ZACARIAS
1 Noong ikawalong buwan ng ikalawang taon ni Dario,+ ang mensaheng ito ni Jehova ay dumating sa propetang si Zacarias*+ na anak ni Berekias na anak ni Ido: 2 “Si Jehova ay nagalit nang husto sa inyong mga ama.+
3 “Sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo: “‘Manumbalik kayo sa akin,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘at manunumbalik ako sa inyo,’+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.”’
4 “‘Huwag kayong maging gaya ng inyong mga ama na sinabihan ng mga propeta noon: “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Pakisuyo, talikuran na ninyo ang inyong masamang pamumuhay at masasamang gawain.’”’+
“‘Pero hindi sila nakinig, at hindi sila nagbigay-pansin sa akin,’+ ang sabi ni Jehova.
5 “‘Nasaan na ang inyong mga ama? At ang mga propeta ba ay nabuhay magpakailanman? 6 Pero sa pamamagitan ng mga lingkod kong propeta, sinabi ko sa inyong mga ama ang mensahe at mga utos ko at ang mangyayari kung susuway sila. Nangyari ang lahat ng iyon, hindi ba?’+ Kaya nanumbalik sila sa akin at nagsabi: ‘Ginawa sa amin ni Jehova ng mga hukbo ang ipinasiya niyang gawin ayon sa naging pamumuhay at gawain namin.’”+
7 Noong ika-24 na araw ng ika-11 buwan, na buwan ng Sebat,* nang ikalawang taon ni Dario,+ ang mensaheng ito ni Jehova ay dumating sa propetang si Zacarias na anak ni Berekias na anak ni Ido: 8 “Nakakita ako ng isang pangitain sa gabi. May isang lalaking nakasakay sa isang pulang kabayo, at siya ay tumigil sa gitna ng mga puno ng mirto na nasa bangin; at sa likuran niya ay may mga kabayong pula, mamula-mulang kayumanggi, at puti.”
9 Kaya sinabi ko: “Sino ang mga ito, panginoon ko?”
Sinabi ng anghel na nakikipag-usap sa akin: “Ipapakita ko sa iyo kung sino ang mga ito.”
10 Pagkatapos, ang lalaking nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto ay nagsabi: “Ito ang mga isinugo ni Jehova para lumibot sa lupa.” 11 At sinabi nila sa anghel ni Jehova na nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto: “Lumibot kami sa lupa, at nakita naming tahimik at payapa ang buong lupa.”+
12 Kaya sinabi ng anghel ni Jehova: “O Jehova ng mga hukbo, hanggang kailan mo ipagkakait ang iyong awa sa Jerusalem at sa mga lunsod ng Juda,+ na 70 taon+ mo nang kinapopootan?”
13 Ang anghel na nakikipag-usap sa akin ay sinagot ni Jehova ng mabait at nakagiginhawang mga salita. 14 Pagkatapos, sinabi ng anghel na nakikipag-usap sa akin: “Ihayag mo, ‘Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo: “Labis ang pagmamahal ko at pagmamalasakit sa Jerusalem at sa Sion.+ 15 Galit na galit ako sa mga bansang panatag;+ bahagya lang ang galit ko,+ pero pinalaki nila ang kapahamakan.”’+
16 “Kaya ito ang sinabi ni Jehova, ‘“Babalik ako sa Jerusalem na may awa,+ at ang bahay ko ay itatayo sa kaniya,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “at isang pising panukat ang iuunat sa Jerusalem.”’+
17 “Ihayag mo pa, ‘Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo: “Ang mga lunsod ko ay muling mag-uumapaw sa mabubuting bagay; at muling pagiginhawahin ni Jehova ang Sion+ at muling pipiliin ang Jerusalem.”’”+
18 Pagkatapos, may nakita akong apat na sungay.+ 19 Kaya tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin: “Ano ang mga ito?” Sumagot siya: “Ito ang mga sungay na nagpangalat sa Juda,+ Israel,+ at Jerusalem.”+
20 Pagkatapos, may ipinakita si Jehova sa akin na apat na bihasang manggagawa. 21 Itinanong ko: “Ano ang gagawin ng mga ito?”
Sinabi niya: “Ito ang mga sungay na nagpangalat sa Juda hanggang sa walang sinumang makapagtaas ng kaniyang ulo. Ang mga ito naman ay darating para takutin sila, para ibagsak ang mga sungay ng mga bansa na nagtaas ng kanilang mga sungay laban sa lupain ng Juda para mangalat siya.”
2 Pagkatapos, may nakita akong lalaki na may hawak na pising panukat.+ 2 Kaya tinanong ko siya: “Saan ka pupunta?”
Sumagot siya: “Susukatin ko ang Jerusalem, para alamin ang lapad at haba niya.”+
3 Pagkatapos, ang anghel na nakikipag-usap sa akin ay umalis, at isa pang anghel ang dumating para salubungin siya. 4 Sinabi niya rito: “Tumakbo ka roon at sabihin mo sa kabataang lalaking iyon, ‘“Ang Jerusalem ay paninirahang+ gaya ng nayong walang pader dahil sa lahat ng tao at alagang hayop na naroon.+ 5 At ako ay magiging isang pader na apoy sa palibot niya,”+ ang sabi ni Jehova, “at pupunuin ko siya ng kaluwalhatian ko.”’”+
6 “Halikayo! Halikayo! Tumakas kayo mula sa lupain ng hilaga,”+ ang sabi ni Jehova.
“Dahil pinangalat ko kayo sa lahat ng direksiyon,”*+ ang sabi ni Jehova.
7 “Halika, Sion! Tumakas ka, ikaw na nakatirang kasama ng anak na babae ng Babilonya.+ 8 Dahil ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, na matapos luwalhatiin* ay nagsugo sa akin sa mga bansang nananamsam sa inyo:+ ‘Sinumang humihipo sa inyo ay humihipo sa itim* ng aking mata.+ 9 Kaya ngayon ay iaangat ko ang aking kamay laban sa kanila, at magiging samsam sila ng sarili nilang mga alipin.’+ At tiyak na malalaman ninyong si Jehova ng mga hukbo ang nagsugo sa akin.
10 “Humiyaw ka sa kagalakan, O anak na babae ng Sion;+ dahil ako ay dumarating,+ at maninirahan ako sa gitna mo,”+ ang sabi ni Jehova. 11 “Maraming bansa ang papanig kay Jehova sa araw na iyon,+ at sila ay magiging bayan ko; at maninirahan ako sa gitna mo.” At malalaman mo na si Jehova ng mga hukbo ang nagsugo sa akin sa iyo. 12 Kukunin ni Jehova ang Juda bilang kaniyang parte sa banal na lupa, at muli niyang pipiliin ang Jerusalem.+ 13 Tumahimik kayo, kayong mga tao, sa harap ni Jehova, dahil kikilos siya mula sa kaniyang banal na tahanan.
3 At ipinakita niya sa akin ang mataas na saserdoteng si Josue+ na nakatayo sa harap ng anghel ni Jehova, at si Satanas+ ay nakatayo sa kaniyang kanan para kalabanin siya. 2 Pagkatapos ay sinabi ng anghel ni Jehova kay Satanas: “Sawayin ka nawa ni Jehova, O Satanas,+ oo, sawayin ka nawa ni Jehova, na pumili sa Jerusalem!+ Hindi ba ang isang ito ay nasusunog na kahoy na inagaw sa apoy?”
3 Si Josue ay nakasuot ng maruming damit at nakatayo sa harap ng anghel. 4 Sinabi ng anghel sa mga nakatayo sa harap niya: “Hubarin ninyo ang marumi niyang damit.” Pagkatapos, sinabi niya sa kaniya: “Tingnan mo, inalis ko na ang pagkakamali* mo, at bibihisan ka ng maringal na damit.”+
5 Kaya sinabi ko: “Lagyan siya ng malinis na turbante sa kaniyang ulo.”+ At nilagyan nila siya sa ulo ng malinis na turbante at binihisan nila siya; at ang anghel ni Jehova ay nakatayo sa malapit. 6 Pagkatapos, sinabi ng anghel ni Jehova kay Josue: 7 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Kung lalakad ka sa aking mga daan at gagampanan mo ang mga pananagutan mo sa akin, maglilingkod ka bilang hukom sa sambahayan ko+ at pangangalagaan* mo ang mga looban ko; at malaya kang makalalapit kasama ng mga nakatayo rito.
8 “‘Makinig ka, pakisuyo, O Josue na mataas na saserdote, ikaw at ang mga kasama mong nakaupo sa harap mo, dahil ang mga lalaking ito ay nagsisilbing tanda; ipapakilala ko ang lingkod kong+ si Sibol!+ 9 Tingnan ninyo ang bato na inilagay ko sa harap ni Josue! Sa batong iyon ay may pitong mata;* at mag-uukit ako ng mga salita roon,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘at aalisin ko ang kasalanan ng lupaing iyon sa loob ng isang araw.’+
10 “‘Sa araw na iyon,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang kapuwa niya sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos.’”+
4 Bumalik ang anghel na nakipag-usap sa akin at ginising ako. Parang nakatulog kasi ako. 2 Pagkatapos, sinabi niya sa akin: “Ano ang nakikita mo?”
Kaya sinabi ko: “May nakikita akong isang kandelero na ang lahat ng bahagi ay gawa sa ginto,+ at may mangkok sa ibabaw nito. Mayroon itong pitong ilawan,+ oo, pito, at ang mga ilawan na nasa ibabaw nito ay may pitong tubo. 3 At sa tabi nito ay may dalawang punong olibo,+ isa sa kanan ng mangkok at isa sa kaliwa nito.”
4 Pagkatapos, tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin: “Ano ang ibig sabihin ng mga ito, panginoon ko?” 5 Kaya nagtanong ang anghel na nakikipag-usap sa akin: “Hindi mo alam ang ibig sabihin ng mga ito?”
Sumagot ako: “Hindi, panginoon ko.”
6 Sinabi niya sa akin: “Ito ang mensahe ni Jehova kay Zerubabel: ‘“Hindi sa pamamagitan ng hukbong militar, o sa pamamagitan ng kapangyarihan,+ kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo. 7 Sino ka, O malaking bundok? Sa harap ni Zerubabel+ ay magiging patag na lupain* ka.+ At kapag inilabas niya ang pangulong-bato ay maghihiyawan ang mga tao: “Napakaganda! Napakaganda!”’”
8 Ang mensahe ni Jehova ay muling dumating sa akin, na nagsasabi: 9 “Ang mga kamay ni Zerubabel ang gumawa ng pundasyon ng bahay na ito,+ at ang mga kamay niya mismo ang tatapos nito.+ At malalaman ninyo na si Jehova ng mga hukbo ang nagsugo sa akin sa inyo. 10 Kaya bakit ninyo hahamakin ang maliliit na bagay na nagagawa sa pasimula?+ Magsasaya sila at makikita nila ang hulog* sa kamay ni Zerubabel. Ang pitong ito ay mga mata ni Jehova, na lumilibot sa buong lupa.”+
11 Pagkatapos ay tinanong ko siya: “Ano ang ibig sabihin ng dalawang punong olibo sa kanan at sa kaliwa ng kandelero?”+ 12 Nagtanong pa ako: “Ano ang ibig sabihin ng maliliit na sanga* ng dalawang punong olibo na naglalabas ng gintong likido sa pamamagitan ng dalawang gintong tubo?”
13 Kaya tinanong niya ako: “Hindi mo alam ang ibig sabihin ng mga ito?”
Sumagot ako: “Hindi, panginoon ko.”
14 Sinabi niya: “Ito ang dalawang pinili* na nakatayo sa tabi ng Panginoon ng buong lupa.”+
5 Pagkatapos, may nakita naman akong isang lumilipad na balumbon. 2 Tinanong niya ako: “Ano ang nakikita mo?”
Sumagot ako: “May nakikita akong isang lumilipad na balumbon, na 20 siko* ang haba at 10 siko ang lapad.”
3 Pagkatapos ay sinabi niya sa akin: “Ito ang sumpa na lumilibot sa ibabaw ng buong lupa, dahil ang lahat ng nagnanakaw,+ gaya ng nakasulat sa isang panig nito, ay hindi napaparusahan; at ang lahat ng nananata,+ gaya ng nakasulat sa kabilang panig nito, ay hindi napaparusahan. 4 ‘Isinugo ko iyon,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘at papasok iyon sa bahay ng magnanakaw at sa bahay ng nananata sa pangalan ko nang may kasinungalingan; at mananatili iyon sa bahay at lalamunin ito at ang mga kahoy at bato nito.’”
5 At ang anghel na nakikipag-usap sa akin ay lumapit at nagsabi: “Pakisuyo, tingnan mo kung ano itong lumilitaw.”
6 Kaya nagtanong ako: “Ano iyon?”
Sumagot siya: “Ang lumilitaw ay ang lalagyang epa.”* Sinabi pa niya: “Ganiyan ang kanilang anyo sa buong lupa.” 7 At nakita kong iniangat ang bilog na takip na gawa sa tingga, at may isang babaeng nakaupo sa loob ng lalagyan. 8 Kaya sinabi niya: “Ito si Kasamaan.” Pagkatapos, inihagis niya ito pabalik sa lalagyang epa, at ibinalik ang takip nitong tingga.
9 Pagkatapos, may nakita akong papalapit na dalawang babae, at sila ay lumilipad. May mga pakpak silang gaya ng pakpak ng siguana.* At iniangat nila ang lalagyan sa pagitan ng lupa at ng langit. 10 Kaya tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin: “Saan nila dadalhin ang lalagyang epa?”
11 Sumagot siya: “Sa lupain ng Sinar*+ para ipagtayo siya roon ng bahay; at kapag naihanda na iyon, ilalagay siya roon, sa lugar na nararapat sa kaniya.”
6 Pagkatapos ay may nakita naman akong apat na karwaheng* lumalabas mula sa pagitan ng dalawang bundok, at ang mga bundok ay tanso. 2 Ang unang karwahe ay may mga pulang kabayo, at ang ikalawang karwahe, mga itim na kabayo.+ 3 Ang ikatlong karwahe ay may mga puting kabayo, at ang ikaapat na karwahe, mga batik-batik na kabayo.+
4 Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin: “Ano ang mga ito, panginoon ko?”
5 Sumagot ang anghel: “Ito ang apat na espiritu+ sa langit na lumalabas pagkatapos nilang humarap sa Panginoon ng buong lupa.+ 6 Ang karwaheng may mga itim na kabayo ay papunta sa lupain ng hilaga;+ ang mga puti ay papunta sa kabila ng dagat; at ang mga batik-batik ay papunta sa lupain ng timog. 7 Gustong-gusto ng mga batik-batik na lumabas at lumibot sa lupa.” Pagkatapos ay sinabi niya: “Lumibot kayo sa lupa.” At sila ay nagsimulang lumibot sa lupa.
8 At tinawag niya ako at sinabi: “Tingnan mo, dahil sa mga nagpunta sa lupain ng hilaga ay humupa ang galit ni Jehova sa lupain ng hilaga.”
9 Ang mensahe ni Jehova ay muling dumating sa akin, na nagsasabi: 10 “Kunin mo kina Heldai, Tobias, at Jedaias ang kinuha nila mula sa ipinatapong bayan; at sa araw na iyon, pumasok ka sa bahay ni Josias na anak ni Zefanias kasama ng mga ito na nanggaling sa Babilonya. 11 Kumuha ka ng pilak at ginto at gumawa ka ng korona* at ilagay mo iyon sa ulo ng mataas na saserdoteng si Josue+ na anak ni Jehozadak. 12 At sabihin mo sa kaniya:
“‘Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo: “Ito ang lalaking nagngangalang Sibol.+ Siya ay sisibol mula sa kaniyang sariling lugar, at itatayo niya ang templo ni Jehova.+ 13 Siya ang magtatayo ng templo ni Jehova, at siya ang tatanggap ng karangalan. Uupo siya sa kaniyang trono at mamamahala, at magiging saserdote rin siya sa kaniyang trono,+ at pareho niyang tutuparin ang mga tungkuling ito para sa kapayapaan.* 14 At ang korona* ay mananatili sa templo ni Jehova para maalaala sina Helem, Tobias, Jedaias,+ at Hen na anak ni Zefanias. 15 At ang mga nasa malayo ay darating at tutulong sa pagtatayo ng templo ni Jehova.” At malalaman ninyo na si Jehova ng mga hukbo ang nagsugo sa akin sa inyo. At mangyayari iyon—kung makikinig kayo sa tinig ni Jehova na inyong Diyos.’”
7 At sa ikaapat na taon ni Haring Dario, ang mensahe ni Jehova ay dumating kay Zacarias+ noong ikaapat na araw ng ikasiyam na buwan, ang buwan ng Kislev.* 2 Isinugo ng mga taga-Bethel si Sarezer at si Regem-melec at ang mga tauhan nito para makiusap kay* Jehova 3 at sabihin sa mga saserdote ng bahay* ni Jehova ng mga hukbo at sa mga propeta: “Tatangis ba ako sa ikalimang buwan+ at hindi kakain, gaya ng ginagawa ko sa loob ng maraming taon?”
4 Ang mensahe ni Jehova ng mga hukbo ay muling dumating sa akin, na nagsasabi: 5 “Sabihin mo sa lahat ng tao sa lupain at sa mga saserdote, ‘Noong nag-aayuno* kayo at humahagulgol sa ikalimang buwan at sa ikapitong buwan+ sa loob ng 70 taon,+ talaga bang nag-aayuno kayo para sa akin? 6 At kapag kumakain kayo at umiinom, hindi ba kumakain kayo at umiinom para sa sarili ninyo? 7 Hindi ba dapat ninyong sundin ang mga salitang inihayag ni Jehova sa pamamagitan ng mga propeta noon,+ nang ang Jerusalem at ang kaniyang mga lunsod ay pinaninirahan at mapayapa, at noong pinaninirahan ang Negeb at ang Sepela?’”
8 Ang mensahe ni Jehova ay muling dumating kay Zacarias, na nagsasabi: 9 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Humatol kayo nang may tunay na katarungan;+ at pakitunguhan ninyo ang isa’t isa nang may tapat na pag-ibig+ at awa. 10 Huwag ninyong dayain ang biyuda o ang batang walang ama,*+ ang dayuhan+ o ang mahirap;+ at huwag kayong magplano ng masama laban sa isa’t isa sa inyong mga puso.’+ 11 Pero ayaw nilang magbigay-pansin,+ at nagmatigas sila+ at nagbingi-bingihan.+ 12 Ang puso nila ay ginawa nilang sintigas ng diamante,*+ at ayaw nilang sundin ang kautusan* at ang mensahe ni Jehova ng mga hukbo na ipinadala ng kaniyang espiritu sa pamamagitan ng mga propeta noon.+ Kaya nagalit nang husto si Jehova ng mga hukbo.”+
13 “‘Dahil hindi sila nakinig nang tumawag ako,*+ hindi rin ako makikinig kapag tumawag sila,’+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo. 14 ‘At sa pamamagitan ng bagyo ay pinangalat ko sila sa lahat ng bansa na hindi nila kilala,+ at ang lupain ay naiwang tiwangwang, at wala ritong dumadaan o bumabalik;+ dahil ang kanais-nais na lupain ay ginawa nilang nakapangingilabot.’”
8 Ang mensahe ni Jehova ng mga hukbo ay muling dumating, na nagsasabi: 2 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Magpapakita ako ng matinding pagmamahal at pagmamalasakit sa Sion,*+ at mag-aalab ang galit ko alang-alang sa kaniya.’”
3 “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Babalik ako sa Sion+ at titira sa Jerusalem;+ at ang Jerusalem ay tatawaging lunsod ng katotohanan,*+ at ang bundok ni Jehova ng mga hukbo ay tatawaging banal na bundok.’”+
4 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Ang matatandang lalaki at babae ay muling uupo sa mga liwasan* ng Jerusalem, na ang bawat isa ay may hawak na baston dahil sa katandaan.*+ 5 At ang mga liwasan ng lunsod ay mapupuno ng mga batang lalaki at batang babae na naglalaro.’”+
6 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Dahil ba parang imposible ito sa mga natitira sa bayang ito sa mga araw na iyon, imposible na rin ito sa akin?’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.”
7 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Ililigtas ko ang bayan ko mula sa lupain ng silangan at ng kanluran.*+ 8 At dadalhin ko sila sa Jerusalem at titira sila roon;+ at sila ay magiging bayan ko, at ako ay magiging kanilang tapat at matuwid na Diyos.’”+
9 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Magpakatatag kayo,*+ kayo na nakaririnig ngayon sa mensahe ng mga propeta,+ na siya ring mensaheng inihayag noong araw na gawin ang pundasyon ng bahay ni Jehova ng mga hukbo para maitayo ang templo. 10 Dahil bago ang panahong iyon, walang suweldo para sa mga tao o upa para sa mga hayop;+ at hindi ligtas ang maglakbay dahil sa kalaban, dahil ginawa kong laban sa isa’t isa ang lahat ng tao.’
11 “‘Pero ngayon ay hindi ko na gagawin sa mga natitira sa bayang ito ang ginawa ko noong una,’+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo. 12 ‘Dahil ang binhi ng kapayapaan ay ihahasik; ang punong ubas ay mamumunga, ang lupa ay magbibigay ng ani nito,+ at ang langit ay magbibigay ng hamog; at ipamamana ko sa mga natitira sa bayang ito ang lahat ng bagay na ito.+ 13 Binabanggit kayo ng mga bansa sa mga sumpa nila,+ O sambahayan ng Juda at sambahayan ng Israel, pero ililigtas ko kayo, at kayo ay magiging pagpapala.+ Huwag kayong matakot!+ Magpakatatag kayo.’*+
14 “Dahil ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘“Nagpasiya akong ipahamak kayo dahil ginalit ako ng inyong mga ninuno,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “at hindi ko pinagsisisihan iyon.+ 15 Pero ngayon, nagpasiya akong gawan ng mabuti ang Jerusalem at ang sambahayan ng Juda.+ Huwag kayong matakot!”’+
16 “‘Ito ang mga bagay na dapat ninyong gawin: Magsalita kayo ng katotohanan sa isa’t isa,+ at ang inyong mga hatol sa mga pintuang-daan ay dapat magtaguyod ng katotohanan at kapayapaan.+ 17 Huwag kayong magplano sa inyong puso ng ikapapahamak ng isa’t isa,+ at huwag kayong manata nang may kasinungalingan;*+ dahil ang lahat ng ito ay kinapopootan ko,’+ ang sabi ni Jehova.”
18 Ang mensahe ni Jehova ng mga hukbo ay muling dumating sa akin, na nagsasabi: 19 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Ang pag-aayuno sa ika-4 na buwan,+ ang pag-aayuno sa ika-5 buwan,+ ang pag-aayuno sa ika-7 buwan,+ at ang pag-aayuno sa ika-10 buwan+ ay magiging panahon ng pagbubunyi at kagalakan para sa sambahayan ng Juda—mga kapistahan ng pagsasaya.+ Kaya ibigin ninyo ang katotohanan at ang kapayapaan.’
20 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Ang mga bayan at ang mga nakatira sa maraming lunsod ay tiyak na darating; 21 at ang mga nakatira sa isang lunsod ay magpupunta sa mga nasa ibang lunsod at magsasabi: “Halikayo, makiusap tayo kay* Jehova at hanapin natin si Jehova ng mga hukbo. Pupunta rin ako.”+ 22 At maraming bayan at makapangyarihang bansa ang pupunta sa Jerusalem para hanapin si Jehova ng mga hukbo+ at para makiusap kay* Jehova.’
23 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Sa panahong iyon, 10 lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa+ ang hahawak, oo, hahawak sila nang mahigpit sa damit* ng isang Judio* at magsasabi: “Gusto naming sumama sa inyo,+ dahil nabalitaan naming ang Diyos ay sumasainyo.”’”+
9 Isang proklamasyon:
“Ang mensahe ni Jehova ay laban sa lupain ng Hadrac,
At ang Damasco ang puntirya* nito+
—Dahil ang mata ni Jehova ay nakatingin sa sangkatauhan+
At sa lahat ng tribo ng Israel—
3 Ang Tiro ay nagtayo ng balwarte* para sa sarili niya,
Nag-imbak siya ng pilak gaya ng alabok
At ng ginto gaya ng alikabok sa mga kalye.+
4 Kukunin ni Jehova ang mga pag-aari niya,*
At ibabagsak Niya ang kaniyang hukbo sa dagat;+
At tutupukin siya ng apoy.+
5 Makikita ito ng Askelon at matatakot;
Makadarama ng matinding paghihirap ang Gaza,
Pati ang Ekron, dahil ang inaasahan nito ay mapapahiya.
Mawawalan ng hari ang Gaza,
At ang Askelon ay hindi paninirahan.+
7 Aalisin ko sa bibig niya ang mga bagay na nabahiran ng dugo
At ang kasuklam-suklam na mga bagay sa pagitan ng mga ngipin niya,
At ang matitira sa kaniya ay para sa ating Diyos;
At siya ay magiging gaya ng isang shik* sa Juda,+
At ang Ekron, gaya ng Jebusita.+
8 Magkakampo ako sa labas ng bahay ko para bantayan ito,+
Para walang makadaan at makabalik;
At wala nang tagapag-utos* na dadaan,+
Dahil ngayon ay nakita ito* ng sarili kong mga mata.
9 Magsaya ka nang lubos, O anak na babae ng Sion.
Sumigaw ka nang may pagbubunyi, O anak na babae ng Jerusalem.
Tingnan mo! Ang iyong hari ay dumarating sa iyo.+
10 Kukunin ko ang karwaheng pandigma mula sa Efraim
At ang kabayo mula sa Jerusalem.
Ang panang pandigma ay kukunin.
At magpapahayag siya ng kapayapaan sa mga bansa;+
Ang pamamahala niya ay magiging mula sa isang dagat hanggang sa isa pang dagat
11 At ikaw, O babae, sa pamamagitan ng dugo para sa iyong tipan,
Palalabasin ko ang mga bilanggo mo mula sa hukay na walang tubig.+
12 Bumalik kayo sa moog, kayong mga bilanggong may pag-asa.+
Ngayon ay sinasabi ko sa iyo,
‘O babae, bibigyan kita ng dobleng pagpapala.+
13 Dahil babaluktutin* ko ang Juda bilang aking búsog.
Sa búsog ay ilalagay ko ang Efraim,*
At gigisingin ko ang iyong mga anak, O Sion,
Laban sa iyong mga anak, O Gresya,
At gagawin kitang* gaya ng espada ng mandirigma.’
14 Si Jehova ay makikita sa ibabaw nila,
At ang palaso niya ay hihilagpos na parang kidlat.
Ang Kataas-taasang Panginoong Jehova ay hihihip sa tambuli,+
At lulusob siya kasama ng mga buhawi ng timog.
15 Ipagtatanggol sila ni Jehova ng mga hukbo,
At lalamunin nila at tatapakan ang mga batong panghilagpos.+
Magsasaya sila at sisigaw na parang nakainom ng alak;
At mapupuno silang gaya ng mangkok,
Gaya ng mga kanto ng altar.+
16 Ililigtas sila ni Jehova na kanilang Diyos sa araw na iyon
Dahil sila ang kaniyang kawan, ang kaniyang bayan;+
Sila ay magiging gaya ng mga hiyas ng isang korona* na kumikinang sa ibabaw ng kaniyang lupa.+
Butil ang magpapalakas sa mga binata,
At bagong alak naman sa mga dalaga.”+
10 “Humiling kayo kay Jehova ng ulan sa panahon ng tagsibol.
Si Jehova ang gumagawa ng makapal at maitim na ulap,
Ang nagpapaulan para sa kanila,+
At nagbibigay sa lahat ng pananim sa bukid.
2 Dahil ang mga rebultong terapim* ay nagsalita ng panlilinlang;*
At ang pangitain ng mga manghuhula ay kasinungalingan.
Nagsasalita sila tungkol sa mga panaginip na walang kabuluhan,
At walang saysay ang pagsisikap nilang mang-aliw.
Kaya magpapalaboy-laboy silang gaya ng mga tupa.
Magdurusa sila dahil walang pastol.
3 Nag-iinit ang galit ko sa mga pastol,
At pananagutin ko ang mapang-aping mga lider;*
Dahil binigyang-pansin ni Jehova ng mga hukbo ang kawan niya,+ ang sambahayan ng Juda,
At ginawa niya silang tulad ng kaniyang matikas na kabayong pandigma.
4 Sa kaniya nanggagaling ang pinuno,*
Sa kaniya nanggagaling ang katulong na tagapamahala,*
Sa kaniya nanggagaling ang panang pandigma;
Sa kaniya nanggagaling ang bawat tagapangasiwa,* silang lahat.
5 At sila ay magiging gaya ng mga mandirigma,
Na tumatapak sa putik sa mga lansangan sa panahon ng digmaan.
Ibabalik ko sila sa dati,
Dahil pagpapakitaan ko sila ng awa,+
Na parang hindi ko sila itinakwil kailanman;+
Dahil ako si Jehova na kanilang Diyos, at sasagutin ko sila.
7 Ang mga taga-Efraim ay magiging gaya ng isang malakas na mandirigma,
At ang puso nila ay magsasaya na para bang nakainom sila ng alak.+
Makikita ito ng mga anak nila at magsasaya ang mga ito;
Ang puso nila ay magagalak dahil kay Jehova.+
9 Kahit pinangalat ko silang gaya ng binhi sa mga bayan,
Maaalaala nila ako sa malalayong lugar;
Magkakaroon sila ng panibagong lakas at magbabalik kasama ng mga anak nila.
10 Ibabalik ko sila mula sa lupain ng Ehipto
At titipunin sila mula sa Asirya;+
Dadalhin ko sila sa lupain ng Gilead+ at Lebanon,
At kahit sa mga lugar na ito ay hindi sila magkakasya.+
11 Sa pagdaan niya sa dagat ay maliligalig ito;
At pababagsakin niya ang mga alon sa dagat;+
Ang lahat ng kalaliman ng Nilo ay matutuyo.
Ibabagsak ang mayabang na Asirya,
At maglalaho ang setro ng Ehipto.+
12 Ako, si Jehova, ang magbibigay sa kanila ng lakas na nakahihigit sa iba,+
At lalakad sila sa pangalan ko,’+ ang sabi ni Jehova.”
11 “Buksan mo ang iyong mga pinto, O Lebanon,
Para matupok ng apoy ang iyong mga punong sedro.
2 Humagulgol ka, puno ng enebro, dahil ang sedro ay nabuwal;
Ang naglalakihang mga puno ay bumagsak!
Humagulgol kayo, mga punong ensina ng Basan,
Dahil ang makapal na kagubatan ay nasira!
3 Pakinggan ninyo! Humahagulgol ang mga pastol,
Dahil ang kaluwalhatian nila ay naglaho.
Pakinggan ninyo! Umuungal ang mga leon,
Dahil ang makakapal na palumpong* sa kahabaan ng Jordan ay nasira.
4 “Ito ang sinabi ni Jehova na aking Diyos, ‘Pastulan mo ang kawan na nakatakdang patayin,+ 5 na pinapatay ng mga bumibili sa kanila+ pero hindi pinananagot ang mga ito. At ang mga nagbebenta sa kanila+ ay nagsasabi: “Purihin nawa si Jehova, dahil yayaman ako.” At ang mga pastol nila ay hindi naaawa sa kanila.’+
6 “‘Dahil hindi na ako maaawa sa mga naninirahan sa lupain,’ ang sabi ni Jehova. ‘Kaya hahayaan kong mahulog ang bawat isa sa kamay ng kaniyang kapuwa at ng kaniyang hari; at wawasakin nila ang lupain, at hindi ko sila ililigtas mula sa kamay ng mga ito.’”
7 At pinastulan ko ang kawan na nakatakdang patayin,+ alang-alang sa inyo, O mga pinipighati sa kawan. Kaya kumuha ako ng dalawang baston, at tinawag ko ang isa na Kagandahang-Loob, at ang isa pa ay Pagkakaisa,+ at pinastulan ko ang kawan. 8 At nagpalayas ako ng tatlong pastol sa loob ng isang buwan, dahil naubos na ang pasensiya ko sa kanila, at kinamuhian din nila ako. 9 At sinabi ko: “Hindi ko na kayo papastulan. Ang mamamatay na ay hayaang mamatay, at ang nawawala ay hayaan nang tuluyang mawala. Ang mga natira naman, hayaang lamunin nila ang isa’t isa.” 10 Kaya kinuha ko ang baston kong Kagandahang-Loob+ at pinagputol-putol iyon, para sirain ang pakikipagtipan ko sa buong bayan. 11 Kaya nasira ito nang araw na iyon, at ang mga napipighati sa kawan na nagmamasid sa akin ay nakaunawa na salita iyon ni Jehova.
12 Pagkatapos ay sinabi ko sa kanila: “Kung mabuti sa inyong paningin, ibigay ninyo sa akin ang aking kabayaran; pero kung hindi, huwag ninyong ibigay.” At ibinigay* nila ang aking kabayaran, 30 pirasong pilak.+
13 Pagkatapos, sinabi ni Jehova sa akin: “Ihagis mo iyon sa kabang-yaman—ang napakalaking halagang itinumbas nila sa akin.”+ Kaya kinuha ko ang 30 pirasong pilak at inihagis iyon sa kabang-yaman sa bahay ni Jehova.+
14 Pagkatapos ay pinagputol-putol ko ang ikalawa kong baston, ang Pagkakaisa,+ para putulin ang pagkakapatiran ng Juda at Israel.+
15 At sinabi ni Jehova sa akin: “Ngayon ay kunin mo ang kagamitan ng walang-silbing pastol.+ 16 Dahil hahayaan kong isang pastol ang mamahala sa lupain. Hindi niya iintindihin ang nawawalang mga tupa;+ hindi niya hahanapin ang mga batang tupa o pagagalingin ang mga nasaktan+ o pakakainin ang mga nakatatayo. Sa halip, lalamunin niya ang laman ng matataba+ at bubunutin ang mga kuko ng mga tupa.+
17 Kaawa-awa ang pastol kong walang silbi,+ na nagpapabaya sa kawan!+
Tatamaan ng espada ang kaniyang bisig at kanang mata.
Matutuyo nang husto ang bisig niya,
At mabubulag* ang kanang mata niya.”
12 Isang proklamasyon:
“Ang mensahe ni Jehova may kinalaman sa Israel,” ang sabi ni Jehova,
Ang naglatag ng langit,+
At gumawa ng pundasyon ng lupa,+
At lumikha ng buhay* na taglay ng tao.
2 “Ang Jerusalem ay gagawin kong kopa* na magiging dahilan ng pagsuray-suray ng lahat ng kalapít na bayan; at papalibutan ng hukbo ng kaaway ang Juda pati ang Jerusalem.+ 3 Sa araw na iyon, ang Jerusalem ay gagawin kong isang mabigat* na bato sa lahat ng bayan. Ang lahat ng bubuhat dito ay tiyak na masasaktan nang malubha;+ at ang lahat ng bansa sa lupa ay magsasama-sama laban sa kaniya.+ 4 Sa araw na iyon,” ang sabi ni Jehova, “tatakutin ko ang bawat kabayo at gagawin kong baliw ang mga nakasakay rito. Hindi ko aalisin ang tingin ko sa sambahayan ng Juda, pero bubulagin ko ang bawat kabayo ng mga bayan. 5 At sasabihin ng mga shik* ng Juda sa kanilang sarili, ‘Ang mga nakatira sa Jerusalem ay nagbibigay sa akin ng lakas dahil si Jehova ng mga hukbo ang kanilang Diyos.’+ 6 Sa araw na iyon, ang mga shik ng Juda ay gagawin kong gaya ng kalderong punô ng apoy sa gitna ng kakahuyan at gaya ng nagniningas na sulo sa isang hanay ng bagong-gapas na uhay,+ at lalamunin nila ang lahat ng kalapít na bayan sa kanan at sa kaliwa;+ at ang mga mamamayan ng Jerusalem ay muling titira sa kanilang sariling lugar,* sa Jerusalem.+
7 “At unang ililigtas ni Jehova ang mga tolda ng Juda, para ang kagandahan* ng sambahayan ni David at ang kagandahan* ng mga naninirahan sa Jerusalem ay hindi maging lubhang nakahihigit sa Juda. 8 Sa araw na iyon, ipagtatanggol ni Jehova ang mga taga-Jerusalem;+ sa araw na iyon, ang nabubuwal* sa kanila ay magiging gaya ni David, at ang sambahayan ni David ay magiging gaya ng Diyos, gaya ng anghel ni Jehova na nauuna sa kanila.+ 9 At sa araw na iyon, talagang lilipulin ko ang lahat ng bansa na sumasalakay sa Jerusalem.+
10 “Ibubuhos ko sa sambahayan ni David at sa mga taga-Jerusalem ang espiritu ng lingap at pagsusumamo, at titingin sila sa sinaksak nila,+ at hahagulgol sila para sa kaniya gaya ng paghagulgol sa kaisa-isang anak; at magdadalamhati sila nang husto gaya ng pagdadalamhati para sa panganay na anak. 11 Sa araw na iyon, magiging matindi ang paghagulgol sa Jerusalem, gaya ng paghagulgol sa Hadadrimon sa Kapatagan ng Megido.+ 12 At hahagulgol nang kani-kaniya ang bawat pamilya sa lupain; ang pamilya ng sambahayan ni David, at ang kanilang kababaihan nang bukod; ang pamilya ng sambahayan ni Natan,+ at ang kanilang kababaihan nang bukod; 13 ang pamilya ng sambahayan ni Levi,+ at ang kanilang kababaihan nang bukod; ang pamilya ng mga Simeita,+ at ang kanilang kababaihan nang bukod; 14 at ang lahat ng iba pang pamilya ay hahagulgol nang kani-kaniya, at ang kanilang kababaihan ay hahagulgol nang bukod.
13 “Sa araw na iyon, bubuksan ang isang balon para sa sambahayan ni David at sa mga taga-Jerusalem para sa paglilinis ng kasalanan at karumihan.+
2 “Sa araw na iyon,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “buburahin ko ang pangalan ng mga idolo mula sa lupain,+ at hindi na sila maaalaala pa; at aalisin ko sa lupain ang mga propeta+ at ang espiritu ng karumihan. 3 At kung may isang tao na muling manghuhula, sasabihin sa kaniya ng kaniyang ama at ina, na nagsilang sa kaniya, ‘Mamamatay ka, dahil nagsasalita ka ng kasinungalingan sa pangalan ni Jehova.’ At sasaksakin siya ng kaniyang ama at ina, na nagsilang sa kaniya, dahil sa kaniyang panghuhula.+
4 “Sa araw na iyon, ikahihiya ng bawat isa sa mga propeta ang kaniyang pangitain kapag nanghuhula siya; at hindi sila magbibihis ng opisyal na damit na gawa sa balahibo ng hayop+ para manlinlang. 5 At sasabihin niya, ‘Hindi ako propeta. Isa akong magsasaka, dahil binili ako ng isang tao noong bata pa ako.’ 6 At kung may magtatanong sa kaniya, ‘Bakit may mga sugat ka sa pagitan ng mga balikat mo?’* sasagot siya, ‘Nasugatan ako sa bahay ng mga kaibigan ko.’”*
7 “O espada, gumising ka laban sa aking pastol,+
Laban sa lalaking kasamahan ko,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
“Saktan mo ang pastol,+ at hayaang mangalat ang kawan;*+
At iuunat ko ang aking kamay laban sa mga hamak.”
8 “At sa buong lupain,” ang sabi ni Jehova,
“Dalawang bahagi ang lilipulin at maglalaho;*
At ang ikatlong bahagi ay maiiwan doon.
9 At pararaanin ko sa apoy ang ikatlong bahagi;
At dadalisayin ko silang gaya ng pagdalisay sa pilak,
At susuriin ko silang gaya ng pagsuri sa ginto.+
Tatawag sila sa pangalan ko,
At sasagutin ko sila.
Sasabihin ko, ‘Sila ang aking bayan,’+
At sasabihin naman nila, ‘Si Jehova ang aming Diyos.’”
14 “Darating ang araw, isang araw na para kay Jehova, kung kailan ang sinamsam sa iyo* ay paghahati-hatian sa gitna mo. 2 Titipunin ko ang lahat ng bansa laban sa Jerusalem para sa digmaan; at ang lunsod ay bibihagin, ang mga bahay ay sasamsaman, at ang mga babae ay gagahasain. At ang kalahati ng lunsod ay ipatatapon, pero ang matitira sa bayan ay hindi aalisin sa lunsod.
3 “Si Jehova ay lalabas at makikipagdigma laban sa mga bansang iyon+ gaya ng pakikipagdigma niya noon sa mga kaaway.+ 4 Sa araw na iyon, tutuntong siya sa Bundok ng mga Olibo,+ na nasa tapat ng Jerusalem sa silangan; at ang Bundok ng mga Olibo ay mabibiyak sa gitna, mula silangan* hanggang kanluran,* kaya magkakaroon ng isang napakalaking lambak; at ang kalahati ng bundok ay mapupunta sa hilaga, at ang kalahati ay mapupunta sa timog. 5 Tatakas kayo papunta sa lambak ng aking mga bundok, dahil ang lambak ng mga bundok ay aabot hanggang sa Azel. Tatakas kayo, gaya ng pagtakas ninyo dahil sa lindol noong panahon ni Haring Uzias ng Juda.+ At darating si Jehova na aking Diyos, kasama ang lahat ng banal.+
6 “Sa araw na iyon, hindi magkakaroon ng maningning na liwanag+—ang mga bagay ay mamumuo.* 7 At ang araw na iyon ay makikilala bilang araw ni Jehova.+ Hindi ito magiging araw, o magiging gabi; at sa gabi ay magkakaroon ng liwanag. 8 Sa araw na iyon, ang tubig na nagbibigay-buhay+ ay aagos mula sa Jerusalem,+ ang kalahati nito ay papunta sa silanganing dagat,*+ at ang kalahati ay papunta sa kanluraning dagat.*+ Mangyayari ito sa tag-araw at sa taglamig. 9 At si Jehova ay magiging Hari sa buong lupa.+ Sa araw na iyon, si Jehova ay magiging iisa,*+ at ang pangalan niya ay magiging iisa.+
10 “Ang buong lupain ay magiging gaya ng Araba,+ mula sa Geba+ hanggang sa Rimon+ na nasa timog ng Jerusalem; at babangon siya sa sarili niyang lugar at paninirahan siya,+ mula sa Pintuang-Daan ng Benjamin+ hanggang sa lugar ng Unang Pintuang-Daan at sa Panulukang Pintuang-Daan, at mula sa Tore ni Hananel+ hanggang sa mga pisaan ng ubas ng hari. 11 At paninirahan siya ng mga tao; at hindi na muling magkakaroon ng sumpa ng pagkapuksa,+ at ang Jerusalem ay paninirahan nang tiwasay.+
12 “At ito ang salot na pasasapitin ni Jehova sa lahat ng bayan na makikipagdigma sa Jerusalem:+ Mabubulok ang laman nila habang nakatayo sila, mabubulok ang mga mata nila sa mga ukit nito, at mabubulok ang dila nila sa kanilang bibig.
13 “Sa araw na iyon, lilituhin silang lahat ni Jehova; at susunggaban ng bawat isa ang kamay ng kasamahan niya, at sasaktan niya ang kasamahan niya.+ 14 Ang Juda rin ay sasama sa digmaan sa Jerusalem; at ang yaman ng lahat ng kalapít na bansa ay matitipon, ginto at pilak at mga damit na napakarami.+
15 “At ang salot na ito ay sasapit din sa mga kabayo, mula,* kamelyo, asno, at sa lahat ng alagang hayop na nasa mga kampong iyon.
16 “Ang lahat ng matitira sa mga bansang lumaban sa Jerusalem ay aakyat taon-taon+ para yumukod* sa Hari, kay Jehova ng mga hukbo,+ at para ipagdiwang ang Kapistahan ng mga Kubol.*+ 17 Pero kung may sinuman mula sa mga pamilya sa lupa na hindi aakyat sa Jerusalem para yumukod sa Hari, kay Jehova ng mga hukbo, walang darating na ulan sa kanila.+ 18 At kung ang pamilya ng Ehipto ay hindi aakyat at papasok, walang darating na ulan sa kanila. Sa halip, sasalutin sila ni Jehova kung paano niya sinasalot ang mga bansang hindi umaakyat para ipagdiwang ang Kapistahan ng mga Kubol. 19 Ito ang magiging parusa para sa kasalanan ng Ehipto at sa kasalanan ng lahat ng bansa na hindi aakyat para ipagdiwang ang Kapistahan ng mga Kubol.
20 “Sa araw na iyon, ang pananalitang ‘Kay Jehova ang kabanalan!’+ ay isusulat sa kampanilya ng mga kabayo. At ang lutuan*+ na nasa bahay ni Jehova ay magiging tulad ng mga mangkok+ sa harap ng altar. 21 At ang bawat lutuan* sa Jerusalem at sa Juda ay magiging banal at magiging kay Jehova ng mga hukbo, at ang lahat ng naghahandog ay darating at magpapakulo sa mga ito. Sa araw na iyon, wala nang Canaanita* sa bahay ni Jehova ng mga hukbo.”+
Ibig sabihin, “Inalaala ni Jehova.”
Tingnan ang Ap. B15.
Lit., “gaya ng apat na hangin ng langit.”
Lit., “na kasunod ng kaluwalhatian.”
O “balintataw.”
O “kasalanan.”
O “aasikasuhin; babantayan.”
Posibleng nangangahulugang may pitong mata na nakatingin sa bato.
O “kapatagan.”
Lit., “bato, lata.” Instrumentong ibinibitin para matiyak na tuwid ang pagkakatayo ng isang istraktura.
Maliliit na sanga na hitik sa bunga.
Lit., “pinahiran.” Tingnan sa Glosari, “Pahiran.”
Ang isang siko ay 44.5 cm (17.5 in). Tingnan ang Ap. B14.
Lit., “ang epa.” Sa tekstong ito, tumutukoy ito sa isang lalagyan o basket na ginagamit para sukatin ang isang epa. Ang isang epa ay 22 L. Tingnan ang Ap. B14.
Sa Ingles, stork.
Babilonia.
O “karong.”
O “maringal na korona.”
O “at magiging magkasuwato ang dalawang tungkulin.”
O “maringal na korona.”
Tingnan ang Ap. B15.
Lit., “para palambutin ang mukha ni.”
O “templo.”
Tingnan sa Glosari, “Pag-aayuno.”
O “ang ulila.”
O posibleng “matigas na bato,” gaya ng batong esmeril.
O “tagubilin.”
Lit., “siya.”
O “Magpapakita ako ng matinding sigasig para sa Sion.”
O “katapatan.”
O “plaza.”
Lit., “dahil sa karamihan ng araw.”
O “mula sa lupain ng sikatan ng araw at sa lupain ng lubugan ng araw.”
Lit., “Palakasin ninyo ang mga kamay ninyo.”
Lit., “Palakasin ninyo ang mga kamay ninyo.”
Lit., “huwag ninyong ibigin ang sinungaling na panata.”
Lit., “palambutin natin ang mukha ni.”
Lit., “para palambutin ang mukha ni.”
O “laylayan ng damit.”
Lit., “lalaking Judio.”
Lit., “pahingahan.”
O “tanggulan.”
Tiro.
Pinuno ng tribo.
O “maniniil.”
Lumilitaw na tumutukoy sa paghihirap ng bayan niya.
O “at matagumpay; at iniligtas.”
O “lalaking asno.”
Eufrates.
Lit., “tatapakan.”
Gaya ng palaso.
Malamang na tumutukoy sa Sion.
O “diadema.”
O “mga diyos ng pamilya; mga idolo.”
O “hiwaga; kababalaghan.”
Lit., “ang mga lalaking kambing.”
Lit., “tore sa kanto ng pader,” na lumalarawan sa isang importanteng tao.
O “pako,” na lumalarawan sa isang tumutulong; isang tagapamahala.
O “tagapag-utos.”
Mga halaman at maliliit na puno.
Lit., “tinimbang.”
Lit., “lalabo.”
Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”
O “mangkok.”
O “pabigat.”
Pinuno ng tribo.
O “kanilang nararapat na lugar.”
O “kaluwalhatian.”
O “kaluwalhatian.”
O “pinakamahina.”
Lit., “sa pagitan ng mga kamay mo.” Sa dibdib o sa likod.
O “mga nagmamahal sa akin.”
O “mga tupa.”
O “mamamatay.”
Ang lunsod na binabanggit sa tal. 2.
O “sikatan ng araw.”
Lit., “dagat.”
O “hindi makagagalaw,” na parang nanigas sa lamig.
Dagat na Patay.
Dagat Mediteraneo.
O “si Jehova lang ang sasambahin.”
Anak ng kabayo at asno.
O “sumamba.”
O “Pansamantalang Tirahan.”
O “lutuan na maluwang ang bibig.”
O “lutuan na maluwang ang bibig.”
O posibleng “negosyante.”