MALAKIAS
1 Isang proklamasyon:
Ang mensahe ni Jehova sa Israel sa pamamagitan ni Malakias:*
2 “Inibig ko kayo,”+ ang sabi ni Jehova.
Pero sinasabi ninyo: “Paano mo kami inibig?”
“Kapatid ni Jacob si Esau, hindi ba?”+ ang sabi ni Jehova. “Pero inibig ko si Jacob, 3 at kinapootan ko si Esau;+ at ginawa kong tiwangwang+ ang kaniyang kabundukan at iniwan ko ang kaniyang mana sa mga chakal sa ilang.”+
4 “Sinasabi ng Edom,* ‘Dinurog kami, pero babalik kami at itatayo namin ang mga nawasak,’ pero ito naman ang sinasabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Magtatayo sila, pero gigibain ko iyon, at iyon ay tatawaging “teritoryo ng kasamaan” at sila ay tatawaging “bayang isinumpa ni Jehova magpakailanman.”+ 5 Makikita iyon ng sarili ninyong mga mata, at sasabihin ninyo: “Purihin nawa si Jehova sa buong teritoryo ng Israel.”’”
6 “‘Ang anak ay nagpaparangal sa ama,+ at ang lingkod ay nagpaparangal sa panginoon niya. Kaya kung ako ay ama,+ nasaan ang karangalan para sa akin?+ At kung ako ay panginoon,* nasaan ang pagkatakot* sa akin?’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo sa inyo na mga saserdoteng humahamak sa pangalan ko.+
“‘Pero sinasabi ninyo: “Paano namin hinamak ang pangalan mo?”’
7 “‘Sa pamamagitan ng paghahandog ng maruming pagkain* sa altar ko.’
“‘At sinasabi ninyo: “Paano ka namin pinarumi?”’
“‘Dahil sinasabi ninyo: “Ang mesa ni Jehova+ ay nararapat lang hamakin.” 8 At kapag naghahandog kayo ng bulag na hayop, sinasabi ninyo: “Hindi masama iyon.” At kapag naghahandog kayo ng pilay o may-sakit na hayop: “Hindi masama iyon.”’”+
“Pakisuyo, subukan mong ibigay iyon sa gobernador ninyo. Matutuwa kaya siya sa iyo? Maganda kaya ang magiging pagtanggap niya sa iyo?” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
9 “Ngayon, pakisuyo, makiusap kayo sa* Diyos para magpakita siya sa atin ng kabaitan. Kung ganiyan ang inihahandog ninyo, maganda kaya ang magiging pagtanggap niya sa inyo?” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
10 “At sino sa inyo ang handang magsara ng pinto?*+ Hindi man lang ninyo masindihan ang altar ko nang walang bayad.+ Hindi ako natutuwa sa inyo,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “at hindi ako nalulugod sa anumang inihahandog ninyo.”+
11 “Dahil mula sa sikatan ng araw hanggang sa lubugan nito,* magiging dakila ang pangalan ko sa mga bansa.+ Sa lahat ng lugar, ang mga handog ay pauusukin, at magbibigay sila ng mga hain para sa pangalan ko, bilang malinis na kaloob; dahil magiging dakila ang pangalan ko sa mga bansa,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
12 “Pero nilalapastangan ninyo ito*+ sa pagsasabing ‘Ang mesa ni Jehova ay marumi, at ang inihahandog doon, ang pagkain doon, ay dapat lang hamakin.’+ 13 Sinasabi rin ninyo, ‘Nakakapagod!’ at iniismiran ninyo iyon,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo. “At nagdadala kayo ng ninakaw, pilay, at may-sakit na mga hayop. Oo, nagdadala kayo ng mga ganoon bilang kaloob! Tatanggapin ko ba ang mga iyon?”+ ang sabi ni Jehova.
14 “Sumpain ang taong nandaraya, na may malusog na lalaking hayop sa kawan niya, pero matapos manata, ang inihahandog niya kay Jehova ay isang hayop na may depekto. Dahil ako ay dakilang Hari,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “at ang pangalan ko ay katatakutan* ng mga bansa.”+
2 “At ngayon, mga saserdote, ang utos na ito ay para sa inyo.+ 2 Kung hindi kayo makikinig at hindi ninyo isasapuso ang pagluwalhati sa pangalan ko,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “magpapadala ako sa inyo ng sumpa,+ at gagawin kong mga sumpa ang inyong mga pagpapala.+ Oo, ginawa kong mga sumpa ang mga pagpapala, dahil hindi ninyo iyon isinasapuso.”
3 “Dahil sa inyo, sisirain* ko ang inihasik ninyong binhi,+ at papahiran ko ng dumi ang mukha ninyo, ng dumi ng inyong mga kapistahan; at dadalhin kayo roon.* 4 At malalaman ninyo na ibinigay ko sa inyo ang utos na ito para ang tipan ko kay Levi ay magpatuloy,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
5 “Ang tipan ko sa kaniya ay buhay at kapayapaan, at ibinigay ko ang mga iyon sa kaniya para magkaroon siya ng pagkatakot* sa akin. At nagkaroon siya ng pagkatakot sa akin, oo, nagpakita siya ng matinding paggalang sa pangalan ko. 6 Ang kautusan* ng katotohanan ay nasa bibig niya,+ at walang kasamaan sa mga labi niya. Lumakad siyang kasama ko sa kapayapaan at namuhay siya nang matuwid,+ at marami siyang inilayo sa kasalanan. 7 Dahil ang mga labi ng saserdote ay dapat magturo* ng kaalaman, at sa kaniya dapat sumangguni ang mga tao tungkol sa kautusan,*+ dahil siya ang mensahero ni Jehova ng mga hukbo.
8 “Pero lumihis kayo ng daan. Marami kayong natisod may kinalaman sa kautusan.*+ Sinira ninyo ang tipan ni Levi,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo. 9 “Kaya gagawin ko kayong hamak at mababa sa harap ng buong bayan, dahil hindi kayo lumakad sa mga daan ko, at hindi kayo naging patas sa pagpapatupad ng kautusan.”+
10 “Hindi ba iisa lang ang ama nating lahat?+ Hindi ba iisa lang ang Diyos na lumalang* sa atin? Kaya bakit tayo nagtataksil sa isa’t isa,+ at bakit natin nilalapastangan ang tipan ng ating mga ninuno? 11 Nagtaksil ang Juda, at isang kasuklam-suklam na bagay ang ginawa sa Israel at sa Jerusalem; dahil nilapastangan ng Juda ang kabanalan* ni Jehova,+ na napakahalaga sa Kaniya, at pinakasalan niya ang anak na babae ng isang diyos ng mga banyaga.+ 12 Aalisin* ni Jehova mula sa mga tolda ni Jacob ang bawat isa na gumagawa nito, sinuman siya,* kahit nagbibigay pa siya ng handog kay Jehova ng mga hukbo.”+
13 “At may isa pa* kayong ginagawa na nagiging dahilan ng pagbubuntonghininga at pagbaha ng luha sa altar ni Jehova, kaya hindi na niya pinapansin ang inyong handog o kinalulugdan ang anumang galing sa inyo.+ 14 At sinasabi ninyo, ‘Bakit?’ Si Jehova ay saksi laban sa iyo, dahil pinagtaksilan mo ang asawang pinakasalan mo noong kabataan ka pa, kahit na kapareha mo siya at legal na asawa.*+ 15 Pero mayroong hindi gumawa nito, dahil nasa kaniya ang natitirang espiritu ng Diyos. At ano ang hinahanap ng isang iyon? Ang mga supling* ng Diyos. Kaya ingatan ninyo ang inyong puso,* at huwag ninyong pagtaksilan ang asawang pinakasalan ninyo noong kabataan pa kayo. 16 Dahil napopoot ako* sa pagdidiborsiyo,”+ ang sabi ni Jehova na Diyos ng Israel, “at sa isa na dinurumhan ng karahasan ang kaniyang damit,”* ang sabi ni Jehova ng mga hukbo. “At ingatan ninyo ang inyong saloobin,* at huwag kayong magtaksil.+
17 “Napagod na si Jehova sa mga sinasabi ninyo.+ Pero sinasabi ninyo, ‘Paano namin siya pinagod?’ Dahil sinasabi ninyo, ‘Ang lahat ng gumagawa ng masama ay mabuti sa paningin ni Jehova, at natutuwa siya sa kanila,’+ o dahil sinasabi ninyo, ‘Nasaan ang Diyos ng katarungan?’”
3 “Isinusugo ko ang aking mensahero, at hahawanin* niya ang dadaanan ko.+ At ang tunay na Panginoon, na hinahanap ninyo, ay biglang darating sa kaniyang templo;+ at darating ang mensahero ng tipan na kinalulugdan ninyo. Tiyak na darating siya,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
2 “Pero sino ang makatatagal sa araw ng pagdating niya, at sino ang mananatiling nakatayo kapag nagpakita siya? Dahil siya ay magiging gaya ng apoy ng tagapagdalisay at gaya ng sabon*+ ng mga naglalaba. 3 At uupo siyang gaya ng tagapagdalisay at tagapaglinis ng pilak+ at lilinisin niya ang mga anak ni Levi; at dadalisayin niya silang parang ginto at parang pilak, at kay Jehova, sila ay tiyak na magiging isang bayang naghahandog nang may matuwid na katayuan. 4 At matutuwa si Jehova sa handog ng Juda at ng Jerusalem, gaya ng mga araw noong sinauna at gaya ng mga taon noong unang panahon.+
5 “Darating ako para humatol sa inyo, at agad akong tetestigo laban sa mga mangkukulam,*+ laban sa mga mangangalunya, laban sa mga nananata nang may kasinungalingan,+ laban sa mga nandaraya sa mga upahang trabahador,+ biyuda, at batang walang ama,*+ at laban sa mga ayaw tumulong* sa mga dayuhan.+ Ang mga ito ay hindi natatakot sa akin,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
6 “Dahil ako si Jehova; hindi ako nagbabago.*+ At kayo ay mga anak ni Jacob, kaya hindi pa kayo sumasapit sa inyong katapusan. 7 Mula pa noong panahon ng mga ninuno ninyo, lumilihis na kayo sa mga tuntunin ko at hindi ninyo sinusunod ang mga iyon.+ Manumbalik kayo sa akin, at manunumbalik ako sa inyo,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
Pero sinasabi ninyo: “Paano kami manunumbalik?”
8 “Mananakawan ba ng isang tao ang Diyos? Pero ninanakawan ninyo ako.”
At sinasabi ninyo: “Paano ka namin ninakawan?”
“Sa mga ikapu* at sa mga abuloy. 9 Talagang isinumpa kayo,* dahil ninanakawan ninyo ako—oo, ginagawa iyan ng buong bansa. 10 Dalhin ninyo sa imbakan ang buong ikapu*+ para magkaroon ng pagkain sa bahay ko;+ at subukin ninyo ako sa bagay na ito, pakisuyo,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “at tingnan ninyo kung hindi ko buksan sa inyo ang mga pintuan ng langit+ at ibuhos sa inyo* ang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.”+
11 “At sasawayin ko ang lumalamon,* at hindi nito sisirain ang bunga ng inyong lupain, at hindi mawawalan ng bunga ang inyong ubasan,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
12 “Sasabihin ng lahat ng bansa na maligaya kayo,+ dahil kayo ay magiging lupain ng kaluguran,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
13 “Mabigat ang mga sinasabi ninyo laban sa akin,” ang sabi ni Jehova.
At sinasabi ninyo: “Ano ba ang sinasabi namin laban sa iyo?”+
14 “Sinasabi ninyo, ‘Walang saysay ang maglingkod sa Diyos.+ Ano ba ang naging pakinabang natin sa pagtupad sa mga obligasyon natin sa kaniya at sa paglalakad nang malungkot sa harap ni Jehova ng mga hukbo? 15 Hindi ba’t maligaya ang mga taong pangahas? At matagumpay ang mga gumagawa ng masama?+ Sinusubok nila ang Diyos pero hindi sila napaparusahan.’”
16 Nang panahong iyon, nag-usap-usap ang mga natatakot kay Jehova, kausap ng bawat isa ang kasama niya, at pinakinggan silang mabuti ni Jehova. At isang aklat ng alaala ang isinulat sa harap niya+ para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga nagbubulay-bulay* sa pangalan niya.+
17 “At sila ay magiging akin,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “sa araw na gagawin ko silang espesyal* na pag-aari.+ Mahahabag ako sa kanila, gaya ng pagkahabag ng isang tao sa anak niya na naglilingkod sa kaniya.+ 18 At muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng matuwid at ng masama,+ ng naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kaniya.”
4 “Dahil ang araw ay dumarating na gaya ng nagniningas na hurno,+ kung kailan ang lahat ng pangahas at ang lahat ng gumagawa ng masama ay magiging tulad ng pinaggapasan. At tiyak na lalamunin sila ng araw na dumarating,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “at walang matitira sa kanila kahit ugat o sanga. 2 Pero sa inyo na nagpaparangal* sa pangalan ko ay sisikat ang araw ng katuwiran, na ang mga sinag* ay nakapagpapagaling; at kayo ay magluluksuhan na parang mga pinatabang guya.”*
3 “At tatapakan ninyo ang masasama, dahil sila ay magiging gaya ng alabok sa inyong mga talampakan sa araw na kumilos ako,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
4 “Alalahanin ninyo ang Kautusan ng lingkod kong si Moises, ang mga tuntunin at kahatulang ibinigay ko sa Horeb para sundin ng buong Israel.+
5 “Isusugo ko sa inyo ang propetang si Elias+ bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.+ 6 At ang puso ng mga ama ay gagawin niyang tulad ng sa mga anak,*+ at ang puso naman ng mga anak ay tulad ng sa mga ama; kung hindi, darating ako at hahampasin ko ang lupa at pupuksain ito.”
(Katapusan ng salin ng Hebreo-Aramaikong Kasulatan, na susundan ng Kristiyanong Griegong Kasulatan)
Ibig sabihin, “Aking Mensahero.”
Isa pang pangalan ni Esau. Tingnan sa Glosari.
O “dakilang panginoon.”
O “paggalang.”
Lit., “tinapay.”
Lit., “palambutin ninyo ang mukha ng.”
Lumilitaw na tumutukoy sa pananagutang magsara ng mga pinto ng templo.
O “mula sa silangan hanggang sa kanluran.”
O posibleng “ako.”
O “magiging karapat-dapat sa matinding paggalang.”
Lit., “sasawayin.”
Sa tambakan ng mga duming galing sa mga handog.
O “paggalang; pagpipitagan.”
O “tagubilin.”
O “mag-ingat.”
O “tagubilin.”
O posibleng “dahil sa pagtuturo ninyo.”
O “lumikha.”
O posibleng “santuwaryo.”
O “Pupuksain.”
Lit., “ang gisíng at ang sumasagot.”
Lit., “may pangalawa.”
O “at asawa sa tipan.”
Lit., “Ang binhi.”
Lit., “espiritu.”
Lit., “siya.”
O “na gumagawa ng karahasan.”
Lit., “espiritu.”
O “ihahanda.”
O “lihiya.”
O “manggagaway.” Tingnan sa Glosari, “Panggagaway.”
O “at ulila.”
O “mga nagkakait ng karapatan.”
O “nagbago.”
O “ikasampung bahagi.”
O posibleng “Sa pamamagitan ng sumpa ay isinusumpa ninyo ako.”
O “ang lahat ng ikasampung bahagi.”
Lit., “ibuhos sa inyo hanggang sa masimot.”
Malamang na tumutukoy sa mga pesteng insekto.
O “nag-iisip.” O posibleng “nagpapahalaga.”
O “minamahal.”
Lit., “natatakot.”
Lit., “pakpak.”
O “batang baka.”
O “At panunumbalikin niya ang puso ng mga ama sa mga anak.”