Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)

Introduksiyon sa Filipos

Introduksiyon sa Filipos

  • Manunulat: Pablo

  • Saan Isinulat: Roma

  • Natapos Isulat: mga 60-61 C.E.

Mahahalagang Impormasyon:

  • Mahal na mahal ni Pablo ang mga Kristiyano sa Filipos, at ganiyan din ang nararamdaman nila para sa kaniya. Ilang beses silang nagpadala ng pinansiyal na tulong kay Pablo. (2Co 11:9; Fil 4:10, 14-16) Sa liham ni Pablo, tinawag niya silang “mga minamahal” niya, at kahit inaasam niya ang gantimpala niya sa langit, determinado siyang manatiling buháy bilang tao alang-alang sa kanila. (Fil 1:8, 24; 2:12; 4:1) Di-tulad ng iba niyang liham, gaya sa Corinto at Galacia, hindi niya kinailangang magbigay ng matinding payo at pagtutuwid sa liham na ito. Mga pampatibay ang ibinigay niya sa liham niya sa mga taga-Filipos.

  • Kagalakan ang isa sa pangunahing tema ng liham na ito. Sa kabila ng mga pagsubok na naranasan ni Pablo, masaya pa rin siya dahil sa paglaganap ng mabuting balita, at pinasigla rin niya ang mga Kristiyano sa Filipos na magsaya.​—Fil 1:18; 2:17, 18, 28, 29; 4:1, 4, 10.

  • Ito pa ang ilang dahilan kung bakit sumulat si Pablo: (1) para pasalamatan ang mga taga-Filipos sa materyal na tulong na ipinadala nila (Fil 4:10-18); (2) para ipaliwanag kung bakit niya pinauwi si Epafrodito at hindi sila magkaroon ng maling konklusyon (Fil 2:25, 26); (3) para ipaalam sa kanila ang kalagayan niya sa Roma (Fil 1:12-26); (4) para payuhan silang magkaisa (Fil 2:1, 2; 4:2); at (5) para babalaan sila laban sa huwad na mga turo (Fil 3:1–4:1).

  • Maraming prinsipyo sa liham na ito ang makakatulong at magpapatibay sa lahat ng Kristiyano:

    • Tiyakin ang mas mahahalagang bagay, at huwag maging dahilan ng pagkakatisod ng iba.​—Fil 1:9-11, tlb.

    • Tularan ang Kristo at maging mapagpakumbaba; napapapurihan ang Diyos sa paggawa nito.​—Fil 2:5-11.

    • Patuloy na sumulong bilang Kristiyano, at patuloy na lumakad nang maayos sa gayong landasin.​—Fil 3:16.

    • Anuman ang problema, magsumamo sa Diyos para mabawasan ang pag-aalala, dahil nagbibigay siya ng kapayapaan na magbabantay sa puso at isip.​—Fil 4:6, 7.

  • Sa liham na ito ni Pablo, hindi siya direktang sumipi sa Hebreong Kasulatan, pero lumilitaw na ginamit niya itong batayan.​—Halimbawa, paghambingin ang Fil 2:15 at Deu 32:5; Fil 3:1; 4:4 at Aw 32:11; 97:12; Fil 4:5 at Aw 145:18.

  • Makikita sa mismong liham na ito at sa kaugnay na ulat sa Bibliya na isinulat ito ni Pablo noong unang pagkabilanggo niya sa Roma. Sinabi niyang alam ng “mga Guwardiya ng Pretorio” ang dahilan ng pagkakabilanggo niya, at ipinadala niya rin ang pagbati ng “mga mula sa sambahayan ni Cesar.” (Fil 1:7, 13, 14; 4:22; Gaw 28:30, 31) Pinaniniwalaang unang nabilanggo si Pablo sa Roma noong mga 59-61 C.E. Malamang na isinulat niya ang liham na ito noong mga 60 o 61 C.E., isang taon o higit pa pagdating niya sa Roma, dahil mahabang panahon ang kailangan para makarating doon si Epafrodito dala ang materyal na tulong mula sa Filipos, na mga 1,000 kilometro (600 mi) ang layo. Isa pa, bago sumulat si Pablo, nakaabot muna sa Filipos ang balita na nagkasakit si Epafrodito sa Roma, at bumalik pa sa kanila ang balita na ikinalungkot ito ng mga kapatid sa Filipos.​—Fil 2:25-30; 4:18.

  • Maraming ebidensiya ang nagpapatunay na si Pablo ang sumulat ng liham na ito. Sa liham ni Polycarp (69?-155? C.E.) sa mga taga-Filipos, binanggit niya na sumulat din si Pablo sa kanila. Sumipi rin ang mga komentarista sa Bibliya na sina Clemente ng Alejandria, Ignatius, Irenaeus, at Tertullian sa liham sa mga taga-Filipos, at sinabi nilang si Pablo ang sumulat nito. Kasama ang Filipos sa Muratorian Fragment ng ikalawang siglo C.E. at sa lahat ng iba pang sinaunang kanon. Kasama rin ito ng walong iba pang liham ni Pablo na nasa papirong codex na P46 (Papyrus Chester Beatty 2), na pinaniniwalaang mula pa noong mga 200 C.E.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share