Tamasahin ang mga Pakinabang ng Banal na Pagtuturo
“Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan.”—ISAIAS 48:17.
1. Papaano tayo makikinabang kung ikinakapit natin sa ating buhay ang banal na pagtuturo?
ALAM ng Diyos na Jehova kung ano ang pinakamabuti. Walang dadaig sa kaniya sa pag-iisip, pagsasalita, o pagkilos. Bilang ating Maylikha, alam niya ang ating mga pangangailangan at ibinibigay ang mga ito nang sagana. Tunay na alam niya kung papaano tayo tuturuan. At kung ikinakapit natin ang banal na pagtuturo, makikinabang tayo at magtatamasa ng tunay na kaligayahan.
2, 3. (a) Papaano nakinabang sana ang sinaunang bayan ng Diyos kung sila’y sumunod sa kaniyang mga utos? (b) Ano ang mangyayari kung ating ikakapit sa ating buhay ngayon ang banal na pagtuturo?
2 Isinisiwalat ng banal na pagtuturo ang taimtim na pagnanasa ng Diyos na ang kaniyang mga lingkod ay makaiwas sa kapahamakan at masiyahan sa buhay sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga batas at mga simulain. Kung nakinig sana ang sinaunang bayan ni Jehova sa kaniya, sana’y tinamasa nila ang mayayamang pagpapala, sapagkat kaniyang sinabi sa kanila: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. O kung sana’y talagang magbibigay-pansin ka sa aking mga utos! Kung magkagayo’y magiging gaya ng isang ilog ang iyong kapayapaan, at ang iyong katuwiran ay gaya ng mga alon ng dagat.”—Isaias 48:17, 18.
3 Ang sinaunang bayan ng Diyos ay nakinabang sana kung kanilang binigyang-pansin ang kaniyang mga utos at mga turo. Sa halip na dumanas ng kapahamakan sa kamay ng mga taga-Babilonya, sana’y tinamasa nila ang kapayapaan at kasaganaan na kasinlubos, kasinlalim, at pangmatagalan na gaya ng isang ilog. Isa pa, ang kanilang matuwid na mga gawa ay naging kasindami sana ng mga alon sa dagat. Gayundin naman, kung tayo ay magkakapit sa ating buhay ng banal na pagtuturo, makapagtatamasa tayo ng maraming pakinabang na dulot nito. Ano nga ba ang ilan sa mga ito?
Binabago Nito ang Buhay
4. Papaano naaapektuhan ng banal na pagtuturo ang buhay ng maraming tao?
4 Pinakikinabangan ng maraming tao ang banal na pagtuturo sa pamamagitan ng pagbabago ng kanilang buhay sa lalong ikabubuti. Ang mga nagkakapit ng turo ni Jehova ay humihinto na sa “mga gawa ng laman,” tulad halimbawa ng mahalay na paggawi, idolatriya, espiritismo, alitan, at paninibugho. Sa halip, kanilang ipinakikita ang bunga ng espiritu na pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili. (Galacia 5:19-23) Kanila ring pinakikinggan ang payo ng Efeso 4:17-24, na kung saan ipinapayo ni Pablo sa mga kapananampalataya na huwag lumakad na gaya ng mga bansa, sa kawalang-kapakinabangan ng kanilang mga pag-iisip at sa kadiliman sa kaisipan, hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos. Yamang hindi inaakay ng mga pusong walang pakiramdam, ‘inaalis [ng tulad-Kristong mga tao] ang lumang personalidad na naaayon sa kanilang dating landasin ng paggawi at nagbabago sa puwersang nagpapakilos sa kanilang pag-iisip.’ Kanilang ‘ibinibihis ang bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa totoong katuwiran at pagkamatapat.’
5. Papaano naaapektuhan ng banal na pagtuturo ang paraan ng paglakad ng mga tao?
5 Ang isang mainam na pakinabang sa pagkakapit ng banal na pagtuturo ay ang bagay na ipinakikita nito sa atin kung papaano lalakad na kaalinsabay ng Diyos. Kung tayo’y lumalakad na kaalinsabay ni Jehova, gaya ni Noe, ating sinusunod ang landasin sa buhay na binalangkas ng ating Dakilang Tagapagturo. (Genesis 6:9; Isaias 30:20, 21) Ang mga tao ng mga bansa ay “lumalakad sa kawalang-kapakinabangan ng kanilang mga pag-iisip,” gaya ng sinabi ni apostol Pablo. At anong laking kawalan ng pakinabang sa ilang isinulat ng mga may gayong pag-iisip! Sa pagkapansin sa mga isinulat ng iba sa isang pader sa Pompeii, isang nagmamasid ang sumulat: “Nakapagtataka, Oh pader, na ikaw ay hindi pa nagigiba dahil sa bigat ng napakaraming nakasulat na walang kabuluhan.” Subalit may kabuluhan ang “turo ni Jehova” at ang gawaing pangangaral ng Kaharian na pinapangyayari nito. (Gawa 13:12) Sa pamamagitan ng gawaing iyan, ang mga taong maibigin sa katotohanan ay natulungan na kumilos nang may katuwiran. Sila’y tinuturuan kung papaano hihinto ng paglakad sa kanilang makasalanang daan, sa kawalang-alam sa mga layunin ng Diyos. Sila’y wala na sa kadiliman ng kaisipan, ni sila man ay pinakikilos ng mga pusong manhid na naghahanap ng mga tunguhing walang pakinabang.
6. Ano ang kaugnayan ng ating pagsunod sa pagtuturo ni Jehova at ng ating kaligayahan?
6 Ang banal na pagtuturo ay pinakikinabangan din natin sa bagay na tinutulungan tayo nito na makilala si Jehova at ang kaniyang mga pakikitungo. Ang gayong kaalaman ay tumutulong upang tayo’y maging lalong malapit sa Diyos, pinalalawak ang ating pag-ibig sa kaniya, at pinatitindi ang ating pagnanasang sumunod sa kaniya. Sinasabi ng 1 Juan 5:3: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga kautusan; at gayunma’y ang kaniyang mga kautusan ay hindi nakapagpapabigat.” Tayo’y sumusunod din sa mga utos ni Jesus sapagkat alam natin na ang kaniyang turo ay nanggagaling sa Diyos. (Juan 7:16-18) Ang gayong pagsunod ay nagsasanggalang sa atin buhat sa espirituwal na kapinsalaan at nagdudulot sa atin ng kaligayahan.
Isang Tunay na Layunin sa Buhay
7, 8. (a) Papaano natin uunawain ang Awit 90:12? (b) Papaano natin matatamo ang isang pusong may karunungan?
7 Ang pagtuturo ni Jehova ay kapaki-pakinabang sa pagpapakita sa atin kung papaano gagamitin ang ating buhay sa paraang may layunin. Sa katunayan, ang banal na pagtuturo ay nagpapakita sa atin kung papaano bibilangin ang ating mga araw sa isang natatanging paraan. Ang buhay na umaabot ng 70 taon ay nangangako ng mga 25,550 araw. Ang isang taong 50 taóng gulang ay nakagugol na ng 18,250 nito, at ang kaniyang 7,300 natitirang inaasahang dami ng mga araw ay waring kakaunti nga. Lalo nang mauunawaan natin nang lubusan kung bakit ang propetang si Moises ay nanalangin sa Diyos sa Awit 90:12: “Ituro mo sa amin kung papaano bibilangin ang aming mga araw upang kami ay magtamo sa amin ng pusong may karunungan.” Ngunit ano ba ang ibig sabihin diyan ni Moises?
8 Hindi ibig sabihin ni Moises na isisiwalat ng Diyos ang eksaktong bilang ng mga araw na ikabubuhay ng bawat Israelita. Sang-ayon sa Awit 90, mga Aw 90 talatang 9 at 10, kinilala ng Hebreong propetang iyan na ang haba ng buhay ay maaaring mga 70 o 80 taon—maikli nga. Kaya ang mga salita ng Awit 90:12 ay maliwanag na nagpapahayag ng may lakip-panalanging paghahangad ni Moises na ipakita, o ituro, sa kaniya at sa Kaniyang bayan na gumamit ng karunungan sa pagpapahalaga sa ‘mga araw ng kanilang mga taon’ at gamitin ang mga iyon sa isang paraang sinang-ayunan ng Diyos. Kung gayon, papaano naman tayo? Pinahahalagahan ba natin ang bawat mahalagang araw? Atin bang natatamo ang isang pusong may karunungan sa pamamagitan ng pagsisikap na gugulin ang bawat araw sa isang kapaki-pakinabang na paraan sa ikaluluwalhati ng ating Dakilang Tagapagturo, ang Diyos na Jehova? Ang banal na pagtuturo ay tumutulong sa atin na gawin iyan.
9. Ano ang maaasahan kung tayo’y matututong bilangin ang ating mga araw sa ikaluluwalhati ni Jehova?
9 Kung tayo’y matututong bilangin ang ating mga araw sa ikaluluwalhati ni Jehova, tayo’y baka patuloy na magbilang ng ating mga araw nang hindi humihinto, sapagkat ang banal na pagtuturo ay nagbibigay ng kaalaman para sa buhay na walang-hanggan. “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan,” sabi ni Jesus, “ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Mangyari pa, kung kamtin natin ang lahat ng makasanlibutang kaalaman na maaring makamit, iyon ay hindi magbibigay sa atin ng buhay na walang-hanggan. Subalit maaaring maging atin ang buhay na walang-hanggan kung ating kakamtin at ikakapit ang tumpak na kaalaman tungkol sa dalawang pinakamahalagang persona sa sansinukob at talagang magsasagawa ng pananampalataya.
10. Ano ang sinasabi ng isang ensayklopedia tungkol sa edukasyon, at papaano ito maihahambing sa mga kapakinabangang dulot ng banal na pagtuturo?
10 Gaano mang katagal na tayo’y nabubuhay, tandaan natin ang kapansin-pansing pakinabang sa banal na pagtuturo: Iyon ay nagbibigay sa mga nagkakapit niyaon ng isang tunay na layunin sa buhay. Sinasabi ng The World Book Encyclopedia: “Ang edukasyon ay dapat tumulong sa mga tao na maging kapaki-pakinabang na mga miyembro ng lipunan. Dapat ding tumulong iyon sa kanila na paunlarin ang pagpapahalaga sa kanilang minanang kultura at magkaroon ng lalong kasiya-siyang pamumuhay.” Ang banal na pagtuturo ay kapaki-pakinabang sa pagtulong sa atin na magtamasa ng kasiya-siyang pamumuhay. Pinauunlad nito sa atin ang matinding pagpapahalaga sa ating espirituwal na mana bilang bayan ng Diyos. At tiyak na ginagawa tayo niyaon na makabuluhang mga miyembro ng lipunan, sapagkat pinapangyayari niyaon na gampanan natin ang isang mahalagang bahagi sa pagtugon sa pangangailangan ng mga tao sa buong lupa. Bakit masasabi iyan?
Pandaigdig na Programa sa Pagtuturo
11. Papaano itinampok ni Thomas Jefferson ang pangangailangan ng tamang edukasyon?
11 Hindi katulad ng ibang programa ng pagtuturo, ang banal na pagtuturo ay nakatutugon sa pangangailangang pang-edukasyon ng mga tao. Ang pangangailangang turuan ang mga tao ay itinawag-pansin ni Thomas Jefferson, na naging pangatlong pangulo ng Estados Unidos. Sa isang liham ng Agosto 13, 1786, kay George Wythe, isang kaibigan at isang kasamahang lumagda sa Deklarasyon ng Kasarinlan, si Jefferson ay sumulat: “Naiisip ko na ang pinakamahalagang batas sa ating buong kodigo ay yaong ukol sa pagpapalaganap ng kaalaman sa mga mamamayan. Wala nang iba pang tiyak na pundasyon na maitatayo, sa ikapananatili ng kalayaan at kaligayahan. . . . Magmungkahi ka, mahal kong ginoo, ng isang masinsinang kampanya laban sa kawalang-alam; itatag at pahusayin ang batas sa edukasyon ng karaniwang mga mamamayan. Ipaalam sa ating mga kababayan . . . na ang buwis na babayaran ukol sa layunin [ng edukasyon] ay hindi na hihigit pa kaysa ikasanlibong bahagi ng ibabayad sa mga hari, mga pari, at mga maharlika na babangon sa gitna natin kung ating hahayaang manatiling walang-alam ang mga tao.”
12. Bakit masasabi na ang banal na pagtuturo ang pinakamatagumpay at kapaki-pakinabang na programa ukol sa pangglobong edukasyon?
12 Kabaligtaran ng pagpapabaya sa mga taong nakahilig sa katuwiran na sila’y hayaang walang kaalaman, ang pagtuturo ni Jehova ay naglalaan ng pinakamagaling na programa sa pangglobong edukasyon ukol sa kanilang kapakinabangan. Samantalang nagaganap pa ang Digmaang Pandaigdig II 50 taon na ang lumipas, nakita ng U.S. Committee on Educational Reconstruction ang apurahang pangangailangan ng “pangglobong edukasyon.” Umiiral pa rin ang ganiyang pangangailangan, ngunit ang banal na pagtuturo ang tanging matagumpay na programa ukol sa pangglobong edukasyon. Ito rin ang pinakakapaki-pakinabang sapagkat ibinabangon nito ang mga tao buhat sa kawalang-pag-asa, itinataas sila sa moral at sa espirituwal, inililigtas sila buhat sa kapalaluan at pagtatangi na umiiral sa daigdig, at tinuturuan ng kaalaman ukol sa buhay na walang-hanggan. Higit sa lahat, ang programang ito ay pinakikinabangan ng mga tao sa lahat ng dako sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila upang maglingkod sa Diyos na Jehova.
13. Papaano natutupad sa ngayon ang Isaias 2:2-4?
13 Ang mga pakinabang sa banal na pagtuturo ay tinatamasa ng karamihan ngayon na nagiging mga lingkod ng Diyos. Sila ay palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan at lubusang may kamalayan na malapit na ang araw ni Jehova. (Mateo 5:3; 1 Tesalonica 5:1-6) Sa ngayon, “sa huling bahagi ng mga araw,” ang mga taong ito sa lahat ng bansa ay dumadagsa sa bundok ni Jehova, ang dalisay na pagsamba sa kaniya. Iyon ay nakatatag na at mataas higit sa lahat ng pagsamba na labag sa kalooban ng Diyos. (Isaias 2:2-4) Kung ikaw ay isang nag-alay na Saksi ni Jehova, hindi ka ba nalulugod na mapabilang sa patuloy na dumaraming sumasamba sa kaniya at nakikinabang sa banal na pagtuturo? Kagila-gilalas nga na makabilang sa mga bumubulalas: “Purihin ninyo si Jah, ninyong mga tao!”—Awit 150:6.
Kapaki-pakinabang na Epekto sa Ating Espiritu
14. Ano ang pakinabang sa pagsunod sa payo ni Pablo sa 1 Corinto 14:20?
14 Isa sa maraming pakinabang sa banal na pagtuturo ay ang mainam na epekto nito sa ating pag-iisip at espiritu. Iyon ay nag-uudyok sa atin na pag-isipan ang matuwid, malinis, may kagalingan, at kapuri-puring mga bagay. (Filipos 4:8) Ang pagtuturo ni Jehova ay tumutulong sa atin na sundin ang payo ni Pablo: “Maging mga sanggol tungkol sa kasamaan; gayunma’y maging lubos-ang-laki sa mga kakayahan ng pang-unawa.” (1 Corinto 14:20) Kung ikinakapit natin ang ganitong payo, hindi tayo hahanap ng kaalaman sa kasamaan. Sumulat din si Pablo: “Ang lahat ng mapaminsalang kapaitan at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo kasama ng lahat ng kasamaan.” (Efeso 4:31) Ang pagsunod sa gayong payo ay tutulong sa atin na makaiwas sa imoralidad at iba pang malulubhang pagkakasala. Samantalang ito ay kapaki-pakinabang sa pangangatawan at kaisipan, iyan lalung-lalo na ay magdadala sa atin ng kagalakan ng pagkaalam na tayo ay nakalulugod sa Diyos.
15. Ano ang tutulong sa atin na mamalaging may kagalingan ang pag-iisip?
15 Kung nais nating mamalaging may-kagalingan ang pag-iisip, ang isang tulong ay ang pag-iwas sa ‘masasamang kasama na sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.’ (1 Corinto 15:33) Bilang mga Kristiyano, tayo’y hindi makikisama sa mga mapakiapid, mangangalunya, at iba pang mga manggagawa ng kasamaan. Kung gayon, makatuwiran na tayo’y huwag makisama sa gayong mga tao sa pamamagitan ng pagbabasa ng tungkol sa kanila upang magkamit ng kaluguran ng laman o ng panonood sa kanila sa telebisyon o sa mga palabas sa sine. Ang puso ay mapandaya, maaaring madaling tubuan ng hangarin sa masasamang bagay, at matutukso na gawin ang mga iyon. (Jeremias 17:9) Kung gayon ay iwasan natin ang gayong mga tukso sa pamamagitan ng pangungunyapit sa banal na pagtuturo. Iyon ay maaaring makaapekto sa kaisipan ng “mga umiibig kay Jehova” hanggang sa kanilang “kapootan ang masama” bilang kapakinabangan.—Awit 97:10.
16. Papaano maaapektuhan ng pagtuturo ng Diyos ang espiritu na ating ipinakikita?
16 Sinabihan ni Pablo ang kaniyang kamanggagawang si Timoteo: “Ang Panginoon ay suma-espiritu na iyong ipinakikita. Ang kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan ay sumainyo.” (2 Timoteo 4:22) Nais ng apostol na ang Diyos, sa pamamagitan ng Panginoong Jesu-Kristo, ay sumang-ayon sa nagpapakilos na puwersang nag-uudyok kay Timoteo at sa iba pang mga Kristiyano. Ang turo ng Diyos ay tumutulong sa atin na magpakita ng isang maibigin, may kabaitan, maamong espiritu. (Colosas 3:9-14) At anong laki ng kaibahan niyan sa marami sa mga huling araw na ito! Sila ay palalo, walang utang na loob, walang likas na pagmamahal, hindi bukás sa anumang kasunduan, matitigas ang ulo, maibigin sa kaluguran, at walang tunay na maka-Diyos na debosyon. (2 Timoteo 3:1-5) Habang patuloy na ikinakapit natin sa ating buhay ang mga pakinabang sa banal na pagtuturo, tayo’y nagpapakita ng isang espiritu na nagpapamahal sa atin sa Diyos at sa mga kapuwa tao.
Mapapakinabangan sa mga Ugnayan ng Tao
17. Bakit lubhang mahalaga ang mapakumbabang pakikipagtulungan?
17 Ang pagtuturo ni Jehova ay tumutulong sa atin na makita ang mga pakinabang sa mapakumbabang pakikipagtulungan sa mga kapananampalataya. (Awit 138:6) Di-tulad ng maraming tao sa ngayon, tayo’y hindi lumalabag sa matuwid na mga simulain kundi tayo ay bukás sa kasunduan. Halimbawa, malaking kabutihan ang resulta sapagkat ang inatasang mga tagapangasiwa ay bukás sa kasunduan kung nagpupulong ang matatanda. Ang mga lalaking ito ay makapagsasalita nang mahinahon sa kapakanan ng katotohanan, samantalang hindi pinapayagang mangibabaw ang damdamin sa katuwiran o magdulot ng pagkakabaha-bahagi. Lahat ng miyembro ng kongregasyon ay makikinabang sa espiritu ng pagkakaisa na tinatamasa natin kung lahat tayo ay patuloy na magkakapit ng banal na pagtuturo.—Awit 133:1-3.
18. Ang banal na pagtuturo ay tumutulong sa atin na magkaroon ng anong pangmalas sa mga kapananampalataya?
18 Ang banal na pagtuturo ay mapapakinabangan din sa pagtulong sa atin na magkaroon ng wastong pangmalas sa mga kapananampalataya. Sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Lalo na buhat noong 1919, pinangyari ni Jehova na maihayag ng kaniyang mga lingkod ang kaniyang mga kahatulan, at ang pansanlibutang pamamalakad ni Satanas ay nayanig at nayugyog ng pangglobong babalang ito. Kasabay nito, ang mga taong may takot sa Diyos—“ang kanais-nais na mga bagay”—ay pinukaw ng Diyos upang ihiwalay ang kanilang sarili buhat sa mga bansa at makibahagi sa pinahirang mga Kristiyano sa pagpuno ng kaluwalhatian sa bahay ni Jehova ng pagsamba. (Hagai 2:7) Tunay, ang gayong kanais-nais na mga tao na pinukaw ng Diyos ay dapat nating ituring na minamahal na mga kasamahan.
19. Ano ang isinisiwalat ng turo ng Diyos tungkol sa paglutas sa personal na mga di-pagkakaunawaan sa gitna ng mga kapuwa Kristiyano?
19 Mangyari pa, dahilan sa lahat tayo ay di-sakdal, ang buhay ay hindi maaaring laging walang suliranin. Nang si Pablo’y tutulak na lamang patungo sa kaniyang ikalawang paglalakbay misyonero, si Bernabe ay desididong ipagsama si Marcos. Si Pablo ay hindi sumang-ayon sapagkat si Marcos ay “humiwalay sa kanila mula sa Pamfilia at hindi sumama sa kanila sa gawain.” Sa gayon, naganap ang “isang matinding pagsiklab ng galit.” Isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag patungong Ciprus, samantalang pinili ni Pablo si Silas upang makasama niya sa Siria at Cilicia. (Gawa 15:36-41) Nang bandang huli, maliwanag na nalutas ang di-pagkakaunawaang ito, sapagkat si Marcos ay kasama na ni Pablo sa Roma, at mabuti ang sinabi ng apostol tungkol sa kaniya. (Colosas 4:10) Ang isang pakinabang sa banal na pagtuturo ay yaong bagay na ipinakikita nito sa atin kung papaano lulutasin ang personal na mga di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Kristiyano sa pamamagitan ng pagsunod sa mga payo na gaya ng ibinigay ni Jesus sa Mateo 5:23, 24 at Mateo 18:15-17.
Laging Kapaki-pakinabang at Nagtatagumpay
20, 21. Ang ating pagsasaalang-alang sa banal na pagtuturo ay dapat magpakilos sa atin na gawin ang ano?
20 Kahit na sa ating maikling pagsasaalang-alang ng ilang kapakinabangan at tagumpay ng banal na pagtuturo, tiyak na lahat tayo ay nakakakita ng pangangailangang magtiyaga sa pagkakapit niyaon sa ating buhay. Kung gayon, taglay ang espiritu ng pagkapalaisip sa panalangin, tayo ay patuloy na matututo buhat sa ating Dakilang Tagapagturo. Hindi na magtatagal, ang banal na pagtuturo ay magtatagumpay sa paraang wala pang katulad. Iyon ay magtatagumpay pagka ang mga pantas ng sanlibutang ito ay pumanaw na magpakailanman. (Ihambing ang 1 Corinto 1:19.) At, samantalang milyun-milyon pa ang natututo at gumagawa ng kalooban ng Diyos, ang lupa ay pupunuin ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat. (Isaias 11:9) Anong laking kapakinabangan ang idudulot nito sa masunuring sangkatauhan at ipagbabangong-puri si Jehova bilang ang Pansansinukob na Soberano!
21 Ang pagtuturo ni Jehova ay sa tuwina magiging kapaki-pakinabang at matagumpay. Ikaw ba ay patuloy na makikinabang dito bilang isang masugid na estudyante ng dakilang Aklat-aralin ng Diyos? Ikaw ba ay namumuhay na kasuwato ng Bibliya at ibinabahagi sa iba ang mga katotohanan nito? Kung gayon, maaasahan mo na makikita ang lubos na tagumpay ng banal na pagtuturo sa ikaluluwalhati ng ating Dakilang Tagapagturo, ang Soberanong Panginoong Jehova.
Ano ba ang Natutuhan Mo?
◻ Ano ang maaaring maging epekto sa ating buhay ng banal na pagtuturo?
◻ Papaano tumutugon sa mga pangangailangang pang-edukasyon ang pagtuturo ni Jehova?
◻ Ano ang kapaki-pakinabang na epekto ng banal na pagtuturo sa ating pag-iisip at saloobin?
◻ Papaano napatutunayang kapaki-pakinabang ang pagtuturo ng Diyos kung tungkol sa mga ugnayan ng tao?
[Larawan sa pahina 15]
Ipinakikita sa atin ng banal na pagtuturo kung papaano lalakad na kaalinsabay ng Diyos, gaya ni Noe
[Larawan sa pahina 17]
Ang mga tao sa lahat ng bansa ay dumadagsa sa bundok ni Jehova