LIHAM SA MGA TAGA-EFESO
1 Ako si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus dahil sa kalooban ng Diyos. Sumusulat ako sa mga banal sa Efeso+ at mga tapat na kaisa ni Kristo Jesus:
2 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo.
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, dahil binigyan niya tayo ng bawat uri ng espirituwal na pagpapala mula sa langit, dahil kaisa tayo ni Kristo.+ 4 Pinili Niya tayo na maging kaisa niya* bago pa maitatag ang sanlibutan para makapagpakita tayo ng pag-ibig at maging banal at walang dungis+ sa harap Niya. 5 Pinili niya tayo*+ para ampunin bilang mga anak niya+ sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Iyan ay ayon sa kagustuhan* niya at kalooban,+ 6 nang sa gayon, mapapurihan siya dahil sa kaniyang maluwalhating walang-kapantay na kabaitan+ na ipinagkaloob niya sa atin sa pamamagitan ng kaniyang minamahal.+ 7 Ayon sa kasaganaan* ng walang-kapantay* na kabaitan ng Diyos, nailaan ang pantubos sa pamamagitan ng dugo ng kaniyang anak+ at nabuksan ang daan para mapalaya tayo, oo, napatawad ang ating mga kasalanan.+
8 Sagana niyang ipinagkaloob sa atin ang kaniyang walang-kapantay na kabaitan, kasama ang lahat ng karunungan at unawa. 9 Ginawa niya ito nang ipaalám niya sa atin ang sagradong lihim+ ng kalooban niya. Ayon sa kaniyang kagustuhan, ipinasiya niya 10 na maitatag ang isang administrasyon* kapag natapos na ang panahong itinakda niya, para matipon ang lahat ng bagay sa Kristo, ang mga bagay sa langit at sa lupa.+ Oo, sa kaniya, 11 na kaisa namin at kasama naming tagapagmana,+ gaya ng iniatas sa amin, dahil pinili kami* ayon sa layunin ng isa na nagsasagawa ng lahat ng ipinasiya Niyang gawin ayon sa Kaniyang kalooban, 12 nang sa gayon, kami na mga naunang umasa sa Kristo ay maglingkod para sa Kaniyang kapurihan at kaluwalhatian. 13 Pero umasa rin kayo sa kaniya nang marinig ninyo ang salita ng katotohanan, ang mabuting balita tungkol sa inyong kaligtasan. Nang manampalataya kayo, sa pamamagitan niya ay tinatakan kayo+ ng ipinangakong banal na espiritu, 14 na garantiya ng tatanggapin nating* mana,+ para mapalaya ang pag-aari ng Diyos+ sa pamamagitan ng pantubos,+ at sa gayon ay mapapurihan siya at maluwalhati.
15 Kaya naman nang marinig ko ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus at ang pag-ibig na ipinapakita ninyo sa lahat ng banal, 16 lagi ko rin kayong ipinagpapasalamat sa Diyos. Lagi kong ipinapanalangin 17 na bigyan kayo ng karunungan ng Diyos ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang Ama ng kaluwalhatian, at maunawaan ninyo ang mga isinisiwalat niya may kinalaman sa tumpak na kaalaman tungkol sa kaniya.+ 18 Pinasinag niya ang liwanag sa inyong puso, para makita ninyo at malaman kung anong pag-asa ang ibinigay niya sa inyo,* kung anong kamangha-manghang* mga kayamanan ang inilaan niya bilang mana ng mga banal,+ 19 at kung gaano kalakas ang kapangyarihang ipinakita niya sa atin na mga mananampalataya.+ Ang malakas na kapangyarihang iyon ay nakikita sa kaniyang mga gawa; 20 ito ang ginamit niya para buhaying muli si Kristo at paupuin sa kaniyang kanan+ sa langit, 21 na di-hamak na mas mataas kaysa sa anumang pamahalaan at awtoridad at kapangyarihan at pamumuno at pangalan,+ hindi lang sa sistemang* ito kundi pati sa darating. 22 Inilagay rin Niya ang lahat ng bagay sa ilalim ng mga paa niya+ at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay na may kaugnayan sa kongregasyon,+ 23 na siyang katawan niya+ at pinupuno niya, at siya ang pumupuno sa lahat ng bagay sa lahat ng paraan.
2 Isa pa, binuhay kayo ng Diyos, kahit patay kayo dahil sa inyong mga pagkakamali at kasalanan,+ 2 na ginagawa ninyo noon gaya ng mga tao sa sistemang ito,*+ ayon sa kagustuhan ng tagapamahala na may awtoridad sa hanging*+ umiimpluwensiya ngayon sa mga masuwayin.* 3 Oo, kasama natin sila dati at namumuhay tayong lahat kaayon ng pagnanasa ng ating laman.+ Ginagawa natin ang mga bagay na hinahangad ng ating laman at isip,+ at mula pa nang isilang tayo, karapat-dapat na tayo sa poot ng Diyos,*+ gaya ng lahat ng iba pa. 4 Pero dahil sa saganang awa ng Diyos+ at sa matinding pag-ibig niya sa atin,+ 5 binuhay niya tayo kasama ng Kristo, kahit patay tayo dahil sa mga kasalanan natin.+ Nailigtas kayo dahil sa walang-kapantay na kabaitan. 6 Bukod diyan, binuhay tayo ng Diyos nang magkakasama at binigyan ng puwestong uupuan sa langit dahil kaisa tayo ni Kristo Jesus,+ 7 para sa darating na mga sistema* ay maipakita niya sa atin ang kaniyang kahanga-hangang walang-kapantay na kabaitan* sa pamamagitan ng kaniyang kagandahang-loob* sa atin na mga kaisa ni Kristo Jesus.
8 Sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitang ito, nailigtas kayo dahil sa pananampalataya,+ at hindi ito dahil sa sarili ninyong pagsisikap; regalo ito ng Diyos. 9 Hindi ito resulta ng mga gawa+ para walang maging basehan ang sinuman na magmalaki. 10 Tayo ay gawa mismo ng Diyos* at nilalang*+ na kaisa ni Kristo Jesus+ para magawa natin ang mabubuting bagay, na patiunang itinakda ng Diyos para gawin natin.
11 Kaya tandaan ninyo na dati, kayong mga tao ng ibang mga bansa* ay tinawag na di-tuli ng mga lalaking tinuli ng tao. 12 Nang panahong iyon, hindi pa ninyo kilala si Kristo, napakalayo ninyo sa bansang Israel, at hindi kayo bahagi ng mga tipang batay sa pangako ng Diyos;+ namumuhay kayo sa sanlibutan nang walang pag-asa at walang Diyos.+ 13 Pero ngayong kaisa na kayo ni Kristo Jesus, kayo na dating malayo ay nailapit sa pamamagitan ng dugo ng Kristo. 14 Dahil siya ang ating kapayapaan.+ Pinag-isa niya ang dalawang grupo+ at giniba ang pader na naghihiwalay sa mga ito.+ 15 Sa pamamagitan ng kaniyang laman, inalis niya ang alitan, ibig sabihin, pinawalang-bisa niya ang Kautusan, na binubuo ng mga tuntunin at batas, para ang dalawang grupo na kaisa niya ay maging isang bagong tao+ at magkaroon ng kapayapaan 16 at mapagsama sa iisang katawan ang dalawang bayang ito at lubusang maipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng pahirapang tulos,*+ dahil inalis niya ang alitan+ sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan. 17 Dumating siya at ipinahayag ang mabuting balita ng kapayapaan sa inyo na malayo sa Diyos at gayundin sa mga malapit sa Kaniya, 18 dahil sa pamamagitan niya, tayo, ang dalawang bayan, ay malayang makalalapit sa Ama sa tulong ng iisang espiritu.
19 Kaya hindi na kayo mga estranghero at dayuhan,+ kundi mga mamamayan+ kasama ng mga banal at mga miyembro na ng sambahayan ng Diyos,+ 20 at itinayo kayo sa pundasyon ng mga apostol at mga propeta,+ at si Kristo Jesus mismo ang pinakamahalagang batong pundasyon.*+ 21 Ang buong gusali, na kaisa niya at na ang mga bahagi ay matibay ang pagkakadugtong-dugtong,+ ay unti-unting nagiging isang banal na templo para kay Jehova.*+ 22 Dahil kayo ay kaisa ni Kristo, pinagsama-sama kayo ng Diyos para maging bahay na titirhan niya sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.+
3 Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo+ ni Kristo Jesus alang-alang sa inyo na mga tao ng ibang mga bansa. 2 Siguradong narinig ninyo na ginawa akong katiwala+ ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos alang-alang sa inyo. 3 Oo, isiniwalat sa akin ng Diyos ang sagradong lihim niya, gaya ng isinulat ko sa maikli noong una. 4 Kaya kapag binasa ninyo ito, makikita ninyo ang kaalaman ko sa sagradong lihim+ tungkol sa Kristo. 5 Sa ibang mga henerasyon, hindi isiniwalat sa tao ang lihim na ito na kasinlinaw ng pagsisiwalat ngayon ng espiritu sa banal na mga apostol at mga propeta.+ 6 Ito ang lihim: Ang mga tao ng ibang mga bansa, dahil sa pagiging kaisa ni Kristo Jesus at sa pamamagitan ng mabuting balita, ay magiging kasamang tagapagmana ni Kristo at magiging bahagi rin ng katawan+ at kabahagi namin sa pangako. 7 Ako ay naging lingkod ng lihim na ito dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. Ibinigay niya sa akin ang walang-bayad na regalong ito nang bigyan niya ako ng kaniyang kapangyarihan.+
8 Ibinigay sa akin ang walang-kapantay na kabaitang ito,+ sa akin na mas mababa kaysa sa pinakamababa sa lahat ng banal,+ para maihayag ko sa mga bansa ang mabuting balita tungkol sa di-masukat na kayamanan ng Kristo 9 at para maipakita sa lahat kung paano pinangangasiwaan* ang sagradong lihim+ na napakatagal na itinago ng Diyos, na lumalang sa lahat ng bagay. 10 Sa gayon, sa pamamagitan ng kongregasyon+ ay maipaaalam ngayon sa mga pamahalaan at awtoridad sa langit ang karunungan ng Diyos na naipapakita sa napakaraming iba’t ibang paraan.+ 11 Kaayon ito ng itinakda Niyang walang-hanggang layunin na may kaugnayan sa Kristo,+ si Jesus na ating Panginoon. 12 Sa pamamagitan niya, nagkaroon tayo ng kalayaan sa pagsasalita at malaya tayong nakalalapit sa Diyos+ dahil sa pananampalataya natin sa kaniya. 13 Kaya pakiusap, huwag kayong masiraan ng loob dahil sa mga paghihirap ko alang-alang sa inyo, dahil para ito sa karangalan ninyo.+
14 Kaya lumuluhod ako sa harap ng Ama, 15 ang pinagmulan* ng pangalan ng bawat pamilya sa langit at lupa. 16 Ipinapanalangin ko na palakasin sana niya ang inyong puso at isip+ sa pamamagitan ng kapangyarihan ng espiritu niya at ayon sa saganang kaluwalhatian niya, 17 at na sa pamamagitan ng pananampalataya ninyo, manatili sa inyong puso ang pag-ibig at ang Kristo.+ Maging matibay sana ang pagkakaugat ninyo+ at pagkakatatag sa pundasyon+ 18 para lubusan ninyong maintindihan kasama ng lahat ng banal ang lapad at haba at taas at lalim 19 at malaman ninyo ang pag-ibig ng Kristo,+ na nakahihigit sa kaalaman, at sa gayon ay lubusan kayong mapuno ng mga katangiang ibinibigay ng Diyos.
20 Sa pamamagitan ng kapangyarihang ipinagkaloob sa atin ng Diyos,+ magagawa niya ang mga bagay na di-hamak na nakahihigit sa lahat ng mahihiling o maiisip natin.+ 21 Kaya sumakaniya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng kongregasyon at ni Kristo Jesus, sa lahat ng henerasyon magpakailanman. Amen.
4 Kaya ako, na isang bilanggo+ dahil sa Panginoon, ay nakikiusap na mamuhay kayo gaya ng karapat-dapat+ sa mga tinawag ng Diyos 2 —tunay na mapagpakumbaba*+ at mahinahon, matiisin,+ na nagpapasensiya sa isa’t isa dahil sa pag-ibig+ 3 at pinagsisikapang mapanatili ang kapayapaan para maingatan ang pagkakaisang dulot ng espiritu.+ 4 May iisang katawan*+ at iisang espiritu,+ kung paanong may iisang gantimpala*+ na inialok ang Diyos sa atin; 5 iisang Panginoon,+ iisang pananampalataya, iisang bautismo; 6 iisang Diyos at Ama ng lahat, na namumuno sa lahat at kumikilos sa pamamagitan ng lahat at sumasaating lahat.
7 At nagpakita ang Diyos ng walang-kapantay na kabaitan sa bawat isa sa atin ayon sa paghahati-hati ng Kristo sa regalong ito.+ 8 Dahil sinasabi nito:* “Nang umakyat siya sa kaitaasan, nagdala siya ng mga bihag; may ibinigay siyang mga tao bilang regalo.”+ 9 Hindi ba ipinapakita ng pananalitang “umakyat siya” na bumaba muna siya sa lupa? 10 Ang isang iyon na bumaba ang siya ring umakyat+ nang mas mataas pa sa langit+ para maisakatuparan ang lahat ng bagay.
11 Ang ilan sa mga taong ibinigay niya ay inatasan niya bilang apostol,+ ang ilan bilang propeta,+ ang ilan bilang ebanghelisador,*+ at ang ilan bilang pastol at guro,+ 12 para ituwid* ang mga banal, para maglingkod, at para patibayin ang katawan* ng Kristo,+ 13 hanggang sa magkaisa tayong lahat sa pananampalataya at magkaroon ng tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos at maging adulto,+ hanggang sa maging maygulang tayo* gaya ng Kristo. 14 Kaya huwag na tayong maging mga bata, na tinatangay-tangay* ng alon at dinadala ng hangin kung saan-saan dahil sa pakikinig sa mga turo+ ng mga taong nandaraya at gumagawa ng tusong mga pakana. 15 Sa halip, magsalita tayo ng katotohanan at magpakita ng pag-ibig, nang sa gayon ay maging maygulang tayo sa lahat ng bagay at makapamuhay gaya ni Kristo, ang ulo.+ 16 Dahil sa kaniya, ang lahat ng bahagi ng katawan+ ay nagkakabuklod at nagtutulungan sa pamamagitan ng bawat kasukasuan para maibigay ang pangangailangan ng katawan. Kapag ginagawang mabuti ng bawat bahagi ang papel nito, nakatutulong ito para lumakas ang buong katawan habang tumitibay ito dahil sa pag-ibig.+
17 Kaya sa ngalan ng Panginoon, sinasabi ko sa inyo na huwag na kayong mamuhay gaya ng mga bansa,+ na namumuhay ayon sa kanilang walang-saysay na kaisipan.+ 18 Nasa dilim ang isip nila at malayo sila sa buhay na nagmumula sa Diyos dahil wala silang alam at manhid ang puso nila. 19 Dahil hindi na sila nakokonsensiya, hindi na sila mapigilan sa paggawi nang may kapangahasan*+ at ginagawa nila ang bawat uri ng karumihan nang may kasakiman.
20 Pero hindi ganiyan ang natutuhan ninyo tungkol kay Kristo. 21 Tiyak namang narinig ninyo si Jesus at naturuan kayo ayon sa katotohanang itinuro niya. 22 Tinuruan kayong alisin ang inyong lumang personalidad*+ na naaayon sa dati ninyong paraan ng pamumuhay at pinasasamâ ng mapandayang mga pagnanasa.+ 23 At dapat na patuloy ninyong baguhin ang takbo ng inyong isip*+ 24 at isuot ang bagong personalidad+ na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos at batay sa kung ano ang matuwid at tapat.
25 Kaya ngayong itinigil na ninyo ang panlilinlang, magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa+ dahil tayo ay bahagi ng iisang katawan.+ 26 Kapag napoot kayo, huwag kayong magkasala;+ huwag hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo;+ 27 huwag ninyong bigyan ng pagkakataon* ang Diyablo.+ 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa; sa halip, magtrabaho siya*+ nang husto at nang marangal para may maibahagi siya sa nangangailangan.+ 29 Huwag hayaang lumabas sa bibig ninyo ang bulok na pananalita.+ Magsalita lang ng mabubuting bagay na nakapagpapatibay, ayon sa pangangailangan, para makinabang ang mga nakikinig.+ 30 Huwag din ninyong pighatiin* ang banal na espiritu ng Diyos,+ na ipinantatak sa inyo+ para sa araw ng pagpapalaya sa pamamagitan ng pantubos.+
31 Alisin ninyo sa inyong sarili ang lahat ng matinding hinanakit,+ galit, poot, pagbulyaw, at mapang-abusong pananalita,+ at anumang puwedeng makapinsala.+ 32 Maging mabait kayo sa isa’t isa at tunay na mapagmalasakit,+ at lubusan ninyong patawarin ang isa’t isa, kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay lubusan ding nagpatawad sa inyo.+
5 Kaya tularan ninyo ang Diyos,+ bilang minamahal na mga anak, 2 at patuloy na magpakita ng pag-ibig,+ kung paanong inibig tayo* ng Kristo+ at ibinigay ang sarili niya para sa atin* bilang isang handog at hain, isang mabangong amoy sa Diyos.+
3 Huwag man lang mabanggit sa gitna ninyo ang seksuwal na imoralidad* at lahat ng uri ng karumihan o kasakiman,+ dahil hindi iyan angkop sa mga taong banal.+ 4 Hindi rin angkop sa inyo ang kahiya-hiyang paggawi, walang-saysay na usapan, at malaswang pagbibiro.+ Sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos.+ 5 Dahil alam ninyo at naiintindihan ninyo na ang taong imoral,*+ marumi, o sakim,+ na katumbas ng sumasamba sa idolo, ay walang mamanahin sa Kaharian ng Kristo at ng Diyos.+
6 Matitikman ng mga masuwayin* ang poot ng Diyos dahil sa gayong mga bagay, kaya huwag kayong magpalinlang sa walang-saysay na pangangatuwiran ng sinuman. 7 Huwag kayong makisali sa kanila; 8 dahil nasa kadiliman kayo noon, pero nasa liwanag na kayo ngayon+ at kaisa ng Panginoon.+ Patuloy kayong lumakad bilang mga anak ng liwanag, 9 dahil ang bunga ng liwanag ay binubuo ng bawat uri ng kabutihan, katuwiran, at katotohanan.+ 10 Patuloy na tiyakin kung ano ang kalugod-lugod+ sa Panginoon; 11 at huwag na kayong makibahagi sa walang-kabuluhang gawain nila na nauugnay sa kadiliman,+ kundi ilantad ninyo ang mga ito. 12 Dahil ang mga ginagawa nila sa lihim ay kahiya-hiyang mabanggit man lang. 13 Ang lahat ng bagay ay nailalantad* sa pamamagitan ng liwanag, kaya ang lahat ng nakalantad ay lumiliwanag. 14 Kaya naman sinasabi: “Gumising ka, ikaw na natutulog, at mabuhay kang muli,+ at ang Kristo ay sisikat sa iyo.”+
15 Kaya bantayan ninyong mabuti kung kumikilos* kayo na gaya ng marunong at hindi gaya ng di-marunong; 16 gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo,*+ dahil napakasama na ng panahon. 17 Kaya huwag na kayong maging di-makatuwiran, kundi patuloy ninyong alamin kung ano ang kalooban ni Jehova.*+ 18 Huwag din kayong magpakalasing sa alak,+ dahil umaakay ito sa masamang* pamumuhay; sa halip, patuloy ninyong pagsikapan na mapuspos ng espiritu. 19 Sama-samang* umawit ng mga salmo, papuri sa Diyos, at espirituwal na mga awit; umawit+ ng papuri kay Jehova*+ mula sa inyong puso,*+ 20 at laging magpasalamat+ sa ating Diyos at Ama para sa lahat ng bagay sa ngalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.+
21 Magpasakop kayo sa isa’t isa+ dahil sa takot kay Kristo. 22 Magpasakop ang asawang babae sa kaniyang asawang lalaki+ kung paanong nagpapasakop siya sa Panginoon, 23 dahil ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae+ kung paanong ang Kristo ang ulo ng kongregasyon,+ na katawan niya, at siya ang tagapagligtas nito. 24 Ang totoo, kung paanong ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo, ang mga asawang babae rin ay dapat magpasakop sa kanilang asawang lalaki sa lahat ng bagay. 25 Mga asawang lalaki, patuloy na mahalin ang inyong asawang babae+ kung paanong inibig ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang sarili niya para dito,+ 26 para mapabanal niya ito at malinis sa pamamagitan ng tubig, ang salita ng Diyos,+ 27 nang sa gayon, ang kongregasyon ay maging maganda sa paningin niya, walang batik o kulubot o anumang katulad ng mga ito,+ kundi banal at walang kapintasan.+
28 Sa katulad na paraan, dapat mahalin ng mga asawang lalaki ang kanilang asawang babae na gaya ng sarili nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kaniyang asawang babae ay nagmamahal sa sarili niya, 29 dahil walang sinumang napopoot sa sarili niyang katawan,* kundi pinakakain niya ito at inaalagaan, gaya ng ginagawa ng Kristo sa kongregasyon, 30 dahil tayo ay mga bahagi ng katawan niya.+ 31 “Dahil dito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at mamumuhay kasama* ng kaniyang asawang babae, at ang dalawa ay magiging isang laman.”+ 32 Napakahalaga ng sagradong lihim na ito.+ Ang sinasabi ko ay tungkol kay Kristo at sa kongregasyon.+ 33 Gayunman, mahalin ng bawat isa sa inyo ang kaniyang asawang babae+ gaya ng sarili niya; ang asawang babae naman ay dapat magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.+
6 Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang,+ ayon sa kalooban ng Panginoon, dahil ito ay matuwid. 2 “Parangalan* mo ang iyong ama at ina.”+ Iyan ang unang utos na may kasamang pangako: 3 “Para mapabuti ka at humaba ang buhay mo sa lupa.” 4 At mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak,+ kundi palakihin sila ayon sa disiplina+ at patnubay* ni Jehova.*+
5 Mga alipin, maging masunurin kayo sa mga panginoon* ninyo,+ na may takot at paggalang at nang buong puso, gaya ng pagsunod ninyo sa Kristo, 6 hindi lang kapag may nakatingin sa inyo, para matuwa sa inyo ang mga tao,+ kundi gaya ng alipin ni Kristo, na buong kaluluwang* ginagawa ang kalooban ng Diyos.+ 7 Magpaalipin kayo nang may magandang saloobin, na parang kay Jehova* kayo naglilingkod+ at hindi sa mga tao, 8 dahil alam ninyo na anumang mabuti ang gawin ng isang tao, gagantimpalaan siya ni Jehova*+ dahil doon, alipin man siya o malaya. 9 Kayo namang mga panginoon, patuloy ninyo silang pakitunguhan sa gayon ding paraan at huwag ninyo silang takutin, dahil alam ninyo na sila at kayo ay may iisang Panginoon sa langit,+ at hindi siya nagtatangi.
10 Bilang panghuli, patuloy kayong kumuha ng lakas+ sa Panginoon at sa kaniyang dakilang kapangyarihan. 11 Isuot ninyo ang kumpletong kasuotang pandigma+ mula sa Diyos para maging matatag kayo sa kabila ng tusong mga pakana* ng Diyablo; 12 dahil nakikipaglaban* tayo,+ hindi sa dugo at laman, kundi sa mga pamahalaan, mga awtoridad, mga tagapamahala ng madilim na sanlibutang ito, at sa hukbo ng napakasasamang espiritu+ sa makalangit na dako. 13 Kaya kunin ninyo ang kumpletong kasuotang pandigma mula sa Diyos.+ Sa gayon, malalabanan ninyo ang pagsalakay sa inyo sa masamang araw at makatatayo kayong matatag dahil naihanda ninyo ang lahat.
14 Kaya tumayo kayong matatag, na suot ang sinturon ng katotohanan+ at ang baluti ng katuwiran+ 15 at suot sa inyong mga paa ang sandalyas ng mabuting balita ng kapayapaan, na handa ninyong ihayag.+ 16 Kunin din ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya,+ na magagamit ninyo bilang panangga sa lahat ng nagliliyab na palaso* ng isa na masama.*+ 17 Gayundin, tanggapin ninyo ang helmet ng kaligtasan+ at ang espada ng espiritu, ang salita ng Diyos.+ 18 Kasabay nito, sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng panalangin+ at pagsusumamo ay patuloy kayong manalangin sa bawat pagkakataon kaayon ng espiritu.+ Para magawa ito, manatili kayong gisíng at laging magsumamo para sa lahat ng banal. 19 Ipanalangin din ninyo ako para malaman ko kung ano ang dapat sabihin kapag ibinuka ko ang aking bibig, para lakas-loob kong maihayag ang sagradong lihim ng mabuting balita,+ 20 dahil ako ay nakatanikalang embahador+ nito, at para makapagsalita ako tungkol dito nang may tapang, gaya ng nararapat.
21 At kung tungkol sa kalagayan ko at sa pinagkakaabalahan ko, sasabihin ito sa inyo ni Tiquico,+ isang minamahal na kapatid at tapat na lingkod ng Panginoon.+ 22 Kaya isinusugo ko siya sa inyo para malaman ninyo ang kalagayan namin at para maaliw niya kayo.
23 Magkaroon nawa ang mga kapatid ng kapayapaan at pag-ibig na may pananampalataya mula sa Diyos na Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo. 24 Tumanggap nawa ng walang-kapantay na kabaitan ang mga umiibig nang walang hanggan sa ating Panginoong Jesu-Kristo.
Si Kristo.
O “Patiuna niya tayong itinalaga.”
O “ikinalulugod.”
Lit., “kayamanan.”
O “di-sana-nararapat.”
O “pangangasiwa.”
O “dahil patiuna kaming itinalaga.”
O “na paunang bayad ng ating.”
Lit., “malaman ninyo ang pag-asa kung saan niya kayo tinawag.”
O “maluwalhating.”
O “panahong.” Tingnan sa Glosari, “Sistema.”
O “na nilalakaran ninyo noon ayon sa landasin ng sanlibutang ito.”
O “espiritung.”
O “anak ng pagsuway.”
O “mga anak na tayo ng poot.”
O “panahon.” Tingnan sa Glosari.
O “ang nakahihigit na kayamanan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan.”
O “pagsang-ayon.”
O “ay bunga ng Kaniyang gawa.”
O “nilikha.”
O “mga tao ng ibang mga bansa kung tungkol sa laman.”
Tingnan sa Glosari.
O “ang pundasyong batong-panulok.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “isinisiwalat at isinasagawa.”
O “pinagkakautangan.”
O “na may kababaan ng isip.”
O “kongregasyon.”
O “pag-asa.”
Ang Kasulatan.
O “mángangarál ng mabuting balita.”
O “sanayin.”
O “kongregasyon.”
O “maging matibay ang pananampalataya natin.”
O “sinisiklot-siklot.”
O “paggawi nang walang kahihiyan.” Sa Griego, a·selʹgei·a. Tingnan sa Glosari.
O “pagkatao.”
O “ang puwersang nagpapakilos sa inyong pag-iisip.” Lit., “ang espiritu ng inyong isip.”
O “dako.”
Lit., “magtrabaho siya gamit ang sariling mga kamay.”
O “palungkutin.”
O posibleng “kayo.”
O posibleng “inyo.”
Sa Griego, por·neiʹa. Tingnan sa Glosari.
Tingnan sa Glosari, “Seksuwal na imoralidad.”
O “anak ng pagsuway.”
O “nasasaway.”
Lit., “lumalakad.”
O “bilhin ninyo ang naaangkop na panahon.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “magulong.”
O posibleng “Mag-isang.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “umawit ng papuri kay Jehova sa inyong puso.”
Lit., “laman.”
Tingnan ang tlb. sa Gen 2:24.
O “Igalang.”
O “tagubilin; payo.” Lit., “ikintal sa kanila ang kaisipan.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “taong panginoon.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. A5.
O “pagkilos.”
Lit., “nakikipagbuno.”
O “sibat.”
O “ni Satanas.”