LIHAM SA MGA TAGA-ROMA
1 Ako si Pablo, isang alipin ni Kristo Jesus at tinawag para maging apostol, at ibinukod para sa mabuting balita ng Diyos,+ 2 na ipinangako Niya noon at ipinasulat sa Kaniyang mga propeta sa banal na Kasulatan. 3 Tungkol ito sa Kaniyang Anak, na supling* ni David+ ayon sa laman,* 4 pero ipinahayag na Anak ng Diyos+ nang buhayin siyang muli+ sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na espiritu. Siya si Jesu-Kristo na ating Panginoon. 5 Sa pamamagitan niya, tumanggap kami ng walang-kapantay na kabaitan at atas bilang apostol+ para ang mga tao sa lahat ng bansa+ ay manampalataya at maging masunurin, nang sa gayon ay maparangalan ang pangalan niya. 6 Mula kayo sa mga bansang ito at tinawag din para maging tagasunod ni Jesu-Kristo. 7 Sumusulat ako sa lahat ng minamahal ng Diyos na nasa Roma at tinawag para maging mga banal:
Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo.
8 Una sa lahat, ipinagpapasalamat ko kayo sa aking Diyos sa ngalan ni Jesu-Kristo, dahil pinag-uusapan sa buong mundo* ang inyong pananampalataya. 9 Ang Diyos, na buong puso kong pinag-uukulan ng sagradong paglilingkod may kaugnayan sa mabuting balita tungkol sa kaniyang Anak, ang magpapatotoo na lagi ko kayong binabanggit sa mga panalangin ko+ 10 at na nagsusumamo ako na sana ay matuloy na ang pagpunta ko riyan kung posible at kung kalooban ng Diyos. 11 Dahil nananabik akong makita kayo para makapagbahagi sa inyo ng pagpapala mula sa Diyos* na magpapatatag sa inyo; 12 o sa ibang salita, para makapagpatibayan+ tayo ng pananampalataya.
13 Pero gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na maraming beses kong binalak na pumunta sa inyo para makapangaral at makakita rin ng magagandang resulta gaya sa ibang mga bansa. Pero laging may pumipigil sa akin. 14 May utang ako sa mga Griego at mga banyaga,* sa marurunong at mga mangmang; 15 kaya gustong-gusto ko ring ihayag ang mabuting balita sa inyo diyan sa Roma.+ 16 Hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita;+ sa katunayan, ito ang makapangyarihang paraan ng Diyos para iligtas ang bawat isa na may pananampalataya,+ sa Judio muna+ at pagkatapos ay sa Griego.+ 17 Dahil sa pamamagitan nito, ang katuwiran ng Diyos ay naisisiwalat sa mga may pananampalataya at lalo pang napapatibay ang kanilang pananampalataya,+ gaya ng nasusulat: “Pero ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kaniyang pananampalataya.”+
18 Mula sa langit, ibinubuhos* ng Diyos ang galit niya+ sa lahat ng di-makadiyos at masasama na gumagamit ng likong paraan para hadlangan ang iba na malaman ang katotohanan;+ 19 dapat sana ay kilala na nila ang Diyos dahil marami na siyang isiniwalat sa kanila.+ 20 Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa nang lalangin* ang mundo, dahil ang mga ito, ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan+ at pagka-Diyos,+ ay nakikita sa mga bagay na ginawa niya,+ kaya wala silang maidadahilan. 21 Dahil kahit nakilala nila ang Diyos, hindi nila siya niluwalhati bilang Diyos o pinasalamatan man siya, kundi naging walang saysay ang mga pangangatuwiran nila at nawalan ng pang-unawa ang mangmang nilang puso.+ 22 Kahit sinasabi nilang matalino sila, naging mangmang sila; 23 sa halip na luwalhatiin ang Diyos na walang kasiraan, niluwalhati nila ang mga imahen na kawangis ng tao, ibon, nilalang na may apat na paa, at reptilya,* na nabubulok ang katawan.+
24 Kaya dahil gusto nilang sundin ang puso nila, pinabayaan na sila ng Diyos na gumawa ng karumihan at sa gayon ay mawalang-dangal ang katawan nila. 25 Pinili nila ang kasinungalingan sa halip na ang katotohanan tungkol sa Diyos, at sumamba sila at naglingkod* sa nilalang sa halip na sa Maylalang, na dapat purihin magpakailanman. Amen. 26 Kaya pinabayaan na sila ng Diyos na magpadala sa kanilang kahiya-hiyang seksuwal na pagnanasa,+ dahil ang mga babae sa kanila ay gumawi nang salungat sa likas na pagkakadisenyo sa kanila;+ 27 at ayaw na ng mga lalaki na makipagtalik* sa mga babae, kundi naging napakatindi ng pagnanasa nila sa kapuwa lalaki+ at gumagawa sila ng kalaswaan, kaya pinagbabayaran nila ang kasalanan nila.*+
28 Dahil hindi sila naniniwalang dapat kilalanin ang Diyos,* pinabayaan na sila ng Diyos sa masasama nilang kaisipan para gawin ang mga bagay na hindi nararapat.+ 29 Sila ay punong-puno ng kawalang-katapatan,+ kalikuan, kasakiman,*+ at kasamaan; sila ay mainggitin,+ mamamatay-tao,+ mahilig sa away, mapanlinlang,+ naghahangad na mapasamâ ang iba,+ mapagbulong,* 30 naninira nang talikuran,+ galit sa Diyos, walang galang, mapagmataas, mayabang, nagpapakana ng masama,* masuwayin sa mga magulang,+ 31 walang unawa,+ hindi tumutupad sa mga kasunduan, walang likas na pagmamahal, at walang awa. 32 Kahit alam na alam nila ang matuwid na batas ng Diyos—na ang gumagawa ng gayong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan+—hindi lang nila patuloy na ginagawa ang mga iyon, kundi tuwang-tuwa pa sila sa iba na gumagawa ng gayong mga bagay.
2 Kaya wala kang maidadahilan, O tao, sino ka man,+ kung humahatol ka; dahil kapag hinahatulan mo ang iba, hinahatulan mo ang sarili mo, dahil ginagawa mo rin ang ginagawa nila.+ 2 Alam natin na ang hatol ng Diyos, na kaayon ng katotohanan, ay laban sa mga gumagawa ng gayong mga bagay.
3 Pero ikaw na humahatol sa mga gumagawa ng gayong mga bagay, iniisip mo bang matatakasan mo ang hatol ng Diyos kahit ginagawa mo rin ang mga iyon? 4 O hinahamak mo ba ang laki ng kaniyang kabaitan,+ pagtitimpi,+ at pagtitiis,+ dahil hindi mo alam na sinisikap kang akayin ng Diyos sa pagsisisi dahil sa kabaitan niya?+ 5 Pero dahil matigas ang ulo mo at hindi nagsisisi ang iyong puso, ginagalit mo nang husto ang Diyos, at ibubuhos niya ang kaniyang galit sa araw ng poot at ng pagsisiwalat sa matuwid na hatol ng Diyos.+ 6 At ibibigay niya sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga gawa:+ 7 buhay na walang hanggan para doon sa mga naghahanap ng kaluwalhatian, karangalan, at katawang hindi nasisira+ sa pamamagitan ng pagsisikap na gumawa* ng mabuti; 8 pero poot at galit para sa mga mahilig makipagtalo at lumilihis sa katotohanan at sumusunod sa kasamaan.+ 9 Kapighatian at paghihirap ang naghihintay para sa bawat tao na gumagawa ng nakapipinsalang bagay, sa Judio muna at pagkatapos ay sa Griego; 10 pero kaluwalhatian, karangalan, at kapayapaan para sa bawat isa na gumagawa ng mabuti, para sa Judio muna+ at pagkatapos ay sa Griego.+ 11 Dahil hindi nagtatangi ang Diyos.+
12 Dahil ang lahat ng nagkasala nang walang kautusan ay mamamatay kahit walang kautusan;+ pero ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng kautusan ay hahatulan batay sa kautusan.+ 13 Dahil ang mga ipahahayag ng Diyos na matuwid ay hindi ang mga nakikinig sa kautusan kundi ang mga tumutupad dito.+ 14 Kapag likas na ginagawa ng mga tao ng ibang mga bansa ang mga bagay na nasa kautusan, kahit wala naman silang kautusan,+ iyon ay dahil sa kautusang nasa loob nila. 15 Ipinapakita ng kanilang mga gawa na ang kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, habang ang kanilang konsensiya* ay nagpapatotoo, at inaakusahan sila o kaya ay ipinagdadahilan* ng sarili nilang kaisipan. 16 Mangyayari ito sa araw na hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus ang lihim na mga bagay ng sangkatauhan,+ ayon sa mabuting balita na inihahayag ko.
17 Ngayon, kung tinatawag kang Judio+ at umaasa ka sa kautusan at ipinagmamalaki mo ang kaugnayan mo sa Diyos, 18 at alam mo ang kaniyang kalooban, at sinasang-ayunan mo ang mga bagay na tunay na mahalaga dahil naturuan ka* sa Kautusan,+ 19 at naniniwala ka na tagaakay ka ng mga bulag, liwanag para sa mga nasa dilim, 20 tagapagtuwid ng mga di-makatuwiran, guro ng mga bata, at alam mo ang saligang* kaalaman at katotohanan na nasa Kautusan— 21 bakit ka nagtuturo sa iba pero hindi mo naman tinuturuan ang sarili mo?+ Ikaw, na nangangaral na “Huwag magnakaw,”+ bakit ka nagnanakaw? 22 Ikaw na nagsasabing “Huwag mangalunya,”+ bakit ka nangangalunya? Ikaw na napopoot sa mga idolo, bakit mo ninanakawan ang mga templo? 23 Ikaw, ipinagmamalaki mo ang kautusan, pero bakit mo nilalapastangan ang Diyos dahil sa paglabag mo sa Kautusan? 24 “Ang pangalan ng Diyos ay nalalapastangan sa gitna ng mga bansa dahil sa inyo,” gaya ng nasusulat.+
25 May pakinabang lang ang pagtutuli+ kung sumusunod ka sa kautusan;+ pero kung nilalabag mo ang kautusan, nawawalan ng silbi ang pagtutuli sa iyo. 26 Pero kung ang isang di-tuli+ ay tumutupad sa matuwid na mga kahilingan ng Kautusan, para na rin siyang nagpatuli, hindi ba?+ 27 Kaya ikaw na tuli at nagtataglay ng nasusulat na kautusan pero hindi sumusunod dito ay hahatulan ng isa na di-tuli pero sumusunod naman sa Kautusan. 28 Dahil ang pagiging tunay na Judio ay hindi lang sa panlabas na hitsura+ o sa pagpapatuli sa laman.+ 29 Ang pagiging tunay na Judio ay nakabatay sa kung ano siya sa loob,+ at ang puso niya+ ay tinuli ayon sa espiritu at hindi sa nasusulat na Kautusan.+ Ang papuri para sa taong iyon ay nanggagaling sa Diyos, hindi sa mga tao.+
3 Kaya ano ang kahigitan ng Judio o ang pakinabang ng pagtutuli? 2 Malaki! Una sa lahat, ipinagkatiwala sa kanila ang salita* ng Diyos.+ 3 Pero paano kung hindi manampalataya ang ilan? Mababale-wala na ba ang katapatan ng Diyos dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya? 4 Hindi nga! Kundi mapatunayan nawang tapat ang Diyos,+ kahit pa magsinungaling ang lahat ng tao,+ gaya ng nasusulat: “Para mapatunayan kang matuwid sa iyong mga salita at magwagi ka kapag hinahatulan ka.”+ 5 Sinasabi ng iba na dahil sa kasamaan ng tao, lalong nakikita na matuwid ang Diyos. Pero nagbabangon ito ng tanong: Nagiging di-makatarungan ba ang Diyos kapag pinaparusahan niya tayo? (Iyan ang iniisip ng ilang tao.) 6 Hindi nga! Dahil kung ganiyan ang Diyos, paano niya mahahatulan ang sanlibutan?+
7 Kung dahil sa kasinungalingan ko ay lalong napatitingkad ang pagiging tapat ng Diyos at naluluwalhati siya, bakit hinahatulan pa rin ako bilang makasalanan? 8 At bakit hindi natin sabihin, gaya ng may-kasinungalingang ipinaparatang ng iba sa atin na sinasabi raw natin, “Gumawa tayo ng masama para may magandang mangyari sa atin”? Makatarungan na hatulan ang mga taong iyon.+
9 Kaya mas mabuti ba ang kalagayan natin? Talagang hindi! Dahil gaya ng nasabi na natin, ang mga Judio at ang mga Griego ay parehong nasa ilalim ng kasalanan;+ 10 gaya ng nasusulat: “Walang taong matuwid, wala kahit isa;+ 11 walang sinumang may kaunawaan; walang sinumang humahanap sa Diyos. 12 Ang lahat ng tao ay lumihis, lahat sila ay naging walang silbi; walang sinumang nagpapakita ng kabaitan, kahit isa man lang.”+ 13 “Ang lalamunan nila ay bukás na libingan; nanlinlang sila gamit ang kanilang dila.”+ “Kamandag ng mga aspid* ang nasa bibig nila.”+ 14 “At ang bibig nila ay punô ng pagsumpa at mapait na pananalita.”+ 15 “Ang mga paa nila ay nagmamadali para pumatay.”+ 16 “Lagi silang nagdudulot ng kapahamakan at pagdurusa, 17 at hindi nila alam ang daan ng kapayapaan.”+ 18 “Hindi sila natatakot sa Diyos.”+
19 Alam na natin ngayon na lahat ng bagay sa Kautusan ay para sa mga nasa ilalim ng Kautusan, para mapatahimik ang lahat ng bibig at maipakita na ang buong sangkatauhan ay nararapat sa parusa ng Diyos.+ 20 Kaya walang sinuman* ang maipahahayag na matuwid sa harap niya sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan,+ dahil malinaw na ipinapakita sa atin ng kautusan na makasalanan tayo.+
21 Pero naging malinaw na ngayon na puwede tayong maging matuwid sa harap ng Diyos nang hindi tumutupad sa Kautusan,+ gaya ng sinasabi sa Kautusan at mga Propeta.+ 22 Oo, lahat ng may pananampalataya ay puwedeng maging matuwid sa harap ng Diyos dahil sa pananampalataya kay Jesu-Kristo. Dahil pantay-pantay ang lahat ng tao.+ 23 Ang lahat ay nagkakasala at hindi nakaaabot sa kaluwalhatian ng Diyos;+ 24 pero dahil sa kaniyang walang-kapantay* na kabaitan,+ nagbigay siya ng walang-bayad na regalo+—ipinahayag niya silang matuwid sa pamamagitan ng ibinayad na pantubos ni Kristo Jesus na nagpalaya sa kanila.+ 25 Iniharap siya ng Diyos bilang handog na magsisilbing pampalubag-loob*+ sa pamamagitan ng pananampalataya sa dugo niya.+ Ginawa ito ng Diyos para ipakita ang katuwiran niya, dahil pinatawad niya ang mga kasalanan noon habang nagtitimpi siya. 26 Ginawa niya ito para ipakita ang katuwiran niya+ sa kasalukuyan, para maging matuwid pa rin siya kahit ipinahahayag niyang matuwid ang taong may pananampalataya kay Jesus.+
27 May dahilan ba para magyabang? Wala. Batay sa anong kautusan? Kautusan ng mga gawa?+ Hindi nga, kundi sa kautusan ng pananampalataya. 28 Dahil alam natin na ipinahahayag na matuwid ang isang tao sa pamamagitan ng pananampalataya niya at hindi dahil sa pagsasagawa ng kautusan.+ 29 Siya ba ay Diyos lang ng mga Judio?+ Hindi ba Diyos din siya ng mga tao ng ibang mga bansa?+ Oo, ng mga tao rin ng ibang mga bansa.+ 30 Ang Diyos ay iisa,+ kaya ang mga tuli ay ipahahayag niyang matuwid+ dahil sa pananampalataya nila at ang mga di-tuli ay ipahahayag niyang matuwid+ sa pamamagitan ng pananampalataya nila. 31 Kung gayon, pinawawalang-bisa ba natin ang kautusan dahil sa pananampalataya natin? Hinding-hindi! Ang totoo, pinagtitibay pa natin ang kautusan.+
4 Kung gayon, ano ang sasabihin nating natamo ni Abraham, na ating ninuno?* 2 Halimbawa, kung si Abraham ay ipinahayag na matuwid dahil sa mga gawa, puwede siyang magyabang, pero hindi sa Diyos. 3 Ano ba ang sinasabi sa Kasulatan? “Si Abraham ay nanampalataya kay Jehova,* at dahil dito, itinuring siyang matuwid.”*+ 4 Para sa taong nagtatrabaho, ang bayad sa ginawa niya ay nararapat* sa kaniya at hindi masasabing walang-kapantay* na kabaitan. 5 Pero para sa taong hindi umaasa sa gawa kundi nananampalataya sa Diyos na nagpapahayag sa isang makasalanan bilang matuwid, ang taong iyon ay ituturing na matuwid dahil sa pananampalataya niya.+ 6 Gaya rin ng sinabi ni David tungkol sa kaligayahan ng tao na itinuturing na matuwid ng Diyos pero hindi dahil sa mga gawa: 7 “Maligaya ang mga pinagpaumanhinan sa kasamaan nila at pinatawad sa* mga kasalanan nila; 8 maligaya ang tao na ang kasalanan ay hindi na aalalahanin* pa ni Jehova.”*+
9 Pero ang kaligayahan bang ito ay para lang sa mga tuli o pati sa mga di-tuli?+ Dahil sinasabi natin: “Dahil sa pananampalataya ni Abraham, itinuring siyang matuwid.”+ 10 Kailan siya itinuring na matuwid? Noong tuli na siya o hindi pa? Noong hindi pa siya tuli. 11 Pagkatapos, tumanggap siya ng isang tanda+—ang pagtutuli—bilang tatak* ng pagiging matuwid niya dahil sa kaniyang pananampalataya habang hindi pa tuli, para maging ama siya ng lahat ng may pananampalataya+ na di-tuli at maituring din silang matuwid; 12 at para maging ama siya ng mga tuli, hindi lang ng mga nanghahawakan sa pagtutuli kundi pati ng mga may pananampalatayang gaya ng sa ama nating si Abraham+ habang hindi pa siya tuli.
13 Tinanggap ni Abraham at ng mga supling* niya ang pangako na magiging tagapagmana siya ng isang sanlibutan, hindi sa pamamagitan ng kautusan+ kundi sa pamamagitan ng pagiging matuwid dahil sa pananampalataya.+ 14 Dahil kung ang mga nagsasagawa ng kautusan ang mga tagapagmana, nagiging walang silbi ang pananampalataya at walang saysay ang pangako. 15 Sa katunayan, ang Kautusan ay nagbubunga ng poot,+ pero kung saan walang kautusan, wala ring paglabag.+
16 Kaya nga sa pamamagitan iyon ng pananampalataya at sa gayon ay masasabing kapahayagan ng walang-kapantay na kabaitan;+ sa ganitong paraan, naging tiyak ang katuparan ng pangako sa lahat ng supling* niya,+ hindi lang sa mga nagsasagawa ng Kautusan kundi pati sa mga may pananampalatayang gaya ng kay Abraham, na ama nating lahat.+ 17 (Gaya nga ng nasusulat: “Inatasan kita bilang ama ng maraming bansa.”)+ Nangyari ito sa harap ng Diyos, na sinampalatayanan niya, na bumubuhay ng mga patay at tumatawag sa mga bagay na wala, na para bang umiiral ang mga iyon.* 18 Kahit parang imposible, umasa pa rin siya at nanampalataya na magiging ama siya ng maraming bansa, gaya ng sinabi: “Magiging ganiyan karami ang mga supling* mo.”+ 19 Alam niya na parang patay na ang katawan niya (dahil mga 100 taóng gulang na siya)+ at na baog si* Sara,+ pero hindi nanghina ang pananampalataya niya. 20 Dahil sa pangako ng Diyos, hindi siya nawalan ng pananampalataya at nanghina, kundi naging malakas siya dahil sa pananampalataya kaya naluwalhati niya ang Diyos 21 at naging lubusan siyang kumbinsido na kaya Niyang gawin ang ipinangako Niya.+ 22 Dahil dito, “itinuring siyang matuwid.”+
23 Pero isinulat ang mga salitang “itinuring siyang matuwid” hindi lang para sa kaniya,+ 24 kundi para din sa atin na ituturing ding matuwid, dahil naniniwala tayo sa Kaniya na bumuhay-muli kay Jesus na ating Panginoon.+ 25 Hinayaan ng Diyos na mamatay siya para sa mga pagkakamali natin+ at binuhay siyang muli para maipahayag tayong matuwid.+
5 Kaya ngayong ipinahayag na tayong matuwid dahil sa pananampalataya,+ panatilihin nawa natin* ang mapayapang kaugnayan sa Diyos, na natamo natin sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo;+ 2 dahil nanampalataya tayo sa kaniya, nabuksan ang daan para makatanggap tayo ng walang-kapantay na kabaitan, na tinatamasa natin ngayon.+ Magsaya* rin tayo dahil sa pag-asang tumanggap ng kaluwalhatian mula sa Diyos. 3 Hindi lang iyan. Magsaya* rin tayo habang nagdurusa,+ dahil alam nating ang pagdurusa ay nagbubunga ng kakayahang magtiis;*+ 4 ang kakayahang magtiis* naman, ng pagsang-ayon ng Diyos;*+ ang pagsang-ayon ng Diyos, ng pag-asa,+ 5 at hindi mabibigo ang pag-asa natin;+ dahil ang ating puso ay pinuno ng Diyos ng kaniyang pag-ibig sa pamamagitan ng banal na espiritu na ibinigay niya sa atin.+
6 Sa katunayan, noong mahina pa tayo,+ namatay si Kristo sa itinakdang panahon para sa mga di-makadiyos. 7 Bihirang mangyari na may handang mamatay para sa isang matuwid na tao; baka mayroon pa para sa isang mabuting tao. 8 Pero ipinakita* sa atin ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa ganitong paraan: Namatay si Kristo para sa atin habang makasalanan pa tayo.+ 9 At dahil ipinahayag na tayong matuwid sa bisa ng kaniyang dugo,+ mas makakatiyak tayo na makaliligtas tayo sa pamamagitan niya mula sa poot ng Diyos.+ 10 Dahil kung noong mga kaaway pa tayo ng Diyos ay naipagkasundo na tayo sa kaniya sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak,+ lalo pa nga tayong makakatiyak, ngayong naipagkasundo na tayo, na maliligtas tayo sa pamamagitan ng kaniyang buhay. 11 Nagsasaya rin tayo dahil sa kaugnayan natin sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na naging daan para maipagkasundo tayo sa Diyos.+
12 Kaya sa pamamagitan ng isang tao, ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan* at dahil sa kasalanan ay pumasok ang kamatayan,+ kaya naman ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao, dahil silang lahat ay nagkasala.+ 13 Dahil nasa sangkatauhan* na ang kasalanan bago pa magkaroon ng Kautusan, pero walang nahahatulang nagkasala kapag walang kautusan.+ 14 Gayunpaman, ang kamatayan ay namahala bilang hari mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa mga hindi nakagawa ng pagkakasalang gaya ng kay Adan, na may pagkakatulad sa isa na darating.+
15 Pero ang regalo ng Diyos ay hindi katulad ng nagawang pagkakasala. Dahil kung namatay ang marami dahil sa pagkakasala ng isang tao, nakinabang naman nang malaki ang* marami+ dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos at sa kaniyang walang-bayad na regalo. Ibinigay ang regalong ito sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan ng isang tao,+ si Jesu-Kristo. 16 Isa pa, ang mga pakinabang mula sa walang-bayad na regalo ay ibang-iba sa resulta ng pagkakasala ng isang tao.+ Dahil sa isang pagkakasala, nahatulang may-sala ang lahat ng tao,+ pero dahil sa regalong ibinigay matapos ang maraming pagkakasala, naipahayag na matuwid ang maraming tao.+ 17 Kung dahil sa pagkakasala ng isang tao ay naghari ang kamatayan, sa pamamagitan naman ng isang tao,+ si Jesu-Kristo,+ mabubuhay at mamamahala bilang hari+ ang mga tumatanggap ng walang-kapantay na kabaitan at walang-bayad na regalo ng katuwiran*+ na saganang ibinibigay ng Diyos.
18 Kaya nga kung sa pamamagitan ng isang pagkakasala, ang lahat ng uri ng tao ay nahatulan,+ sa pamamagitan naman ng isang matuwid na gawa,* ang lahat ng uri ng tao+ ay naipahahayag na matuwid para sa buhay.+ 19 Dahil lang sa pagsuway ng isang tao, marami ang naging makasalanan,+ pero dahil sa pagkamasunurin ng isang tao, marami ang magiging matuwid.+ 20 At nagkaroon ng Kautusan para mas makita ng mga tao na makasalanan sila.+ Pero habang dumarami ang kasalanan, lalo ring sumasagana ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. 21 Bakit? Para kung paanong naghari ang kasalanan kasama ng kamatayan,+ makapaghari din ang walang-kapantay na kabaitan nang may katuwiran at mabuksan ang daan tungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon.+
6 Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong gagawa ng kasalanan para sumagana ang walang-kapantay na kabaitan? 2 Huwag naman! Alam nating napalaya* na tayo sa kasalanan,+ kaya bakit pa tayo patuloy na gagawa ng kasalanan?+ 3 O hindi ba ninyo alam na tayong lahat na binautismuhan kay Kristo Jesus+ ay binautismuhan sa kaniyang kamatayan?+ 4 Inilibing tayong kasama niya sa pamamagitan ng ating bautismo sa kaniyang kamatayan+ para makapagsimula tayo ng bagong buhay kung paanong binuhay-muli si Kristo sa pamamagitan ng kapangyarihan* ng Ama.+ 5 Kung naging kaisa niya tayo dahil namatay tayong gaya niya,+ tiyak na magiging kaisa rin niya tayo dahil bubuhayin tayong muli na gaya niya.+ 6 Dahil alam natin na ang ating lumang personalidad ay ipinako sa tulos na kasama niya+ para hindi na tayo madaig ng makasalanan nating katawan,+ at sa gayon ay hindi na tayo maging mga alipin ng kasalanan.+ 7 Dahil ang taong namatay ay napawalang-sala na.*
8 Bukod diyan, kung namatay tayong kasama ni Kristo, naniniwala tayo na mabubuhay rin tayong kasama niya. 9 Dahil alam nating si Kristo ay hindi na mamamatay ngayong binuhay na siyang muli;+ ang kamatayan, na gaya ng isang panginoon, ay wala nang kontrol* sa kaniya. 10 Dahil namatay siya nang minsanan para maalis ang kasalanan,+ pero nabubuhay siya ngayon para magawa ang kalooban ng Diyos. 11 Gayon din kayo. Tandaan ninyong namatay* na kayo sa kasalanan pero buháy kayo ngayon para gawin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.+
12 Kaya huwag ninyong hayaang patuloy na maghari ang kasalanan sa inyong mortal na katawan+ para hindi kayo maging sunod-sunuran sa mga pagnanasa nito. 13 Huwag na rin ninyong iharap sa kasalanan ang inyong katawan* para maging kasangkapan* sa kasamaan, kundi iharap ninyo sa Diyos ang inyong sarili na gaya ng mga binuhay-muli at iharap din ninyo sa Diyos ang inyong katawan* bilang kasangkapan* sa katuwiran.+ 14 Hindi ninyo dapat maging panginoon ang kasalanan, dahil wala na kayo sa ilalim ng kautusan+ kundi nasa ilalim na kayo ng walang-kapantay* na kabaitan.+
15 Kaya gagawa na ba tayo ng kasalanan dahil wala tayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng walang-kapantay na kabaitan?+ Siyempre hindi! 16 Hindi ba ninyo alam na kung inihaharap ninyo sa sinuman ang inyong sarili bilang masunuring alipin, kayo ay alipin ng sinusunod ninyo?+ Kaya puwede kayong maging alipin ng kasalanan+ na nagdudulot ng kamatayan+ o ng pagkamasunurin na umaakay sa katuwiran. 17 Pero salamat sa Diyos dahil kahit alipin kayo ng kasalanan noon, kayo ngayon ay naging masunurin mula sa puso sa turong iyon, sa parisan na ibinigay sa inyo para sundan. 18 Oo, dahil pinalaya kayo mula sa kasalanan,+ naging alipin kayo ng katuwiran.+ 19 Gumagamit ako ngayon ng mga salitang maiintindihan ng mga tao dahil sa kahinaan ng inyong laman; iniharap ninyo noon ang inyong katawan bilang alipin ng karumihan at kasamaan para gumawa ng kasamaan, pero ngayon, iharap ninyo ang inyong katawan bilang alipin ng katuwiran para gumawa ng kabanalan.+ 20 Dahil noong alipin kayo ng kasalanan, wala kayo sa ilalim* ng katuwiran.
21 At ano ang bunga ng mga gawa ninyo noon? Mga bagay na ikinahihiya ninyo ngayon. Dahil umaakay ang mga iyon sa kamatayan.+ 22 Pero ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin ng Diyos, ang bunga ng mga gawa ninyo ay kabanalan,+ at umaakay ito sa buhay na walang hanggan.+ 23 Dahil ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan,+ pero ang regalo ng Diyos ay buhay na walang hanggan+ sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.+
7 Mga kapatid (nagsasalita ako sa inyo na nakaaalam sa kautusan), hindi ba ninyo alam na ang Kautusan ay panginoon ng isang tao hangga’t nabubuhay siya? 2 Halimbawa, ayon sa kautusan, ang isang babae ay natatali sa asawa niya habang ito ay buháy; pero kapag namatay ito, napalalaya siya mula sa kautusan ng asawa niya.+ 3 Kaya kung mag-asawa siya ng ibang lalaki habang buháy pa ang asawa niya, siya ay nangangalunya.+ Pero kung mamatay ang asawa niya, magiging malaya na siya mula sa kautusan nito, kaya hindi siya nangangalunya kapag nag-asawa siya ng ibang lalaki.+
4 Kaya, mga kapatid ko, kayo rin ay ginawang patay sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ng Kristo para maging pag-aari kayo ng iba,+ ng isa na binuhay-muli,+ at magbunga tayo para sa Diyos.+ 5 Dahil noong namumuhay tayo ayon sa laman, ang makasalanang mga pagnanasa na nahayag dahil sa Kautusan ay gumagana sa ating katawan* para magluwal ng bunga na umaakay sa kamatayan.+ 6 Pero malaya na tayo sa Kautusan+ dahil wala na itong kontrol sa atin,* kaya dapat na maging alipin na tayo ng espiritu+ at hindi ng nakasulat na batas gaya noon.+
7 Kaya sasabihin ba natin ngayon na may mali sa Kautusan?* Huwag naman! Ang totoo, hindi ko malalaman ang kasalanan kung hindi dahil sa Kautusan.+ Halimbawa, hindi ko malalaman ang kaimbutan* kung hindi sinabi ng Kautusan: “Huwag mong nanasain ang pag-aari ng iba.”+ 8 Pero dahil sa utos, nagkaroon ng pagkakataon ang kasalanan na gisingin sa akin ang lahat ng uri ng kaimbutan, dahil kung walang kautusan, patay* ang kasalanan.+ 9 Ang totoo, buháy ako noong wala pang kautusan. Pero nang dumating ang utos, nabuhay ang kasalanan, pero namatay ako.+ 10 At nakita ko na ang utos na umaakay sana sa buhay+ ay umaakay pala sa kamatayan. 11 Dahil sa utos, nagkaroon ng pagkakataon ang kasalanan na dayain ako at patayin sa pamamagitan nito. 12 Kaya ang Kautusan ay banal, at ang utos ay banal, matuwid, at mabuti.+
13 Ibig sabihin ba ay pinatay ako ng isang bagay na mabuti? Hindi! Pinatay ako ng kasalanan. Sa pamamagitan ng isang bagay na mabuti, pinatay ako ng kasalanan para maisiwalat kung ano ang kasalanan.+ At isiniwalat ng kautusan na napakasama ng kasalanan.+ 14 Alam natin na espirituwal* ang Kautusan. Pero makalaman ako—ipinagbili para maging alipin ng kasalanan.+ 15 Hindi ko naiintindihan ang ginagawa ko. Dahil hindi ko ginagawa ang gusto ko, kundi ginagawa ko ang kinapopootan ko. 16 Pero kapag ginagawa ko ang hindi ko gusto, sumasang-ayon ako na mabuti ang Kautusan. 17 Pero ngayon, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanan na nasa akin.+ 18 Dahil alam ko na sa akin, sa akin ngang di-perpektong katawan,* ay walang anumang mabuti; dahil gusto kong gawin ang mabuti pero wala akong kakayahang gawin iyon.+ 19 Hindi ko ginagawa ang mabuti na gusto kong gawin, kundi ang masama na hindi ko gusto ang lagi kong ginagawa. 20 Kaya kung ginagawa ko ang hindi ko gusto, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanan na nasa akin.
21 Nakita ko na kinokontrol ako ng kautusang ito: Kapag gusto kong gawin ang tama, ang masama ang nasa akin.+ 22 Sa puso ko, talagang nalulugod ako sa kautusan ng Diyos,+ 23 pero nakikita ko sa katawan* ko ang isa pang kautusan na nakikipagdigma sa kautusan ng pag-iisip ko+ at ginagawa akong bihag sa kautusan ng kasalanan+ na nasa katawan* ko. 24 Miserableng tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawan na umaakay sa akin sa kamatayang ito? 25 Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon! Kaya nga, sa pag-iisip ko ay alipin ako ng kautusan ng Diyos, pero sa aking katawan ay alipin ako ng kautusan ng kasalanan.+
8 Kaya nga ang mga kaisa ni Kristo Jesus ay hindi hinahatulang may-sala. 2 Dahil ang kautusan ng espiritu na nagbibigay ng buhay na kaisa ni Kristo Jesus ay nagpalaya na sa iyo+ mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan. 3 Ang hindi magawa ng Kautusan+ dahil sa kahinaan+ ng laman ay ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng pagsusugo ng sarili niyang Anak+ sa anyo ng tao*+ para alisin ang kasalanan. Sa gayon ay hinatulan niya ang kasalanan ng laman, 4 para masunod natin ang matuwid na kahilingan ng Kautusan+ sa pamamagitan ng paglakad ayon sa espiritu at hindi sa laman.+ 5 Dahil ang pag-iisip ng mga namumuhay ayon sa laman ay nakatuon sa makalamang mga pagnanasa,+ pero ang mga namumuhay ayon sa espiritu, sa mga bagay na may kinalaman sa espiritu.+ 6 Ang pagtutuon ng isip sa laman ay umaakay sa kamatayan,+ pero ang pagtutuon ng isip sa espiritu ay umaakay sa buhay at kapayapaan;+ 7 dahil ang pagtutuon ng isip sa laman ay pakikipag-away sa Diyos,+ dahil ang laman ay hindi sumusunod sa kautusan ng Diyos, at ang totoo, hindi nito kayang sumunod. 8 Kaya ang mga namumuhay ayon sa laman ay hindi makapagpapalugod sa Diyos.
9 Pero kung talagang nasa inyo ang espiritu ng Diyos, namumuhay kayo ayon sa espiritu+ at hindi sa laman. Pero kung hindi taglay ng isang tao ang pag-iisip* ni Kristo, ang taong ito ay hindi kay Kristo. 10 Pero kung kaisa ninyo si Kristo,+ patay ang katawan dahil sa kasalanan, pero nagbibigay-buhay ang espiritu dahil sa katuwiran. 11 Kaya kung nasa inyo ang espiritu ng bumuhay-muli kay Jesus, bubuhayin din ng bumuhay-muli kay Kristo Jesus+ ang inyong mortal na mga katawan+ sa pamamagitan ng kaniyang espiritu na nasa inyo.
12 Kaya nga, mga kapatid, mayroon tayong pananagutan, pero hindi sa laman, kaya hindi tayo nabubuhay ayon sa laman;+ 13 dahil kung nabubuhay kayo ayon sa laman, tiyak na mamamatay kayo; pero kung papatayin ninyo ang mga gawa ng katawan+ sa pamamagitan ng espiritu, mabubuhay kayo.+ 14 Dahil ang lahat ng inaakay ng espiritu ng Diyos ay talagang mga anak ng Diyos.+ 15 Dahil hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin na magdudulot ulit ng takot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pag-aampon bilang mga anak at sa pamamagitan ng espiritung iyon ay sumisigaw tayo: “Abba,* Ama!”+ 16 Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama natin*+ na tayo ay mga anak ng Diyos.+ 17 Kaya kung tayo ay mga anak, mga tagapagmana rin tayo—mga tagapagmana ng Diyos, pero mga kasamang tagapagmana+ ni Kristo—kung magdurusa tayong kasama niya+ para maluwalhati rin tayong kasama niya.+
18 Para sa akin, ang mga pagdurusa sa ngayon ay walang-wala kung ihahambing sa kaluwalhatiang isisiwalat sa atin.+ 19 Dahil sabik na sabik na naghihintay ang lahat ng nilalang* sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos.+ 20 Dahil ang lahat ng nilalang ay ipinasailalim sa kawalang-saysay,+ hindi dahil sa sarili nilang kagustuhan kundi dahil sa isa na nagpasailalim sa kanila rito. Pero nagbigay siya ng pag-asa 21 para ang lahat ng nilalang ay mapalaya+ rin mula sa pagkaalipin sa kabulukan at magkaroon ng maluwalhating kalayaan bilang mga anak ng Diyos. 22 Dahil alam natin na ang lahat ng nilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon. 23 Bukod diyan, tayo rin mismo na tumanggap ng mga unang bunga, ang espiritu, ay dumaraing sa loob natin+ habang hinihintay natin nang may pananabik ang pag-aampon sa atin bilang mga anak,+ ang pagpapalaya mula sa ating katawan sa pamamagitan ng pantubos. 24 Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito; pero ang pag-asang nakikita ay hindi matatawag na pag-asa, dahil kung nakikita ng isang tao ang isang bagay, aasahan pa ba niya iyon? 25 Pero kapag inaasahan natin+ ang hindi natin nakikita,+ patuloy natin itong hinihintay nang may pananabik at pagtitiis.*+
26 Gayundin, tinutulungan tayo ng espiritu kapag nanghihina tayo;+ dahil may mga pagkakataon na hindi natin alam ang sasabihin kapag kailangan nating manalangin, pero ang espiritu mismo ang nakikiusap para sa atin kapag hindi natin mabigkas ang mga daing natin. 27 At naiintindihan ng sumusuri sa mga puso+ kung ano ang hinihiling ng espiritu, dahil nakikiusap ito kaayon ng kalooban ng Diyos para sa mga banal.
28 Alam natin na pinangyayari ng Diyos na magtulong-tulong ang lahat ng kaniyang gawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa Diyos, ang mga tinawag ayon sa kaniyang layunin;+ 29 dahil ang mga una niyang binigyang-pansin ay patiuna rin niyang itinalaga na maging katulad ng kaniyang Anak,+ para siya ang maging panganay+ sa maraming magkakapatid.+ 30 Bukod diyan, ang mga patiuna niyang itinalaga+ ang siya ring mga tinawag niya;+ at ang mga tinawag niya ang siya ring mga ipinahayag niyang matuwid.+ At ang mga ipinahayag niyang matuwid ang siya ring mga niluwalhati niya.+
31 Kung gayon, ano ang sasabihin natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang lalaban sa atin?+ 32 Hindi niya ipinagkait sa atin kahit ang sarili niyang Anak kundi ibinigay siya para sa ating lahat,+ kaya tiyak na masaya ring ibibigay sa atin ng Diyos at ng kaniyang Anak ang lahat ng iba pang bagay, hindi ba? 33 Sino ang makapag-aakusa sa mga pinili ng Diyos?+ Wala, dahil ang Diyos ang nagsasabi* na matuwid sila.+ 34 Sino ang makahahatol laban sa kanila? Wala, dahil namatay si Kristo Jesus at binuhay-muli, at siya ay nasa kanan ng Diyos+ at nakikiusap din para sa atin.+
35 Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Kristo?+ Kapighatian ba, pagdurusa, pag-uusig, gutom, kahubaran, panganib, o espada?+ 36 Gaya ng nasusulat: “Dahil sa iyo ay pinapatay kami buong araw; para kaming mga tupang papatayin.”+ 37 Pero sa tulong ng isa na umiibig sa atin, lubos tayong nagtatagumpay+ sa lahat ng ito. 38 Dahil kumbinsido ako na kahit ang kamatayan o buhay o mga anghel o mga pamahalaan o mga bagay na narito ngayon o mga bagay na darating o mga kapangyarihan+ 39 o taas o lalim o anupamang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinapakita rin ni Kristo Jesus na ating Panginoon.
9 Bilang tagasunod ni Kristo, nagsasabi ako ng totoo; hindi ako nagsisinungaling, at sa pamamagitan ng banal na espiritu, nagpapatotoo ang konsensiya ko 2 na labis akong namimighati at hindi nawawala ang kirot sa puso ko. 3 Kung puwede lang sana, ako na lang ang mapalayo sa Kristo bilang isa na isinumpa sa halip na ang mga kapatid ko, ang mga kamag-anak ko, 4 na mga Israelita. Inampon sila bilang mga anak+ at tumanggap ng kaluwalhatian, ng mga tipan,+ ng Kautusan,+ ng pribilehiyong maglingkod,*+ at ng mga pangako.+ 5 Sila rin ay nanggaling sa mga ninuno+ na pinagmulan ng Kristo.+ Purihin nawa magpakailanman ang Diyos na namamahala sa lahat. Amen.
6 Hindi naman ibig sabihin nito na nabigo ang salita ng Diyos. Dahil hindi lahat ng nagmumula kay Israel ay talagang Israelita.+ 7 Hindi rin lahat sa kanila ay mga anak kahit pa supling* sila ni Abraham;+ dahil ang sabi, “Kay Isaac magmumula ang tatawaging iyong supling.”*+ 8 Ibig sabihin, ang mga anak sa laman ay hindi talaga mga anak ng Diyos,+ kundi ang mga anak sa pamamagitan ng pangako+ ang siyang ibibilang na supling.* 9 Dahil ito ang pangako: “Sa ganitong panahon, darating ako, at si Sara ay magkakaroon ng isang anak na lalaki.”+ 10 Pero hindi lang noon ibinigay ang pangako, kundi noon ding magdalang-tao ng kambal si Rebeka kay Isaac, na ninuno natin;+ 11 dahil noong hindi pa sila ipinanganganak at wala pa silang nagagawang mabuti o masama, sinabi na ng Diyos kung sino ang pinili niya, para maipakitang ang pagpili ay nakadepende, hindi sa mga gawa, kundi sa Isa na tumatawag; 12 sinabi sa babae: “Ang nakatatanda ay magiging alipin ng nakababata.”+ 13 Gaya nga ng nasusulat: “Inibig ko si Jacob, pero kinapootan ko si Esau.”+
14 Ibig bang sabihin, hindi makatarungan ang Diyos? Hindi naman!+ 15 Dahil sinabi niya kay Moises: “Kaaawaan ko ang mga gusto kong kaawaan, at kahahabagan ko ang mga gusto kong kahabagan.”+ 16 Kaya nga, nakadepende ito, hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng isang tao,* kundi sa Diyos na maawain.+ 17 Dahil sinasabi sa Kasulatan tungkol sa Paraon: “Pinanatili kitang buháy sa dahilang ito: para maipakita ko ang kapangyarihan ko sa pamamagitan mo at para maipahayag ang pangalan ko sa buong lupa.”+ 18 Kaya kinaaawaan niya ang mga gusto niyang kaawaan, pero hinahayaan niya ang iba na patigasin ang puso nila.+
19 Kaya sasabihin mo sa akin: “Bakit humahanap pa siya ng mali? Sino na ba ang nakasalungat sa kalooban niya?” 20 Pero sino ka, O tao, para sumagot sa Diyos?+ Sasabihin ba ng isang bagay na hinubog sa isa na humubog sa kaniya: “Bakit mo ako ginawang ganito?”+ 21 Hindi ba may awtoridad ang magpapalayok na gumawa ng isang espesyal* na sisidlan at isang pangkaraniwang* sisidlan mula sa iisang limpak ng putik?*+ 22 Kaya ano ang problema kung pinagtitiisan ng Diyos ang mga sisidlan ng poot na karapat-dapat wasakin, kahit na kalooban niyang ipakita ang kaniyang poot at kapangyarihan? 23 At kung ginawa ito ng Diyos para maihayag ang kaniyang saganang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa,+ na patiuna niyang inihanda para luwalhatiin, 24 samakatuwid nga ay tayo, na tinawag niya, hindi lang mula sa mga Judio kundi mula rin sa ibang mga bansa,+ sino ang puwedeng kumuwestiyon dito? 25 Gaya rin ito ng sinasabi niya sa Oseas: “Ang hindi ko bayan+ ay tatawagin kong ‘bayan ko,’ at ang babaeng hindi minahal ay tatawagin kong ‘mahal’;+ 26 at sa lugar kung saan sinabi ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo bayan,’ doon ay tatawagin silang ‘mga anak ng Diyos na buháy.’”+
27 Bukod diyan, inihayag din ni Isaias tungkol sa Israel: “Kahit ang mga Israelita ay kasindami ng buhangin sa dagat, ang maliit na grupo lang na naiwan ang maliligtas.+ 28 Dahil maglalapat si Jehova* ng hatol sa lupa, at tatapusin niya ito agad.”*+ 29 Inihula pa ni Isaias: “Kung hindi nagligtas ng supling* natin si Jehova* ng mga hukbo, naging gaya na tayo ng Sodoma at naging katulad ng Gomorra.”+
30 Kaya ano ang masasabi natin? Na ang mga tao ng ibang mga bansa, kahit hindi nagsisikap na maging matuwid,+ ay naging matuwid sa harap ng Diyos dahil sa pananampalataya;+ 31 pero ang Israel, kahit nagsisikap na maging matuwid sa pamamagitan ng kautusan, ay hindi nakaabot sa tunguhin ng kautusang iyon. 32 Bakit? Dahil sinikap nilang maging matuwid sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya. Natisod sila sa “batong katitisuran”;+ 33 gaya ng nasusulat: “Tingnan ninyo! Maglalagay ako sa Sion ng isang batong+ katitisuran at isang malaking bato na haharang sa kanilang landas, pero ang mananampalataya rito ay hindi mabibigo.”+
10 Mga kapatid, hinahangad ng puso ko at idinadalangin ko sa Diyos na maligtas sila.+ 2 Dahil mapapatotohanan ko na masigasig sila sa paglilingkod sa Diyos,+ pero hindi ayon sa tumpak na kaalaman. 3 Hindi kasi nila alam ang katuwiran* ng Diyos+ kaya hindi sila nagpasakop dito;+ sa halip, sinikap nilang patunayan na matuwid ang sarili nila.+ 4 Si Kristo ang wakas ng Kautusan,+ para maging matuwid sa harap ng Diyos ang bawat isa na nananampalataya.+
5 Sumulat si Moises tungkol sa pagiging matuwid sa pamamagitan ng Kautusan: “Ang taong tumutupad sa mga iyon ay mabubuhay dahil sa mga iyon.”+ 6 Pero ganito naman ang sinasabi tungkol sa katuwiran na resulta ng pananampalataya: “Huwag mong sabihin sa iyong sarili,+ ‘Sino ang aakyat sa langit?’+ para dalhin si Kristo sa lupa, 7 o ‘Sino ang bababa sa kalaliman?’+ para buhaying muli si Kristo.” 8 Ano ang sinasabi nito? “Ang salita ay malapit sa inyo, nasa mismong bibig ninyo at puso”;+ ito ang “salita” ng pananampalataya, na ipinangangaral natin. 9 Dahil kung hayagan mong sinasabi sa pamamagitan ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon,+ at nananampalataya ka sa puso mo na binuhay siyang muli ng Diyos, ikaw ay maliligtas. 10 Dahil sa pamamagitan ng pusong may pananampalataya, ang isa ay nagiging matuwid. Pero sa pamamagitan ng bibig, ipinahahayag ng isa ang mensaheng iyon+ para maligtas.
11 Dahil sinasabi sa Kasulatan: “Walang sinumang nananampalataya sa kaniya ang mabibigo.”+ 12 Dahil walang pagkakaiba ang Judio at ang Griego.+ Iisa lang ang Panginoon ng lahat, na bukas-palad* sa lahat ng tumatawag sa kaniya. 13 Dahil “ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova* ay maliligtas.”+ 14 Pero paano sila tatawag sa kaniya kung hindi naman sila nananampalataya sa kaniya? Paano naman sila mananampalataya kung wala silang narinig tungkol sa kaniya? Paano naman nila iyon maririnig kung walang mangangaral? 15 Paano naman sila mangangaral kung hindi sila isinugo?+ Gaya ng nasusulat: “Napakaganda ng mga paa ng mga naghahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!”+
16 Pero hindi lahat ay tumanggap* sa mabuting balita. Dahil sinabi ni Isaias: “Jehova,* sino ang nanampalataya sa sinabi namin?”+ 17 Kaya nagkakaroon lang ng pananampalataya kapag narinig ang mensahe;+ at naririnig ang mensahe kapag may nagsalita tungkol kay Kristo. 18 Pero ang tanong ko, Narinig nila ito, hindi ba? Ang totoo, “nakarating sa buong lupa ang tunog nila, at sa mga dulo ng lupa ang mensahe nila.”+ 19 Ang tanong ko pa, Alam ito ng Israel, hindi ba?+ Una, sinabi ni Moises: “Pipili ako ng ibang bansa para magselos kayo; gagalitin ko kayo nang husto gamit ang isang bansa na walang unawa.”+ 20 At naging napakatapang ni Isaias, at sinabi niya: “Nakita ako ng mga hindi humahanap sa akin;+ nakilala ako ng mga hindi nagtatanong tungkol sa akin.”+ 21 Pero sinabi niya tungkol sa Israel: “Buong araw kong iniuunat ang mga kamay ko sa isang bayan na masuwayin at matigas ang ulo.”+
11 Kaya ang tanong ko, itinakwil ba ng Diyos ang bayan niya?+ Siyempre hindi! Dahil ako rin ay isang Israelita, na supling* ni Abraham at mula sa tribo ni Benjamin. 2 Hindi itinakwil ng Diyos ang bayan niya, na una niyang binigyang-pansin.+ Hindi ba ninyo alam ang sinasabi sa Kasulatan tungkol kay Elias, noong dumaing siya sa Diyos laban sa Israel? 3 “Jehova,* pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga altar; ako na lang ang natira, at ngayon ay gusto nila akong patayin.”+ 4 Pero ano ang isinagot sa kaniya ng Diyos? “Mayroon pang 7,000 sa bayan ko na hindi lumuhod kay Baal.”+ 5 Kaya gayon din sa ngayon. Mayroon ding maliit na grupo na naiwan,+ ang mga pinili dahil sa walang-kapantay* na kabaitan. 6 At kung iyon ay dahil sa walang-kapantay* na kabaitan,+ hindi na iyon dahil sa mga gawa;+ dahil hindi iyon maituturing na walang-kapantay* na kabaitan kung dahil iyon sa mga gawa.
7 Kaya ano ang masasabi natin? Ang pinagsisikapang makuha ng Israel ay hindi nila nakuha, pero nakuha ito ng mga pinili.+ Naging manhid ang puso ng iba,+ 8 gaya ng nasusulat: “Mahimbing silang pinatulog ng Diyos.+ Binigyan niya sila ng mga matang hindi nakakakita at mga taingang hindi nakaririnig hanggang sa araw na ito.”+ 9 Sinabi rin ni David: “Ang kanilang mesa nawa ay maging isang silo, bitag, katitisuran, at kaparusahan para sa kanila. 10 Magdilim nawa ang mga mata nila para hindi sila makakita, at lagi sana silang magdala ng mabigat na pasan.”*+
11 Kaya ang tanong ko, Natisod ba sila at tuluyang nabuwal? Siyempre hindi! Pero dahil sa maling hakbang nila, naligtas ang mga tao ng ibang mga bansa, kaya nagselos sila.+ 12 Ngayon kung ang maling hakbang nila ay nagdala ng pagpapala* sa sanlibutan, at ang pagkaunti nila ay nagdala ng pagpapala* sa mga tao ng ibang mga bansa,+ paano pa kaya kapag nakumpleto na sila?
13 Ngayon ay nagsasalita ako sa inyo na mga tao ng ibang mga bansa. Ako ay isang apostol para sa ibang mga bansa,+ kaya niluluwalhati* ko ang aking ministeryo+ 14 at umaasang may magagawa ako para magselos ang sarili kong bayan* at sa gayon ay mailigtas ang ilan sa kanila. 15 Kung ang pagtatakwil sa kanila+ ay nagbukas ng daan para maipagkasundo sa Diyos ang sanlibutan, ang pagtanggap sa kanila ay magiging gaya naman ng pagkabuhay-muli mula sa mga patay. 16 Bukod diyan, kung ang isang bahagi ng limpak na kinuha bilang mga unang bunga ay banal, ang buong limpak ay banal; at kung ang ugat ay banal, gayon din ang mga sanga.
17 Pero kung pinutol ang ilan sa mga sanga at ikaw, kahit isang ligáw na olibo, ay inihugpong kasama ng natirang mga sanga at naging kabahagi sa mga pagpapala mula sa* ugat ng olibo, 18 huwag kang magmalaki sa mga sanga. Kung nagmamalaki ka sa kanila,+ alalahanin mong hindi ikaw ang nagdadala sa ugat, kundi ang ugat ang nagdadala sa iyo. 19 Sasabihin mo ngayon: “Pumutol ng mga sanga para maihugpong ako.”+ 20 Totoo naman! Pinutol sila dahil sa kawalan nila ng pananampalataya,+ pero nakatayo kang matatag dahil sa pananampalataya.+ Huwag kang magyabang, kundi matakot ka. 21 Dahil kung hindi pinaligtas ng Diyos ang likas na mga sanga, hindi ka rin niya paliligtasin. 22 Kaya pag-isipan mo ang kabaitan+ at pagpaparusa ng Diyos. Pinarusahan niya ang mga nabuwal,+ pero mabait sa iyo ang Diyos hangga’t nananatili ka sa kaniyang kabaitan; kung hindi, tatagpasin ka rin. 23 Pero kung mananampalataya sila, ihuhugpong din sila,+ dahil kaya ng Diyos na ihugpong silang muli. 24 Dahil kung ikaw na pinutol mula sa ligáw na punong olibo ay inihugpong sa inaalagaang punong olibo kahit hindi ito karaniwang ginagawa, mas maihuhugpong sila, na likas na mga sanga, sa sarili nilang punong olibo!
25 Mga kapatid, para hindi maging marunong ang tingin ninyo sa sarili, gusto kong malaman ninyo ang sagradong lihim na ito:+ Magiging manhid ang puso ng ilan sa Israel hanggang sa makumpleto ang bilang ng mga tao ng ibang mga bansa, 26 at sa ganitong paraan maliligtas ang buong Israel.+ Gaya ng nasusulat: “Ang tagapagligtas ay manggagaling sa Sion,+ at ilalayo niya ang Jacob sa kanilang di-makadiyos na mga gawain. 27 At ito ang tipan ko sa kanila+ kapag inalis ko ang mga kasalanan nila.”+ 28 Totoo, may kinalaman sa mabuting balita, naging mga kaaway sila, at nakinabang kayo roon. Pero pagdating sa pagpili ng Diyos, minahal sila alang-alang sa mga ninuno nila.+ 29 Dahil hindi pagsisisihan ng Diyos ang pagbibigay niya ng mga regalo at ang pagtawag niya. 30 Masuwayin kayo noon sa Diyos+ pero kinaawaan niya kayo+ dahil sa pagsuway nila.+ 31 Sa katulad na paraan, naging masuwayin sila kung kaya kinaawaan kayo, kaya kaaawaan din sila. 32 Dahil hinayaan ng Diyos na silang lahat ay maging bilanggo ng pagsuway+ para makapagpakita siya ng awa sa lahat.+
33 Talagang kahanga-hanga ang saganang pagpapala,* karunungan, at kaalaman ng Diyos! Di-maabot ng isipan ang mga hatol niya at di-matunton ang mga daan niya! 34 Dahil “sino ang nakaaalam ng kaisipan ni Jehova,* o sino ang naging tagapayo niya?”+ 35 O “sino ang naunang nagbigay sa kaniya, kaya dapat niya itong bayaran?”+ 36 Dahil mula sa kaniya at sa pamamagitan niya at para sa kaniya ang lahat ng bagay. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
12 Kaya mga kapatid, dahil maawain ang Diyos, nakikiusap ako sa inyo na iharap ninyo ang inyong katawan+ bilang isang haing buháy, banal,+ at katanggap-tanggap sa Diyos, para makapaglingkod kayo sa kaniya* gamit ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.+ 2 At huwag na kayong magpahubog sa sistemang* ito, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip,+ para mapatunayan ninyo sa inyong sarili+ kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at perpektong kalooban ng Diyos.
3 Sa pamamagitan ng walang-kapantay* na kabaitan na ibinigay sa akin, sinasabi ko sa inyong lahat na huwag mag-isip nang higit tungkol sa sarili kaysa sa nararapat,+ kundi ipakita ninyo ang katinuan ng inyong pag-iisip ayon sa pananampalataya na ibinigay* ng Diyos sa bawat isa sa inyo.+ 4 Kung paanong ang isang katawan ay binubuo ng maraming bahagi+ na magkakaiba ng gawain, 5 tayo rin, kahit marami, ay isang katawan kaisa ni Kristo at mga bahaging magkakaugnay.+ 6 At dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, tumanggap ang bawat isa sa atin ng iba’t ibang kakayahan,*+ kaya kung ito ay may kinalaman sa panghuhula, manghula tayo ayon sa taglay nating pananampalataya; 7 kung sa paglilingkod sa iba, patuloy tayong maglingkod;* kung sa pagtuturo, patuloy siyang magturo;+ 8 kung sa pagpapatibay,* patuloy siyang magpatibay;*+ kung sa pamamahagi,* maging mapagbigay siya;+ kung sa pangangasiwa,* maging masipag* siya;+ o kung sa pagpapakita ng awa, gawin niya ito nang buong puso.+
9 Mahalin ninyo ang isa’t isa nang walang pagkukunwari.*+ Kamuhian ninyo ang masama;+ ibigin ninyo ang* mabuti. 10 Magmahalan kayo bilang magkakapatid at maging magiliw sa isa’t isa. Mauna* kayo sa pagpapakita ng paggalang sa iba.+ 11 Maging masipag* kayo, hindi tamad.*+ Maging masigasig kayo dahil sa banal na espiritu.+ Magpaalipin kayo para kay Jehova.*+ 12 Magsaya kayo dahil sa pag-asa ninyo. Magtiis kayo habang nagdurusa.+ Magmatiyaga kayo sa pananalangin.+ 13 Magbigay kayo sa mga alagad* ayon sa pangangailangan nila.+ Maging mapagpatuloy kayo.+ 14 Humiling sa Diyos ng pagpapala para sa mga mang-uusig,+ at huwag ninyo silang sumpain.+ 15 Makipagsaya sa mga nagsasaya; makiiyak sa mga umiiyak. 16 Ituring ninyo ang iba na gaya ng inyong sarili; huwag maging mapagmataas,* kundi maging mapagpakumbaba.+ Huwag ninyong isiping matalino kayo.+
17 Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama.+ Gawin kung ano ang mabuti sa pananaw* ng lahat ng tao. 18 Kung posible, hangga’t nakadepende sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.+ 19 Huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyang-daan ninyo ang poot;*+ dahil nasusulat: “‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,’ sabi ni Jehova.”*+ 20 Kundi “kung nagugutom ang kaaway mo, pakainin mo siya; kung nauuhaw siya, bigyan mo siya ng maiinom; dahil sa paggawa nito, makapagtutumpok ka ng baga sa ulo niya.”*+ 21 Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.+
13 Ang bawat tao* ay dapat magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad+ dahil walang awtoridad na hindi nagmula sa Diyos;+ ang Diyos ang naglagay sa mga ito sa kani-kanilang* posisyon.+ 2 Kaya ang sinumang kumakalaban sa awtoridad ay kumakalaban sa kaayusan ng Diyos; ang mga kumakalaban dito ay magdadala ng hatol sa sarili nila. 3 Dahil kinatatakutan ang mga tagapamahalang iyon, hindi ng mga gumagawa ng mabuti kundi ng mga gumagawa ng masama.+ Kaya kung ayaw mong matakot sa awtoridad, patuloy kang gumawa ng mabuti,+ at pupurihin ka nito; 4 dahil lingkod ito ng Diyos para sa kapakanan mo. Pero kung masama ang ginagawa mo, matakot ka, dahil may kapangyarihan itong magparusa gamit ang espada. Lingkod ito ng Diyos, isang tagapaghiganti para ipakita ang galit* sa mga gumagawa ng masama.
5 Kaya nga may matinding dahilan para magpasakop kayo, hindi lang dahil sa galit na iyon kundi dahil din sa konsensiya ninyo.+ 6 Iyan din ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis; dahil patuloy silang nagsisilbi sa mga tao bilang mga lingkod ng Diyos. 7 Ibigay sa lahat ang nararapat sa kanila: sa humihiling ng buwis, ang buwis;+ sa humihiling ng tributo, ang tributo; sa humihiling ng takot,* ang takot;*+ sa humihiling ng karangalan, ang karangalan.+
8 Huwag kayong magkautang sa sinuman maliban sa pag-ibig sa isa’t isa;+ dahil ang umiibig sa kapuwa niya ay nakatutupad sa kautusan.+ 9 Dahil ang mga utos na “Huwag kang mangangalunya,+ huwag kang papatay,+ huwag kang magnanakaw,+ huwag mong nanasain ang pag-aari ng iba,”+ at lahat ng iba pang utos, ay mabubuod sa pananalitang ito: “Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”+ 10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapuwa;+ kaya ang pag-ibig ang katuparan ng kautusan.+
11 At gawin ninyo ito dahil alam ninyo ang panahon, na oras na para gumising kayo+ dahil mas malapit na ngayon ang kaligtasan natin kaysa noong maging mananampalataya tayo. 12 Malalim na ang gabi; malapit na ang araw. Kaya talikuran natin ang mga gawang may kaugnayan sa kadiliman+ at isuot ang mga sandata ng liwanag.+ 13 Gaya ng pagkilos ng mga tao kapag araw, kumilos tayo nang disente;+ umiwas tayo sa walang-patumanggang mga pagsasaya at paglalasingan, sa imoral na pagtatalik at paggawi nang may kapangahasan,*+ at sa pag-aaway at selos.*+ 14 Sa halip, tularan* ang Panginoong Jesu-Kristo,+ at huwag magplano para sa mga pagnanasa ng laman.+
14 Tanggapin ninyo ang taong may pag-aalinlangan sa kaniyang paniniwala,*+ at huwag ninyo siyang hatulan dahil iba ang opinyon niya.* 2 Kinakain ng taong may matibay na pananampalataya ang lahat ng uri ng pagkain, pero gulay lang ang kinakain ng taong mahina ang pananampalataya. 3 Huwag hamakin ng kumakain ang hindi kumakain, at huwag hatulan ng hindi kumakain ang kumakain,+ dahil tinanggap siya ng Diyos. 4 Sino ka para hatulan ang lingkod ng iba?+ Ang panginoon lang niya ang makapagsasabi kung makatatayo siya o mabubuwal.*+ At makatatayo siya dahil kaya siyang tulungan ni Jehova.*
5 Para sa isang tao, mas mahalaga ang isang araw kaysa sa ibang araw;+ para naman sa iba, magkakapareho lang ang lahat ng araw;+ ang bawat tao ay dapat na maging lubusang kumbinsido sa sarili niyang pasiya. 6 Ang taong nagpapahalaga sa isang araw ay gumagawa nito para kay Jehova.* At ang kumakain ng lahat ng uri ng pagkain ay gumagawa nito para kay Jehova,* dahil nagpapasalamat siya sa Diyos;+ at ang hindi kumakain ng lahat ng uri ng pagkain ay gumagawa nito para kay Jehova,* pero nagpapasalamat din siya sa Diyos.+ 7 Ang totoo, walang sinuman sa atin ang nabubuhay para lang sa sarili,+ at walang namamatay para lang sa sarili. 8 Dahil kung nabubuhay tayo, nabubuhay tayo para kay Jehova,*+ at kung mamamatay tayo, mamamatay tayo para kay Jehova.* Kaya mabuhay man tayo o mamatay, tayo ay kay Jehova.*+ 9 Ito ang dahilan kaya namatay si Kristo at nabuhay-muli, para maging Panginoon siya ng mga patay at mga buháy.+
10 Kaya bakit mo hinahatulan ang kapatid mo?+ O bakit mo rin hinahamak ang kapatid mo? Tayong lahat ay tatayo sa harap ng luklukan ng paghatol ng Diyos.+ 11 Nasusulat: “‘Isinusumpa ko, kung paanong buháy ako,’+ sabi ni Jehova,* ‘ang bawat tuhod ay luluhod sa akin, at ang bawat dila ay magsasabing kinikilala nito ang Diyos.’”+ 12 Kaya ang bawat isa sa atin ay mananagot sa Diyos para sa kaniyang sarili.+
13 Kaya huwag na nating hatulan ang isa’t isa,+ kundi maging determinado tayong huwag maglagay ng katitisuran o harang sa harap ng isang kapatid.+ 14 Bilang isang tagasunod ng Panginoong Jesus, alam ko at kumbinsido ako na walang bagay na likas na marumi;+ nagiging marumi lang ang isang bagay para sa isang tao kapag itinuturing niya itong marumi. 15 Dahil kung nababagabag* ang iyong kapatid dahil sa kinakain mo, hindi ka na lumalakad kaayon ng pag-ibig.+ Namatay si Kristo para sa kaniya, kaya huwag mo siyang ipahamak dahil sa kinakain mo.+ 16 Kaya huwag mong hayaang ang ginawa mong mabuti ay mapagsalitaan ng di-maganda. 17 Dahil ang Kaharian ng Diyos ay walang kinalaman sa pagkain at pag-inom,+ kundi sa pagkakaroon ng katuwiran, kapayapaan, at kagalakan sa tulong ng banal na espiritu. 18 Dahil ang sinumang alipin ni Kristo na may ganitong mga katangian ay kalugod-lugod sa Diyos at sa mga tao.
19 Kaya itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan+ at nakapagpapatibay sa isa’t isa.+ 20 Huwag mong* sirain ang gawa ng Diyos dahil lang sa pagkain.+ Totoo, malinis ang lahat ng bagay, pero hindi mabuti* para sa isang tao na kainin ang mga ito kung makakatisod iyon sa iba.+ 21 Mas mabuting huwag kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anuman na makakatisod sa iyong kapatid.+ 22 Ang pananampalataya mo ay sa pagitan mo at ng Diyos. Maligaya ang taong ginagawa ang katanggap-tanggap sa kaniya at hindi hinahatulan ng sarili niya. 23 Pero kung may mga alinlangan siya, nahatulan na siya kapag kumain siya, dahil hindi siya kumain batay sa pananampalataya. Talaga ngang ang lahat ng bagay na hindi batay sa pananampalataya ay kasalanan.
15 Kaya tayong malalakas ay dapat na magdala ng mga kahinaan ng hindi malalakas+ sa halip na isipin lang ang sarili natin.+ 2 Palugdan ng bawat isa sa atin ang kapuwa niya para sa ikabubuti at ikatitibay nito.+ 3 Dahil maging ang Kristo ay hindi nagpalugod sa sarili,+ kundi gaya ng nasusulat: “Napunta sa akin ang pang-iinsulto ng mga umiinsulto sa iyo.”+ 4 Ang lahat ng bagay na isinulat noon ay isinulat para matuto tayo,+ at may pag-asa tayo dahil ang Kasulatan+ ay nagbibigay sa atin ng lakas* at tumutulong sa atin na magtiis.*+ 5 Kaya ipagkaloob nawa sa inyo ng Diyos, na nagbibigay ng lakas at tulong para makapagtiis,* ang pag-iisip na katulad ng kay Kristo Jesus, 6 para maluwalhati ninyo nang sama-sama*+ at may pagkakaisa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo.
7 Kaya malugod ninyong tanggapin* ang isa’t isa+ gaya ng pagtanggap sa inyo ng Kristo+ para sa kaluwalhatian ng Diyos. 8 Sinasabi ko sa inyo, si Kristo ay naging lingkod ng mga tuli+ para mapatunayan na tapat ang Diyos at na totoo ang mga pangako Niya sa kanilang mga ninuno,+ 9 at para luwalhatiin ng ibang mga bansa ang Diyos dahil sa kaniyang awa.+ Gaya ng nasusulat: “Kaya hayagan kitang kikilalanin sa gitna ng mga bansa, at aawit ako ng mga papuri para sa iyong pangalan.”+ 10 Sinabi pa Niya: “Matuwa kayo, mga bansa, kasama ang bayan niya.”+ 11 At sinabi rin: “Purihin ninyo si Jehova,* kayong lahat na mga bansa, at purihin nawa siya ng lahat ng bayan.”+ 12 Sinabi rin ni Isaias: “Tutubo ang ugat ni Jesse,+ ang isa na darating para mamahala sa mga bansa;+ sa kaniya aasa ang mga bansa.”+ 13 Dahil nagtitiwala kayo sa Diyos, na nagbibigay ng pag-asa, punuin nawa niya ang inyong puso ng kagalakan at kapayapaan, nang sa gayon ay mapuno kayo ng* pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na espiritu.+
14 Mga kapatid ko, talagang kumbinsido ako na kayo ay punô ng kabutihan at kaalaman at kaya ninyong paalalahanan* ang isa’t isa. 15 Pero sumulat ako sa inyo nang mas deretsahan tungkol sa ilang bagay para paalalahanan kayong muli, dahil sa walang-kapantay na kabaitan na ipinakita ng Diyos sa akin 16 bilang lingkod ni Kristo Jesus para sa ibang mga bansa.+ Nakikibahagi ako sa banal na gawain ng paghahayag ng mabuting balita ng Diyos+ para ang mga bansang ito ay maging kaayaayang handog, na pinabanal sa pamamagitan ng banal na espiritu.
17 Kaya nga may dahilan ako para magsaya dahil alagad ako ni Kristo Jesus at naglilingkod ako sa Diyos. 18 Wala akong ibang sasabihin maliban sa mga bagay na ginawa ni Kristo sa pamamagitan ko para maging masunurin ang ibang mga bansa. Naisagawa niya ito sa pamamagitan ng aking salita at gawa, 19 ng mga tanda at kamangha-manghang mga bagay,*+ at ng kapangyarihan ng espiritu ng Diyos. At dahil dito, lubusan kong naipangaral sa Jerusalem ang mabuting balita tungkol sa Kristo+ at lumibot ako hanggang sa Ilirico. 20 Ginawa kong tunguhin na huwag ihayag ang mabuting balita kung saan naipakilala na ang pangalan ni Kristo para hindi ako makapagtayo sa pundasyon ng ibang tao, 21 kundi kumilos ako ayon sa nasusulat: “Makaaalam ang mga taong hindi nakabalita tungkol sa kaniya, at makauunawa ang mga hindi nakarinig.”+
22 Kaya naman maraming beses akong hindi natuloy sa pagpunta sa inyo. 23 Pero ngayon, napangaralan ko na ang lahat ng teritoryo sa mga lugar na iyon, at maraming* taon ko nang inaasam na makapunta sa inyo. 24 Kaya kapag papunta na ako sa Espanya, sana ay makita ko kayo at makasama sandali at masamahan din ninyo ako sa simula ng paglalakbay papunta roon. 25 Pero ngayon, pupunta muna ako sa Jerusalem para maglingkod sa mga kapatid* doon.+ 26 Dahil ang mga nasa Macedonia at Acaya ay buong pusong nag-abuloy para sa mahihirap na kapatid* sa Jerusalem.+ 27 Buong puso nilang ginawa iyon, pero ang totoo, nadama rin nilang obligasyon nila iyon; dahil kung nakibahagi sila sa mga bagay na ibinigay ng Diyos sa* mga Judio, dapat silang mag-abuloy para sa materyal na pangangailangan ng mga ito.+ 28 Kaya kapag nagawa ko na ito at naibigay na sa kanila ang abuloy,* dadaan ako sa inyo papuntang Espanya. 29 Alam ko rin na kapag nakarating ako sa inyo, makapagdadala ako ng saganang pagpapala mula kay Kristo.
30 Kaya pinakikiusapan ko kayo, mga kapatid, na dahil sa pananampalataya natin sa Panginoong Jesu-Kristo at dahil sa pag-ibig na bunga ng espiritu, samahan ninyo ako sa marubdob na pananalangin sa Diyos para sa akin,+ 31 para maligtas ako+ mula sa mga di-sumasampalataya sa Judea at para tanggapin ng mga kapatid* sa Jerusalem ang tulong na dala ko para sa kanila;+ 32 nang sa gayon, kung loobin ng Diyos, masaya akong makarating sa inyo at mapatibay natin ang isa’t isa. 33 Sumainyo nawang lahat ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.+ Amen.
16 Ipinapakilala* ko sa inyo ang kapatid nating si Febe, na naglilingkod sa kongregasyon sa Cencrea,+ 2 para tanggapin ninyo siya bilang kapananampalataya sa Panginoon sa paraang karapat-dapat sa mga alagad* at para maibigay ninyo sa kaniya ang anumang tulong na kakailanganin niya,+ dahil siya rin mismo ay tumutulong sa marami,* pati na sa akin.
3 Ikumusta ninyo ako kina Prisca at Aquila,+ na mga kamanggagawa ko kay Kristo Jesus 4 at nagsapanganib ng buhay* nila para sa akin.+ At hindi lang ako ang nagpapasalamat sa kanila kundi pati ang lahat ng kongregasyon ng ibang mga bansa. 5 Kumusta rin sa kongregasyon na nagtitipon sa bahay nila;+ gayundin sa minamahal kong si Epeneto, na isa sa mga unang tagasunod ni Kristo sa Asia.* 6 Kumusta kay Maria, na matiyagang naglilingkod para sa inyo. 7 Kumusta kina Andronico at Junias na mga kamag-anak ko+ at kapuwa bilanggo, mga lalaking kilalang-kilala ng mga apostol at mas matatagal nang tagasunod ni Kristo kaysa sa akin.
8 Ikumusta ninyo ako kay Ampliato, na minamahal kong kapatid sa Panginoon. 9 Kumusta kay Urbano na kamanggagawa natin kay Kristo at sa minamahal kong si Estaquis. 10 Kumusta kay Apeles, na sinasang-ayunan ni Kristo. Kumusta sa mga nasa sambahayan ni Aristobulo. 11 Kumusta sa kamag-anak kong si Herodion. Kumusta sa mga nasa sambahayan ni Narciso na mga tagasunod ng Panginoon. 12 Kumusta kina Trifena at Trifosa, na matiyagang naglilingkod sa Panginoon. Kumusta sa minamahal nating si Persis, na matiyagang naglilingkod sa Panginoon. 13 Kumusta kay Rufo, na mahusay na lingkod ng Panginoon, at sa kaniyang ina, na para ko na ring ina. 14 Kumusta kina Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas, at sa mga kapatid na kasama nila. 15 Kumusta kina Filologo at Julia, kay Nereo at sa kapatid niyang babae, kay Olimpas, at sa lahat ng kapatid* na kasama nila. 16 Malugod ninyong batiin ang isa’t isa.* Kinukumusta kayo ng lahat ng kongregasyon ng Kristo.
17 Hinihimok ko kayo ngayon, mga kapatid, na mag-ingat sa mga nagpapasimula ng pagkakabaha-bahagi at nagiging dahilan ng pagkatisod. Ang mga ginagawa nila ay salungat sa turo na inyong natutuhan, kaya iwasan ninyo sila.+ 18 Dahil ang gayong uri ng mga tao ay hindi alipin ng ating Panginoong Kristo, kundi ng sarili nilang mga pagnanasa,* at inililigaw nila ang mga walang muwang* gamit ang kanilang mapanghikayat na pananalita at pambobola. 19 Masaya ako dahil napapansin ng lahat ang pagiging masunurin ninyo. Pero gusto kong maging marunong kayo pagdating sa mga bagay na mabuti, at inosente pagdating sa masama.+ 20 At malapit nang durugin ng Diyos na nagbibigay ng kapayapaan si Satanas+ sa ilalim ng inyong mga paa. Sumainyo nawa ang walang-kapantay* na kabaitan ng ating Panginoong Jesus.
21 Kinukumusta kayo ng kamanggagawa kong si Timoteo, gayundin ng mga kamag-anak kong+ sina Lucio, Jason, at Sosipatro.
22 Ako, si Tercio, na tagasulat ng liham na ito, ay bumabati sa inyo bilang kapananampalataya sa Panginoon.
23 Kinukumusta kayo ni Gayo,+ na tinutuluyan ko at na ang bahay ay pinagtitipunan ng kongregasyon. Kinukumusta kayo ni Erasto na ingat-yaman* ng lunsod, pati ng kapatid niyang si Cuarto. 24 *——
25 Purihin nawa Siya na makapagpapatatag sa inyo kaayon ng mabuting balita na ipinahahayag ko at ng pangangaral tungkol kay Jesu-Kristo, na kaayon ng isiniwalat tungkol sa sagradong lihim+ na itinago sa mahabang panahon 26 pero inihayag* na ngayon at ipinaalám na sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng mga hula sa Kasulatan, na kaayon ng utos ng walang-hanggang Diyos na ang kalooban ay manampalataya sila at maging masunurin; 27 maibigay nawa sa Diyos, na tanging marunong,+ ang kaluwalhatian sa pamamagitan ni Jesu-Kristo magpakailanman. Amen.
Lit., “binhi.”
O “na ipinanganak sa lupa bilang inapo ni David.”
O “sanlibutan.”
O “ng espirituwal na kaloob.”
O “di-Griego.” Lit., “barbaro.”
Lit., “isinisiwalat.”
O “likhain.”
O “gumagapang na hayop.”
O “nag-ukol ng sagradong paglilingkod.”
O “at iniwan ng mga lalaki ang likas na paggamit.”
O “kaya tinatanggap nila ang lubos na kabayaran dahil sa pagkakasala nila.”
O “Dahil hindi nila sinang-ayunang kilalanin ang Diyos ayon sa tumpak na kaalaman.”
O “kaimbutan.”
O “tsismoso.”
O “ng nakapipinsalang mga bagay.”
O “ng pagbabata sa paggawa.”
O “budhi.”
O “ipinagtatanggol.”
O “naturuan ka nang bibigan.”
O “balangkas ng.”
O “sagradong kapahayagan.”
Isang uri ng ahas.
Lit., “laman.”
O “di-sana-nararapat.”
O “handog na pambayad-sala; handog para sa pakikipagkasundo.”
O “ninuno ayon sa laman?”
Tingnan ang Ap. A5.
O “at ibinilang itong katuwiran sa kaniya.”
O “ay gaya ng utang.”
O “di-sana-nararapat.”
Lit., “tinakpan ang.”
O “bibilangin.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “garantiya; patunay.”
Lit., “ng binhi.”
Lit., “binhi.”
O posibleng “at nagpapairal sa mga bagay na hindi umiiral.”
Lit., “ang binhi.”
Lit., “na patay ang sinapupunan ni.”
O posibleng “taglay natin.”
O posibleng “Nagsasaya.”
O posibleng “Nagsasaya.”
O “ng pagbabata.”
O “ang pagbabata.”
O “ng sinang-ayunang kalagayan.”
O “inirerekomenda.”
O “sanlibutan.”
O “sanlibutan.”
O “nag-uumapaw naman ang pakinabang ng.”
Tingnan sa Glosari.
O “isang gawa ng pagbibigay-katuwiran.”
Lit., “namatay.”
Lit., “kaluwalhatian.”
O “ay napalaya na sa kasalanan; ay napatawad na sa kasalanan.”
O “kapangyarihan.”
O “napalaya.”
Lit., “mga sangkap.”
Lit., “sandata.”
Lit., “mga sangkap.”
Lit., “sandata.”
O “di-sana-nararapat.”
O “kontrol.”
Lit., “mga sangkap.”
Lit., “dahil namatay na tayo doon sa pumipigil sa atin.”
Lit., “na ang Kautusan ay kasalanan?”
O “kasakiman.”
O “walang kapangyarihan.”
O “na mula sa Diyos.”
Lit., “laman.”
Lit., “mga sangkap.”
Lit., “mga sangkap.”
Lit., “makasalanang laman.”
Lit., “ang espiritu.”
Salitang Hebreo o Aramaiko na ang ibig sabihin ay “O Ama!”
Lit., “ng ating espiritu.”
Pangunahin nang tumutukoy sa mga tao.
O “pagbabata.”
O “nagpapahayag.”
O “pribilehiyong mag-ukol ng sagradong paglilingkod.”
Lit., “binhi.”
Lit., “binhi.”
Lit., “binhi.”
Lit., “hindi sa isa na nagnanais o sa isa na tumatakbo.”
Lit., “marangal.”
Lit., “walang-dangal na.”
O “luwad.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “at mabilis niya itong isasagawa.”
Lit., “binhi.”
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan sa Glosari.
O “na namamahagi ng kaniyang yaman.”
Tingnan ang Ap. A5.
Lit., “sumunod.”
Tingnan ang Ap. A5.
Lit., “binhi.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “di-sana-nararapat.”
O “di-sana-nararapat.”
O “di-sana-nararapat.”
O “lagi sanang makuba ang kanilang likod.”
Lit., “kayamanan.”
Lit., “kayamanan.”
O “dinadakila.”
Lit., “ang laman ko.”
O “naging kabahagi sa katabaan ng.”
Lit., “O ang lalim ng kayamanan.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “para makapag-ukol kayo sa kaniya ng sagradong paglilingkod.”
O “panahong.” Tingnan sa Glosari, “Sistema.”
O “di-sana-nararapat.”
O “itinakda; ibinahagi.”
O “kaloob.”
O “kung sa isang ministeryo, magpatuloy tayo sa ministeryong ito.”
O “pagpapayo.”
O “magpayo.”
O “pag-aabuloy.”
O “pangunguna.”
O “masigasig.”
O “pagpapaimbabaw.”
O “kumapit kayo sa.”
O “Magkusa.”
O “masigasig.”
O “Huwag magmakupad sa inyong gawain.”
Tingnan ang Ap. A5.
Lit., “banal.”
O “huwag mag-isip ng matatayog na bagay.”
O “paningin.”
Poot ng Diyos.
Tingnan ang Ap. A5.
Ibig sabihin, mapalalambot ang puso ng isang tao.
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “sa relatibo nilang.”
O “para magparusa.”
O “paggalang.”
O “paggalang.”
O “paggawi nang walang kahihiyan.” Sa Griego, a·selʹgei·a. Tingnan sa Glosari.
O “paninibugho.”
Lit., “isuot.”
O “may mahinang pananampalataya.”
O posibleng “dahil sa sarili niyang mga pag-aalinlangan.”
O “kung tama siya o mali.”
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. A5.
O “natitisod.”
O “Huwag mo nang.”
O “pero mali.”
O “kaaliwan.”
O “magbata.”
O “makapagbata.”
Lit., “nang may iisang bibig.”
O “Kaya tanggapin ninyo.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “ay mag-umapaw kayo sa.”
O “turuan.”
O “at mga himala.”
O posibleng “ilang.”
Lit., “banal.”
Lit., “banal.”
O “sa espirituwal na mga bagay ng.”
Lit., “bunga.”
Lit., “banal.”
O “Inirerekomenda.”
Lit., “banal.”
O “ay tagapagtanggol ng marami.”
Lit., “leeg.”
O “na unang bunga ng Asia para kay Kristo.”
Lit., “banal.”
Lit., “Batiin ninyo ang isa’t isa ng banal na halik.”
O “tiyan.”
Lit., “ang puso ng mga walang muwang.”
O “di-sana-nararapat.”
O “katiwala.”
Tingnan ang Ap. A3.
O “isiniwalat.”