Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 1—4026-2370 B.C.E.—Pagkakabaha-bahagi ng Relihiyon—Kung Paano Ito Nagsimula
“Ang tao ayon sa kaniyang kayarian ay isang relihiyosong hayop.”—Edmund Burke, ika-18 siglong estadistang Irlandes
ANG tao ay may katutubong pangangailangan na sumamba. Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi na “sang-ayon sa natuklasan ng mga iskolar, walang umiral na tao, saanman, sa anumang panahon, na sa paano man ay hindi relihiyoso.” Buhat sa pasimula ng sangkatauhan, ang lalaki at babae ay makatuwirang bumaling sa pagsamba sa kanilang Maylikha. Iginagalang nila siya bilang ang Autoridad na magbibigay sa kanila ng patnubay at payo. Sa gayon, sa lahat ng balak at layunin, ang pasimula ng relihiyon sa lupa ay kasabay ng paglikha kay Adan. Sang-ayon sa kronolohiya ng Bibliya, ito’y noong taóng 4026 B.C.E.
Ang ilan ay maaaring tumutol sa paggamit ng katagang “paglikha kay Adan.” Subalit nakaharap kamakailan ng hindi napatunayang teoriya ng ebolusyon ang matinding mga balakid, kahit na mula sa mga tagapagtaguyod nito mismo. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? na lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Ngayon, hindi maaaring tutulan ng isang tao na ang ulat ng Bibliya tungkol sa iisang pinagmulan ng tao ay hindi siyentipiko. Isang artikulo sa 1988 na Newsweek ay nag-uulat na ang mga dalubhasa sa genetiks ay waring sumasang-ayon ngayon na ang modernong tao ay nagmula sa iisang ina. Sinisipi nito ang paleontologo sa Harvard na si S. J. Gould na nagsasabing “ang lahat ng tao, sa kabila ng mga pagkakaiba sa panlabas na hitsura, ay talagang miyembro ng iisang uri na kailan lamang nagsimula sa isang lugar.” Susog pa niya: “May biyolohikal na kapatiran na mas masidhi kaysa inaakala natin.”
Ang mga katotohanang ito ay nagpapatunay sa kawastuan ng Bibliya. Ipinahihiwatig nito na wala tayong dahilan upang pag-alinlanganan ang paliwanag nito sa kung paano nagsimula ang salungatan ng mga kuru-kuro sa relihiyon.
Kung Paano Naging Dalawa ang Isang Relihiyon
Ang The Encyclopedia of Religion ay nagsasabi na halos lahat ng kilalang relihiyon ay may mga paniwala na, bagaman nagkakaiba sa detalye, ay kataka-takang magkahawig. Halimbawa, sila’y naniniwala na ang sangkatauhan ay nahulog mula sa isang dating may sinang-ayunang katayuan sa harap ng Diyos, na ang kamatayan ay hindi likas, at na ang hain ay kailangan upang makamit muli ang pagsang-ayon ng Diyos. Ito ay matibay na ebidensiya na nagpapakitang ang lahat ng mga relihiyon sa ngayon ay may iisang pinagmulan.
Ipinaliliwanag ng Bibliya kung paano ito nangyari. Sinasabi nito sa atin na tinanggihan ng unang lalaki at babae ang patnubay ng Diyos at bumaling sila sa ibang pinagmumulan para sa patnubay at payo. Maliwanag na bagaman wala silang kabatiran kay Satanas at sa kaniyang paghihimagsik laban sa Diyos, sila ay kumuha ng sariling landasin at sinunod ang payo ng isang nilikha, na kinakatawan ng ahas, sa halip na sundin ang Maylikha. Nang maglaon ay isiniwalat ng Bibliya na si Satanas ang tunay na tinig sa likod ng nanlinlang na ahas.—Genesis 2:16–3:24; Apocalipsis 12:9.
Sa gayon ang tao ay umalis sa ilalim ng teokratikong pamamahala at nagtatag ng kaniyang sariling mga pamantayan ng mabuti at masama. Sa pamamagitan ng kanilang sariling pagkilos, inilagay nina Adan at Eva ang sangkatauhan sa isang landasin na maaaring magbunga ng maraming iba’t ibang relihiyon, lahat ng ito’y bubuo sa huwad na pagsamba na kabaligtaran ng tunay na pagsamba na isinasagawa ng tapat na mga saksi ni Jehova sa buong kasaysayan. Tuwiran o di-tuwiran, ang nakinabang sa huwad na pagsambang iyon ay ang dakilang Kaaway, si Satanas. Kaya naman, naisulat ni apostol Pablo: “Ang mga bagay na inihahain ng mga bansa ay kanilang inihahain sa mga demonyo, at hindi sa Diyos; at hindi ko ibig na kayo’y makisalo sa mga demonyo.” Ipinakita pa niya na may dalawa lamang anyo ng pagsamba, na sinasabi: “Hindi ninyo maiinuman ang kopa ni Jehova at ang kopa ng mga demonyo; hindi kayo maaaring makisalo sa ‘mesa ni Jehova’ at sa mesa ng mga demonyo.”—1 Corinto 10:20, 21.
Samakatuwid, sinimulan ng paghihimagsik ni Adan ang ikalawang anyo ng pagsamba, isa na naglagay sa nilikha na una sa Maylikha. At ang tunay na tagapagtaguyod ng bagong relihiyon na iyon ay ang bagong sariling-hirang na “diyos,” si Satanas na Diyablo.—2 Corinto 4:4; 1 Juan 5:19.
Ang unang dalawang anak na lalaki nina Adan at Eva, sina Cain at Abel, ay naghandog ng hain sa Maylikha, nagpapahiwatig na sila ay kapuwa relihiyoso. Gayunman, ipinakikita ng sumunod na mga pangyayari na sila ay hindi nagkakaisa sa relihiyosong paraan. Ito ay nangyari ng wala pang 130 taon sa kasaysayan ng tao, nang ang hain na ginawa ni Abel ay tinanggap ng Maylikha, samantalang ang kay Cain ay tinanggihan. Maliwanag, hindi basta tinatanggap ng Diyos ang anumang personal na relihiyon. Ang bagay na ito ay nakagalit kay Cain at nag-udyok sa kaniya na patayin ang kaniyang kapatid.—Genesis 4:1-12; 1 Juan 3:12.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng tao, dinungisan ng relihiyosong pagkapoot ang lupa ng walang salang dugo. Hindi ito ang magiging kahulihan. “Marahil kalahati o higit pang mga digmaang ipinakikipaglaban ngayon sa buong daigdig ay alin sa hayagang relihiyosong mga labanan o kinasasangkutan ng relihiyosong mga alitan,” sabi ng kolumnista ng isang makabagong-panahong pahayagan.
Noong panahon ni Enos, isang pamangkin ni Cain at ni Abel, “noon ay pinasimulan ang pagtawag sa pangalan ni Jehova.” (Genesis 4:26) Yamang dati nang sinimulan ni Abel ang pagtawag sa pangalan ng Diyos sa pananampalataya, itong binabanggit na “pagtawag sa pangalan ni Jehova” ay nangangahulugan na sinimulang gamitin ng mga tao ang pangalan sa walang kabanalan o sa mababang paraan. Maliwanag na ito ay isang kaso ng relihiyosong pagpapaimbabaw.
Ang Judiong Jerusalem Targum, o pagpapakahulugan, ay nagsasabi: “Iyon ang salinlahi na noong mga panahong iyon sila ay nagsimulang magkasala, at sila’y gumawa para sa kanilang sarili ng mga diyus-diyusan, at pinanganlan ang kanilang mga diyus-diyusan sa pangalan ng Salita ng Panginoon.” Ang idolatriya, kalakip ang pagkukunwaring kinakatawan ang Diyos, ang naging katangian ng huwad na relihiyon mula noon.
Sa Judas 14, 15, mababasa natin ang hula ng tapat na si Enoc tungkol sa idolatrosong sangkatauhan noong unang milenyong iyon. Sabi niya: “Narito! dumating si Jehova kasama ang kaniyang laksa-laksang mga banal, upang isagawa ang paghuhukom sa lahat, at upang hatulan ang lahat ng masasama sa lahat ng kanilang mga gawang masama na kanilang ginawang may kasamaan, at sa lahat ng nakagigitlang mga bagay na sinalita laban sa kaniya ng mga makasalanang masasama.” Ang hulang ito ay natupad noong ikalawang milenyo ng kasaysayan ng tao, nang ang huwad na relihiyon ay palasak. Maaaring kabilang sa kasamaang iyon ang pag-idolo sa mga anghel na sa pagsuway sa Diyos ay nagkatawang-tao sa lupa at nag-asawa sa “mga anak na babae ng tao,” na nagbunga ng isang mistisong lahi ng “makapangyarihan nang unang panahon, mga lalaking bantog.”—Genesis 6:4.
Si Noe, gayunman, “ay nakasumpong ng biyaya sa mga mata ni Jehova” sapagkat siya ay “lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Genesis 6:8, 9) Siya at ang kaniyang pamilya, isang kabuuan ng walong tagapagtaguyod ng tunay na relihiyon, ay lubhang nahihigitan sa bilang ng mga balakyot. Sapagkat ang huwad na relihiyon at yaong nagsasagawa nito ay nakararami, “ang kasamaan ng tao ay sagana sa lupa,” at “ang lupa ay napuno ng karahasan.” (Genesis 6:5, 11) Pinasapit ng Diyos ang isang baha upang lipulin ang mga taong nagsasagawa ng huwad na relihiyon. Tanging si Noe at ang kaniyang pamilya ang nakaligtas sa ilalim ng proteksiyon ng Diyos, isang sapat na dahilan upang sila pagkatapos ay “magtayo ng isang dambana kay Jehova” bilang isang pagkilos ng tunay na pagsamba. (Genesis 8:20) Maliwanag na ipinakilala ng Baha kung alin sa dalawang sistema ng relihiyon na umiiral noong panahon ni Noe ang tunay at alin ang huwad.
Ang nauuna ay salig sa batayan na ang ulat ng Bibliya ay totoo. Subalit karagdagan pa sa mga patotoo na binanggit sa simula ng ating artikulo, tingnan ang katibayan na inihaharap sa kahon na “Nagkaroon Nga ba ng Isang Pangglobong Baha?”
Ang Kinabukasan ng Relihiyon—Ang Kinabukasan Mo
Ang pagtatamo ng kaalaman tungkol sa kahapon ng relihiyon ay mahalaga sapagkat mayroon lamang dalawang uri ng relihiyon—isang kanais-nais sa Maylikha ng tao at ang isa’y maliwanag na hindi kanais-nais. Makatuwiran, kung gayon, upang ang isang tao’y sang-ayunan ng Maylikha, ang kaniyang palagay tungkol sa relihiyon ay dapat na katulad ng mga palagay ng Maylikha. Huwag kaligtaan na lahat tayo ay nasasangkot sapagkat ang “tao ayon sa kaniyang kayarian ay isang relihiyosong hayop.”
Sa pagtingin sa kahapon ng relihiyon, gawin natin iyon na taglay ang isang bukás na isipan, mas mahalaga, na may bukás na puso. Kailanma’t isang partikular na relihiyon ay sumasailalim ng pagsusuri, huminto tayo at tanungin natin ang ating mga sarili kung baga ang mga turo nito ay madaling maunawaan, maliwanag, at makatuwiran. At kumusta naman ang mga nagawa nito? Nagawa ba nitong maging mas malapit sa Maylikha ang mga miyembro nito sa pamamagitan ng pagkikintal sa kanilang isipan ng kahalagahan ng pagsunod sa kaniyang mga utos, o sa halip ay pinabayaan ba nitong magtatag sila ng kani-kanilang mga pamantayan ng paggawi? Naturuan ba ng relihiyon ang mga tao na magtiwala sa Diyos upang lutasin ang mga problema ng daigdig? O sa halip ay iniligaw ba sila nito na magtiwalang lulutasin ito sa pulitikal na mga paraan? Itinaguyod ba nito ang pagkakaisa at kapayapaan sa gitna ng mga maninirahan ng lupa, o sa halip ay sinulsulan ba nito ang pagkakabaha-bahagi at mga digmaan?
Ang mga ito at ang iba pang mga katanungan ay tutulong sa atin na makilala ang isang orihinal na relihiyon na ipinakilala ng Maylikha ng tao at ang maraming huwad na uri na ipinakilala ng kaniyang kaaway.
Ang relihiyon ba ay kasangkot sa kasalukuyang pagkasira at pagguho ng moralidad? Maikling tatalakayin ng susunod na artikulo ang tanong na iyan.
[Kahon sa pahina 7]
Nagkaroon Nga ba ng Isang Pangglobong Baha?
“Malayong mangyari na ang Baha na binabanggit sa Genesis ay isang di-tiyak na pangyayari sa heolohikal na panahon kamakailan sapagkat ito ay angkop na angkop sa gayong panahon . . . Sa katunayan malamang na ito nga ang panahon para sa gayong mabilis at marahas na kaguluhan.”—The Flood Reconsidered.
“Nahukay din ng arkeolohiya ang iba pang bersiyon ng kuwento [ng Genesis] tungkol sa Delubyo . . . Ang pagkakahawig ay mas kapuna-puna kaysa mga pagkakaiba.”—Digging Up the Bible Lands.
“Isang pandaigdig na kalamidad kung saan ang lupa ay inapawan o lumubog sa tubig [ay] isang kuru-kurong nasumpungan sa halos lahat ng alamat sa daigdig. . . . Sa alamat ng mga Inca ito ay gawa ng kataas-taasang diyos, si Viracocha, na hindi nasiyahan sa mga tao noong una at nagpasiyang lipulin sila.”—Funk and Wagnalls Standard Dictionary of Folklore, Mythology and Legend.
“Lalo pang nakakahawig ng ulat ng Genesis ay makikita sa isa pang Babilonikong tulang epiko na ang bayani ay nagtataglay ng ngalang Gilgamesh. . . . Malamang na ito ay umiral noong bandang pasimula ng ikalawang milenyo. . . . [Tapyas na luwad XI] ay talagang buo, sa gayo’y naglalaan ng pinakakompletong bersiyon ng kuwento ng delubyo sa sulat cuneiform.”—Encyclopædia Judaica.
“Gaya ng mga Hebreo, Babiloniko, Griego, mga taga-Scandinavia, at iba pang mga tao sa Matandang Daigdig, maraming tribong Indyan sa Hilaga at Timog Amerika ang may mga tradisyon tungkol sa Delubyo. . . . ‘Nang dumating ang unang mga misyonero’ . . . , iniulat ni Reberendo Myron Eells noong 1878, ‘nasumpungan nila ang mga Indyan na iyon ay may mga tradisyon tungkol sa isang baha, at na isang lalaki at ang kaniyang asawa ay nakaligtas sakay ng isang balsa.’”—Indian Legends of the Pacific Northwest.