HAGAI
1 Nang ikalawang taon ni Haring Dario, noong unang araw ng ikaanim na buwan, ang mensahe ni Jehova sa pamamagitan ng propetang si Hagai*+ ay dumating sa gobernador ng Juda na si Zerubabel+ na anak ni Sealtiel at sa mataas na saserdoteng si Josue na anak ni Jehozadak. Ganito ang sinasabi ng mensahe:
2 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Sinasabi ng mga taong ito, “Hindi pa panahon para itayo* ang bahay* ni Jehova.”’”+
3 At ang mensahe ni Jehova ay muling dumating sa pamamagitan ng propetang si Hagai,+ na nagsasabi: 4 “Ito ba ang panahon para tumira kayo sa naggagandahan ninyong mga bahay, samantalang ang bahay na ito ay giba?+ 5 Ngayon ay ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Pag-isipan ninyong mabuti ang ginagawa ninyo. 6 Naghahasik kayo ng maraming binhi, pero kakaunti ang inaani ninyo.+ Kumakain kayo, pero hindi kayo nabubusog. Umiinom kayo, pero laging kulang. Nagsusuot kayo ng damit, pero hindi kayo naiinitan. Ang nagtatrabaho ay naglalagay ng suweldo niya sa isang supot na butas-butas.’”
7 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Pag-isipan ninyong mabuti ang ginagawa ninyo.’
8 “‘Umakyat kayo sa bundok at manguha ng kahoy.+ At itayo ninyo ang bahay,+ para kalugdan ko iyon at ako ay luwalhatiin,’+ ang sabi ni Jehova.”
9 “‘Umaasa kayo ng marami pero kaunti ang natatanggap ninyo; at nang dalhin ninyo iyon sa bahay, hinipan ko iyon palayo.+ Bakit?’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo. ‘Dahil giba ang bahay ko, samantalang kayo ay paroo’t parito para asikasuhin ang sarili ninyong bahay.+ 10 Kaya ipinagkait sa inyo ng langit ang kaniyang hamog, at ipinagkait ng lupa ang kaniyang ani. 11 At patuloy akong nagpasapit ng pagkatuyot sa lupa, sa mga bundok, sa butil, sa bagong alak, sa langis, sa mga ibinubunga ng lupa, sa mga tao at alagang hayop, at sa lahat ng pinaghirapan ng mga kamay ninyo.’”
12 Si Zerubabel+ na anak ni Sealtiel,+ ang mataas na saserdoteng si Josue na anak ni Jehozadak,+ at ang lahat ng iba pa sa bayan ay nakinig sa tinig ni Jehova na kanilang Diyos at sa mga sinabi ng propetang si Hagai, dahil ipinadala siya ni Jehova na kanilang Diyos; at ang bayan ay nagsimulang matakot kay Jehova.
13 At si Hagai, ang mensahero ni Jehova, ay nagbigay ng ganitong mensahe sa bayan gaya ng iniutos sa kaniya ni Jehova: “‘Ako ay sumasainyo,’+ ang sabi ni Jehova.”
14 At pinukaw ni Jehova ang puso*+ ng gobernador ng Juda+ na si Zerubabel na anak ni Sealtiel, ang puso ng mataas na saserdoteng si Josue+ na anak ni Jehozadak, at ang puso ng lahat ng iba pa sa bayan; at nagpunta sila sa bahay ni Jehova ng mga hukbo na Diyos nila at sinimulan nilang gawin iyon.+ 15 Ito ay noong ika-24 na araw ng ikaanim na buwan sa ikalawang taon ni Haring Dario.+
2 Noong ika-21 araw ng ikapitong buwan, ang mensaheng ito ni Jehova ay dumating sa pamamagitan ng propetang si Hagai:+ 2 “Pakisuyo, tanungin mo ang gobernador ng Juda+ na si Zerubabel+ na anak ni Sealtiel, ang mataas na saserdoteng si Josue+ na anak ni Jehozadak,+ at ang iba pa sa bayan: 3 ‘Sino sa inyo ang nakakita sa bahay* na ito sa dati nitong kaluwalhatian?+ Ano ang tingin ninyo rito ngayon? Hindi ba parang bale-wala ito kung ikukumpara sa dati?’+
4 “‘Pero ngayon ay magpakalakas ka, Zerubabel,’ ang sabi ni Jehova, ‘at magpakalakas ka, Josue na anak ni Jehozadak, na mataas na saserdote.’
“‘At magpakalakas kayo, lahat kayong mamamayan ng lupain,’+ ang sabi ni Jehova, ‘at kumilos kayo.’
“‘Dahil ako ay sumasainyo,’+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo. 5 ‘Alalahanin ninyo ang ipinangako ko nang lumabas kayo sa Ehipto,+ at ang espiritu ko ay nananatili sa inyo.*+ Huwag kayong matakot.’”+
6 “Dahil ito ang sinasabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Minsan pa—kaunting panahon na lang—at uugain ko ang langit at ang lupa at ang dagat at ang tuyong lupa.’+
7 “‘At uugain ko ang lahat ng bansa, at ang kayamanan* ng lahat ng bansa ay darating;+ at pupunuin ko ng kaluwalhatian ang bahay na ito,’+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
8 “‘Ang pilak ay akin, at ang ginto ay akin,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
9 “‘Magiging mas maluwalhati ang bahay na ito kaysa sa dati,’+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
“‘At magbibigay ako ng kapayapaan sa lugar na ito,’+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.”
10 Nang ika-24 na araw ng ikasiyam na buwan, nang ikalawang taon ni Dario, ang mensahe ni Jehova ay dumating sa propetang si Hagai,+ na nagsasabi: 11 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Pakisuyo, tanungin mo ang mga saserdote tungkol sa kautusan:+ 12 “Kung ang isang tao ay may dalang banal na karne sa tupi ng damit niya, at sumagi ang damit niya sa tinapay o nilaga o alak o langis o sa anumang uri ng pagkain, magiging banal ba iyon?”’”
Sumagot ang mga saserdote: “Hindi!”
13 Pagkatapos, nagtanong si Hagai: “Kung ang sinuman ay marumi dahil napadikit siya sa isang bangkay* at pagkatapos ay humipo siya sa alinman sa mga bagay na iyon, magiging marumi ba iyon?”+
Sumagot ang mga saserdote: “Magiging marumi iyon.”
14 Kaya sinabi ni Hagai: “‘Ganiyan ang bayang ito, at ganiyan ang bansang ito sa harap ko,’ ang sabi ni Jehova, ‘at ganiyan ang lahat ng gawa ng mga kamay nila; anumang ihandog nila roon ay marumi.’
15 “‘Pero ngayon, pakisuyo, pag-isipan ninyo itong mabuti mula sa araw na ito: Bago mailagay ang isang bato sa ibabaw ng isa pang bato sa templo ni Jehova,+ 16 ano ang kalagayan noon? Nang may pumunta sa isang bunton ng butil na umaasang makakakuha roon ng 20 takal, mayroon lang 10 takal; at nang may lumapit sa pisaan ng ubas para sumalok dito ng 50 takal ng alak, mayroon lang 20 takal;+ 17 pinasapitan ko kayo—ang lahat ng gawa ng inyong kamay—ng pagkatuyot at ng amag+ at ng pag-ulan ng yelo,* pero walang sinuman sa inyo ang nanumbalik sa akin,’ ang sabi ni Jehova.
18 “‘Pakisuyo, pag-isipan ninyo itong mabuti mula sa araw na ito, mula sa ika-24 na araw ng ikasiyam na buwan, mula sa araw na gawin ang pundasyon ng templo ni Jehova;+ pag-isipan ninyo itong mabuti: 19 May binhi na ba sa kamalig?*+ At ang puno ng ubas, igos, granada,* at olibo—hindi pa iyon namumunga, hindi ba? Mula sa araw na ito ay pagpapalain ko kayo.’”+
20 Ang mensaheng ito ni Jehova ay dumating kay Hagai sa ikalawang pagkakataon noong ika-24 na araw ng buwan:+ 21 “Sabihin mo kay Zerubabel na gobernador ng Juda, ‘Uugain ko ang langit at ang lupa.+ 22 Ibabagsak ko ang trono ng mga kaharian at aalisin ko ang lakas ng mga kaharian ng mga bansa;+ at ibabagsak ko ang karwahe* at ang mga nakasakay roon, at ang mga kabayo at ang mga nakasakay sa mga iyon ay mabubuwal, bawat isa sa pamamagitan ng espada ng kapatid niya.’”+
23 “‘Sa araw na iyon,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘kukunin kita, lingkod kong Zerubabel+ na anak ni Sealtiel,’+ ang sabi ni Jehova, ‘at gagawin kitang gaya ng singsing na pantatak, dahil ikaw ang pinili ko,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.”
Ibig sabihin, “Ipinanganak sa Panahon ng Kapistahan.”
O “itayong muli.”
O “templo.”
Lit., “espiritu.”
O “templo.”
O posibleng “at nang ang espiritu ko ay nakatayo sa gitna ninyo.”
O “kanais-nais na mga bagay.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “at ng graniso.”
O “tipunan ng butil?”
Tingnan sa Glosari.
O “karo.”