PERGAMO
[Kuta; Akropolis].
Isang lunsod ng Misia sa HK bahagi ng Turkey ng Asia (Asia Minor) at lokasyon ng isa sa pitong kongregasyon na sinulatan ng apostol na si Juan ng mga liham gaya ng nakaulat sa Apocalipsis. (Apo 1:11; 2:12-17) Ang lunsod na ito ay mga 80 km (50 mi) sa H ng Smirna (makabagong Izmir) at mga 25 km (15 mi) mula sa baybayin ng Dagat Aegeano. Malapit sa lugar ng sinaunang Pergamo ang makabagong Bergama. Noong una, ang Pergamo ay isang tanggulan na nasa isang matarik at nakabukod na burol sa pagitan ng dalawang ilog. Nang maglaon, ang lunsod ay lumawak hanggang sa libis sa ibaba, at ang burol ang naging akropolis.
Kasaysayan. Hindi matiyak kung saan nagmula ang taong-bayan ng Pergamo, ngunit itinuturo ng ilang katibayan ang Acaya sa Gresya. Pagsapit ng 420 B.C.E., ang lunsod ay gumagawa na ng mga barya, at nang sumunod na siglo ay binanggit ni Xenophon ang lunsod. Pagkamatay ni Alejandrong Dakila, naging bahagi ito ng teritoryo ni Lysimachus. Ang tenyente ni Lysimachus na si Philetaerus ang naging tagapamahala ng lunsod at ng nakapalibot na teritoryo, anupat nagsimula sa kaniya ang paghahari ng mga Attalid na sa ilalim ng mga ito ay naging mayaman at mahalagang lunsod ang Pergamo. Pumanig si Haring Attalus I (241-197 B.C.E.) sa mga Romano laban sa mga taga-Macedonia. Ang kaniyang kahalili, si Eumenes II, ay nagtayo ng isang pagkalaki-laking aklatan na naging karibal ng bantog na aklatan sa Alejandria. Ipinapalagay na noong panahong iyon naimbento sa lunsod ang sulatáng pergamino (pergamena charta). Gayundin, noong yugtong iyon, nakontrol ng kaharian ng Pergamo ang kalakhan ng K Asia Minor. Noong 133 B.C.E. nang malapit nang mamatay si Attalus III, isinalin niya sa Roma ang Pergamo, sa gayon ang lunsod ay naging kabisera ng Romanong probinsiya ng Asia. (Tingnan ang ASIA.) Kahit noong hindi na ito ang kabisera, naging napakahalaga pa rin ng Pergamo bilang isang opisyal na sentro ng administrasyon.
Relihiyon ng Pergamo. Ang paganong relihiyon ay lubhang binigyang-diin sa Pergamo. Waring tumakas ang mga Caldeong Mago (mga astrologo) mula sa Babilonya patungong Pergamo, anupat itinatag nila roon ang kanilang pangunahing kolehiyo. Si Eumenes II ay nagtayo ng isang malaking altar na marmol para sa diyos na si Zeus upang ipagdiwang ang paglupig niya sa mga Gaul. Ang mga labí nito ay nahukay at nagpapakitang pinalamutian ito ng isang napakalaking relyebe na naglalarawan ng mga diyos na nakikipagbaka sa mga higante. (LARAWAN, Tomo 2, p. 945) Dinayo ng mga maysakit mula sa lahat ng bahagi ng Asia ang Pergamo dahil sa templo rito ni Asclepius, ang diyos ng pagpapagaling at medisina.
Ang isang lalo nang kapansin-pansing aspekto ng relihiyon sa Pergamo ay ang pagsamba nito sa mga pulitikal na tagapamahala. Ang lunsod ay nagtayo ng isang maringal na templo para sa pagsamba kay Cesar Augusto. Sa gayon ay ito ang unang lunsod na may templong nakaalay sa kulto ng pagsamba sa emperador. Noong mga araw ng mga emperador na sina Trajan at Severus, dalawa pang gayong templo ang itinayo roon, anupat tinawag ng Encyclopædia Britannica ang Pergamo bilang “ang pangunahing sentro ng kulto ng pagsamba sa emperador sa ilalim ng sinaunang imperyo.” (1959, Tomo 17, p. 507) May kaugnayan sa pulitika, walang alinlangang pinagkaisa ng gayong pagsamba sa Romanong emperador ang lahat ng iba’t ibang bansa na nalupig ng imperyo sa ilalim ng iisang diyos; bawat isa sa mga ito ay maaaring sumamba sa kanilang lokal o pambansang mga diyos, ngunit lahat ay dapat ding sumamba sa emperador.
“Sa Kinaroroonan ng Trono ni Satanas.” Sa liham ng apostol na si Juan sa kongregasyon sa Pergamo, binanggit niya na ang lunsod ay nasa dako “kung saan tumatahan si Satanas” at sa gayon ay naninirahan ang mga Kristiyano “sa kinaroroonan ng trono ni Satanas.” (Apo 2:13) “Ang parirala ay iniugnay sa kalipunan ng mga paganong kulto, . . . ngunit malamang na ang pangunahing ipinahihiwatig nito ay ang pagsamba sa emperador. Dito, ang pagsamba sa diyos na emperador ay ginawang sukatan ng pagkamatapat ng mga mamamayan sa ilalim ni Domitian.” (New Bible Dictionary, inedit ni J. Douglas, 1985, p. 912) Yamang ang pagpatay kay Antipas bilang martir ay binabanggit sa talata ring iyon kasama ng “trono ni Satanas,” maaaring pinatay si Antipas dahil sa pagtanggi niyang sumamba kay Cesar.
Marahil ang isang karagdagang salik na may kaugnayan sa pagkilala “sa kinaroroonan ng trono ni Satanas” ay ang prominenteng pagsamba kay Zeus, o Jupiter, ang pangunahing diyos sa lahat ng mga paganong diyos at diyosa. Sinasabi ng alamat na mula sa burol na pinagtayuan ng Pergamo, nasaksihan ng ilang diyos ang kapanganakan ni Zeus, at ang pagkalaki-laking altar na inilagay sa akropolis nang maglaon ay itinuturing na isa sa mga kamangha-manghang gawa ng panahong iyon. Ang mga taong sumasamba kay Zeus ay maaaring magkaroon ng ibang mga diyos ngunit dapat nilang malasin ang mga iyon bilang nakabababa sa kaniya. Gayunpaman, pinapurihan ang mga Kristiyano sa Pergamo dahil nanghawakan silang mahigpit sa kanilang bukod-tanging debosyon sa tunay na Diyos na si Jehova at hindi nila ikinaila ang pananampalataya sa kabila ng pananahanan nila “sa kinaroroonan ng trono ni Satanas.”
Ang “Turo ni Balaam.” Gayunman, sa kongregasyong ito ay may nakasisirang impluwensiya niyaong mga “nanghahawakang mahigpit sa turo ni Balaam.” (Apo 2:14) Ipinaaalaala ng pananalitang ito ang propetang taga-Mesopotamia na si Balaam, na pagkatapos ng di-matagumpay na mga pagtatangkang sumpain ang Israel ay nagmungkahing gumamit ng mga babaing pagano upang akitin ang mga Israelitang lalaki tungo sa mahalay na pagsamba sa huwad na mga diyos. Bilang resulta ng ibinungang seksuwal na imoralidad at idolatriya, 24,000 Israelita ang namatay. (Bil 25:1-18; 1Co 10:8; tingnan ang BALAAM.) Maliwanag na kinukunsinti noon ng ilan sa kongregasyon ng Pergamo, niyaong mga “nanghahawakang mahigpit sa turo ni Balaam,” ang pakikiapid.—Jud 4, 11; 2Pe 2:14, 15.
Ang ilan sa kongregasyon ay naimpluwensiyahan din ng turo ng “sekta ni Nicolas,” at hinimok silang pagsisihan iyon.—Apo 2:15, 16.