AYON KAY MARCOS
1 Ang pasimula ng mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos: 2 Nakasulat sa aklat ng propetang si Isaias: “(Isinusugo ko ang aking mensahero sa unahan mo, na maghahanda ng iyong dadaanan.)+ 3 May sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang dadaanan ni Jehova!* Patagin ninyo ang lalakaran niya.’”+ 4 Si Juan na Tagapagbautismo ay nasa ilang para mangaral tungkol sa bautismo bilang sagisag ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan.+ 5 At ang mga tao sa buong Judea at ang lahat ng taga-Jerusalem ay pumupunta sa kaniya. Binabautismuhan* niya sa Ilog Jordan ang mga ito, na hayagang nagtatapat ng kanilang mga kasalanan.+ 6 Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo at may sinturon siyang gawa sa balat ng hayop,+ at kumakain siya ng balang at pulot-pukyutang galing sa gubat.+ 7 Ipinangangaral niya: “Dumarating na kasunod ko ang isa na mas malakas kaysa sa akin, at hindi man lang ako karapat-dapat na magkalag sa sintas ng sandalyas niya.+ 8 Binautismuhan ko kayo sa tubig, pero babautismuhan niya kayo sa pamamagitan ng banal na espiritu.”+
9 Nang panahong iyon, si Jesus ay dumating mula sa Nazaret ng Galilea, at binautismuhan siya ni Juan sa Jordan.+ 10 At pagkaahon na pagkaahon sa tubig, nakita niya ang langit na nahahawi at ang espiritu na parang kalapati na bumababa sa kaniya.+ 11 At isang tinig ang nanggaling sa langit: “Ikaw ang Anak ko, ang minamahal ko; nalulugod ako sa iyo.”+
12 At agad siyang inudyukan ng espiritu na pumunta sa ilang. 13 Kaya nanatili siya sa ilang nang 40 araw, at tinukso siya roon ni Satanas.+ May maiilap na hayop doon, pero pinaglilingkuran siya ng mga anghel.+
14 Pagkatapos maaresto si Juan, pumunta si Jesus sa Galilea+ at ipinangaral ang mabuting balita ng Diyos.+ 15 Sinasabi niya: “Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang Kaharian ng Diyos. Magsisi kayo+ at manampalataya sa mabuting balita.”
16 Habang naglalakad sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya si Simon at ang kapatid nitong si Andres+ na naghahagis ng lambat sa lawa,+ dahil mga mangingisda sila.+ 17 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”+ 18 At agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.+ 19 Nagpatuloy siya sa paglalakad at nakita niya ang magkapatid na sina Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila at tinatahi ang punit sa mga lambat nila.+ 20 Agad silang tinawag ni Jesus. Kaya iniwan nila sa bangka ang ama nilang si Zebedeo kasama ng mga trabahador nito, at sumunod sila kay Jesus. 21 Pumunta sila sa Capernaum.
Pagsapit ng Sabbath, pumasok siya sa sinagoga* at nagsimulang magturo.+ 22 Hangang-hanga ang mga tao sa paraan niya ng pagtuturo, dahil nagtuturo siya sa kanila bilang isa na may awtoridad, at hindi gaya ng mga eskriba.+ 23 Nang pagkakataong iyon, may isang tao sa sinagoga nila na sinasapian ng isang masamang* espiritu, at sumigaw ito: 24 “Bakit nandito ka, Jesus na Nazareno?+ Nandito ka ba para puksain kami? Alam ko kung sino ka talaga, ikaw ang isinugo ng Diyos!”*+ 25 Pero sinaway ito ni Jesus: “Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya!” 26 At ang masamang espiritu, pagkatapos na pangisayin ang lalaki, ay humiyaw nang napakalakas at lumabas sa kaniya. 27 Manghang-mangha ang mga tao kaya nag-usap-usap sila: “Ano ito? Isang bagong paraan ng pagtuturo!* Nauutusan niya kahit ang masasamang espiritu, at sumusunod sila sa kaniya.” 28 Kaya ang balita tungkol sa kaniya ay agad na kumalat sa buong lupain ng Galilea.
29 Pagkatapos, umalis sila sa sinagoga at pumunta sa bahay nina Simon at Andres kasama sina Santiago at Juan.+ 30 Ang biyenang babae ni Simon+ ay nakahiga at nilalagnat, at sinabi nila agad kay Jesus ang kalagayan niya. 31 Nilapitan siya ni Jesus, hinawakan sa kamay, at ibinangon. Nawala ang lagnat niya, at inasikaso niya sila.
32 Pagsapit ng gabi, nang lumubog na ang araw, dinala sa kaniya ng mga tao ang lahat ng maysakit at sinasaniban ng demonyo;+ 33 at ang mga tao sa buong lunsod ay natipon sa may pintuan ng bahay. 34 Kaya marami siyang pinagaling na may iba’t ibang sakit,+ at nagpalayas siya ng maraming demonyo, pero hindi niya hinahayaang magsalita ang mga demonyo, dahil alam nilang siya ang Kristo.*
35 Kinaumagahan, habang madilim pa, bumangon siya at lumabas papunta sa isang liblib na lugar; at nagsimula siyang manalangin doon.+ 36 Pero hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito. 37 Nang makita nila siya, sinabi nila sa kaniya: “Hinahanap ka ng lahat.” 38 Sinabi niya sa kanila: “Pumunta tayo sa ibang lugar, sa kalapít na mga bayan, para makapangaral din ako roon, dahil ito ang dahilan kung bakit ako dumating.”+ 39 At umalis siya at nangaral sa mga sinagoga sa buong Galilea at nagpalayas ng mga demonyo.+
40 May lumapit din sa kaniya na isang ketongin, at nakaluhod pa itong nagmakaawa sa kaniya: “Kung gugustuhin mo lang, mapagagaling* mo ako.”+ 41 Naawa siya at hinipo ang lalaki, at sinabi niya: “Gusto ko! Gumaling ka.”+ 42 Nawala agad ang ketong ng lalaki, at siya ay naging malinis. 43 Pinaalis siya agad ni Jesus matapos siyang mahigpit na pagbilinan: 44 “Huwag mo itong sasabihin kahit kanino, pero humarap ka sa saserdote at maghandog ka ng mga bagay na iniutos ni Moises para sa paglilinis sa iyo,+ para makita nila* na gumaling ka na.”+ 45 Pero pagkaalis ng lalaki, ipinamalita niya ang nangyari saanman siya magpunta, kaya hindi na hayagang makapasok si Jesus saanmang lunsod, kundi nanatili siya sa labas, sa liblib na mga lugar. Pero pinupuntahan pa rin siya ng mga tao mula sa iba’t ibang lugar.+
2 Pero makalipas ang ilang araw, muling pumasok si Jesus sa Capernaum, at napabalitang nasa bahay siya.+ 2 Dumagsa ang mga tao sa bahay kaya wala nang puwesto kahit sa may pintuan, at nangaral siya sa kanila tungkol sa salita ng Diyos.+ 3 Isang grupo ang nagdala sa kaniya ng isang paralitiko na binubuhat ng apat na lalaki.+ 4 Pero hindi nila ito mailapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, kaya inalis nila ang bubong sa tapat ni Jesus, at ibinaba nila sa butas ang higaan kung saan nakaratay ang paralitiko. 5 Nang makita ni Jesus ang pananampalataya nila,+ sinabi niya sa paralitiko: “Anak, pinatatawad na ang mga kasalanan mo.”+ 6 Naroon ang ilang eskriba, nakaupo at nag-iisip:+ 7 “Bakit ganiyan magsalita ang taong iyan? Namumusong siya.* Hindi ba ang Diyos lang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan?”+ 8 Pero alam na ni Jesus kung ano ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo nag-iisip ng ganiyan?+ 9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinatatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing ‘Bumangon ka at buhatin mo ang higaan mo at lumakad ka’? 10 Pero para malaman ninyo na ang Anak ng tao+ ay may awtoridad na magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa—”+ sinabi niya sa paralitiko: 11 “Bumangon ka, buhatin mo ang higaan mo, at umuwi ka.” 12 Kaya bumangon siya at binuhat agad ang higaan niya at lumakad palabas na nakikita ng lahat. Manghang-mangha sila, at pinuri nila ang Diyos. Sinasabi nila: “Ngayon lang kami nakakita ng ganito.”+
13 Muli siyang pumunta sa tabi ng lawa, at sinundan siya ng maraming tao, at tinuruan niya sila. 14 Pagkatapos, nagpatuloy siya sa paglalakad at nakita niya ang anak ni Alfeo na si Levi, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi niya rito: “Maging tagasunod kita.” Kaya tumayo ito at sumunod sa kaniya.+ 15 Pagkatapos, kumain siya* sa bahay nito. Maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ang kumaing* kasama ni Jesus at ng mga alagad niya. Marami sa kanila ang sumunod sa kaniya.+ 16 Pero nang makita ng mga eskriba ng mga Pariseo na kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at mga maniningil ng buwis, sinabi nila sa mga alagad niya: “Kumakain siyang kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” 17 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: “Ang malalakas ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit. Dumating ako para tawagin, hindi ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.”+
18 Ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo ay nag-aayuno.* Kaya may mga lumapit kay Jesus at nagsabi: “Ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Pariseo ay nag-aayuno, pero bakit ang mga alagad mo, hindi?”+ 19 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang mga kaibigan ng lalaking ikakasal+ ay walang dahilan para mag-ayuno hangga’t kasama nila siya, hindi ba? Hangga’t kasama nila ang lalaking ikakasal, hindi sila makapag-aayuno. 20 Pero darating ang panahon na kukunin na siya sa kanila.+ At mag-aayuno na sila sa araw na iyon. 21 Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit. Dahil kung gagawin ito ng isa, kapag umurong ang bagong tela, mababatak nito ang lumang damit na tinagpian at lalong lálaki ang punit.+ 22 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang balat. Kapag ginawa ito ng isa, papuputukin ng alak ang sisidlan, at masasayang ang alak, pati ang sisidlan. Kaya inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang balat.”
23 Isang araw ng Sabbath, habang naglalakad si Jesus at ang mga alagad niya sa gitna ng bukid, ang mga alagad niya ay namitas ng mga uhay ng butil.+ 24 Kaya sinabi sa kaniya ng mga Pariseo: “Tingnan mo! Bakit nila ginagawa ang ipinagbabawal kapag Sabbath?” 25 Pero sinabi niya sa kanila: “Hindi ba ninyo nabasa kung ano ang ginawa ni David nang wala siyang makain at magutom siya at ang mga lalaking kasama niya?+ 26 Sa ulat tungkol sa punong saserdoteng si Abiatar,+ pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang mga tinapay na panghandog,* na hindi puwedeng kainin ng sinuman maliban sa mga saserdote.+ Binigyan din niya nito ang mga lalaking kasama niya.” 27 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila: “Nagkaroon ng Sabbath alang-alang sa mga tao,+ at hindi ng tao alang-alang sa Sabbath. 28 Kaya ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng Sabbath.”+
3 Muli siyang pumasok sa isang sinagoga, at naroon ang isang lalaking may tuyot na* kamay.+ 2 Kaya inaabangan nila kung pagagalingin niya ang lalaki sa Sabbath, para maakusahan nila siya. 3 Sinabi niya sa lalaki na may tuyot na* kamay: “Tumayo ka at pumunta ka sa gitna.” 4 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Ano ang tamang gawin kapag Sabbath: gumawa ng mabuti o ng masama, magligtas ng buhay* o pumatay?”+ Pero hindi sila kumibo. 5 Tiningnan niya sila nang may galit. Lungkot na lungkot siya dahil manhid ang puso nila.+ Kaya sinabi niya sa lalaki: “Iunat mo ang kamay mo.” At iniunat niya iyon, at gumaling ang kamay niya. 6 Kaya lumabas ang mga Pariseo at agad na nakipagsabuwatan sa mga tagasuporta ni Herodes+ para maipapatay si Jesus.
7 Pero pumunta si Jesus sa may lawa kasama ang mga alagad niya, at sinundan siya ng napakaraming tao mula sa Galilea at Judea.+ 8 Napakaraming tao rin mula sa Jerusalem at sa Idumea at mula sa kabila ng Jordan at sa palibot ng Tiro at Sidon ang nagpunta sa kaniya nang mabalitaan nila ang maraming bagay na ginagawa niya. 9 At sinabi niya sa mga alagad niya na ipaghanda siya ng maliit na bangka para hindi siya maipit ng mga tao. 10 Dahil marami siyang pinagaling, ang lahat ng may malalang sakit ay nakikipagsiksikan para mahawakan siya.+ 11 Kahit ang mga sinasapian ng masamang* espiritu,+ kapag nakikita siya, ay sumusubsob sa harap niya at sumisigaw: “Ikaw ang Anak ng Diyos!”+ 12 Pero maraming beses niya silang mahigpit na pinagbawalang sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya.+
13 Umakyat siya sa isang bundok at tinawag ang mga pinili niya,+ at sumunod sila sa kaniya.+ 14 At pumili* siya ng 12 at tinawag niya silang mga apostol. Sila ang makakasama niya at isusugo para mangaral 15 at bibigyan ng awtoridad na magpalayas ng mga demonyo.+
16 At ang 12+ pinili* niya ay si Simon, na binigyan din niya ng pangalang Pedro,+ 17 si Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kapatid ni Santiago (binigyan din niya ang mga ito ng pangalang Boanerges, na nangangahulugang “Mga Anak ng Kulog”),+ 18 si Andres, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Cananeo,* 19 at si Hudas Iscariote, na bandang huli ay nagtraidor sa kaniya.
Pagkatapos ay pumasok si Jesus sa isang bahay, 20 at muling dumagsa ang mga tao, kaya hindi man lang sila makakain. 21 Nang malaman ng mga kamag-anak niya ang tungkol dito, pinuntahan nila siya para kunin siya, dahil sinasabi nila: “Nababaliw na siya.”+ 22 Sinasabi rin ng mga eskriba na galing sa Jerusalem: “Sinasapian siya ni Beelzebub,* at pinalalayas niya ang mga demonyo sa tulong ng pinuno ng mga demonyo.”+ 23 Kaya tinawag niya sila at nagbigay siya sa kanila ng mga ilustrasyon: “Paano mapalalayas ni Satanas si Satanas? 24 Kung ang isang kaharian ay nababahagi, babagsak ang kahariang iyon;+ 25 at kung ang isang pamilya ay nababahagi, mawawasak ang pamilyang iyon. 26 Kaya kung kinakalaban ni Satanas ang sarili niya at ang kaharian niya ay nababahagi,* babagsak siya at iyon na ang wakas niya. 27 Ang totoo, walang makakapasok sa bahay ng isang malakas na tao at makapagnanakaw ng mga pag-aari nito kung hindi niya muna gagapusin ang malakas na tao. Kapag nagawa niya iyon, saka pa lang niya mananakawan ang bahay nito. 28 Sinasabi ko sa inyo, ang mga tao ay mapatatawad sa anumang kasalanang nagawa nila at sa anumang pamumusong* na sinabi nila. 29 Pero ang sinumang namumusong laban sa banal na espiritu ay hindi kailanman mapatatawad;+ nagkasala siya ng walang-hanggang kasalanan.”+ 30 Sinabi ito ni Jesus dahil sinasabi nila: “Sinasapian siya ng masamang espiritu.”+
31 Ngayon ay dumating ang kaniyang ina at mga kapatid,+ at habang nakatayo sila sa labas, may pinapunta sila sa loob para tawagin siya.+ 32 Dahil maraming nakaupo sa palibot niya, sinabi nila sa kaniya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid, hinahanap ka.”+ 33 Pero sinabi niya sa kanila: “Sino ang aking ina at mga kapatid?” 34 Pagkatapos, tiningnan niya ang mga nakaupong paikot sa kaniya at sinabi: “Tingnan ninyo, ang aking ina at mga kapatid!+ 35 Sinumang gumagawa ng kalooban ng Diyos, siya ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”+
4 At muli siyang nagturo sa may baybayin. Napakaraming tao ang natipon malapit sa kaniya. Kaya sumakay siya sa bangka, umupo rito, at inilayo ito nang kaunti, pero nanatili sa baybayin ang mga tao.+ 2 Tinuruan niya sila ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga ilustrasyon.+ Sinabi niya:+ 3 “Makinig kayo. Isang magsasaka ang lumabas para maghasik.+ 4 Sa paghahasik niya, ang ilang binhi ay napunta sa tabi ng daan, at dumating ang mga ibon at inubos ang mga ito. 5 Ang iba ay napunta sa batuhan kung saan kakaunti ang lupa, at tumubo agad ang mga ito dahil hindi malalim ang lupa.+ 6 Pero nang sumikat ang araw ay nainitan ang mga ito, at dahil walang ugat, nalanta ang mga ito. 7 Ang ibang binhi naman ay napunta sa may matitinik na halaman. Lumago ang matitinik na halaman at sinakal ang mga binhing tumubo, at hindi ito namunga.+ 8 Pero ang iba pa ay napunta sa matabang lupa. Tumubo ang mga ito, lumaki, at namunga. May namunga nang 30 ulit, 60 ulit, at 100 ulit na mas marami kaysa sa itinanim.”+ 9 Sinabi pa niya: “Ang may tainga ay makinig.”+
10 Nang umalis na ang mga tao, ang mga nasa palibot niya at ang 12 apostol ay nagtanong sa kaniya tungkol sa mga ilustrasyon.+ 11 Sinabi niya sa kanila: “Sinabi sa inyo ang sagradong lihim+ ng Kaharian ng Diyos, pero para sa iba, ang lahat ng bagay ay mga ilustrasyon lang,+ 12 nang sa gayon, kahit tumingin sila, wala silang makikita, at kahit marinig nila iyon, hindi nila maiintindihan; hinding-hindi rin sila manunumbalik at mapatatawad.”+ 13 Sinabi pa niya sa kanila: “Hindi ninyo naiintindihan ang ilustrasyong ito, kaya paano ninyo maiintindihan ang lahat ng iba pang ilustrasyon?
14 “Ang magsasaka ay naghasik ng salita ng Diyos.+ 15 Ang ilang tao ay gaya ng mga binhi na nahulog sa tabi ng daan. Nang marinig nila ang salita ng Diyos, dumating si Satanas+ at kinuha ang salita na naihasik sa kanila.+ 16 Ang ibang tao naman ay gaya ng mga naihasik sa batuhan. Nang marinig nila ang salita ng Diyos, masaya nila itong tinanggap.+ 17 Pero hindi ito nag-ugat sa puso nila at nanatili lang ito nang sandaling panahon; nang dumating ang mga problema o pag-uusig dahil sa salita ng Diyos, nawalan sila ng pananampalataya.* 18 May iba pa na naihasik sa may matitinik na halaman; ito ang mga nakarinig sa salita ng Diyos,+ 19 pero ang mga kabalisahan+ sa sistemang* ito at ang mapandayang kapangyarihan ng kayamanan+ at ang mga pagnanasa+ sa iba pang bagay ay nakapasok sa puso nila at sumakal sa salita ng Diyos, at ito ay naging di-mabunga. 20 At ang mga naihasik sa matabang lupa ay ang mga nakinig sa salita ng Diyos at masayang tumanggap nito at namunga nang 30 ulit, 60 ulit, at 100 ulit na mas marami kaysa sa itinanim.”+
21 Sinabi rin niya sa kanila: “Ang isang lampara ay hindi tinatakpan ng basket* o inilalagay sa ilalim ng higaan, hindi ba? Inilalagay ito sa patungan ng lampara.+ 22 Dahil walang nakatago na hindi malalantad; walang anumang itinagong mabuti na hindi mahahantad.+ 23 Ang may tainga ay makinig.”+
24 Sinabi pa niya sa kanila: “Magbigay-pansin kayo sa pinakikinggan ninyo.+ Kung gaano kalaki ang ibinibigay ninyo, ganoon din kalaki ang tatanggapin ninyo, o mas malaki pa nga. 25 Dahil sa sinumang mayroon ay higit pa ang ibibigay,+ pero sa sinumang wala, kahit ang nasa kaniya ay kukunin sa kaniya.”+
26 Pagkatapos, sinabi pa niya: “Ang Kaharian ng Diyos ay gaya ng isang tao na naghahasik ng binhi sa lupa. 27 Natutulog siya sa gabi at bumabangon sa araw, at ang binhi ay tumutubo at tumataas—kung paano ay hindi niya alam. 28 Ang lupa ay kusang nagsisibol ng bunga nang unti-unti—una ay ang tangkay, sumunod ay ang uhay, at sa huli ay ang hinog na mga butil sa uhay. 29 Kapag puwede nang anihin ang mga butil, gagapasin niya ang mga ito, dahil panahon na ng pag-aani.”
30 At sinabi pa niya: “Saan natin maikukumpara ang Kaharian ng Diyos, o anong ilustrasyon ang gagamitin natin para ipaliwanag ito? 31 Gaya ito ng binhi ng mustasa, na nang ihasik sa lupa ay pinakamaliit sa lahat ng binhi.+ 32 Pero kapag naihasik na ito, sumisibol ito at nagiging mas malaki kaysa sa lahat ng iba pang gulay at tinutubuan ng malalaking sanga, kaya ang mga ibon sa langit ay nakasisilong sa lilim nito.”
33 Sa pamamagitan ng maraming ilustrasyon+ na gaya nito, sinabi niya sa kanila ang salita ng Diyos, hanggang sa kaya nilang maintindihan. 34 Sa katunayan, hindi siya nagtuturo sa kanila nang walang ilustrasyon, pero ipinapaliwanag niya ang lahat ng bagay sa mga alagad niya kapag sila-sila na lang.+
35 At nang araw na iyon, nang gumabi na, sinabi niya sa kanila: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”+ 36 Kaya matapos nilang pauwiin ang mga tao, agad nilang itinawid si Jesus sakay ng bangka, at may kasabay silang iba pang bangka.+ 37 Biglang nagkaroon ng malakas na buhawi, at paulit-ulit na hinahampas ng mga alon ang bangka, kaya halos lumubog na ito.+ 38 Pero nasa bandang likuran ng bangka si Jesus at natutulog sa unan. Kaya ginising nila siya at sinabi sa kaniya: “Guro, bale-wala lang ba sa iyo na mamamatay na tayo?” 39 Kaya bumangon siya at sinaway ang hangin at sinabi sa lawa: “Tigil! Tumahimik ka!”+ At tumigil ang hangin, at biglang naging kalmado ang paligid. 40 Kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit takot na takot kayo? Wala pa rin ba kayong pananampalataya?” 41 At kakaibang takot ang nadama nila, at sinabi nila sa isa’t isa: “Sino ba talaga siya? Kahit ang hangin at ang lawa ay sumusunod sa kaniya.”+
5 Nakarating sila sa kabilang ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno.+ 2 At pagkababang-pagkababa ni Jesus ng bangka, isang lalaking sinasapian ng masamang* espiritu ang sumalubong sa kaniya mula sa mga libingan.* 3 Nakatira siya sa mga libingan; at kapag iginagapos siya, palagi siyang nakakawala, kahit kadena pa ang gamitin. 4 Madalas ikadena ang mga paa at kamay niya, pero nilalagot at dinudurog niya ang mga ito. Walang sinuman ang makapigil sa kaniya. 5 Araw at gabi, sumisigaw siya sa mga libingan at sa mga bundok at hinihiwa ang sarili niya ng bato. 6 Pero nang makita niya si Jesus mula sa malayo, tumakbo siya at yumukod sa kaniya.+ 7 At sumigaw siya nang malakas: “Bakit nandito ka, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Sumumpa ka sa Diyos na hindi mo ako pahihirapan.”+ 8 Sumigaw siya nang ganiyan dahil sinasabi sa kaniya ni Jesus: “Masamang espiritu, lumabas ka mula sa taong iyan.”+ 9 Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang pangalan mo?” Sumagot ito: “Ang pangalan ko ay Hukbo, dahil marami kami.” 10 At paulit-ulit siyang nakiusap kay Jesus na huwag palayasin ang mga espiritu mula sa lupain.+
11 Isang malaking kawan ng mga baboy+ ang nanginginain noon sa bundok.+ 12 Kaya nagmakaawa sa kaniya ang mga espiritu: “Payagan mo kaming pumasok sa mga baboy.” 13 At pinayagan niya sila. Kaya lumabas ang masasamang espiritu at pumasok sa mga baboy, at ang mga baboy, na mga 2,000, ay nagtakbuhan sa bangin at nahulog sa lawa at nalunod. 14 Pero ang mga tagapag-alaga ng baboy ay nagtakbuhan at ipinamalita ito sa lunsod at sa kalapít na mga lugar, at dumating ang mga tao para tingnan ang nangyari.+ 15 Kaya pumunta sila kay Jesus, at nakita nila ang lalaking dating sinasapian ng hukbo ng mga demonyo; nakaupo ito at nakadamit at nasa matinong pag-iisip. Natakot sila. 16 Ibinalita sa kanila ng mga nakasaksi kung ano ang nangyari sa lalaking sinasapian ng demonyo at sa mga baboy. 17 Kaya nakiusap sila kay Jesus na umalis sa lugar nila.+
18 Habang pasakay siya sa bangka, ang lalaki na dating sinasapian ng demonyo ay nakiusap sa kaniya na isama siya.+ 19 Pero hindi pumayag si Jesus. Sinabi niya: “Umuwi ka sa pamilya mo at mga kamag-anak, at ibalita mo sa kanila ang lahat ng ginawa ni Jehova* para sa iyo at ang awa na ipinakita niya sa iyo.” 20 Umalis ang lalaki at ipinamalita sa Decapolis* ang lahat ng ginawa ni Jesus para sa kaniya, at namangha ang lahat ng tao.
21 Muling tumawid si Jesus sa kabilang ibayo sakay ng bangka. Napakaraming tao ang pumunta sa kaniya sa tabi ng lawa.+ 22 Isa sa mga punong opisyal ng sinagoga, na Jairo ang pangalan, ang dumating. Nang makita niya si Jesus, sumubsob siya sa paanan nito.+ 23 Maraming ulit siyang nakiusap sa kaniya: “Malubha ang lagay ng* anak ko. Pakiusap, sumama ka sa akin at ipatong mo sa kaniya ang mga kamay mo+ para gumaling siya at mabuhay.” 24 Kaya sumama si Jesus sa kaniya. At maraming tao ang sumusunod at sumisiksik sa kaniya.
25 Ngayon, may isang babae na 12 taon nang dinudugo.+ 26 Nahirapan siya sa kamay ng maraming manggagamot at naubos na ang lahat ng pag-aari niya, pero hindi bumuti ang kondisyon niya, sa halip, lumala pa ito. 27 Nang mabalitaan niya ang tungkol kay Jesus, nakipagsiksikan siya sa mga tao at lumapit sa likuran ni Jesus at hinipo ang damit nito,+ 28 dahil paulit-ulit niyang sinasabi: “Mahipo ko lang kahit ang damit niya, gagaling ako.”+ 29 At tumigil agad ang pagdurugo niya at naramdaman niyang magaling na siya at wala na ang sakit na nagpapahirap sa kaniya.
30 Agad na naramdaman ni Jesus na may lumabas na kapangyarihan+ sa kaniya, at lumingon siya sa mga tao at nagsabi: “Sino ang humipo sa damit ko?”+ 31 Sinabi ng mga alagad niya: “Sinisiksik ka ng mga tao, kaya bakit mo itinatanong, ‘Sino ang humipo sa akin?’” 32 Pero tumingin siya sa paligid para makita kung sino ang gumawa nito. 33 Alam ng babae na gumaling siya. Takot na takot siya at nanginginig na lumapit kay Jesus at sumubsob sa paanan nito, at sinabi niya ang buong katotohanan. 34 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Anak, pinagaling ka ng pananampalataya mo. Umuwi ka na at huwag nang mag-alala.+ Wala na ang sakit na nagpapahirap sa iyo.”+
35 Habang nagsasalita pa siya, dumating ang ilang lalaki mula sa bahay ng punong opisyal ng sinagoga. Sinabi nila: “Namatay na ang anak mo! Bakit mo pa aabalahin ang Guro?”+ 36 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa punong opisyal ng sinagoga: “Huwag kang matakot, manampalataya ka lang.”+ 37 Hindi niya pinahintulutang sundan siya ng sinuman maliban kina Pedro, Santiago, at sa kapatid nitong si Juan.+
38 Kaya pumunta sila sa bahay ng punong opisyal ng sinagoga, at nakita niyang nagkakagulo ang mga tao at may mga umiiyak at humahagulgol nang malakas.+ 39 Pagpasok ni Jesus, sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo umiiyak at nagkakagulo? Hindi namatay ang bata. Natutulog lang siya.”+ 40 At pinagtawanan siya ng mga tao. Matapos niyang palabasin silang lahat, isinama niya ang ama at ina ng bata at ang mga alagad niya sa kinaroroonan ng bata. 41 Hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi rito: “Talita kumi,” na kapag isinalin ay nangangahulugang “Dalagita, bumangon ka!”+ 42 At agad na bumangon ang dalagita at naglakad. (Siya ay 12 taóng gulang.) Nang makita ito ng mga magulang niya, nag-umapaw sa saya ang puso nila. 43 Pero paulit-ulit* silang pinagbilinan ni Jesus na huwag itong sabihin kahit kanino,+ at sinabi niyang bigyan ang bata ng makakain.
6 Umalis siya roon at nagpunta sa sarili niyang bayan,+ at sinundan siya ng mga alagad niya. 2 Pagdating ng Sabbath, nagturo siya sa sinagoga, at karamihan sa nakarinig sa kaniya ay namangha at sinabi nila: “Saan natutuhan ng taong ito ang ganitong mga bagay?+ Bakit ang dami niyang alam? At sino ang nagbigay sa kaniya ng kapangyarihang gumawa ng mga himala?+ 3 Siya ang karpintero+ na anak ni Maria+ at kapatid nina Santiago,+ Jose, Hudas, at Simon,+ hindi ba? At tagarito rin ang mga kapatid niyang babae, hindi ba?” Kaya hindi sila naniwala sa kaniya.* 4 Pero sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang propeta ay pinahahalagahan kahit saan maliban sa sarili niyang bayan at sambahayan.”+ 5 Kaya hindi siya gumawa roon ng anumang himala* maliban sa pagpapagaling sa ilang maysakit sa pamamagitan ng pagpapatong sa kanila ng mga kamay niya. 6 Nagtaka siya na wala silang pananampalataya. At nilibot niya ang mga nayon sa lugar na iyon para magturo.+
7 Tinawag niya ngayon ang 12 apostol at sinimulan silang isugo nang dala-dalawa,+ at binigyan niya sila ng awtoridad na magpalayas ng masasamang espiritu.+ 8 Inutusan din niya sila na huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay maliban sa isang tungkod—walang tinapay, lalagyan ng pagkain, o pera*+— 9 kundi magsuot lang ng sandalyas at huwag magdala ng ekstrang damit.* 10 Sinabi rin niya sa kanila: “Saanmang bahay kayo patuluyin, manatili kayo roon habang kayo ay nasa lugar na iyon.+ 11 At saanmang lugar kayo hindi tanggapin o pakinggan, kapag umalis kayo roon, ipagpag ninyo ang alikabok mula sa inyong mga paa bilang patotoo sa kanila.”+ 12 Kaya umalis sila at nangaral para magsisi ang mga tao,+ 13 at nagpalayas sila ng maraming demonyo+ at pinahiran ng langis ang maraming maysakit at pinagaling sila.
14 Nabalitaan ni Haring Herodes ang tungkol dito dahil nakilala nang husto ang pangalan ni Jesus, at sinasabi ng mga tao: “Binuhay-muli si Juan na Tagapagbautismo, kaya nakagagawa siya ng mga himala.”*+ 15 Pero sinasabi ng iba: “Siya si Elias.” May iba pang nagsasabi: “Isa siyang propeta, gaya ng mga propeta noon.”+ 16 Pero nang marinig ito ni Herodes, sinabi niya: “Ang Juan na pinugutan ko ng ulo, binuhay siyang muli.” 17 Dahil siya mismo ang nagpaaresto kay Juan at ipinagapos niya ito at ipinabilanggo alang-alang sa asawa ng kapatid niyang si Felipe, si Herodias, na pinakasalan din ni Herodes.+ 18 Sinasabi noon ni Juan kay Herodes: “Hindi tamang gawin mong asawa ang asawa ng kapatid mo.”+ 19 Kaya nagkimkim ng galit si Herodias laban kay Juan at gusto niya itong patayin, pero hindi niya magawa. 20 Natatakot kasi si Herodes kay Juan; alam niyang ito ay isang taong matuwid at banal,+ at pinoprotektahan niya ito. Kapag nakikinig siya kay Juan, nalilito siya kung ano ang gagawin, pero gustong-gusto pa rin niyang makinig dito.
21 Nakahanap ng pagkakataon si Herodias nang maghanda si Herodes ng hapunan sa kaarawan+ niya at imbitahan ang kaniyang matataas na opisyal at mga kumandante ng militar at ang pinakaprominenteng mga lalaki sa Galilea.+ 22 At pumasok ang anak na babae ni Herodias at sumayaw at napasaya si Herodes at ang mga kumakaing* kasama niya. Sinabi ng hari sa dalaga: “Hingin mo kung ano ang gusto mo, at ibibigay ko iyon sa iyo.” 23 Sumumpa pa nga siya: “Anuman ang hingin mo sa akin, ibibigay ko sa iyo, kahit kalahati ng kaharian ko.” 24 Kaya lumabas siya at sinabi sa kaniyang ina: “Ano po ang hihingin ko?” Sinabi nito: “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” 25 Agad-agad siyang pumunta sa hari at hiniling niya rito: “Gusto kong ibigay ninyo sa akin ngayon din sa isang bandehado ang ulo ni Juan Bautista.”+ 26 Lungkot na lungkot ang hari, pero hindi niya matanggihan ang dalaga dahil sa sumpang binitiwan niya sa harap ng mga bisita.* 27 Kaya nagsugo agad ang hari ng isang sundalo at inutusan ito na dalhin ang ulo ni Juan. Kaya umalis ito at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan 28 at dinala ang ulo nito na nasa isang bandehado. Ibinigay niya ito sa dalaga, at ibinigay naman ito ng dalaga sa kaniyang ina. 29 Nang malaman ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang bangkay niya at inilibing.*
30 Nagpunta kay Jesus ang mga apostol at sinabi nila sa kaniya ang lahat ng ginawa nila at itinuro.+ 31 At sinabi niya sa kanila: “Sumama kayo sa akin sa isang lugar na malayo sa mga tao at magpahinga tayo nang kaunti.”+ Dahil marami ang dumarating at umaalis, at wala man lang silang panahon para kumain. 32 Kaya sumakay sila sa bangka para pumunta sa isang lugar na malayo sa mga tao.+ 33 Pero nakita ng mga tao na paalis sila at nalaman ito ng marami, kaya ang mga tao sa lahat ng lunsod ay nagtakbuhan papunta roon at nauna pa sa kanila. 34 Pagkababa sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila+ dahil para silang mga tupa na walang pastol.+ At tinuruan niya sila ng maraming bagay.+
35 Nang gumagabi na, lumapit sa kaniya ang mga alagad niya at sinabi nila: “Liblib ang lugar na ito at gumagabi na.+ 36 Paalisin mo na sila, para makapunta sila sa kalapít na mga nayon at bayan at makabili ng makakain nila.”+ 37 Sinabi niya sa kanila: “Bigyan ninyo sila ng makakain.” Sumagot sila: “Aalis ba kami at bibili ng tinapay na halagang 200 denario* para mapakain ang mga tao?”+ 38 Sinabi niya sa kanila: “Ilan ang tinapay ninyo? Tingnan ninyo.” Matapos nilang alamin ito, sinabi nila: “Lima, at may dalawang isda.”+ 39 At ang lahat ng tao ay pinaupo niya nang grupo-grupo sa damuhan.+ 40 Kaya umupo sila nang tig-iisang daan at tiglilimampu. 41 At kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nanalangin.*+ Pagkatapos, pinagpira-piraso niya ang mga tinapay at ibinigay sa mga alagad para ipamahagi sa mga tao; at hinati-hati niya ang dalawang isda para sa lahat. 42 Kaya kumain silang lahat at nabusog, 43 at nakapuno sila ng 12 basket ng natirang tinapay, bukod pa sa mga isda.+ 44 Ang kumain ng tinapay ay 5,000 lalaki.
45 Pagkatapos, pinasakay niya agad sa bangka ang mga alagad niya para mauna ang mga ito sa kabilang ibayo papuntang Betsaida, at pinauwi naman niya ang mga tao.+ 46 Matapos magpaalam sa kanila, pumunta siya sa isang bundok para manalangin.+ 47 Pagsapit ng gabi, ang bangka ay nasa gitna ng lawa, pero nag-iisa siya sa bundok.+ 48 Pagkatapos, nang madaling araw na,* nakita niya silang nahihirapan sa pagsagwan dahil ang hangin ay pasalungat sa kanila. Kaya naglakad siya sa ibabaw ng tubig papunta sa kanila; pero lalampasan niya sana sila. 49 Nang makita nila siyang naglalakad sa ibabaw ng tubig, naisip nila: “Totoo ba ito?” At napasigaw sila, 50 dahil nakita nilang lahat si Jesus at natakot sila. Pero agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ninyo ang loob ninyo! Ako ito; huwag kayong matakot.”+ 51 At sumampa siya sa bangkang sinasakyan nila, at tumigil ang hangin. Manghang-mangha sila, 52 dahil hindi nila nakuha ang aral sa ginawa niyang himala sa mga tinapay. Hindi pa rin nila naiintindihan.*
53 Nang makatawid sila sa kabilang ibayo at makarating sa Genesaret, dumaong sila sa may baybayin.+ 54 Pagkababa nila sa bangka, nakilala agad ng mga tao si Jesus. 55 Nagtakbuhan ang mga tao para ipamalita ito sa buong rehiyon. Ang mga maysakit na nakaratay sa higaan ay dinala nila kung saan nila nabalitaang naroon siya. 56 At kahit saan siya magpunta, anumang nayon o lunsod o kalapít na lupain, dinadala nila sa mga pamilihan ang mga maysakit, at nakikiusap sila sa kaniya na hayaan silang hipuin man lang ang palawit ng damit niya.+ At ang lahat ng humipo rito ay gumaling.
7 Ang mga Pariseo at ang ilan sa mga eskriba na dumating mula sa Jerusalem ay lumapit sa kaniya.+ 2 At nakita nila ang ilan sa mga alagad niya na kumakain na marumi ang kamay, ibig sabihin, hindi nahugasan.* 3 (Dahil ang mga Pariseo at ang lahat ng Judio ay hindi kumakain malibang nakapaghugas na sila ng mga kamay hanggang sa siko, bilang pagsunod sa tradisyon ng mga ninuno nila, 4 at kapag galing sila sa pamilihan, hindi sila kumakain nang hindi muna naglilinis ng sarili. Marami pa silang minanang tradisyon na sinusunod nila, gaya ng paglulubog sa tubig* ng mga kopa, pitsel, at mga tansong sisidlan.)+ 5 Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga eskribang ito: “Bakit hindi sinusunod ng mga alagad mo ang tradisyon ng mga ninuno natin at kumakain sila na marumi ang kamay?”+ 6 Sinabi niya sa kanila: “Mga mapagkunwari, tama ang inihula ni Isaias tungkol sa inyo. Nasusulat: ‘Pinararangalan ako ng bayang ito sa pamamagitan ng mga labi nila, pero malayong-malayo ang puso nila sa akin.+ 7 Walang saysay ang patuloy na pagsamba nila sa akin, dahil mga utos ng tao ang itinuturo nila bilang doktrina.’+ 8 Binabale-wala ninyo ang utos ng Diyos at sinusunod ang tradisyon ng mga tao.”+
9 Sinabi pa niya sa kanila: “Ang galing ninyong gumawa ng paraan para malusutan ang utos ng Diyos at masunod ang tradisyon ninyo.+ 10 Halimbawa, sinabi ni Moises, ‘Parangalan mo ang iyong ama at ina,’+ at, ‘Ang nagsasalita ng masama* sa kaniyang ama o ina ay papatayin.’+ 11 Pero sinasabi ninyo, ‘Kapag sinabi ng isa sa kaniyang ama o ina: “Anumang mayroon ako na makatutulong sa inyo ay korban (ibig sabihin, naialay na sa Diyos),”’ 12 hindi na ninyo siya hinahayaang gumawa ng anumang bagay para sa kaniyang ama o ina.+ 13 Kaya winawalang-halaga ninyo ang salita ng Diyos dahil sa tradisyong ipinamamana ninyo.+ At marami kayong ginagawa na gaya nito.”+ 14 Tinawag niyang muli ang mga tao at sinabi sa kanila: “Makinig kayo sa akin, lahat kayo, at unawain ninyo ang kahulugan nito.+ 15 Walang anumang pumapasok sa isang tao ang magpaparumi sa kaniya, kundi ang lumalabas sa kaniya ang nagpaparumi sa kaniya.”+ 16 *——
17 Nang makapasok na siya sa isang bahay na malayo sa mga tao, tinanong siya ng mga alagad niya tungkol sa ilustrasyon.+ 18 Kaya sinabi niya sa kanila: “Hindi rin ba ninyo naiintindihan? Hindi ba ninyo alam na walang anumang pumapasok sa isang tao ang magpaparumi sa kaniya, 19 dahil pumapasok ito, hindi sa puso niya, kundi sa kaniyang tiyan, at lumalabas ito papunta sa imburnal?” Sa pagsasabi nito, ipinakita niya na malinis ang lahat ng pagkain. 20 Sinabi pa niya: “Ang lumalabas sa isang tao ang nagpaparumi sa kaniya.+ 21 Dahil nanggagaling sa loob, sa puso ng tao,+ ang nakapipinsalang mga kaisipan: seksuwal na imoralidad,* pagnanakaw, pagpatay, 22 pangangalunya, kasakiman, kasamaan, pandaraya, paggawi nang may kapangahasan,* inggit,* pamumusong,* kayabangan, at kawalang-katuwiran. 23 Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay nagmumula sa loob at nagpaparumi sa tao.”
24 Mula roon ay nagpunta siya sa rehiyon ng Tiro at Sidon.+ Pumasok siya sa isang bahay at ayaw niya itong malaman ng sinuman. Pero may nakakita pa rin sa kaniya. 25 Isang babae na may anak na sinasaniban ng masamang* espiritu ang nakabalita agad tungkol sa kaniya. Pumunta siya kay Jesus at sumubsob sa paanan nito.+ 26 Ang babae ay isang Griego, na Sirofenisa ang nasyonalidad;* at paulit-ulit siyang nakiusap kay Jesus na palayasin ang demonyo mula sa anak niyang babae. 27 Pero sinabi niya sa babae: “Dapat munang mabusog ang mga anak, dahil hindi tama na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis ito sa maliliit na aso.”+ 28 Sumagot ang babae: “Oo, Ginoo, pero kinakain ng maliliit na aso sa ilalim ng mesa ang mga mumo ng maliliit na anak.” 29 Kaya sinabi ni Jesus: “Dahil sa sinabi mo, umuwi ka na; lumabas na ang demonyo mula sa anak mo.”+ 30 Umuwi siya at nakita ang bata na nakahiga sa higaan, at wala na ang demonyo.+
31 Nang bumalik si Jesus sa Lawa ng Galilea mula sa rehiyon ng Tiro, dumaan siya sa Sidon at sa rehiyon ng Decapolis.*+ 32 Dito ay dinala sa kaniya ng mga tao ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita,+ at nakiusap sila sa kaniya na ipatong sa lalaki ang kamay niya. 33 At inilayo niya ang lalaki mula sa mga tao. Pagkatapos, inilagay niya ang mga daliri niya sa mga tainga nito, at matapos dumura, hinipo niya ang dila nito.+ 34 Tumingala siya sa langit, huminga nang malalim, at sinabi sa lalaki: “Effata,” ibig sabihin, “Mabuksan ka.” 35 At nakarinig ang lalaki.+ Nawala rin ang kapansanan niya sa pagsasalita, at nakapagsasalita na siya nang normal. 36 Pagkatapos, inutusan niya silang huwag itong sabihin kahit kanino,+ pero habang pinagbabawalan niya sila, lalo naman nila itong ipinamamalita.+ 37 Talagang namangha sila,+ at sinabi nila: “Kahanga-hanga ang lahat ng ginagawa niya. Napagagaling niya kahit ang mga pipi at bingi.”+
8 Nang panahong iyon, muling pinuntahan si Jesus ng napakaraming tao at wala silang makain. Kaya tinawag niya ang mga alagad at sinabi sa kanila: 2 “Naaawa ako sa mga tao.+ Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain.+ 3 Kung pauuwiin ko sila nang gutom,* manghihina sila sa daan. Galing pa naman sa malayo ang ilan sa kanila.” 4 Pero sinabi sa kaniya ng mga alagad niya: “Saan sa liblib na lugar na ito makakakuha ng sapat na tinapay para mapakain ang mga tao?” 5 Tinanong niya sila: “Ilan ang tinapay ninyo?” Sumagot sila: “Pito.”+ 6 At pinaupo niya sa lupa ang mga tao. Pagkatapos, kinuha niya ang pitong tinapay, nagpasalamat sa Diyos, pinagpira-piraso ang mga ito, at ibinigay sa mga alagad niya para ipamahagi, at ipinamahagi nila ang mga ito sa mga tao.+ 7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Pagkatapos manalangin,* sinabi niya sa kanila na ipamahagi rin ang mga ito. 8 Kaya kumain sila at nabusog, at nang tipunin nila ang natirang mga piraso, pitong malalaking basket ang napuno nila.+ 9 Mga 4,000 lalaki ang kumain. Pagkatapos, pinauwi na niya sila.
10 Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang mga alagad niya at nakarating sila sa rehiyon ng Dalmanuta.+ 11 Dumating ang mga Pariseo at nakipagtalo sa kaniya. Humihingi sila sa kaniya ng isang tanda mula sa langit para subukin siya.+ 12 Napabuntonghininga siya at nagsabi: “Bakit naghahanap ng tanda ang henerasyong ito?+ Sinasabi ko sa inyo, walang tanda na ibibigay sa henerasyong ito.”+ 13 Pagkatapos, iniwan niya sila, sumakay siya uli sa bangka, at pumunta sa kabilang ibayo.
14 Pero ang mga alagad ay walang nadalang ibang pagkain sa bangka kundi isang tinapay.+ 15 At mahigpit siyang nagbabala sa kanila: “Maging mapagmasid kayo; mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.”+ 16 Kaya nagtalo-talo sila dahil wala silang tinapay. 17 Nang mapansin niya ito, sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo nagtatalo dahil wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo naiintindihan ang ibig kong sabihin? Hindi pa ba malinaw sa inyo?* 18 ‘Hindi ba kayo nakakakita kahit may mga mata kayo; at hindi ba kayo nakaririnig kahit may mga tainga kayo?’ Hindi ba ninyo natatandaan 19 nang pagpira-pirasuhin ko ang limang tinapay+ para sa 5,000 lalaki? Ilang basket ang napuno ninyo ng natirang tinapay?” Sinabi nila sa kaniya: “Labindalawa.”+ 20 “Nang pagpira-pirasuhin ko ang pitong tinapay para sa 4,000 lalaki, ilang malalaking basket ang napuno ninyo ng natirang tinapay?” Sinabi nila sa kaniya: “Pito.”+ 21 Kaya sinabi niya sa kanila: “Hindi pa rin ba ninyo naiintindihan?”
22 Pagdating nila sa Betsaida, dinala sa kaniya ng mga tao ang isang lalaking bulag, at nakiusap sila sa kaniya na hipuin ito.+ 23 Hinawakan niya sa kamay ang lalaking bulag at dinala ito sa labas ng nayon. Matapos niyang duraan ang mga mata nito,+ ipinatong niya ang mga kamay niya sa lalaki at tinanong ito: “May nakikita ka ba?” 24 Tumingin ang lalaki at sinabi nito: “May nakikita akong mga tao, pero mukha silang mga puno na naglalakad.” 25 Ipinatong niya ulit ang mga kamay niya sa mga mata ng lalaki, at ang lalaki ay nakakita nang malinaw. Bumalik ang paningin nito, at nakita na niya nang malinaw ang lahat ng bagay. 26 Kaya pinauwi niya ito sa bahay at sinabihan: “Huwag kang pumunta sa nayon.”
27 Si Jesus at ang mga alagad niya ay umalis papunta sa mga nayon ng Cesarea Filipos. Habang nasa daan, tinanong niya ang mga alagad niya: “Sino ako ayon sa mga tao?”+ 28 Sinabi nila sa kaniya: “Si Juan Bautista;+ pero sinasabi ng iba, si Elias;+ at ang iba pa, isa sa mga propeta.” 29 At tinanong niya sila: “Pero kayo, sino ako para sa inyo?” Sumagot si Pedro: “Ikaw ang Kristo.”+ 30 Pagkatapos, mahigpit niya silang inutusan na huwag sabihin kahit kanino ang tungkol sa kaniya.+ 31 Sinabi rin niya sa kanila na ang Anak ng tao ay kailangang dumanas ng maraming pagdurusa at itakwil ng matatandang lalaki at mga punong saserdote at mga eskriba at patayin,+ at mabuhay-muli pagkalipas ng tatlong araw.+ 32 Deretsahan niya itong sinabi sa kanila. Pero dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinaway.+ 33 Tumalikod siya, tumingin sa mga alagad niya, at sinaway si Pedro: “Diyan* ka sa likuran ko, Satanas! Dahil hindi kaisipan ng Diyos ang iniisip mo, kundi kaisipan ng tao.”+
34 Tinawag niya ngayon ang mga tao kasama ang mga alagad niya at sinabi sa kanila: “Kung gusto ng isa na sumunod sa akin, dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos* at patuloy akong sundan.+ 35 Dahil ang sinumang gustong magligtas ng buhay* niya ay mamamatay,* pero ang sinumang mamatay alang-alang sa akin at sa mabuting balita ay magliligtas sa buhay niya.+ 36 Ano ang saysay na makuha ng isang tao ang buong mundo kung mamamatay naman siya?+ 37 Ano nga ba ang maibibigay ng isang tao kapalit ng buhay* niya?+ 38 Kung ako at ang aking mga salita ay ikahihiya ng sinuman mula sa taksil* at makasalanang henerasyong ito, ikahihiya rin siya ng Anak ng tao+ kapag dumating ito taglay ang kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang banal na mga anghel.”+
9 Sinabi pa niya sa kanila: “Sinasabi ko sa inyo na may ilan sa mga nakatayo rito na hindi mamamatay hanggang sa makita muna nilang naitatag na ang Kaharian ng Diyos.”+ 2 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan, at umakyat sila sa isang napakataas na bundok nang sila-sila lang. At nagbago ang kaniyang anyo sa harap nila;+ 3 at ang damit niya ay kuminang sa kaputian. Walang sinuman sa lupa ang makapagpapaputi sa damit nang gayon. 4 Nagpakita rin sa kanila sina Elias at Moises, at nakikipag-usap ang mga ito kay Jesus. 5 Sinabi ni Pedro kay Jesus: “Rabbi, mabuti at narito kami. Puwede ba kaming magtayo ng tatlong tolda, isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias?” 6 Ang totoo, hindi alam ni Pedro kung ano ang sasabihin niya, dahil takot na takot sila. 7 At isang ulap ang nabuo at lumilim sa kanila. Pagkatapos, isang tinig+ mula sa ulap ang nagsabi: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko.+ Makinig kayo sa kaniya.”+ 8 At pagtingin nila sa paligid, si Jesus na lang ang nakita nila.
9 Habang bumababa sila ng bundok, mahigpit niya silang pinagbilinan na huwag sabihin kaninuman ang nakita nila,+ hanggang sa buhaying muli ang Anak ng tao.+ 10 Isinapuso nila ang sinabi niya,* pero pinag-usapan nila nang sila-sila lang kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang bubuhayin siyang muli. 11 At tinanong nila siya: “Bakit sinasabi ng mga eskriba na kailangan munang dumating si Elias?”+ 12 Sinabi niya sa kanila: “Talagang darating muna si Elias at ibabalik niya sa ayos ang lahat ng bagay;+ pero bakit nasusulat na ang Anak ng tao ay kailangang dumanas ng maraming pagdurusa+ at kailangang itakwil?+ 13 Sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias,+ at ginawa nila sa kaniya ang anumang gusto nila, gaya ng nasusulat tungkol sa kaniya.”+
14 Pagdating nila sa kinaroroonan ng iba pang alagad, nakita nilang napapalibutan ang mga ito ng maraming tao, at may mga eskriba na nakikipagtalo sa mga ito.+ 15 Pero nang makita siya ng mga tao, nagulat sila at tumakbo palapit sa kaniya para batiin siya. 16 Tinanong niya sila: “Ano ang pinagtatalunan ninyo?” 17 Isa sa kanila ang sumagot: “Guro, dinala ko sa iyo ang anak kong lalaki dahil sinasaniban siya ng espiritu at hindi siya makapagsalita.+ 18 Kapag sinasaniban siya nito, ibinabagsak siya nito sa lupa, bumubula ang bibig niya, nagngangalit ang mga ngipin niya, at nawawalan siya ng lakas. Nakiusap ako sa mga alagad mo na palayasin ito, pero hindi nila magawa.” 19 Sinabi niya sa kanila: “O henerasyong walang pananampalataya,+ hanggang kailan ko kayo pakikisamahan? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo siya sa akin.”+ 20 Kaya dinala nila ito kay Jesus, pero nang makita siya ng espiritu, agad nitong pinangisay ang bata. Bumagsak ito sa lupa at nagpagulong-gulong, na bumubula ang bibig. 21 Tinanong ni Jesus ang ama: “Gaano katagal na itong nangyayari sa kaniya?” Sinabi ng ama: “Mula pa sa pagkabata, 22 at madalas siya nitong ihagis sa apoy at sa tubig para patayin siya. Pero kung may magagawa ka, maawa ka sa amin at tulungan mo kami.” 23 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Bakit mo sinasabing ‘Kung may magagawa ka’? Posible ang lahat ng bagay kung may pananampalataya ang isa.”+ 24 Agad na sumagot nang malakas ang ama ng bata: “May pananampalataya ako! Pero tulungan mo akong magkaroon ng mas malakas na pananampalataya!”+
25 Nang mapansin ni Jesus na maraming tao ang nagmamadali papunta sa kanila, sinaway niya ang masamang* espiritu: “Espiritung pipi at bingi,* inuutusan kita, lumabas ka sa kaniya at huwag ka na uling papasok sa kaniya!”+ 26 Pagkatapos nitong sumigaw at mangisay nang maraming ulit, lumabas ito, at parang namatay ang bata, kaya karamihan sa mga tao ay nagsabi: “Patay na siya!” 27 Pero hinawakan ni Jesus sa kamay ang bata at ibinangon ito, at tumayo ito. 28 Pagpasok ni Jesus sa isang bahay, tinanong siya ng mga alagad niya nang sarilinan: “Bakit hindi namin iyon mapalayas?”+ 29 Sinabi niya sa kanila: “Ang ganoong klase ng espiritu ay mapalalabas lang sa pamamagitan ng panalangin.”
30 Umalis sila roon at dumaan sa Galilea, pero ayaw niyang malaman ito ng sinuman 31 dahil tinuturuan niya noon ang mga alagad niya. Sinasabi niya sa kanila: “Ang Anak ng tao ay ibibigay sa kamay ng mga kaaway, at papatayin nila siya, pero kahit mamatay siya,+ mabubuhay siyang muli pagkalipas ng tatlong araw.”+ 32 Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya, at natatakot silang magtanong sa kaniya.
33 Nakarating sila sa Capernaum. Nang nasa loob na siya ng bahay, tinanong niya sila: “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?”+ 34 Hindi sila umimik, dahil nagtatalo-talo sila sa daan kung sino ang pinakadakila* sa kanila. 35 Kaya umupo siya at tinawag ang 12 apostol at sinabi sa kanila: “Ang sinumang gustong maging una sa inyo ay dapat na maging huli sa lahat at maglingkod sa lahat.”+ 36 Pagkatapos, pinatayo niya ang isang bata sa gitna nila, niyakap niya ito, at sinabi sa kanila: 37 “Ang sinumang tumatanggap sa isa sa mga batang+ gaya nito alang-alang sa akin ay tumatanggap din sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa nagsugo sa akin.”+
38 Sinabi ni Juan sa kaniya: “Guro, nakita namin ang isang tao na nagpapalayas ng mga demonyo gamit ang pangalan mo, at pinipigilan namin siya dahil hindi siya sumusunod sa atin.”+ 39 Pero sinabi ni Jesus: “Huwag ninyo siyang pigilan, dahil ang sinumang gumagawa ng himala* gamit ang pangalan ko ay hindi agad-agad makapagsasalita ng masama tungkol sa akin. 40 Dahil sinumang hindi laban sa atin ay nasa panig natin.+ 41 At sinumang magbigay sa inyo ng isang baso ng tubig na maiinom dahil tagasunod kayo ni Kristo,+ sinasabi ko sa inyo, tiyak na tatanggap siya ng gantimpala.+ 42 Pero ang sinumang tumisod sa* isa sa maliliit na ito na nananampalataya, mas mabuti pang bitinan ang leeg niya ng isang gilingang-bato na iniikot ng isang asno at ihagis siya sa dagat.+
43 “Kung nagkakasala ka dahil sa kamay mo, putulin mo ito. Mas mabuti pang tumanggap ka ng buhay na may iisang kamay, kaysa may dalawang kamay ka nga, pero mapupunta ka naman sa Gehenna,* sa apoy na hindi mapapatay.+ 44 *—— 45 At kung nagkakasala ka dahil sa paa mo, putulin mo ito. Mas mabuti pang tumanggap ka ng buhay na may iisang paa, kaysa may dalawang paa ka nga, pero ihahagis ka naman sa Gehenna.*+ 46 *—— 47 At kung nagkakasala ka dahil sa mata mo, itapon mo ito.+ Mas mabuti pang pumasok ka sa Kaharian ng Diyos na may iisang mata, kaysa may dalawang mata ka nga, pero ihahagis ka naman sa Gehenna,*+ 48 kung saan ang mga uod ay hindi namamatay at ang apoy ay hindi nawawala.+
49 “Dahil ang bawat isa* ay pauulanan ng apoy, gaya ng pagbubudbod ng asin.+ 50 Kapaki-pakinabang ang asin, pero kung mawawalan ito ng alat, paano maibabalik ang lasa nito?+ Maging gaya kayo ng asin,+ at panatilihin ninyo ang kapayapaan sa isa’t isa.”+
10 Pag-alis ni Jesus doon, tumawid siya ng Jordan at nakarating sa hangganan ng Judea, at pinuntahan siya uli ng maraming tao. At gaya ng lagi niyang ginagawa, muli niya silang tinuruan.+ 2 Lumapit sa kaniya ang mga Pariseo para subukin siya. Nagtanong sila kung puwedeng diborsiyuhin ng isang lalaki ang kaniyang asawa.+ 3 Sumagot siya: “Ano ang iniutos ni Moises sa inyo?” 4 Sinabi nila: “Ipinahintulot ni Moises ang pagsulat ng isang kasulatan ng paghihiwalay para madiborsiyo ang asawang babae.”+ 5 Pero sinabi ni Jesus sa kanila: “Isinulat niya ang utos na ito dahil sa katigasan ng puso ninyo.+ 6 Pero mula sa pasimula ng paglalang, ‘ginawa Niya silang lalaki at babae.+ 7 Dahil dito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina,+ 8 at ang dalawa ay magiging isang laman,’+ kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. 9 Kaya ang pinagsama* ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”+ 10 Nang nasa bahay na uli sila, tinanong siya ng mga alagad tungkol dito. 11 Sinabi niya sa kanila: “Ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae at mag-asawa ng iba ay nangangalunya+ at nagkakasala sa kaniyang asawa, 12 at kung ang isang babae ay mag-asawa ng iba pagkatapos makipagdiborsiyo sa asawa niya, nangangalunya siya.”+
13 May mga taong nagdala sa kaniya ng mga bata para mahawakan niya ang mga ito, pero pinagalitan sila ng mga alagad.+ 14 Nang makita ito ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang pigilan, dahil ang Kaharian ng Diyos ay para sa mga gaya nila.+ 15 Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tumatanggap sa Kaharian ng Diyos na gaya ng isang bata ay hindi makakapasok dito.”+ 16 At kinalong niya ang mga bata at ipinatong sa kanila ang mga kamay niya para pagpalain sila.+
17 Habang naglalakad siya, isang lalaki ang tumakbo palapit sa kaniya at lumuhod sa harap niya. Nagtanong ito: “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin para tumanggap* ng buhay na walang hanggan?”+ 18 Sinabi ni Jesus: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Isa lang ang mabuti, ang Diyos.+ 19 Alam mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay,+ huwag kang mangangalunya,+ huwag kang magnanakaw,+ huwag kang tetestigo nang may kasinungalingan,+ huwag kang mandaraya,+ parangalan* mo ang iyong ama at ina.’”+ 20 Sinabi sa kaniya ng lalaki: “Guro, sinusunod ko ang lahat ng iyan mula pa sa pagkabata.” 21 Tumingin si Jesus sa kaniya at nakadama ng pagmamahal sa kaniya. Sinabi ni Jesus: “May isa ka pang kailangang gawin: Ipagbili mo ang mga pag-aari mo at ibigay mo sa mahihirap ang napagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; pagkatapos, sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita.”+ 22 Nang marinig ito ng lalaki, nanlumo siya at malungkot na umalis, dahil marami siyang pag-aari.+
23 Matapos tumingin sa palibot, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Napakahirap para sa mayayaman na makapasok sa Kaharian ng Diyos!”+ 24 Nabigla ang mga alagad sa sinabi niya. Sinabi pa ni Jesus: “Mga anak, napakahirap makapasok sa Kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang makakapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa makapasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Diyos.”+ 26 Lalo silang nagulat at sinabi nila sa kaniya:* “Kung gayon, sino pa ang makaliligtas?”+ 27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi: “Sa mga tao ay imposible ito, pero hindi sa Diyos, dahil ang lahat ng bagay ay posible sa Diyos.”+ 28 Sinabi ni Pedro sa kaniya: “Iniwan na namin ang lahat at sumunod kami sa iyo.”+ 29 Sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng umiwan sa kanilang bahay, mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, ina, ama, mga anak, o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita+ 30 ay tatanggap ng 100 ulit sa panahong ito—ng mga bahay, mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, mga ina, mga anak, at mga bukid, kasama ng mga pag-uusig+—at sa darating na sistema* ay ng buhay na walang hanggan. 31 Pero maraming nauuna ang mahuhuli at maraming nahuhuli ang mauuna.”+
32 Si Jesus at ang mga alagad niya ay papunta* ngayon sa Jerusalem, at nauuna sa kanila si Jesus. Namangha ang mga alagad, pero ang mga sumusunod sa kanila ay natakot. Muling ibinukod ni Jesus ang 12 apostol at sinabi sa kanila ang mga bagay na ito na mangyayari sa kaniya:+ 33 “Makinig kayo. Pupunta tayo sa Jerusalem, at ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga punong saserdote at mga eskriba. Hahatulan nila siya ng kamatayan at ibibigay sa mga tao ng ibang mga bansa, 34 at tutuyain siya ng mga ito, duduraan, hahagupitin, at papatayin, pero pagkaraan ng tatlong araw ay mabubuhay siyang muli.”+
35 Sina Santiago at Juan, ang mga anak ni Zebedeo,+ ay lumapit sa kaniya at nagsabi: “Guro, gusto naming gawin mo para sa amin ang anumang hilingin namin sa iyo.”+ 36 Sinabi niya sa kanila: “Ano ang gusto ninyong gawin ko para sa inyo?” 37 Sumagot sila: “Paupuin mo kami sa tabi mo, ang isa sa kanan mo at ang isa sa kaliwa mo, kapag namamahala ka na sa Kaharian mo.”+ 38 Pero sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na iniinuman ko o danasin ang bautismong pinagdadaanan ko?”+ 39 Sinabi nila sa kaniya: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Ang kopa na iniinuman ko ay iinuman ninyo, at ang pinagdadaanan kong bautismo ay pagdadaanan ninyo.+ 40 Pero hindi ako ang magpapasiya kung sino ang uupo sa kanan ko o sa kaliwa ko. Ang aking Ama ang magpapasiya kung para kanino ang mga puwestong iyon.”
41 Nang marinig ito ng 10 iba pa, nagalit sila kina Santiago at Juan.+ 42 Pero tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila: “Alam ninyo na ang mga itinuturing na tagapamahala ng mga bansa ay nag-aastang panginoon sa mga nasasakupan nila at ipinapakita ng mga may kapangyarihan na sila ang dapat masunod.+ 43 Hindi kayo dapat maging ganiyan; sa halip, ang sinumang gustong maging dakila sa inyo ay dapat na maging lingkod ninyo,+ 44 at ang sinumang gustong maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ng lahat. 45 Dahil maging ang Anak ng tao ay dumating, hindi para paglingkuran, kundi para maglingkod+ at ibigay ang buhay* niya bilang pantubos na kapalit ng marami.”+
46 At dumating sila sa Jerico. Pero nang si Jesus at ang mga alagad niya at ang napakaraming tao ay papalabas na sa Jerico, si Bartimeo (na anak ni Timeo), isang pulubing bulag, ay nakaupo sa tabi ng daan.+ 47 Nang marinig niyang si Jesus na Nazareno ang dumadaan, nagsisigaw siya: “Anak ni David,+ Jesus, maawa ka sa akin!”+ 48 Kaya sinaway siya ng mga tao at pinagsabihan siyang tumahimik, pero lalo lang niyang isinigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin!” 49 Kaya huminto si Jesus, at sinabi niya: “Papuntahin ninyo siya sa akin.” Kaya tinawag nila ang lalaking bulag at sinabi sa kaniya: “Lakasan mo ang loob mo! Tumayo ka; tinatawag ka niya.” 50 Inihagis niya ang kaniyang panlabas na damit at agad na tumayo at lumapit kay Jesus. 51 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” Sumagot ang lalaking bulag: “Rabboni,* gusto kong makakita uli.” 52 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Makakauwi ka na. Pinagaling ka ng pananampalataya mo.”+ At agad siyang nakakita,+ at sumunod siya kay Jesus sa daan.
11 Nang malapit na sila sa Jerusalem, sa Betfage at Betania+ sa Bundok ng mga Olibo, isinugo niya ang dalawa sa mga alagad niya+ 2 at sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa nayon na abot-tanaw ninyo, at pagdating doon, may makikita kayong isang bisiro* na nakatali at hindi pa nasasakyan ng sinuman. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. 3 At kung may magtanong sa inyo, ‘Bakit ninyo ginagawa iyan?’ sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon; ibabalik din ito kaagad.’” 4 Kaya umalis sila at nakita ang bisiro na nakatali sa harap ng pintuan ng isang bahay sa tabi ng daan, at kinalagan nila ito.+ 5 Pero tinanong sila ng ilang taong nakatayo roon: “Bakit ninyo kinakalagan ang bisiro?” 6 Sinabi nila sa mga ito ang sinabi ni Jesus, at hinayaan nila silang makaalis.
7 At dinala nila kay Jesus ang bisiro,+ at ipinatong nila rito ang mga balabal nila, at sinakyan niya ito.+ 8 Inilatag din ng maraming tao ang mga balabal nila sa daan. Ang iba naman ay pumutol ng mga sanga* mula sa bukid.+ 9 At ang mga taong nasa unahan niya at ang mga sumusunod sa kaniya ay patuloy na sumisigaw: “Iligtas nawa siya!+ Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ni Jehova!*+ 10 Pinagpala ang dumarating na Kaharian ng ama nating si David!+ Iligtas nawa siya, ang dalangin namin sa langit!” 11 At pumasok siya sa Jerusalem, sa templo, at tumingin siya sa buong palibot. Pero dahil gumagabi na, pumunta siya sa Betania kasama ang 12 apostol.+
12 Kinabukasan, nang paalis sila sa Betania, nagutom siya.+ 13 Nakita niya mula sa malayo ang isang puno ng igos na may mga dahon, at lumapit siya para tingnan kung may bunga iyon. Pero pagdating doon, wala siyang nakita kundi mga dahon, dahil hindi pa panahon ng igos. 14 Kaya sinabi niya rito: “Mula ngayon, wala nang kakain ng bunga mula sa iyo.”+ At narinig iyon ng mga alagad niya.
15 Nakarating sila sa Jerusalem. Pumasok siya sa templo at pinalayas ang mga nagtitinda at bumibili sa templo, at itinaob niya ang mga mesa ng mga tagapagpalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati,+ 16 at hindi niya pinayagan ang sinuman na may dalang kagamitan na gawing daanan ang templo. 17 Tinuruan niya sila. Sinabi niya: “Hindi ba nasusulat, ‘Ang bahay ko ay tatawaging bahay-panalanginan para sa lahat ng bansa’?+ Pero ginawa ninyo itong pugad ng mga magnanakaw.”+ 18 Narinig ito ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at nagsimula silang maghanap ng paraan kung paano siya papatayin+ dahil natatakot sila sa kaniya. Namamangha kasi ang mga tao sa turo niya.+
19 Nang gumagabi na, umalis sila sa lunsod. 20 Pero kinaumagahan, habang naglalakbay sila sa daan, nakita nila ang puno ng igos na tuyot na mula sa mga ugat nito.+ 21 Naalaala ito ni Pedro, kaya sinabi niya kay Jesus: “Rabbi, tingnan mo! Tuyot na ang puno ng igos na isinumpa mo.”+ 22 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Manampalataya kayo sa Diyos. 23 Sinasabi ko sa inyo na sinumang magsabi sa bundok na ito, ‘Umangat ka at mahulog sa dagat,’ at hindi nag-aalinlangan sa puso niya kundi nananampalataya na ang sinasabi niya ay mangyayari, mangyayari iyon.+ 24 Kaya sinasabi ko sa inyo, lahat ng bagay na ipinapanalangin ninyo at hinihiling, manampalataya kayong tinanggap na ninyo iyon, at tatanggapin ninyo iyon.+ 25 At kapag kayo ay nakatayong nananalangin, patawarin ninyo ang anumang kasalanang nagawa sa inyo ng iba, para patawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit sa mga pagkakamali ninyo.”+ 26 *——
27 Muli silang nakarating sa Jerusalem. At habang naglalakad siya sa templo, ang mga punong saserdote at mga eskriba at matatandang lalaki ay lumapit sa kaniya 28 at nagsabi: “Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na gawin ang mga ito?”+ 29 Sinabi ni Jesus sa kanila: “May itatanong ako sa inyo. Sagutin ninyo ako, at sasabihin ko sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng awtoridad na gawin ang mga ito. 30 Ang awtoridad ba ni Juan na magbautismo+ ay galing sa langit o sa mga tao? Sagutin ninyo ako.”+ 31 Kaya nag-usap-usap sila: “Kung sasabihin natin, ‘Sa langit,’ sasabihin niya, ‘Kung gayon, bakit hindi kayo naniwala sa kaniya?’ 32 Pero maglalakas-loob ba tayong sabihing ‘Sa mga tao’?” Natatakot sila sa mga tao dahil lahat ng ito ay naniniwalang talagang propeta si Juan.+ 33 Kaya sumagot sila kay Jesus: “Hindi namin alam.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng awtoridad na gawin ang mga ito.”
12 Pagkatapos, nagturo siya sa kanila sa pamamagitan ng mga ilustrasyon: “Isang tao ang nagtanim ng ubas sa kaniyang bukid.+ Binakuran niya ang ubasan, gumawa siya rito ng pisaan ng ubas, at nagtayo siya ng isang tore;+ pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka, at naglakbay siya sa ibang lupain.+ 2 Pagdating ng anihan, pinapunta niya ang alipin niya sa mga magsasaka para kunin ang parte niya sa inaning ubas. 3 Pero sinunggaban nila ito, binugbog, at pinauwing walang dala. 4 Pinapunta ng may-ari ng ubasan ang isa pang alipin, at ang isang iyon ay pinalo nila sa ulo at hiniya.+ 5 At nagpapunta siya ng isa pa, at ang isang iyon ay pinatay nila. Marami pa siyang pinapunta. Ang ilan sa mga ito ay binugbog nila, at ang ilan naman ay pinatay nila. 6 May isa pa siyang puwedeng papuntahin, ang minamahal niyang anak.+ Ito ang huling pinapunta niya sa kanila. Sa loob-loob niya, ‘Igagalang nila ang anak ko.’ 7 Pero nag-usap-usap ang mga magsasaka, ‘Siya ang tagapagmana.+ Patayin natin siya para mapunta sa atin ang mana niya.’ 8 Kaya sinunggaban nila siya at pinatay at kinaladkad palabas ng ubasan.+ 9 Ano ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at papatayin ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba.+ 10 Hindi ba ninyo nabasa ang kasulatang ito: ‘Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ang naging pangunahing batong-panulok.*+ 11 Nagmula ito kay Jehova* at kahanga-hanga ito sa paningin natin’?”+
12 Alam nilang sila ang nasa isip ni Jesus nang sabihin niya ang ilustrasyon kaya gusto nilang dakpin siya. Pero natatakot sila sa mga tao. Kaya iniwan nila siya at umalis.+
13 Pagkatapos, pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa mga Pariseo at ang mga tagasuporta ni Herodes para hulihin siya sa pananalita niya.+ 14 Pagdating nila, sinabi nila sa kaniya: “Guro, alam naming lagi kang nagsasabi ng totoo at hindi mo hinahangad ang pabor ng mga tao, dahil hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo, at itinuturo mo ang katotohanan tungkol sa Diyos. Tama bang magbayad ng buwis kay Cesar o hindi? 15 Dapat ba kaming magbayad o hindi?” Nahalata niya ang pagkukunwari nila, kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo ako sinusubok? Dalhan ninyo ako ng isang denario.”* 16 Nagdala sila ng isang denario, at sinabi niya sa kanila: “Kaninong larawan at pangalan ito?” Sinabi nila sa kaniya: “Kay Cesar.” 17 Kaya sinabi ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar,+ pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”+ At namangha sila sa kaniya.
18 Ang mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay-muli,+ ay lumapit sa kaniya at nagtanong:+ 19 “Guro, isinulat ni Moises na kung mamatay ang isang lalaki at maiwang walang anak ang asawa niya, pakakasalan ito ng kapatid niyang lalaki para magkaroon ng anak ang namatay na kapatid.+ 20 May pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay nag-asawa pero namatay nang walang anak. 21 Pinakasalan ng ikalawa ang biyuda, pero namatay ang lalaki nang walang anak, at ganoon din ang nangyari sa ikatlo. 22 At namatay ang pito nang walang anak. Bandang huli, namatay rin ang babae. 23 Dahil napangasawa niya ang pitong magkakapatid, sino sa kanila ang magiging asawa niya kapag binuhay silang muli?” 24 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi ninyo alam ang Kasulatan o ang kapangyarihan ng Diyos, kaya mali ang iniisip ninyo.+ 25 Dahil sa pagkabuhay-muli, hindi mag-aasawa ang mga lalaki at mga babae, kundi sila ay magiging gaya ng mga anghel sa langit.+ 26 Pero tungkol sa pagkabuhay-muli, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa ulat tungkol sa matinik na halaman,* na sinabi ng Diyos sa kaniya: ‘Ako ang Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob’?+ 27 Siya ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy. Maling-mali kayo.”+
28 Ang pagtatalo nila ay narinig ng isa sa mga eskriba na dumating. Alam niyang mahusay ang sagot ni Jesus sa kanila, kaya tinanong niya si Jesus: “Anong utos ang pinakamahalaga* sa lahat?”+ 29 Sumagot si Jesus: “Ang pinakamahalaga ay ‘Makinig kayo, O Israel, si Jehova* na Diyos natin ay nag-iisang Jehova,* 30 at dapat mong ibigin si Jehova* na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa* mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.’+ 31 Ang ikalawa ay ito, ‘Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’+ Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa sa mga ito.” 32 Sinabi sa kaniya ng eskriba: “Guro, mahusay! Totoo ang sinabi mo, ‘Siya ay nag-iisa, at wala nang iba pa bukod sa kaniya’;+ 33 at ang pag-ibig sa kaniya nang buong puso, buong pag-iisip,* at buong lakas at ang pagmamahal sa kapuwa gaya ng pagmamahal sa sarili ay higit na mahalaga kaysa sa lahat ng buong handog na sinusunog at mga hain.”+ 34 Nakita ni Jesus na tama ang sinabi ng lalaki, kaya sinabi niya rito: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” Pero wala nang sinuman ang may lakas ng loob na magtanong sa kaniya.+
35 Habang patuloy na nagtuturo si Jesus sa templo, sinabi niya: “Bakit sinasabi ng mga eskriba na ang Kristo ay anak ni David?+ 36 Sa pamamagitan ng banal na espiritu,+ sinabi mismo ni David, ‘Sinabi ni Jehova* sa Panginoon ko: “Umupo ka sa kanan ko hanggang sa ilagay ko ang mga kaaway mo sa ilalim ng iyong mga paa.”’+ 37 Si David mismo ay tumawag sa kaniya na Panginoon, kaya paano siya naging anak ni David?”+
Maraming tao ang nakikinig sa kaniya at nasisiyahan. 38 Habang nagtuturo, sinabi pa niya: “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na gustong magpalakad-lakad na nakasuot ng mahahabang damit. Gusto nilang binabati sila ng mga tao sa mga pamilihan,+ 39 at gusto rin nilang umupo sa pinakamagagandang puwesto* sa mga sinagoga at sa mga upuan para sa importanteng mga bisita sa mga handaan.*+ 40 Kinakamkam nila ang mga pag-aari* ng mga biyuda at nananalangin nang mahaba para pahangain ang iba. Tatanggap sila ng mas mabigat na hatol.”
41 At umupo siya sa lugar na abot-tanaw ang mga kabang-yaman*+ at pinagmasdan ang mga taong naghuhulog ng pera sa mga kabang-yaman. Maraming mayayaman ang naghuhulog ng malaking halaga.+ 42 Isang mahirap na biyuda ang dumating at naghulog ng dalawang maliliit na barya na napakaliit ng halaga.*+ 43 Kaya tinawag niya ang mga alagad niya at sinabi sa kanila: “Sinasabi ko sa inyo, mas malaki ang inihulog ng mahirap na biyudang ito kaysa sa lahat ng iba pa na naghulog ng pera sa mga kabang-yaman.+ 44 Dahil silang lahat ay naghulog mula sa kanilang sobra, pero siya, kahit na kapos,* inihulog niya ang lahat ng pera niya, ang buong ikabubuhay niya.”+
13 Habang palabas siya sa templo, sinabi sa kaniya ng isa sa mga alagad niya: “Guro, tingnan mo! Napakalalaking bato at napakagagandang gusali!”+ 2 Pero sinabi ni Jesus sa kaniya: “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Walang matitirang magkapatong na bato rito. Lahat ay ibabagsak.”+
3 Habang nakaupo siya sa Bundok ng mga Olibo kung saan abot-tanaw ang templo, tinanong siya nang sarilinan nina Pedro, Santiago, Juan, at Andres: 4 “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga ito, at ano ang magiging tanda na malapit nang magwakas ang lahat ng ito?”+ 5 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Mag-ingat kayo para hindi kayo mailigaw ng sinuman.+ 6 Marami ang gagamit sa pangalan ko at magsasabi, ‘Ako siya,’ at marami silang maililigaw. 7 Isa pa, kapag nakarinig kayo ng ingay ng mga digmaan at ng mga ulat ng digmaan, huwag kayong matakot; kailangang mangyari ang mga ito, pero hindi pa ito ang wakas.+
8 “Dahil maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian;+ lilindol sa iba’t ibang lugar; magkakaroon din ng taggutom.+ Ang mga ito ay pasimula ng matinding paghihirap.+
9 “Maging handa kayo. Dadalhin nila kayo sa mga hukuman,+ at hahagupitin kayo sa mga sinagoga+ at patatayuin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, at makapagpapatotoo kayo sa kanila.+ 10 Gayundin, kailangan munang ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng bansa.+ 11 At kapag inaresto nila kayo para litisin, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo; kundi anuman ang ibigay sa inyo sa oras na iyon, iyon ang sabihin ninyo, dahil hindi kayo ang magsasalita, kundi ang banal na espiritu.+ 12 Bukod diyan, ipapapatay ng kapatid ang kapatid niya, at ng ama ang anak niya, at lalabanan ng mga anak ang mga magulang nila at ipapapatay ang mga ito.+ 13 At kapopootan kayo ng lahat ng tao dahil sa pangalan ko.+ Pero ang makapagtitiis* hanggang sa wakas+ ay maliligtas.+
14 “Gayunman, kapag nakita ninyong ang kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang+ ay nakatayo kung saan hindi dapat (kailangan itong unawain ng mambabasa), ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan.+ 15 Ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba o pumasok sa bahay niya para kumuha ng anuman; 16 at ang nasa bukid ay huwag nang bumalik sa mga bagay na naiwan niya para kunin ang balabal niya. 17 Kaawa-awa ang mga nagdadalang-tao at nagpapasuso ng sanggol sa mga araw na iyon!+ 18 Patuloy na ipanalanging hindi ito matapat sa taglamig; 19 dahil ang mga araw na iyon ay magiging mga araw ng kapighatian+ na hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng paglalang ng Diyos hanggang ngayon, at hindi na mangyayari pang muli.+ 20 Sa katunayan, kung hindi paiikliin ni Jehova* ang mga araw, walang taong maliligtas. Pero dahil sa mga pinili niya ay paiikliin niya ang mga araw.+
21 “At kung may magsabi sa inyo, ‘Nandito ang Kristo!’ o, ‘Nandoon siya!’ huwag ninyong paniwalaan iyon.+ 22 Dahil may mga magpapanggap na Kristo at magkukunwaring mga propeta+ na gagawa ng mga himala at kababalaghan para iligaw, kung posible, ang mga pinili. 23 Kaya mag-ingat kayo.+ Sinabi ko na sa inyo ang lahat ng mangyayari.
24 “Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magliliwanag,+ 25 at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan na nasa langit ay mayayanig. 26 At makikita nila ang Anak ng tao+ na dumarating na nasa mga ulap na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian.+ 27 At isusugo niya ang kaniyang mga anghel at titipunin ang mga pinili niya mula sa apat na direksiyon,* mula sa dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit.+
28 “Ngayon ay matuto kayo sa ilustrasyon tungkol sa puno ng igos: Sa sandaling tubuan ito ng malalambot na sanga at umusbong ang mga dahon nito, alam ninyo na malapit na ang tag-araw.+ 29 Sa katulad na paraan, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga ito, makakatiyak kayong malapit na siya at nasa pintuan na.+ 30 Sinasabi ko sa inyo na ang henerasyong ito ay hindi lilipas hanggang sa mangyari ang lahat ng ito.+ 31 Ang langit at lupa ay maglalaho,+ pero ang mga salita ko ay hindi maglalaho.+
32 “Tungkol sa araw o oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit o kahit ang Anak, kundi ang Ama.+ 33 Manatili kayong mapagmasid, manatili kayong gisíng,+ dahil hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon.+ 34 Gaya ito ng isang taong maglalakbay sa ibang lupain na bago umalis ng bahay ay nagbigay ng awtoridad sa mga alipin niya,+ na inaatasan ng trabaho ang bawat isa sa kanila, at nag-utos sa bantay sa pinto na patuloy na magbantay.+ 35 Kaya patuloy kayong magbantay, dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng bahay,+ kung sa gabi o sa hatinggabi o bago magbukang-liwayway* o sa umaga.+ 36 Sa gayon, kapag bigla siyang dumating, hindi niya kayo madatnang natutulog.+ 37 Ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat: Patuloy kayong magbantay.”+
14 Dalawang araw na lang at ipagdiriwang na ang Paskuwa+ at ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa.+ At ang mga punong saserdote at mga eskriba ay naghahanap ng tusong paraan para madakip si Jesus at mapatay;+ 2 dahil sinasabi nila: “Huwag sa kapistahan; baka magkagulo ang mga tao.”
3 At habang siya ay nasa Betania at kumakain* sa bahay ni Simon na ketongin, isang babae ang dumating na may boteng alabastro* na naglalaman ng mabangong langis na gawa sa nardo,* puro at napakamamahalin. Binuksan niya ang boteng alabastro at ibinuhos ang langis sa ulo ni Jesus.+ 4 Dahil dito, nagalit ang ilan at sinabi nila sa isa’t isa: “Bakit niya inaaksaya ang mabangong langis? 5 Puwede sanang ipagbili ang mabangong langis na iyan sa mahigit na 300 denario* at ibigay ang pera sa mahihirap!” At inis na inis sila sa babae.* 6 Pero sinabi ni Jesus: “Hayaan ninyo siya. Bakit ninyo siya ginugulo? Mabuti ang ginawa niya sa akin.+ 7 Lagi ninyong kasama ang mahihirap,+ at puwede ninyo silang gawan ng mabuti kahit kailan ninyo gusto, pero hindi ninyo ako laging makakasama.+ 8 Ginawa niya ang magagawa niya; binuhusan niya ako ng mabangong langis bilang paghahanda sa libing ko.+ 9 Sinasabi ko sa inyo, saanman sa mundo ipangaral ang mabuting balita,+ ang ginawa ng babaeng ito ay sasabihin din bilang pag-alaala sa kaniya.”+
10 At si Hudas Iscariote, na isa sa 12 apostol, ay nagpunta sa mga punong saserdote para tulungan silang dakpin si Jesus.+ 11 Nang marinig nila ang alok ni Hudas, natuwa sila at nangako silang bibigyan nila siya ng perang pilak.+ Kaya naghanap siya ng pagkakataon para maibigay si Jesus sa kaaway.
12 Ngayon, nang unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa,+ kung kailan kaugalian nilang ihandog ang hain para sa Paskuwa,+ sinabi sa kaniya ng mga alagad niya: “Saan mo kami gustong pumunta at maghanda ng hapunan para sa Paskuwa?”+ 13 Kaya isinugo niya ang dalawa sa mga alagad niya. Sinabi niya sa kanila: “Pumunta kayo sa lunsod, at sasalubungin kayo ng isang taong may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya,+ 14 at saanman siya pumasok ay sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapasabi ng Guro: “Nasaan ang silid para sa bisita kung saan puwede akong kumain ng hapunan para sa Paskuwa kasama ang mga alagad ko?”’ 15 At ipapakita niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas, na nakaayos at nakahanda na. Ihanda ninyo ang hapunan natin doon.” 16 Kaya umalis ang mga alagad, at pumasok sila sa lunsod, at nangyari ang lahat ng sinabi niya sa kanila, at naghanda sila para sa Paskuwa.
17 Pagsapit ng gabi, dumating siya kasama ang 12 apostol.+ 18 At habang nakaupo* sila sa mesa at kumakain, sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, isa sa inyo na kumakaing kasama ko ang magtatraidor sa akin.”+ 19 Nalungkot sila at isa-isang nagsabi sa kaniya: “Hindi ako iyon, hindi ba?” 20 Sinabi niya sa kanila: “Isa siya sa 12 apostol, na kasabay kong nagsasawsaw sa mangkok.+ 21 Ang Anak ng tao ay aalis, gaya ng nasusulat tungkol sa kaniya, pero kaawa-awa ang taong iyon na magtatraidor sa Anak ng tao!+ Mas mabuti pa para sa taong iyon kung hindi siya ipinanganak.”+
22 At habang kumakain sila, kumuha siya ng tinapay, nanalangin, pinagpira-piraso ito, ibinigay sa kanila, at sinabi: “Kunin ninyo ito; sumasagisag ito sa aking katawan.”+ 23 Matapos kumuha ng isang kopa, nagpasalamat siya sa Diyos, ibinigay niya sa kanila ang kopa, at uminom silang lahat mula rito.+ 24 At sinabi niya sa kanila: “Sumasagisag ito sa aking ‘dugo+ para sa tipan,’+ na ibubuhos alang-alang sa marami.+ 25 Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom pa ng alak hanggang sa dumating ang araw na iinom ako ng bagong alak sa Kaharian ng Diyos.” 26 At pagkatapos umawit ng mga papuri, pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo.+
27 At sinabi ni Jesus sa kanila: “Iiwan ninyo akong lahat,* dahil nasusulat: ‘Sasaktan ko ang pastol,+ at ang mga tupa ay mangangalat.’+ 28 Pero matapos akong buhaying muli, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”+ 29 Pero sinabi sa kaniya ni Pedro: “Kahit na iwan ka nilang lahat,* hindi kita iiwan.”+ 30 Kaya sinabi ni Jesus sa kaniya: “Sinasabi ko sa iyo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang tandang nang dalawang beses, ikakaila mo ako nang tatlong ulit.”+ 31 Pero iginigiit niya: “Kahit na mamatay akong kasama mo, hinding-hindi kita ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat ng iba pa.+
32 At nagpunta sila sa lugar na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa mga alagad niya: “Umupo kayo rito habang nananalangin ako.”+ 33 Isinama niya sina Pedro, Santiago, at Juan.+ At nabagabag siya nang husto at naghirap ang kalooban niya. 34 Sinabi niya sa kanila: “Sukdulan* ang kalungkutang nararamdaman ko.+ Dito lang kayo at patuloy na magbantay.”+ 35 Matapos lumayo nang kaunti, sumubsob siya sa lupa at nanalangin na kung maaari ay hindi na niya pagdaanan ang sandaling ito. 36 At sinabi niya: “Abba,* Ama,+ ang lahat ng bagay ay posible sa iyo; alisin mo sa akin ang kopang ito. Pero mangyari nawa, hindi ang gusto ko, kundi ang gusto mo.”+ 37 Bumalik siya at nadatnan niya silang natutulog, at sinabi niya kay Pedro: “Simon, natutulog ka? Wala ka bang lakas para magbantay kahit isang oras?+ 38 Patuloy kayong magbantay at manalangin para hindi kayo mahulog sa tukso.+ Totoo naman, gusto ng puso, pero mahina ang laman.”+ 39 At umalis siya uli at nanalangin, na ganoon din ang sinasabi.+ 40 Pagbalik niya, nadatnan niya uli silang natutulog dahil antok na antok na sila, kaya hindi nila malaman kung ano ang isasagot sa kaniya. 41 At bumalik siya sa ikatlong pagkakataon at sinabi sa kanila: “Sa panahong gaya nito ay natutulog kayo at nagpapahinga? Tama na! Dumating na ang oras!+ Ibibigay na ang Anak ng tao sa kamay ng mga makasalanan. 42 Tumayo kayo, at umalis na tayo. Parating na ang magtatraidor sa akin.”+
43 Agad-agad, habang nagsasalita pa siya, dumating si Hudas, na isa sa 12 apostol, kasama ang maraming taong may mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga punong saserdote at mga eskriba at matatandang lalaki.+ 44 Ang magtatraidor sa kaniya ay nagbigay na sa kanila ng isang palatandaan. Sinabi niya: “Kung sino ang hahalikan ko, siya iyon; dakpin ninyo siya at bantayang mabuti.” 45 Lumapit siya agad kay Jesus at nagsabi, “Rabbi!” at magiliw itong hinalikan. 46 Kaya sinunggaban nila ito at inaresto. 47 Pero ang isa sa mga nakatayo roon ay humugot ng espada. Tinaga niya ang alipin ng mataas na saserdote, at natagpas ang tainga nito.+ 48 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Magnanakaw ba ako at may dala pa kayong mga espada at pamalo para arestuhin ako?+ 49 Araw-araw akong nasa templo kasama ninyo at nagtuturo,+ pero hindi ninyo ako hinuhuli. Gayunman, nangyari ito para matupad ang Kasulatan.”+
50 At tumakas silang lahat at iniwan siya.+ 51 Pero isang kabataang lalaki, na ang suot lang ay magandang klase ng lino, ang sumunod sa kaniya sa malapit. Nang tangkain itong dakpin ng mga tao, 52 naiwan nito ang damit na lino at tumakas nang hubad.*
53 Dinala nila ngayon si Jesus sa mataas na saserdote,+ at ang lahat ng punong saserdote at matatandang lalaki at mga eskriba ay nagtipon.+ 54 Pero mula sa malayo ay sinundan siya ni Pedro hanggang sa looban ng bahay ng mataas na saserdote. Si Pedro ay umupong kasama ng mga tagapaglingkod sa bahay at nagpainit sa harap ng apoy.+ 55 Samantala, ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin ay naghahanap ng testimonya laban kay Jesus para maipapatay siya, pero wala silang mahanap.+ 56 Marami ang nagbibigay ng gawa-gawang testimonya laban sa kaniya,+ pero hindi nagkakatugma ang mga ito. 57 May ilan din na humaharap at nagbibigay ng gawa-gawang testimonya laban sa kaniya. Sinasabi nila: 58 “Narinig naming sinabi niya, ‘Ibabagsak ko ang templong ito na ginawa ng mga kamay, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na hindi ginawa ng mga kamay.’”+ 59 Pero kahit sa bagay na ito, hindi nagkakatugma ang mga testimonya nila.
60 Pagkatapos, ang mataas na saserdote ay tumayo sa gitna nila at nagtanong kay Jesus: “Wala ka bang isasagot? Ano itong sinasabi nila laban sa iyo?”+ 61 Pero nanatili siyang tahimik at hindi sumagot.+ Muli siyang tinanong ng mataas na saserdote: “Ikaw ba ang Kristo, ang Anak ng Kataas-taasan?” 62 Pagkatapos, sinabi ni Jesus: “Ako nga; at makikita ninyo ang Anak ng tao+ na nakaupo sa kanan+ ng Makapangyarihan-sa-Lahat* at dumarating na kasama ng mga ulap sa langit.”+ 63 Nang marinig ito ng mataas na saserdote, pinunit niya ang damit niya at sinabi: “Bakit kailangan pa natin ng mga testigo?+ 64 Narinig ninyo ang pamumusong* niya. Ano ang desisyon ninyo?”* Lahat sila ay humatol na nararapat siyang mamatay.+ 65 At dinuraan siya ng ilan,+ tinakpan ang mukha niya, at sinuntok siya at sinabi sa kaniya: “Manghula ka!” At matapos siyang sampalin, kinuha siya ng mga tagapaglingkod ng hukuman.+
66 Habang si Pedro ay nasa ibaba sa looban, dumating ang isa sa mga alilang babae ng mataas na saserdote.+ 67 Pagkakita kay Pedro na nagpapainit, tumitig ang babae sa kaniya at nagsabi: “Kasama ka rin ng Nazareno, ng Jesus na iyon.” 68 Pero ikinaila niya ito: “Hindi ko siya kilala at hindi ko alam ang sinasabi mo.” At pumunta siya sa may labasan. 69 Nakita siya roon ng alilang babae at sinabi nito sa mga nakatayo roon: “Isa siya sa kanila.” 70 Muli niya itong ikinaila. Mayamaya, ang mga nakatayo roon ay muling nagsabi kay Pedro: “Siguradong isa ka sa kanila, dahil taga-Galilea ka.” 71 Pero sinabi ni Pedro na sumpain nawa siya kung nagsisinungaling siya. At sumumpa siya: “Hindi ko kilala ang taong sinasabi ninyo!” 72 Agad na tumilaok ang tandang sa ikalawang pagkakataon,+ at naalaala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa kaniya: “Bago tumilaok ang tandang nang dalawang beses, ikakaila mo ako nang tatlong ulit.”+ At nanlupaypay siya at humagulgol.
15 At nang magbukang-liwayway, nag-usap-usap agad ang mga punong saserdote kasama ang matatandang lalaki at ang mga eskriba—ang buong Sanedrin. Iginapos nila si Jesus at dinala siya kay Pilato.+ 2 Tinanong siya ni Pilato: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?”+ Sumagot siya: “Ikaw na mismo ang nagsasabi.”+ 3 Pero maraming iniaakusa sa kaniya ang mga punong saserdote. 4 Muli siyang tinanong ni Pilato: “Wala ka bang isasagot?+ Tingnan mo, ang dami nilang ipinaparatang sa iyo.”+ 5 Pero hindi na sumagot si Jesus, kaya namangha si Pilato.+
6 Sa bawat kapistahan, nagpapalaya siya ng isang bilanggo na hihilingin ng mga tao.+ 7 Nang panahong iyon, nakabilanggo si Barabas kasama ng mga rebelde, na nakapatay nang mag-alsa sila sa gobyerno. 8 Kaya lumapit ang mga tao at hiniling nila na gawin ni Pilato para sa kanila ang dati niyang ginagawa. 9 Sinabi ni Pilato sa kanila: “Gusto ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?”+ 10 Ginawa ito ni Pilato dahil alam niyang naiinggit lang ang mga punong saserdote kaya ibinigay nila si Jesus sa kaniya.+ 11 Pero sinulsulan ng mga punong saserdote ang mga tao na si Barabas ang hilinging palayain.+ 12 Muli, sumagot si Pilato sa kanila: “Ano naman ang gagawin ko sa tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?”+ 13 Muli silang sumigaw: “Ibayubay* siya sa tulos!”+ 14 Pero sinabi pa sa kanila ni Pilato: “Bakit? Ano ba ang ginawa niyang masama?” Pero lalo nilang inilakas ang sigaw: “Ibayubay siya sa tulos!”+ 15 Para pagbigyan ang kagustuhan ng mga tao, pinalaya ni Pilato si Barabas; at pagkatapos maipahagupit si Jesus,+ ibinigay niya ito sa mga sundalo para ibayubay sa tulos.+
16 Dinala siya ngayon ng mga sundalo sa looban ng bahay ng gobernador, at tinipon nila ang buong pangkat ng mga sundalo.+ 17 At sinuotan nila siya ng damit na purpura* at gumawa sila ng koronang tinik at inilagay iyon sa ulo niya. 18 At sinasabi nila sa kaniya: “Magandang araw,* Hari ng mga Judio!”+ 19 Gayundin, hinahampas nila siya ng tambo sa ulo at dinuduraan, at lumuluhod sila at yumuyukod sa kaniya. 20 Matapos nila siyang gawing katatawanan, hinubad nila sa kaniya ang damit na purpura at isinuot sa kaniya ang damit niya. At inilabas nila siya para ipako sa tulos.+ 21 Dumadaan noon si Simon na taga-Cirene, ang ama nina Alejandro at Rufo, galing sa lalawigan. Pinilit nila itong buhatin ang pahirapang tulos* ni Jesus.+
22 At dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgota, na kapag isinalin ay nangangahulugang “Bungo.”+ 23 Dito ay sinubukan nilang bigyan siya ng alak na hinaluan ng mira,*+ pero hindi niya ito tinanggap. 24 At ipinako nila siya sa tulos at pinaghati-hatian ang damit* niya. Nagpalabunutan sila para malaman kung alin ang mapupunta sa bawat isa sa kanila.+ 25 Ikatlong oras* noon nang ipako nila siya sa tulos. 26 At isinulat nila ang akusasyon sa kaniya: “Ang Hari ng mga Judio.”+ 27 Isa pa, dalawang magnanakaw ang ipinako rin nila sa tulos, isa sa kanan niya at isa sa kaliwa.+ 28 *—— 29 At ang mga dumadaan ay pailing-iling at iniinsulto siya:+ “O, ano? Hindi ba ibabagsak mo ang templo at itatayo ito sa loob ng tatlong araw?+ 30 Iligtas mo ang sarili mo! Bumaba ka diyan sa pahirapang tulos!”* 31 Ininsulto rin siya ng mga punong saserdote pati ng mga eskriba. Sinasabi nila sa isa’t isa: “Iniligtas niya ang iba; ang sarili niya, hindi niya mailigtas!+ 32 Kung makikita lang natin ngayon na bumaba sa pahirapang tulos* ang Kristo na Hari ng Israel, maniniwala na tayo.”+ Ininsulto rin siya pati ng mga nakapako sa mga tulos sa tabi niya.+
33 Nang ikaanim na oras* hanggang sa ikasiyam na oras,* nagdilim sa buong lupain.+ 34 At nang ikasiyam na oras na ay sumigaw si Jesus nang malakas: “Eli, Eli, lama sabaktani?” na kapag isinalin ay nangangahulugang “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”+ 35 At ang ilan sa mga nakatayo sa malapit, nang marinig ito, ay nagsabi: “Tingnan ninyo! Tinatawag niya si Elias.” 36 Pagkatapos, may isang tumakbo, isinawsaw nito sa maasim na alak ang isang espongha, inilagay ito sa isang tambo, at ibinigay kay Jesus para inumin.+ Sinabi nito: “Pabayaan ninyo siya! Tingnan lang natin kung darating si Elias para ibaba siya.” 37 Pero sumigaw nang malakas si Jesus at namatay.*+ 38 At ang kurtina ng templo+ ay nahati sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba.+ 39 Nakatayo sa harap ng tulos ang opisyal ng hukbo. Nang makita niya ang mga nangyari at ang pagkamatay ni Jesus, sinabi niya: “Tiyak na ang taong ito ang Anak ng Diyos.”+
40 May mga babae ring nagmamasid mula sa malayo. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago na Nakabababa at ni Joses, at si Salome,+ 41 na sumasama kay Jesus noon at naglilingkod sa kaniya+ nang siya ay nasa Galilea, at ang maraming iba pang babae na kasama niyang pumunta* sa Jerusalem.
42 Dapit-hapon na, at dahil noon ay Paghahanda, ang araw bago ang Sabbath, 43 dumating si Jose ng Arimatea, isang iginagalang na miyembro ng Sanggunian* at naghihintay rin sa Kaharian ng Diyos. Naglakas-loob siyang pumunta kay Pilato at hiningi niya ang katawan ni Jesus.+ 44 Pero gustong malaman ni Pilato kung patay na nga siya, kaya ipinatawag niya ang opisyal ng hukbo at tinanong ito kung patay na si Jesus. 45 Nang matiyak niya ito sa opisyal ng hukbo, pinahintulutan niya si Jose na kunin ang katawan. 46 Pagkatapos bumili ni Jose ng magandang klase ng lino at ibaba ang katawan, binalot niya ito ng lino at inilagay sa isang libingan*+ na inuka sa bato; at iginulong niya ang isang bato sa pasukan ng libingan.+ 47 Pero si Maria Magdalena at si Maria na ina ni Joses ay patuloy na nakatingin kung saan siya inilagay.+
16 Pagkalipas ng Sabbath,+ si Maria Magdalena, si Maria+ na ina ni Santiago, at si Salome ay bumili ng mababangong sangkap* na ipapahid nila sa katawan niya pagpunta nila sa libingan.+ 2 At maagang-maaga noong unang araw ng linggo, pumunta sila sa libingan,* at dumating sila roon pagsikat ng araw.+ 3 Sinasabi nila sa isa’t isa: “Sino ang mapapakiusapan nating maggulong ng bato mula sa pasukan ng libingan?” 4 Pero nang tingnan nila iyon, nakita nilang naigulong na ang bato, kahit napakalaki nito.+ 5 Pagpasok nila sa libingan, nakita nila ang isang lalaki na nakaupo sa gawing kanan at nakasuot ng mahabang damit na puti, kaya natakot sila at natigilan. 6 Sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong matakot.+ Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na Nazareno na ipinako sa tulos. Binuhay siyang muli,+ at wala siya rito. Tingnan ninyo ang pinaglagyan sa kaniya.+ 7 Pumunta kayo sa mga alagad niya at kay Pedro at sabihin ninyo sa kanila, ‘Papunta na siya sa Galilea.+ Doon ninyo siya makikita, gaya ng sinabi niya sa inyo.’”+ 8 Kaya paglabas nila, tumakbo sila mula sa libingan, na nanginginig at manghang-mangha. At wala silang sinabihan tungkol dito dahil natatakot sila.*+
Tingnan ang Ap. A5.
O “Inilulubog.”
Tingnan sa Glosari.
Lit., “maruming.”
Lit., “ang Banal ng Diyos.”
O “bagong turo.”
O posibleng “alam nila kung sino siya.”
O “mapalilinis.”
Malamang na tumutukoy sa mga saserdote.
O “Wala siyang galang sa Diyos.” Tingnan sa Glosari, “Pamumusong.”
O “humilig siya sa mesa.”
O “humilig sa mesa.”
Tingnan sa Glosari, “Pag-aayuno.”
O “pantanghal.”
O “may paralisadong.”
O “may paralisadong.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Lit., “maruming.”
O “humirang.”
O “hinirang.”
O “masigasig.”
Si Satanas.
O “at mabahagi siya.”
Tingnan sa Glosari.
Lit., “natisod sila.”
O “panahong.” Tingnan sa Glosari, “Sistema.”
O “basket na panukat.”
Lit., “maruming.”
O “alaalang libingan.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “Rehiyon ng Sampung Lunsod.”
O “Malapit nang mamatay ang.”
O “mahigpit.”
O “Kaya natisod sila sa kaniya.”
O “makapangyarihang gawa.”
Lit., “tanso.” Inilalagay nila ito sa isang uri ng sinturon na mapaglalagyan ng pera.
Lit., “huwag magsuot ng dalawang damit.”
O “ng makapangyarihang mga gawa.”
O “nakahilig sa mesa.”
O “nakahilig sa mesa.”
O “inilagay sa alaalang libingan.”
Tingnan ang Ap. B14.
O “bumigkas ng pagpapala.”
Lit., “ikaapat na yugto ng pagbabantay sa gabi,” na mga 3:00 n.u. hanggang pagsikat ng araw nang mga 6:00 n.u.
O “Mapurol pa rin ang puso nila sa pag-unawa.”
Hindi nahugasan sa seremonyal na paraan.
Lit., “ng pagbabautismo.”
O “Ang nanlalait.”
Tingnan ang Ap. A3.
Sa Griego, por·neiʹa. Tingnan sa Glosari.
O “paggawi nang walang kahihiyan.” Sa Griego, a·selʹgei·a. Tingnan sa Glosari.
Lit., “masamang mata.”
Tingnan sa Glosari.
Lit., “maruming.”
Isinilang sa Fenicia.
O “Rehiyon ng Sampung Lunsod.”
O “nag-aayuno.”
Lit., “pagpalain ang mga ito.”
O “Mapurol pa rin ba ang puso ninyo sa pag-unawa?”
O “Lumagay.”
Tingnan sa Glosari.
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “mawawalan ng buhay.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Lit., “mapangalunya.”
O posibleng “Hindi nila ito sinabi sa iba.”
Lit., “maruming.”
O “Espiritung nagdudulot ng pagkapipi at pagkabingi.”
O “pinakaimportante.”
O “makapangyarihang gawa.”
O “magpahina sa pananampalataya ng; maging dahilan ng pagkakasala ng.”
Tingnan sa Glosari.
Tingnan ang Ap. A3.
Tingnan sa Glosari.
Tingnan ang Ap. A3.
Tingnan sa Glosari.
Tumutukoy sa mga inihagis sa Gehenna.
O “pinagtuwang.”
Lit., “magmana.”
O “igalang.”
O posibleng “isa’t isa.”
O “panahon.” Tingnan sa Glosari.
Lit., “paakyat.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Ibig sabihin, “Guro.”
O “anak ng asno.”
Mga sanga ng palma.
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. A3.
Lit., “naging ulo ng kanto.” Tingnan sa Glosari.
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. B14.
O “palumpong.”
Lit., “una.”
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Lit., “unawa.”
Tingnan ang Ap. A5.
Lit., “sa mga upuan sa unahan.”
O “hapunan.”
Lit., “Nilalamon nila ang mga bahay.”
O “hulugan ng kontribusyon.”
Lit., “dalawang lepton, na katumbas ng isang quadrans.” Tingnan ang Ap. B14.
O “mahirap.”
O “makapagbabata.”
Tingnan ang Ap. A5.
Lit., “hangin.”
Lit., “o sa pagtilaok ng manok.”
O “nakahilig sa mesa.”
Maliit na sisidlang gawa sa batong makukuha sa isang lugar na malapit sa Alabastron, Ehipto.
Mabangong halaman.
Tingnan ang Ap. B14.
O “At pinagalitan nila ang babae.”
O “nakahilig.”
Lit., “Matitisod kayong lahat.”
Lit., “Kahit na matisod silang lahat.”
O “Nakamamatay.”
Salitang Hebreo o Aramaiko na ang ibig sabihin ay “O Ama!”
O “nakasuot lang ng panloob.”
Lit., “kapangyarihan.”
Tingnan sa Glosari.
O “Ano sa tingin ninyo?”
O “Ibitin.”
O “kulay-ube.” Tingnan sa Glosari.
O “Mabuhay ka.”
Tingnan sa Glosari.
Isang substansiyang nakapagpapamanhid.
Ang salitang Griego para dito ay puwedeng tumukoy sa balabal o sa mahabang damit na pampatong.
Mga 9:00 n.u.
Tingnan ang Ap. A3.
Tingnan sa Glosari.
Tingnan sa Glosari.
Mga 12:00 n.t.
Mga 3:00 n.h.
O “nalagutan ng hininga.”
Lit., “umakyat.”
O “Sanedrin.”
O “alaalang libingan.”
Dahon, langis, o iba pa na ginagamit sa paghahanda ng katawan para sa paglilibing.
O “alaalang libingan.”
Batay sa mapagkakatiwalaang sinaunang mga manuskrito, ang Ebanghelyo ni Marcos ay nagtatapos sa pananalitang nasa tal. 8. Tingnan ang Ap. A3.