Upang Masiyahan sa Musika—Ano ang Pinaka-Susi?
SA SINAUNANG sanlibutan ay laganap ang imoralidad at idolatriya. Sa gayon, nakita ni apostol Pablo na kailangang magbigay ng napakatitinding payo tungkol sa asal Kristiyano. Sa kongregasyon sa Efeso ay sumulat siya: “Ito, samakatuwid, ay sinasabi at pinatotohanan ko alang-alang sa Panginoon, na kayo’y hindi na lumalakad na gaya ng mga bansa sa kawalang-kawawaan ng kanilang mga isip, samantalang nasa kadiliman sila ng pag-iisip, at hiwalay sa buhay na nauukol sa Diyos, dahil sa kanilang kawalang-alam, dahil sa kawalan ng pakiramdam ng kanilang mga puso.”—Efeso 4:17, 18.
Hindi ba iyan ay isa ring mabuting paglalarawan sa kalagayan ng mga bagay-bagay ngayon? Ito’y sumasaklaw sa larangan ng musika. Ang malaking bahagi ng modernong musika ay makikitaan ng isang istilo na ‘malayo sa buhay na may kabanalan.’ Malimit na ipinakikita ng liriko ang isang ‘pusong walang pakiramdam,’ salat sa kabaitan o kaawaan.
Subalit pinahigitan pa ni Pablo ang kaniyang payo sa pamamagitan ng pagsasabi: “Nang pumurol na ang kanilang pandama ng tama at mali, kanilang pinayagang sila’y madala ng pita ng sekso at may kasabikang nagtaguyod ng isang karera ng lahat ng uri ng kawalang pagkadisente.”—Efeso 4:19, The Jerusalem Bible.
Ang ‘sabik na pagtataguyod ng isang karera ng kawalang-pagkadisente’ na ito ay makikita sa karamihan ng musika sa ngayon. Ang liriko at ang musikal na layunin ay nagbubuyo sa kapahamakan sa isang henerasyon na lutung-luto sa sekso, karahasan, droga, at kalayawan. Papaano ba dapat malasin ng mga Kristiyano ang ganiyang mga bisyo? Pansinin ang mga salita ni Pablo: “Ngayon ay hindi ganiyan ang inyong natutuhan sa Kristo, maliban na kung hindi wasto ang pagkarinig ninyo sa kaniya nang kayo’y turuan ng katotohanan na nasa kay Jesus.”—Efeso 4:20, 21, JB.
“Isang Espirituwal na Rebolusyon” ang Kinakailangan
Papaano natin maikakapit ang payong ito kung tungkol sa musika na makikitaan ng espiritu ng sanlibutan? Sa bagay na, kung mayroon tayo ng “isip ni Kristo,” samakatuwid nga, kung taglay natin ang kaniyang saloobin ng pag-iisip, tayo’y hindi maghahangad na makinig sa musika na makalupa, makahayop, makademonyo.”—1 Corinto 2:16; Santiago 3:15.
Ngunit baka itanong mo, ‘Papaano ko ba mababago ang aking pakilasa sa musika?’ Muli tayong tinutulungan ni Pablo, sapagkat kaniyang sinasabi: “Kailangang iwanan mo ang iyong dating pamumuhay; itabi mo ang iyong dating sarili, na sumasamâ nang sumasamâ dahil sa pagsunod sa mga pita ng maling haka-haka. Ang inyong pag-iisip ay kailangang baguhin sa pamamagitan ng isang espirituwal na rebolusyon.”—Efeso 4:22, 23, JB.
Nariyan ang sagot, pagbabago ng isip sa pamamagitan ng isang espirituwal na rebolusyon. Kasangkot dito hindi lamang ang ating panlasa sa musika. Kailangan dito ang isang panibagong edukasyon, ang pagtataas ng mga pamantayan at mga bagay na minamahalaga. Ito’y nangangahulugan ng pagbabago sa paraan ng ating pag-iisip, isang naiibang huwego ng mga bagay na pagkakakilanlan. At kailangang makita ang mga bagay-bagay buhat sa punto-de-vista ng Diyos at ni Kristo. Gaya ng malinaw na sinabi ni Pablo: “Sa kumakain ka man o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin mo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”—1 Corinto 10:31.
Karamihan ng modernong musika ay walang naidudulot na kaluwalhatian sa Diyos. Bagkus, hinahamak nito yaong mga bagay na minamahalaga ng mga Kristiyano at dahil doon ay marami ang handang mamatay sa mga bilangguan at mga concentration camp. Kung gayon, bakit nga ituturing natin na isang sakripisyo kung kailangang gumawa tayo ng pagbabago sa ating pakilasa sa musika upang huwag nating ‘ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay sa sanlibutan’?—1 Juan 2:15-17.
Mabuting Musika—Ano ang Pinaka-Susi?
Kung, dahil sa ating pagtatangi sa mga simulain ng Kasulatan, ating tinanggihan ang mababang-uring musika, ano naman ang ating maihahalili roon? Bueno, bakit hindi magsaliksik sa mga bagong pitak ng musika? Baka ang mga ito ay lalong higit na kasiya-siya at nagpapatibay kaysa roon sa musikang ibig natin noong nakaraan. Halimbawa, isang dating musikero ng tugtuging rock ang ganito ang sinabi tungkol sa mga pagbabagong ginawa niya:
“Kinailangang gumawa ako ng pagsisikap na iwanan ang masagwang tugtuging rock at lumipat sa kinalulugdang popular na klase ng musika at mas malalim na musikang klasikal. Subalit nang matanto ko na may lalong higit na linamnam ang mga yaon at na hindi ko na maaatim na sumunod sa diwa ng karamihan ng modernong musika, yaon ay naging mas madali at lalong kasiya-siya. Biglang-biglang naging kaaya-aya iyon. Natanto ko na nakaligtaan ko iyon dahilan sa dati’y may maling akala ako sa ibang klase ng musika.”
Mayroong malawak na larangan ang musikang klasikal, at pati na rin ang katutubo at ang ilang modernong musika, na mayroong mabuting melodiya, malinis na liriko, at hindi nagpapahayag ng isang pilosopya na labag sa mga simulain ng Bibliya. Ang pinaka-susi ay makákita ng musika na iyong kalulugdan at hindi makapagpapasamâ sa ating kaisipan, ang musika na ‘matuwid, malinis, may mabuting ulat, marangal, at kapuri-puri.’—Filipos 4:8.
Ang Bahagi ng Musika sa Buhay ng Isang Kristiyano
Para sa iba, ang isang paraan ng pagtatamasa ng kasiyahan sa mabuting musika ay ang pag-awit o pagkatuto na tumugtog ng isang instrumento. Malaking kaluguran ang makukuha sa solo at panggrupong mga pag-aawitan kasama ng iyong pamilya at mga kaibigan. Gayunman, tulad sa lahat ng bagay ang kailangan mo ay maging timbang ka. Ang libangan o isang aliwan ay hindi dapat pag-ubusan ng labis na atensiyon ng isang Kristiyano. Kung sakaling mangyari ang ganiyan, kahit na ang mabuting musika, dahil sa kalabisan, ay magkakaroon ng masasamang epekto. Kung magkagayon ay nasa panganib ang Kristiyano na maging ‘maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos.’—2 Timoteo 3:4.
Ang musika ay isa ring mahalagang bahagi ng ating pagsamba kay Jehova. Sa sinaunang Israel, si Asaph at ang kaniyang mga kapatid ay nagsiawit: “Magpasalamat kay Jehova, kayong mga tao; tumawag sa kaniyang pangalan, ipakilala ang kaniyang mga gawa sa gitna ng mga bayan! Magsiawit kayo sa kaniya, magsiawit kayo ng mga papuri sa kaniya, salitain ninyo ang lahat niyang kamangha-manghang mga gawa.” Oo, ang musika ay makapupuri sa Diyos at makalulugod sa kaniya.—1 Cronica 16:8, 9.
Ang mga awit sa Kaharian na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga Kingdom Hall ay nakasalig sa mga teksto sa Bibliya, sa mga salmo, mga panalangin, at mga turo. Hindi baga tayo lubhang masisiyahan sa banal na musikang ito? At hindi ba dapat nating ipakita ang ating kagalakan sa pamamagitan ng pag-awit ng mga awit na ito nang may damdamin at kasiglahan? Kahit na sa mga ibang okasyon bukod sa mga pulong Kristiyano, hindi baga mapagagaan ang ating buhay ng magagandang kaayusan ng mga awit na ito na tinatawag na Kingdom Melodies?
Sa mga tumutugtog na orkestra, lahat ng mga tumutugtog ay mga Saksi ni Jehova. Ang iba ay mga propesyonal na tumutugtog sa mga symphony orkestra. Ang mga iba naman, kasali na ang dating manunugtog ng rock na sinipi sa itaas, ay may talentong mga kabataan na tumutugtog ng maraming klase ng disenteng musika. Sila’y hindi nag-iisip na lugi sila dahil sa itinakuwil na nila ang musika na makikitaan ng mga saloobing makalupa, makademonyo. Ang kanilang magagandang halimbawa ay patotoo na tayo man, kung papayagan nating mga simulain ng Bibliya ang umugit sa ating pinipiling musika, ay makasusumpong ng malaking kagalakan sa musika, sekular at gayundin sagrado.—Efeso 5:18-20.
[Kahon sa pahina 28]
“Ang tugtuging rock ay may iisang bagay lamang na nakaaakit, isang makabarbarong pang-aakit, sa seksuwal na pita—hindi pag-ibig, hindi eros, kundi seksuwal na pitang hindi pa nalilinang at natuturuan. . . . Ang mga kabataa’y may kabatiran na ang tugtuging rock ay may kumpas ng seksuwal na pagtatalik.”—The Closing of the American Mind, ni Allan Bloom.