RUTH
1 Noong panahong ang mga hukom+ ang naglalapat ng katarungan,* nagkaroon ng taggutom sa lupain; at isang lalaki ang umalis sa Betlehem+ sa Juda para mandayuhan sa lupain ng Moab+ kasama ang kaniyang asawa at dalawang anak na lalaki. 2 Ang pangalan ng lalaki ay Elimelec.* Ang asawa niya ay si Noemi,* at ang dalawa niyang anak ay sina Mahalon* at Kilion.* Mga Eprateo sila mula sa Betlehem sa Juda. Nakarating sila sa Moab at nanirahan doon.
3 Pagkalipas ng ilang panahon, namatay si Elimelec na asawa ni Noemi, kaya naiwan si Noemi kasama ang dalawa niyang anak. 4 Nang maglaon, ang mga lalaki ay nag-asawa ng mga Moabita; ang isa ay si Orpa at ang isa ay si Ruth.+ Nanatili sila roon nang mga 10 taon. 5 Pagkatapos, namatay rin sina Mahalon at Kilion, kaya si Noemi ay wala nang asawa at mga anak. 6 Kaya siya, kasama ang mga manugang niya, ay nagsimulang maglakbay paalis ng Moab, dahil nabalitaan niya noong nasa Moab siya na muling pinagpala ni Jehova ang bayan Niya at binigyan sila ng pagkain.*
7 Umalis siya sa lugar na tinitirhan niya kasama ang dalawa niyang manugang. Habang naglalakad sila sa daan pabalik sa lupain ng Juda, 8 sinabi ni Noemi sa mga manugang niya: “Bumalik na kayo sa bahay ng inyong mga ina. Magpakita nawa sa inyo si Jehova ng tapat na pag-ibig,+ gaya ng ipinakita ninyo sa mga namatay ninyong asawa at sa akin. 9 Bigyan nawa kayo ni Jehova ng kapanatagan* sa tahanan ng magiging asawa ninyo.”+ Pagkatapos ay hinalikan niya sila, at umiyak sila nang malakas. 10 Paulit-ulit nilang sinabi: “Hindi, sasama po kami pabalik sa inyong bayan.” 11 Pero sinabi ni Noemi: “Umuwi na kayo, mga anak ko. Bakit kayo sasama sa akin? Magkakaroon pa ba ako ng mga anak na puwede ninyong mapangasawa?+ 12 Umuwi na kayo, mga anak ko, dahil napakatanda ko na para mag-asawa. At kahit na makahanap ako ng mapapangasawa ngayong gabi at magsilang ng mga anak, 13 maghihintay ba kayo hanggang sa lumaki sila? Mananatili ba kayong walang asawa para sa kanila? Huwag, mga anak ko. Ang kamay ni Jehova ay naging laban sa akin, at napakasakit* sa akin kapag naiisip kong naaapektuhan kayo.”+
14 Muli silang umiyak nang malakas, at pagkatapos ay hinalikan ni Orpa ang biyenan niya at umalis. Pero hindi iniwan ni Ruth si Noemi. 15 Kaya sinabi ni Noemi: “Tingnan mo, ang iyong biyudang bilas ay bumalik na sa kaniyang bayan at mga diyos. Bumalik ka na ring kasama niya.”
16 Pero sinabi ni Ruth: “Huwag ninyong hilingin sa akin na iwan kayo at hayaan kayong mag-isa; dahil kung saan kayo pupunta, doon ako pupunta; at kung saan kayo magpapalipas ng gabi, doon ako magpapalipas ng gabi. Ang inyong bayan ay magiging aking bayan, at ang inyong Diyos ay aking Diyos.+ 17 Kung saan kayo mamamatay, doon ako mamamatay at ililibing. Bigyan nawa ako ni Jehova ng mabigat na parusa kung hahayaan kong paghiwalayin tayo ng anumang bagay maliban sa kamatayan.”
18 Nang makita ni Noemi na gusto talagang sumama ni Ruth, hindi na niya ito pinilit umuwi. 19 At nagpatuloy sila sa paglalakbay hanggang sa makarating sa Betlehem.+ Pagdating nila roon, nagulat ang buong lunsod. Sinasabi ng mga babae: “Si Noemi ba iyan?” 20 Sinasabi naman niya sa mga babae: “Huwag ninyo akong tawaging Noemi.* Tawagin ninyo akong Mara,* dahil hinayaan ng Makapangyarihan-sa-Lahat na maging mapait ang buhay ko.+ 21 Ako ay umalis na punô, pero pinabalik ako ni Jehova na walang anumang dala. Bakit ninyo ako tatawaging Noemi, gayong si Jehova ang naging laban sa akin at ang Makapangyarihan-sa-Lahat ang nagdulot ng kapahamakan ko?”+
22 Iyan ang nangyari nang umalis si Noemi sa lupain ng Moab+ kasama ang manugang niyang Moabita na si Ruth. Dumating sila sa Betlehem noong pasimula ng pag-aani ng sebada.+
2 Ang asawa ni Noemi na si Elimelec ay may kamag-anak, isang napakayamang lalaki na nagngangalang Boaz.+
2 Sinabi ng Moabitang si Ruth kay Noemi: “Puwede po ba akong pumunta sa bukid at mamulot* ng uhay+ kasunod ng sinumang magmamagandang-loob sa akin?” Sumagot si Noemi: “Sige, anak ko.” 3 Kaya umalis si Ruth para mamulot ng uhay kasunod ng mga mang-aani. Napapunta siya sa bukid na pag-aari ni Boaz,+ na kamag-anak ni Elimelec.+ 4 Nang pagkakataong iyon, dumating si Boaz galing sa Betlehem, at sinabi niya sa mga mang-aani: “Sumainyo nawa si Jehova.” Sumagot naman sila: “Pagpalain ka nawa ni Jehova.”
5 Tinanong ni Boaz ang lalaki na inatasang mamahala sa mga mang-aani: “Sino ang babaeng iyon?” 6 Sumagot ang lalaki: “Ang babae ay isang Moabita+ na sumama kay Noemi nang bumalik ito mula sa lupain ng Moab.+ 7 Nakiusap siya, ‘Puwede po ba akong mamulot* ng uhay*+ na naiiwan ng mga mang-aani?’ At mula nang dumating siya kaninang umaga, ngayon lang siya umupo sa silungan para magpahinga sandali.”
8 Pagkatapos, sinabi ni Boaz kay Ruth: “Anak ko, huwag ka nang pumunta sa ibang bukid. Dito ka na lang mamulot ng uhay, at huwag kang lalayo sa mga lingkod kong babae.+ 9 Tingnan mo kung saan sila nag-aani, at sumama ka sa kanila. Sinabihan ko ang mga lalaki na huwag kang guluhin. Kapag nauhaw ka, pumunta ka sa mga banga at uminom ka ng tubig na sinalok ng mga lalaki.”
10 Kaya sumubsob si Ruth sa lupa at nagsabi: “Bakit napakabait ninyo sa akin, at bakit nagmamalasakit kayo kahit na dayuhan ako?”+ 11 Sumagot si Boaz: “Ikinuwento sa akin ang lahat ng ginawa mo para sa iyong biyenan pagkamatay ng asawa mo. Nalaman ko ring iniwan mo ang iyong ama’t ina at ang lupain ng iyong mga kamag-anak para mamuhay kasama ng isang bayan na hindi mo kilala.+ 12 Pagpalain ka nawa ni Jehova dahil sa ginawa mo,+ at bigyan ka nawa ni Jehova na Diyos ng Israel ng malaking gantimpala* dahil nanganlong ka sa mga pakpak niya.”+ 13 Sinabi naman niya: “Patuloy nawa kayong magpakita ng kabaitan sa akin, panginoon ko. Pinalakas ninyo ako at nagsalita kayo nang nakapagpapatibay sa* inyong lingkod kahit hindi naman ako isa sa inyong mga mang-aani.”
14 Nang oras na para kumain, sinabi ni Boaz sa kaniya: “Halika, kumain ka. Isawsaw mo ang tinapay sa sukà.” Kaya umupo siya sa tabi ng mga mang-aani. Pagkatapos, binigyan siya ni Boaz ng binusang butil. Kumain siya at nabusog, at may natira pa siya. 15 Nang tumayo siya para mamulot ng uhay,+ sinabi ni Boaz sa mga lingkod niya: “Hayaan ninyo siyang mamulot ng uhay,* at huwag ninyo siyang guluhin.+ 16 Bumunot din kayo ng ilang uhay mula sa tungkos, at iwanan ninyo ang mga iyon para mapulot niya, at huwag ninyo siyang pagbawalan.”
17 Kaya patuloy siyang namulot ng uhay sa bukid hanggang sa gumabi.+ Hinampas niya ang napulot niyang mga uhay ng sebada at nakaipon siya ng mga isang epa.* 18 Dinala niya iyon at bumalik siya sa lunsod, at nakita ng kaniyang biyenan ang dala niya. Ang pagkaing natira ni Ruth matapos siyang kumain+ at mabusog ay ibinigay rin niya sa biyenan niya.
19 Sinabi sa kaniya ng biyenan niya: “Saan ka namulot ng uhay? Saang bukid? Pagpalain sana ang nagpakita ng kabaitan sa iyo.”+ Kaya sinabi niya sa kaniyang biyenan kung kaninong bukid siya namulot: “Boaz po ang pangalan ng lalaking may-ari ng bukid.” 20 Sinabi ni Noemi sa manugang niya: “Pagpalain nawa siya ni Jehova, na laging nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa mga buháy at sa mga patay.”+ Idinagdag pa ni Noemi: “Kamag-anak natin ang lalaking iyon.+ Siya ay isa sa ating mga manunubos.”*+ 21 Sinabi naman ni Ruth na Moabita: “Sinabi rin po niya sa akin, ‘Huwag kang lalayo sa aking mga mang-aani hanggang sa matapos ang anihan.’”+ 22 Sinabi ni Noemi sa manugang niyang si Ruth: “Mas mabuti nga, anak ko, na sumama ka sa mga lingkod niyang babae dahil baka may gumawa sa iyo ng masama sa ibang bukid.”
23 Kaya hindi siya lumayo sa mga babaeng lingkod ni Boaz at namulot siya ng uhay hanggang sa matapos ang pag-aani ng sebada+ at ng trigo. At patuloy siyang nanirahang kasama ng kaniyang biyenan.+
3 Sinabi ngayon sa kaniya ng biyenan niyang si Noemi: “Anak ko, hindi kaya dapat kitang ihanap ng tahanan*+ para mapabuti ka? 2 Hindi ba kamag-anak natin si Boaz?+ Lingkod niya ang mga babaeng nakasama mo. Ngayong gabi, magtatahip siya ng sebada sa giikan. 3 Kaya maligo ka at magpahid ng mabangong langis; magsuot ka ng magandang damit* at pumunta sa giikan. Huwag kang magpakita sa kaniya hanggang sa matapos siyang kumain at uminom. 4 Paghiga niya, tandaan mo kung saan siya pumuwesto; pagkatapos, lumapit ka at alisin mo ang nakatakip sa mga paa niya at humiga ka. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.”
5 Sumagot si Ruth: “Gagawin ko po ang lahat ng sinabi ninyo.” 6 Kaya pumunta siya sa giikan at ginawa ang lahat ng sinabi ng biyenan niya. 7 Samantala, si Boaz ay kumain at uminom, at masaya siya. Mayamaya, humiga siya sa gilid ng bunton ng mga butil. Pagkatapos, dahan-dahang lumapit si Ruth at inalis ang nakatakip sa mga paa nito at humiga. 8 Nang hatinggabi na, ang lalaki ay nagising na nangangatog. Umupo siya at nakita niyang may babaeng nakahiga sa paanan niya. 9 Sinabi niya: “Sino ka?” Sumagot ang babae: “Ako po si Ruth, ang lingkod ninyo. Bigyan ninyo ng proteksiyon ang* inyong lingkod, dahil isa kayong manunubos.”+ 10 Kaya sinabi niya: “Pagpalain ka nawa ni Jehova, anak ko. Mas naipakita mo ang iyong tapat na pag-ibig ngayon kaysa noong unang pagkakataon;+ hindi ka naghanap ng batang mapapangasawa, mahirap man o mayaman. 11 At ngayon, anak ko, huwag kang matakot. Gagawin ko para sa iyo ang lahat ng sinabi mo,+ dahil alam ng lahat sa lunsod* na isa kang mahusay na babae. 12 Pero kahit isa akong manunubos,+ may isa pang manunubos na mas malapit ninyong kamag-anak.+ 13 Dito ka na magpalipas ng gabi, at kung tutubusin ka niya sa kinaumagahan, mabuti! Gawin niya ang pagtubos.+ Pero kung ayaw ka niyang tubusin, isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, ako ang tutubos sa iyo. Mahiga ka muna rito hanggang umaga.”
14 Kaya humiga siya sa paanan ni Boaz hanggang umaga, at bumangon siya habang madilim pa para walang makakita sa kaniya. Sinabi ngayon ni Boaz: “Walang dapat makaalam na may babaeng nagpunta rito sa giikan.” 15 Sinabi pa nito: “Dalhin mo rito ang suot mong balabal at iladlad mo.” Kaya iniladlad niya iyon at nilagyan ni Boaz ng anim na takal* ng sebada at iniabot kay Ruth. Pagkatapos, bumalik si Boaz sa lunsod.
16 Bumalik si Ruth sa kaniyang biyenan, na nagtanong naman sa kaniya: “Kumusta,* anak ko?” Ikinuwento ni Ruth ang lahat ng ginawa ng lalaki para sa kaniya. 17 Sinabi pa niya: “Ibinigay po niya sa akin itong anim na takal ng sebada at sinabi, ‘Huwag kang umuwi sa biyenan mo nang walang dala.’” 18 Kaya sinabi ni Noemi: “Maghintay ka lang, anak ko, hanggang sa malaman mo kung ano ang mangyayari, dahil hindi magpapahinga si Boaz hanggang sa matapos niya ang bagay na ito ngayong araw.”
4 Pumunta ngayon si Boaz sa pintuang-daan ng lunsod+ at umupo roon. At dumaan ang manunubos na tinutukoy ni Boaz.+ Sinabi ni Boaz sa taong iyon:* “Halika, maupo ka rito.” Kaya lumapit ito at umupo. 2 Pagkatapos, tumawag si Boaz ng 10 matatandang lalaki ng lunsod+ at sinabi: “Maupo kayo rito.” Kaya umupo sila.
3 Sinabi ni Boaz sa manunubos:+ “Ang lupang pag-aari ng kapatid nating si Elimelec+ ay kailangang ipagbili ni Noemi, na nagbalik mula sa lupain ng Moab.+ 4 Kaya naisip ko na dapat ko itong ipaalám sa iyo at sabihin, ‘Bilhin mo iyon sa harap ng mga tagarito at ng matatandang lalaki ng ating bayan.+ Kung tutubusin mo iyon, tubusin mo. Pero kung hindi mo tutubusin, ipaalám mo sa akin, dahil ikaw ang may karapatang tumubos, at ako ang kasunod mo.’” Sinabi niya: “Handa kong tubusin iyon.”+ 5 Sinabi naman ni Boaz: “Sa araw na bilhin mo ang bukid kay Noemi, dapat mo ring bilhin iyon kay Ruth na Moabita, na asawa ng namatay, para ang pangalan ng namatay ay maibalik sa kaniyang mana.”+ 6 Sinabi ng manunubos: “Hindi ko iyon kayang tubusin dahil baka manganib ang sarili kong mana. Ibinibigay ko sa iyo ang karapatan kong tumubos dahil hindi ko iyon matutubos.”
7 Ito ang kaugalian noon sa Israel para maging legal ang bawat uri ng kasunduan may kinalaman sa karapatang tumubos at sa pagpapalitan: Huhubarin ng isa ang sandalyas niya+ at ibibigay iyon sa kabilang panig, at ganito pinagtitibay sa Israel ang isang kasunduan. 8 Kaya nang sabihin ng manunubos kay Boaz, “Ikaw na ang bumili,” hinubad ng manunubos ang sandalyas niya. 9 Pagkatapos, sinabi ni Boaz sa matatandang lalaki at sa lahat ng naroon: “Kayo ang mga saksi ngayon,+ na binibili ko kay Noemi ang lahat ng kay Elimelec at ang lahat ng kina Kilion at Mahalon. 10 Kinukuha ko rin bilang asawa si Ruth na Moabita, na asawa ni Mahalon, para ang pangalan ng namatay ay maibalik sa kaniyang mana,+ at sa gayon, ang pangalan ng namatay ay hindi mawala sa gitna ng mga kapatid niya at ng kaniyang lunsod.* Kayo ay mga saksi ngayon.”+
11 Sumagot ang lahat ng nasa pintuang-daan ng lunsod at ang matatandang lalaki: “Mga saksi kami! Pagpalain nawa ni Jehova ang mapapangasawa mo para maging gaya siya nina Raquel at Lea, na kapuwa nagtayo ng sambahayan ng Israel.+ Pagpalain ka nawa sa Eprata+ at makagawa ng magandang pangalan* sa Betlehem.+ 12 At sa pamamagitan ng anak na ibibigay sa iyo ni Jehova mula sa babaeng ito,+ ang sambahayan mo nawa ay maging gaya ng sambahayan ni Perez,+ na anak nina Tamar at Juda.”
13 Kaya kinuha ni Boaz si Ruth bilang asawa. Sinipingan niya si Ruth, at sa pagpapala ni Jehova, nagdalang-tao ito at nagsilang ng anak na lalaki. 14 At sinabi ng mga babae kay Noemi: “Purihin si Jehova dahil hindi niya hinayaan na walang tumubos sa iyo sa araw na ito. Makilala nawa ang pangalan ng batang ito sa Israel! 15 Ibinalik niya* ang sigla sa buhay mo, at aalagaan ka niya sa iyong katandaan, dahil anak siya ng iyong manugang, na nagmamahal sa iyo+ at nakahihigit pa sa pitong anak na lalaki.” 16 Kinarga ni Noemi* ang bata, at siya ang naging tagapag-alaga nito. 17 At binigyan iyon ng pangalan ng mga kapitbahay na babae. Sinabi nila, “Isang anak na lalaki ang ipinanganak kay Noemi,” at pinangalanan nila siyang Obed.+ Siya ang ama ni Jesse,+ na ama ni David.
18 At ito ang linya ng angkan* ni Perez:+ naging anak ni Perez si Hezron;+ 19 naging anak ni Hezron si Ram; naging anak ni Ram si Aminadab;+ 20 naging anak ni Aminadab+ si Nason; naging anak ni Nason si Salmon; 21 naging anak ni Salmon si Boaz; naging anak ni Boaz si Obed; 22 naging anak ni Obed si Jesse;+ at naging anak ni Jesse si David.+
Lit., “ang humahatol.”
Ibig sabihin, “Ang Aking Diyos ay Hari.”
Ibig sabihin, “Ang Aking Kasiyahan.”
Posibleng mula sa salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay “manghina; magkasakit.”
Ibig sabihin, “Isa na Nabibigo; Isa na Sumasapit sa Kawakasan.”
Lit., “tinapay.”
Lit., “pahingahang-dako.”
Lit., “mapait.”
Ibig sabihin, “Ang Aking Kasiyahan.”
Ibig sabihin, “Mapait.”
O “maghimalay.” Tingnan sa Glosari, “Paghihimalay.”
O “maghimalay.” Tingnan sa Glosari, “Paghihimalay.”
O posibleng “manguha ng uhay mula sa mga tungkos.”
O “ng hustong kabayaran.”
Lit., “at kinausap ang puso ng.”
O posibleng “manguha ng uhay mula sa mga tungkos.”
Mga 22 L. Tingnan ang Ap. B14.
O “isa sa mga kamag-anak natin na may karapatang tumubos.”
Lit., “pahingahan.”
O “ng panlabas na damit.”
Lit., “Ilukob ninyo ang laylayan ng inyong damit sa.”
Lit., “lahat ng pintuang-daan ng bayan ko.”
Posibleng anim na seah ng sebada, o mga 44 L. Tingnan ang Ap. B14.
Lit., “Sino ka?”
Sadyang hindi binanggit ang pangalan niya.
Lit., “ng pintuang-daan ng bayan niya.”
Lit., “at magtanghal ng pangalan.”
Apo ni Noemi.
O “Inilagay ni Noemi sa dibdib.”
Lit., “ang mga henerasyon.”