahon sa pahina 6]
Katarungan Para sa Lahat—Gawa, Kabanata 17
“16 Ngayon habang sila’y hinihintay ni Pablo sa Atenas, namuhi ang kaniyang espiritu sa loob niya nang mamasdan niya ang lunsod na punô ng mga idolo. 17 Kaya’t sa sinagoga’y nakipagkatuwiranan siya sa mga Judio at sa mga iba pang sumasamba sa Diyos at sa araw-araw sa pamilihan sa mga nagkataong naroroon. 18 Ngunit ang ilan sa mga pilosopong Epicureo at Stoiko ay nakipagtalo sa kaniya, at sinabi ng ilan: ‘Ano baga ang ibig sabihin ng madaldal na ito?’ Sabi ng iba: ‘Parang siya’y tagapagbalita ng mga ibang diyos.’ Ito’y dahil sa ipinangangaral niya ang mabuting balita tungkol kay Jesus at sa pagkabuhay-muli. 19 Kaya kanilang sinunggaban siya at dinala sa Areopago, na sinasabi: ‘Puwede ba naming malaman ang bagong turong ito na sinasalita mo? 20 Sapagkat naghahatid ka ng mga kakaibang bagay sa aming tainga. Ibig nga naming malaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito.’ 21 Ang totoo, lahat ng taga-Atenas at ang mga banyagang nakikipamayan doon ay walang ibang libangan kundi ang magsalita o makinig ng anumang bagay na bago. 22 Tumindig ngayon si Pablo sa gitna ng Areopago at nagsabi:
“‘Kayong mga lalaking taga-Atenas, napapansin ko na sa lahat ng bagay ay waring higit sa mga iba’y kayo ang lalong malaki ang takot sa mga diyus-diyusan. 23 Halimbawa, samantalang ako’y nagdaraan at matamang nagmamasid sa mga bagay na inyong sinasamba nakasumpong din ako ng isang dambana na may nakasulat na “Sa Isang Di-Kilalang Diyos.” Kaya yaong inyong sinasamba na wala kayong malay, ito ang ibinabalita ko sa inyo. 24 Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng bagay na naririto, Siya, palibhasa’y Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumatahan sa gawang-kamay na mga templo, 25 ni pinaglilingkuran man siya ng mga kamay ng tao na para bang kailangan niya ang anuman, sapagkat siya rin ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay at ng hininga at ng lahat ng bagay. 26 At ginawa niya buhat sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa balat ng buong lupa, at itinakda niya ang kani-kaniyang panahon at ang kani-kaniyang hangganan ng tahanan ng mga tao, 27 upang hanapin nila ang Diyos, baka sa kanilang pag-aapuhap ay tunay ngang matagpuan siya, bagaman, ang totoo, siya’y hindi malayo sa bawat isa sa atin. 28 Sapagkat sa kaniya tayo’y nabubuhay at kumikilos at umiiral, gaya ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, “Sapagkat tayo man naman ay kaniyang lahi.”
29 “‘Yamang nakikita natin, kung gayon, na tayo’y lahi ng Diyos, hindi marapat na isipin natin na ang Banal na Diyos ay katulad ng ginto o pilak o bato, tulad ng isang bagay na nililok ng sining at pakana ng tao. 30 Totoo, pinalipas na nga ng Diyos ang mga panahon ng gayong kawalang-alam, gayunman ngayon ay sinasabihan niya ang sangkatauhan na magsisi silang lahat sa lahat ng dako. 31 Sapagkat siya’y nagtakda ng isang araw na kaniyang nilalayong ipaghukom sa tinatahanang lupa sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaking kaniyang hinirang, at siya’y nagbigay ng katiyakan sa lahat ng tao nang kaniyang buhaying-muli ito buhat sa mga patay.’”
[Kahon sa pahina 7]
Nilalang ang Sansinukob
Noong 1980 si Dr. John A. O’Keefe, ng NASA (National Aeronautics and Space Administration), ay sumulat: “Ako’y umaayon sa paniniwala ni Jastrow na ang astronomiya sa ngayon ay nakasumpong ng mapanghahawakang ebidensiya na ang Sansinukob ay nilalang mga labinlima hanggang dalawampung bilyong taon na ngayon ang lumipas.” “Nasumpungan kong lubhang nakaaantig na makita kung paano ang ebidensiya para sa Paglalang . . . ay buong linaw na makikita sa lahat ng bagay na nakapalibot sa atin: ang mga batuhan, ang himpapawid, ang mga radio waves, at taglay din nito ang pinakamahalagang mga batas ng physics.”
[Kahon sa pahina 9]
“Ang Paghahanap kay Adan at kay Eva”
Sa ilalim ng titulong iyan, isang artikulo sa Newsweek ang nagsabi sa isang bahagi: “Ang batikang tagapaghukay na si Richard Leaky ay nagpahayag noong 1977: ‘Walang nag-iisang sentro na kung saan isinilang ang modernong tao.’ Subalit ngayon ang mga genetisista ay nahihilig maniwala sa kabaligtaran nito . . . ‘Kung iyon ay tama, at ito’y gagastahan ko ng salapi, ang ideyang ito ay lubhang mahalaga,’ ang sabi ni Stephen Jay Gould, ang paleontologo at manunulat ng sanaysay sa Harvard. ‘Ipinababatid nito sa atin na lahat ng tao, bagaman may pagkakaiba-iba sa panlabas na anyo, ay talagang mga bahagi ng isang kaisa-isang kaayusan na lubhang kailan lamang nagsimula sa isang dako. May isang uri ng biolohikong pagkakapatiran na lalong higit na matindi kaysa natatanto natin kailanman.’”—Enero 11, 1988.