Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • nwt Santiago 1:1-5:20
  • Santiago

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Santiago
  • Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Santiago

LIHAM NI SANTIAGO

1 Mula kay Santiago,+ isang alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Kristo, para sa 12 tribo na nakapangalat:

Tanggapin ninyo ang pagbati ko!

2 Mga kapatid ko, ituring ninyong malaking kagalakan kapag dumaranas kayo ng iba’t ibang pagsubok,+ 3 dahil alam ninyo na kapag nasubok sa ganitong paraan ang pananampalataya ninyo, magbubunga ito ng pagtitiis.*+ 4 Pero hayaang gawin ng pagtitiis* ang layunin nito, para kayo ay maging ganap at malusog sa lahat ng aspekto at hindi nagkukulang ng anuman.+

5 Kaya kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos,+ dahil sagana Siyang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta,*+ at ibibigay iyon sa kaniya.+ 6 Pero patuloy siyang humingi nang may pananampalataya,+ na walang anumang pag-aalinlangan,+ dahil ang nag-aalinlangan ay gaya ng alon sa dagat na hinihipan ng hangin at ipinapadpad kung saan-saan. 7 Sa katunayan, hindi makaaasa ang taong iyon na tatanggap siya ng anuman mula kay Jehova;* 8 siya ay isang taong hindi makapagpasiya,+ hindi matatag sa lahat ng landasin niya.

9 Pero magsaya* ang nakabababang kapatid dahil sa pagkakataas sa kaniya,+ 10 at ang mayaman dahil sa pagkakababa sa kaniya,+ dahil lilipas siyang tulad ng isang bulaklak sa parang. 11 Dahil kung paanong sumisikat ang araw na may nakapapasong init at nilalanta ang halaman, at ang bulaklak nito ay nalalagas at ang ganda nito ay nawawala, ang taong mayaman ay maglalaho rin habang naghahabol sa kayamanan.+

12 Maligaya ang taong patuloy na nagtitiis ng pagsubok,+ dahil kapag kinalugdan siya, tatanggapin niya ang korona ng buhay,+ na ipinangako ni Jehova* sa mga patuloy na umiibig sa Kaniya.+ 13 Kapag dumaranas ng pagsubok, huwag sabihin ninuman: “Sinusubok ako ng Diyos.” Dahil ang Diyos ay hindi masusubok na gumawa ng masama, at hindi rin niya sinusubok ang sinuman na gumawa ng masama. 14 Kundi ang bawat isa ay nasusubok kapag nadadala at naaakit* ng sarili niyang pagnanasa.+ 15 At ang pagnanasa, kapag naglihi na, ay nagsisilang ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag nagawa na, ay nagbubunga ng kamatayan.+

16 Huwag kayong palíligaw, mahal kong mga kapatid. 17 Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat perpektong regalo ay mula sa itaas,+ bumababa mula sa Ama ng mga liwanag sa langit;+ hindi siya nag-iiba o nagbabago gaya ng anino.*+ 18 Kalooban niya na isilang tayo sa pamamagitan ng salita ng katotohanan,+ para tayo ay maging isang uri ng mga unang bunga ng mga nilalang niya.+

19 Tandaan ninyo ito,* mahal kong mga kapatid: Ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita,+ mabagal magalit,+ 20 dahil ang galit ng tao ay hindi nagbubunga ng katuwiran ng Diyos.+ 21 Kaya alisin ninyo ang lahat ng karumihan at ang bawat bahid ng kasamaan,*+ at tanggapin nang may kahinahunan ang salitang itinatanim sa puso ninyo na makapagliligtas sa inyo.

22 Gayunman, maging tagatupad kayo ng salita+ at hindi tagapakinig lang, na dinaraya ang inyong sarili ng maling pangangatuwiran. 23 Dahil kung ang sinuman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad,+ siya ay gaya ng isang tao na tumitingin sa mukha* niya sa salamin. 24 Tinitingnan niya ang sarili niya, at umaalis siya at agad na nalilimutan kung anong uri siya ng tao. 25 Pero ang tumitingin sa perpektong kautusan+ na umaakay sa kalayaan at patuloy na sumusunod dito ay hindi isang malilimuting tagapakinig, kundi isang tagatupad ng gawain; at magiging maligaya siya sa ginagawa niya.+

26 Kung iniisip ng isang tao na mananamba siya ng Diyos* pero hindi niya kinokontrol* ang dila+ niya, dinaraya niya ang sarili niyang puso, at walang saysay ang pagsamba niya. 27 Ang uri ng pagsamba* na malinis at walang dungis sa paningin ng ating Diyos at Ama ay ito: alagaan ang mga ulila+ at mga biyuda+ na nagdurusa,+ at panatilihin ang sarili na walang bahid ng sanlibutan.+

2 Mga kapatid ko, masasabi ba ninyong nanghahawakan kayo sa pananampalataya ng ating maluwalhating Panginoong Jesu-Kristo kung nagpapakita kayo ng paboritismo?+ 2 Kung dumating sa pagtitipon ninyo ang isang taong may suot na mga singsing na ginto at magarang damit, at pumasok din ang isang taong mahirap na marumi ang damit, 3 inaasikaso ba ninyong mabuti ang nakasuot ng magarang damit at sinasabi, “Dito ka umupo sa magandang puwesto,” at sinasabi ba ninyo sa mahirap, “Tumayo ka na lang,” o, “Diyan ka umupo sa ibaba ng tuntungan ko”?+ 4 Kung ganoon kayo, hindi ba nagtatangi na kayo+ at humahatol nang masama?+

5 Makinig kayo, mahal kong mga kapatid. Hindi ba pinili ng Diyos ang mahihirap sa sanlibutan para maging mayaman sa pananampalataya+ at mga tagapagmana ng Kaharian, na ipinangako niya sa mga umiibig sa kaniya?+ 6 Pero winawalang-dangal ninyo ang mahihirap. Hindi ba ang mayayaman ang umaapi sa inyo+ at kumakaladkad sa inyo sa mga hukuman? 7 Hindi ba namumusong* sila sa marangal na pangalang itinawag sa inyo? 8 Ngayon, kung patuloy ninyong tinutupad ang dakilang kautusan ng Hari ayon sa kasulatan, “Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili,”+ mabuti naman ang ginagawa ninyo. 9 Pero kung patuloy kayong nagpapakita ng paboritismo,+ nagkakasala kayo, at ang kautusan ang humahatol* sa inyo bilang mga manlalabag-batas.+

10 Dahil kung sinusunod ng sinuman ang buong Kautusan pero gumawa siya ng maling hakbang sa isang bagay, nilalabag niya ang buong Kautusan.+ 11 Dahil ang nagsabi, “Huwag kang mangangalunya,”+ ay nagsabi rin, “Huwag kang papatay.”+ Ngayon, kung hindi ka nga nangalunya pero pumatay ka naman, lumabag ka pa rin sa kautusan. 12 Patuloy kayong magsalita at gumawi gaya ng mga hahatulan ng kautusan ng isang malayang bayan.*+ 13 Dahil ang hindi nagpapakita ng awa ay hahatulan nang walang awa.+ Mas dakila ang awa kaysa sa paghatol.

14 Mga kapatid ko, ano ang saysay kung sasabihin ng isa na may pananampalataya siya pero hindi naman ito nakikita sa mga ginagawa niya?+ Hindi siya maililigtas ng gayong pananampalataya, hindi ba?+ 15 Kung may mga kapatid na walang maisuot* at walang makain sa araw-araw, 16 at sabihin sa kanila ng isa sa inyo, “Huwag kayong mag-alala; magbihis kayo at magpakabusog,” pero hindi naman ninyo ibinibigay ang kailangan nila, ano ang silbi nito?+ 17 Ganoon din ang pananampalataya; kung wala itong kasamang gawa, ito ay patay.+

18 Gayunman, may magsasabi: “May pananampalataya ka, at may mga gawa naman ako. Ipakita mo sa akin ang pananampalataya mo na walang kasamang gawa, at ipapakita ko sa iyo ang pananampalataya ko sa pamamagitan ng mga gawa ko.” 19 Naniniwala kang may isang Diyos, hindi ba? Mabuti naman iyan. Pero kahit ang mga demonyo ay naniniwala at nangangatog.+ 20 Hindi mo ba alam, ikaw na mangmang, na ang pananampalataya na walang gawa ay walang silbi? 21 Hindi ba si Abraham na ama natin ay ipinahayag na matuwid dahil sa ginawa niya nang ihandog niya ang anak niyang si Isaac sa altar?+ 22 Ipinapakita nito na ang pananampalataya niya ay may kasamang gawa at ang pananampalataya niya ay naging ganap dahil sa mga ginawa niya,+ 23 at natupad ang kasulatan na nagsasabi: “Si Abraham ay nanampalataya kay Jehova,* at dahil dito, itinuring siyang matuwid,”+ at tinawag siyang kaibigan ni Jehova.*+

24 Kaya ipinapakita nito na ang isang tao ay ipinahahayag na matuwid dahil sa mga ginagawa niya at hindi dahil sa pananampalataya lang. 25 Sa gayon ding paraan, hindi ba ang babaeng bayaran na si Rahab ay ipinahayag ding matuwid dahil sa mga gawa niya pagkatapos niyang patuluyin nang may kabaitan ang mga mensahero at palabasin sila sa ibang daan?+ 26 Kaya nga, kung paanong ang katawan na walang hininga* ay patay,+ ang pananampalataya na walang gawa ay patay.+

3 Mga kapatid ko, hindi dapat marami sa inyo ang maging guro dahil tatanggap tayo ng mas mabigat na* hatol.+ 2 Dahil lahat tayo ay nagkakamali* nang maraming ulit.+ Kung ang sinuman ay hindi nagkakamali sa pagsasalita, siya ay taong perpekto, na kaya ring rendahan ang buong katawan niya. 3 Kapag nilalagyan natin ng renda ang bibig ng kabayo para sundin tayo nito, nakokontrol din natin ang buong katawan nito. 4 Tingnan din ninyo ang mga barko: Kahit napakalaki ng mga ito at itinutulak ng malalakas na hangin, kinokontrol ito ng isang napakaliit na timon papunta sa kung saan ito gustong dalhin ng timonero.

5 Ganoon din ang dila. Maliit na bahagi lang ito ng katawan, pero nakapagyayabang ito nang labis. Maliit na apoy lang ang kailangan para pagliyabin ang isang napakalaking kagubatan! 6 Ang dila ay apoy rin.+ Sa mga bahagi ng ating katawan, ang dila ang punô ng kasamaan, dahil pinarurumi nito ang buong katawan+ at pinagliliyab ang buong landasin ng buhay,* at sinisilaban ito ng Gehenna.* 7 Dahil ang bawat uri ng mailap na hayop at ibon at reptilya* at nilalang sa dagat ay mapaaamo at napaaamo na ng tao. 8 Pero walang tao ang makapagpaamo sa dila. Hindi ito makontrol at mapaminsala ito, punô ng nakamamatay na lason.+ 9 Sa pamamagitan nito, pinupuri natin si Jehova,* ang Ama, pero sa pamamagitan din nito, isinusumpa natin ang mga tao na ginawa “ayon sa wangis* ng Diyos.”+ 10 Mula sa iisang bibig ay lumalabas ang pagpapala at sumpa.

Mga kapatid ko, hindi tamang nangyayari ang ganitong bagay.+ 11 Sa isang bukal, hindi parehong lumalabas ang sariwang* tubig at ang mapait na tubig, hindi ba? 12 Mga kapatid ko, ang puno ng igos ay hindi mamumunga ng mga olibo, o ang punong ubas, ng mga igos, hindi ba?+ Ang tubig-alat ay hindi rin makapagbibigay ng tubig-tabang.

13 Sino ang marunong at may unawa sa inyo? Ipakita niya sa pamamagitan ng kaniyang magandang paggawi na ang mga ginagawa niya ay may kahinahunan, na bunga ng karunungan. 14 Pero kung sa puso ninyo ay mayroon kayong matinding inggit+ at hilig na makipagtalo,*+ huwag kayong magyabang+ at magsinungaling laban sa katotohanan. 15 Hindi ito ang karunungan na nagmumula sa itaas; ito ay makalupa,+ makahayop, makademonyo. 16 Dahil saanman may inggit at hilig na makipagtalo,* mayroon ding kaguluhan at masasamang bagay.+

17 Pero ang karunungan mula sa itaas ay, una sa lahat, malinis,+ pagkatapos ay mapagpayapa,+ makatuwiran,+ handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga,+ hindi nagtatangi,+ hindi mapagkunwari.+ 18 Bukod diyan, ang bunga ng katuwiran ay inihahasik sa mapayapang kalagayan+ para sa* mga nakikipagpayapaan.+

4 Ano ang pinagmumulan ng mga digmaan at ng mga pag-aaway ninyo? Hindi ba nagmumula ang mga iyon sa inyong mga pagnanasa ng laman na nakikipaglaban sa inyo?*+ 2 Nagnanasa kayo, pero hindi ninyo nakukuha iyon. Patuloy kayong pumapatay at nag-iimbot,* pero hindi iyon mapasainyo. Patuloy kayong nakikipaglaban at nakikipagdigma.+ Hindi kayo nagkakaroon dahil hindi kayo humihingi. 3 Kapag humihingi naman kayo, hindi kayo nakatatanggap dahil humihingi kayo na may maling intensiyon, para magamit ninyo iyon sa pagnanasa ng inyong laman.

4 Mga mangangalunya,* hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipaglaban sa Diyos? Kaya kung gusto ng sinuman na maging kaibigan ng sanlibutan, ginagawa niyang kaaway ng Diyos ang sarili niya.+ 5 O iniisip ba ninyo na walang dahilan kung bakit sinabi sa kasulatan: “May tendensiya* tayong patuloy na mainggit at magnasa ng iba’t ibang bagay”?+ 6 Gayunman, ang walang-kapantay* na kabaitan na ipinapakita Niya ay mas dakila. Kaya sinasabi ng kasulatan: “Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas,+ pero nagpapakita siya ng walang-kapantay na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.”+

7 Kaya magpasakop kayo sa Diyos;+ pero labanan ninyo ang Diyablo,+ at lalayo* siya sa inyo.+ 8 Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.+ Linisin ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan,+ at linisin ninyo ang puso ninyo,+ kayong mga hindi makapagpasiya. 9 Hayaan ninyong malungkot kayo, magdalamhati, at humagulgol.+ Hayaan ninyong maging pagdadalamhati ang pagtawa ninyo, at maging kalungkutan ang kagalakan ninyo. 10 Magpakababa kayo sa paningin ni Jehova,*+ at itataas niya kayo.+

11 Mga kapatid, tigilan na ninyo ang pagsasalita laban sa isa’t isa.+ Ang sinumang nagsasalita laban sa isang kapatid o humahatol sa kapatid niya ay nagsasalita laban sa kautusan at humahatol sa kautusan. Ngayon, kung hinahatulan mo ang kautusan, hindi ka tagatupad ng kautusan kundi isang hukom. 12 Iisa lang ang Tagapagbigay-Batas at Hukom,+ ang makapagliligtas at makapupuksa.+ Pero ikaw, sino ka para hatulan ang kapuwa mo?+

13 Makinig kayo ngayon, kayong nagsasabi: “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa lunsod na ito at mananatili roon nang isang taon, at magnenegosyo kami at kikita,”+ 14 samantalang hindi ninyo alam ang magiging buhay ninyo bukas.+ Dahil kayo ay isang singaw na lumilitaw nang sandali at pagkatapos ay naglalaho.+ 15 Sa halip, dapat ninyong sabihin: “Kung kalooban ni Jehova,*+ mabubuhay kami at gagawin namin ito o iyon.” 16 Pero ngayon ay ipinagmamalaki ninyo ang inyong kayabangan. Ang lahat ng gayong pagyayabang ay masama. 17 Kaya kung alam ng isang tao kung paano gawin ang tama pero hindi niya ito ginagawa, nagkakasala siya.+

5 Makinig kayo ngayon, kayong mayayaman, umiyak kayo at humagulgol dahil sa mga pagdurusang mararanasan ninyo.+ 2 Ang kayamanan ninyo ay nabulok, at ang damit ninyo ay kinain ng insekto.*+ 3 Ang inyong ginto at pilak ay kinalawang, at ang kalawang nito ay magiging patotoo laban sa inyo at kakainin nito ang laman ninyo. Ang mga inimbak ninyo ay magiging gaya ng apoy sa mga huling araw.+ 4 Ang bayad na ipinagkait ninyo sa mga manggagawa na umani sa mga bukid ninyo ay patuloy na sumisigaw, at ang paghingi ng tulong ng mga manggagapas ay narinig ni Jehova* ng mga hukbo.+ 5 Namuhay kayo nang marangya sa lupa at nagpakasasa. Pinataba ninyo ang puso ninyo sa araw ng pagpatay.+ 6 Humatol kayo; pinatay ninyo ang matuwid. Hindi ba laban siya sa inyo?

7 Kaya maging matiisin kayo, mga kapatid, hanggang sa dumating ang panahon ng presensiya* ng Panginoon.+ Ang magsasaka ay patuloy na naghihintay sa mahalagang bunga ng lupa, at nagtitiis siya hanggang sa dumating ang maagang ulan at ang huling ulan.+ 8 Maging matiisin din kayo;+ patatagin ninyo ang puso ninyo, dahil ang presensiya ng Panginoon ay malapit na.+

9 Mga kapatid, huwag kayong magbulong-bulungan* laban sa isa’t isa, para hindi kayo mahatulan.+ Ang Hukom ay nakatayo na sa harap ng pinto. 10 Mga kapatid, tularan ninyo ang halimbawa ng mga propetang nagsalita sa pangalan ni Jehova;* nagdusa sila+ at nagtiis.+ 11 Itinuturing nating maligaya* ang mga nakapagtiis.*+ Nalaman ninyo ang tungkol sa pagtitiis* ni Job+ at kung paano siya pinagpala ni Jehova* nang bandang huli,+ at nakita ninyo na si Jehova* ay napakamapagmahal* at maawain.+

12 Higit sa lahat, mga kapatid ko, huwag na kayong sumumpa, sa ngalan man ng langit o ng lupa o ng anupamang ibang sumpa. Pero tiyakin ninyo na ang inyong “Oo” ay oo at ang inyong “Hindi” ay hindi,+ para hindi kayo mahatulan.

13 Mayroon bang sinuman sa inyo na nagdurusa? Patuloy siyang manalangin.+ Mayroon bang sinumang masaya sa inyo? Umawit siya ng mga salmo.+ 14 Mayroon bang sinuman sa inyo na may sakit? Tawagin niya ang matatandang lalaki+ sa kongregasyon, at ipanalangin nila siya at pahiran ng langis+ sa pangalan ni Jehova.* 15 At ang panalangin na may pananampalataya ay magpapagaling sa maysakit,* at ibabangon siya ni Jehova.* At kung nakagawa siya ng mga kasalanan, patatawarin siya.

16 Kaya ipagtapat ninyo sa isa’t isa ang mga kasalanan ninyo+ at ipanalangin ninyo ang isa’t isa, para mapagaling kayo. Napakalaki ng nagagawa* ng pagsusumamo ng taong matuwid.+ 17 Si Elias ay isang taong may damdaming tulad ng sa atin, pero nang marubdob siyang manalangin na huwag umulan, hindi umulan sa lupain sa loob ng tatlong taon at anim na buwan.+ 18 At muli siyang nanalangin, at bumuhos ang ulan mula sa langit at namunga ang lupain.+

19 Mga kapatid ko, kung ang sinuman sa inyo ay malihis mula sa katotohanan at may magpanumbalik sa kaniya, 20 dapat ninyong malaman na ang magpapanumbalik sa isang makasalanan mula sa maling landasin niya+ ay makapagliligtas sa kaniya* mula sa kamatayan at makapagtatakip ng maraming kasalanan.+

O “pagbabata.”

O “pagbabata.”

O “hindi naghahanap ng mali.”

Tingnan ang Ap. A5.

Lit., “magmalaki.”

Tingnan ang Ap. A5.

O “nabibitag.”

O “hindi siya nagbabago gaya ng pagbaling ng anino.”

O “Dapat ninyo itong malaman.”

O posibleng “ang maraming kasamaan.”

O “natural na mukha.”

O “na relihiyoso siya.”

O “nirerendahan.”

O “relihiyon.”

Tingnan sa Glosari, “Pamumusong.”

O “sumasaway.”

Lit., “kautusan ng kalayaan.”

Lit., “na hubad.”

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

O “matinding.”

Lit., “natitisod.”

Lit., “ang gulong ng kapanganakan (pinagmulan).”

Tingnan sa Glosari.

O “gumagapang na hayop.”

Tingnan ang Ap. A5.

O “na kapareho.”

Lit., “matamis na.”

O posibleng “at makasariling ambisyon.”

O posibleng “at makasariling ambisyon.”

O posibleng “ng.”

Lit., “mga bahagi ninyo.”

O “nagiging sakim.”

O “Kayong mga taksil.”

Lit., “espiritu.”

O “di-sana-nararapat.”

Lit., “tatakas.”

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

O “tangà,” isang insekto na kumakain ng tela.

Tingnan ang Ap. A5.

O “pagkanaririto.”

O “dumaing; magreklamo.” Lit., “magbuntonghininga.”

Tingnan ang Ap. A5.

O “pinagpala.”

O “nakapagbata.”

O “pagbabata.”

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

O “napakamapagmalasakit.”

Tingnan ang Ap. A5.

O posibleng “ay magpapaginhawa sa pagod.”

Tingnan ang Ap. A5.

Lit., “Malakas ang puwersa.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share