PANGANGALUNYA
Ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ang pangangalunya ay karaniwan nang tumutukoy sa kusang seksuwal na pakikipagtalik ng isang taong may-asawa sa isang di-kasekso na hindi niya asawa, o, noong panahong may bisa pa ang Kautusang Mosaiko, ang pakikipagtalik ng sinumang lalaki sa isang babaing may-asawa o ikakasal pa lamang. Ang salitang-ugat na Hebreo na nangangahulugang “mangalunya” ay na·ʼaphʹ, samantalang ang katumbas naman nito sa Griego ay moi·kheuʹo.—Eze 16:32, tlb sa Rbi8; Mat 5:32, tlb sa Rbi8.
Sa ilang primitibong lipunan, ipinahihintulot ang pakikipagtalik ng isa sa sinumang katribo niya, ngunit itinuturing na pangangalunya ang pakikipagtalik sa hindi katribo. Tungkol sa kasaysayan ng pangangalunya, ang Funk & Wagnalls Standard Dictionary of Folklore, Mythology and Legend (1949, Tomo 1, p. 15) ay nagsabi: “Nangyayari ito sa lahat ng bahagi ng daigdig at bagaman itinuturing itong masama sa maraming kultura, lubhang popular ito sa lahat ng kultura at sa lahat ng panahon.” Pinatutunayan ng mga bantayog na laganap ito sa sinaunang Ehipto, anupat ang asawa ni Potipar, na nagpumilit na sipingan siya ni Jose, ay isa sa mga Ehipsiyong mapangalunya. (Gen 39:7, 10) Noon pa man at maging sa ngayon, ang pangangalunya ay karaniwan nang ipinagbabawal, ngunit bihirang mapatawan ng kaparusahan ang mga nangangalunya.
Dahil sa kautusan ni Jehova, naibukod ang Israel sa nakapalibot na mga bansa at naging mas mataas ang moral na kalagayan ng pag-aasawa at buhay pampamilya nito kaysa sa moralidad ng mga bansang iyon. Ang ikapitong utos ng Dekalogo ay tuwiran at malinaw na nagsasabi: “Huwag kang mangangalunya.” (Exo 20:14; Deu 5:18; Luc 18:20) Ipinagbawal ang panghihimasok sa nasasakupan ng iba sa pamamagitan ng pangangalunya, gayundin ang iba pang mga anyo ng maling paggawi sa sekso.—Tingnan ang PAKIKIAPID; PATUTOT.
Sa ilalim ng Kautusan ni Moises, mabigat ang parusa para sa pangangalunya—kamatayan para sa dalawang nagkasala: “Kung ang isang lalaki ay masumpungang sumisiping sa isang babaing pag-aari ng isang may-ari, silang dalawa ay dapat ngang mamatay na magkasama.” Ito ay kapit maging sa isang babaing ikakasal pa lamang, anupat itinuturing siyang nangalunya kung sumiping siya sa isang lalaki na hindi niya katipan. (Deu 22:22-24) Kung ang isang asawang babae ay pinaghihinalaang nangalunya, kailangan siyang sumailalim sa isang pagsubok.—Bil 5:11-31; tingnan ang HITA.
Ang mga Kristiyano, bagaman wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ay dapat ding umiwas sa pangangalunya. “Sapagkat ang kodigo ng kautusan, ‘Huwag kang mangangalunya,’ . . . ay nabubuo sa salitang ito, samakatuwid nga, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’” Hindi maaaring magkaroon ng pagpapaimbabaw sa bagay na ito. (Ro 13:9; 2:22) Sa pagtuturo ng mga simulain ng Bibliya, lalo pang itinaas ni Jesus ang moral na pamantayan para sa mga Kristiyano. Pinalawak niya ang saklaw ng pangangalunya, anupat sinabi niyang hindi lamang ito tumutukoy sa seksuwal na kaugnayan ng isang lalaki sa isang babaing hindi niya asawa: “Bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” Ang gayong mga lalaki ay “may mga matang punô ng pangangalunya.”—Mat 5:27, 28; 2Pe 2:14.
Itinawag-pansin din ni Jesus na kung makipagdiborsiyo ang asawang lalaki o asawang babae, maliban sa saligan ng pakikiapid (sa Gr., por·neiʹa), ang muling pag-aasawa ng sinuman sa kanila ay ituturing na pangangalunya. Maging ang lalaking walang asawa na kumuha sa gayong babaing diniborsiyo bilang kaniyang asawa ay nagkakasala ng pangangalunya.—Mat 5:32; 19:9; Mar 10:11, 12; Luc 16:18; Ro 7:2, 3.
Ang pangangalunya ay ‘pagkakasala laban sa Diyos.’ (Gen 39:9) Hahatulan ni Jehova ang mga nagkakasala ng pangangalunya, at walang sinumang nagpapatuloy sa gayong landasin ang “magmamana ng kaharian ng Diyos.” (Mal 3:5; 1Co 6:9, 10; Heb 13:4) Totoong-totoo nga ang kawikaan: “Ang sinumang nangangalunya sa isang babae ay kapos ang puso; siyang gumagawa nito ay nagpapahamak ng kaniyang sariling kaluluwa.”—Kaw 6:32-35.
Paano maaaring magkasala ang isang tao ng espirituwal na pangangalunya?
Sa espirituwal na diwa, ang pangangalunya ay tumutukoy sa pagiging di-tapat kay Jehova niyaong mga may pakikipagtipan sa kaniya. Samakatuwid, ang likas na Israel na nasa ilalim ng tipang Kautusan ay nagkasala ng espirituwal na pangangalunya dahil sa pagsasagawa ng mga gawaing ukol sa huwad na relihiyon, gaya ng mga ritwal ng pagsamba sa sekso at pagwawalang-bahala sa ikapitong utos. (Jer 3:8, 9; 5:7, 8; 9:2; 13:27; 23:10; Os 7:4) Sa ganito ring kadahilanan, tinuligsa ni Jesus ang salinlahi ng mga Judio noong kaniyang mga araw bilang mapangalunya. (Mat 12:39; Mar 8:38) Gayundin naman sa ngayon, kapag ang mga Kristiyanong nakaalay kay Jehova at kabilang sa bagong tipan ay nagpaparungis ng kanilang sarili sa kasalukuyang sistema ng mga bagay, nagkakasala sila ng espirituwal na pangangalunya.—San 4:4.