Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • nwtsty 2 Tesalonica 1:1-3:18
  • 2 Tesalonica

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • 2 Tesalonica
  • Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
2 Tesalonica

IKALAWANG LIHAM SA MGA TAGA-TESALONICA

1 Akong si Pablo, kasama sina Silvano at Timoteo,+ ay sumusulat sa kongregasyon ng mga taga-Tesalonica na kaisa ng Diyos na ating Ama at ng Panginoong Jesu-Kristo:

2 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo.

3 Lagi kaming nauudyukan na magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, mga kapatid. Tama lang ito, dahil patuloy na lumalakas ang inyong pananampalataya at lalo pa ninyong minamahal ang isa’t isa.+ 4 Kaya ipinagmamalaki namin kayo+ sa mga kongregasyon ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis* at pananampalataya sa kabila ng pag-uusig sa inyo at mga problema.+ 5 Patunay ito ng matuwid na paghatol ng Diyos. Dahil dito, itinuring kayong karapat-dapat sa Kaharian ng Diyos, na dahilan ng pagdurusa ninyo.+

6 Kaya naman matuwid para sa Diyos na gantihan ng kapighatian ang mga pumipighati sa inyo.+ 7 Pero kayo na napipighati ngayon ay pagiginhawahin kasama namin sa panahong isisiwalat ang Panginoong Jesus+ mula sa langit kasama ang makapangyarihang mga anghel niya+ 8 sa isang nagliliyab na apoy. Sa panahong iyon, maghihiganti siya sa mga hindi nakakakilala sa Diyos+ at sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.+ 9 Ang mga ito ay hahatulan ng parusang walang-hanggang pagkapuksa,+ kaya aalisin sila sa harap ng Panginoon at hindi na nila makikita ang kaniyang maluwalhating kapangyarihan; 10 mangyayari iyan sa araw na dumating siya para maluwalhati siyang kasama ng kaniyang mga banal at para hangaan siya ng lahat ng nanampalataya sa kaniya, gaya ninyo na nanampalataya sa patotoong ibinigay namin sa inyo.+

11 Kaya naman lagi kaming nananalangin para sa inyo, na ituring kayo ng Diyos na karapat-dapat sa kaniyang pagtawag+ at gamitin niya ang kaniyang kapangyarihan para isagawa ang lahat ng kabutihang gusto niyang gawin at para gawing matagumpay ang inyong mga gawa na udyok ng pananampalataya. 12 Sa gayon, ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay maluluwalhati sa pamamagitan ninyo at kayo naman ay maluluwalhati dahil sa pagiging kaisa niya, ayon sa walang-kapantay na kabaitan ng ating Diyos at ng Panginoong Jesu-Kristo.

2 Pero kung tungkol sa presensiya ng ating Panginoong Jesu-Kristo+ at sa pagkakatipon nating kasama niya,+ hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, 2 na huwag ninyong hayaan na agad-agad na malihis ang inyong pangangatuwiran, at huwag kayong maniwala agad sa balitang narito na ang araw ni Jehova,+ galing man iyon sa isang pagsisiwalat na parang mula sa Diyos+ o sa isang mensahe na narinig ninyo sa iba o sa isang liham na parang galing sa amin.

3 Huwag kayong magpalinlang kaninuman sa anumang paraan, dahil bago iyon dumating, magkakaroon muna ng apostasya+ at masisiwalat ang napakasamang tao,+ ang anak ng pagkapuksa.+ 4 Isa siyang kalaban, at itinuturing niya ang sarili niya na mas mataas kaysa sa bawat isa na tinatawag na diyos o anumang bagay na sinasamba, kaya umuupo siya sa templo ng Diyos para ipakita sa mga tao na isa siyang diyos. 5 Hindi ba ninyo naaalaala na sinasabi ko ito sa inyo noong kasama pa ninyo ako?

6 At alam na ninyo ngayon kung ano ang nagsisilbing pamigil, nang sa gayon ay maisiwalat siya sa itinakdang panahon para sa kaniya. 7 Totoo, nagsisimula na nang palihim ang kasamaan ng taong ito,+ pero mananatili itong lihim hanggang sa mawala ang nagsisilbing pamigil. 8 Pagkatapos, maisisiwalat ang napakasamang tao, na pupuksain ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng kapangyarihang* lumalabas sa kaniyang bibig+ at na lilipulin niya kapag nahayag na+ ang kaniyang presensiya. 9 Pero si Satanas+ ang nasa likod ng patuloy na pag-iral ng napakasamang taong ito; magsasagawa ito ng makapangyarihang mga gawa, mapanlinlang na mga tanda, himala,+ 10 at iba pang masama at mapandayang bagay+ para sa mga tao na mapupuksa bilang parusa dahil hindi nila tinanggap at inibig ang katotohanang magliligtas sana sa kanila. 11 Kaya hinayaan ng Diyos na linlangin sila ng isang mapandayang impluwensiya para maniwala sila sa kasinungalingan,+ 12 nang sa gayon ay mahatulan silang lahat dahil nasiyahan sila sa kasamaan sa halip na maniwala sa katotohanan.

13 Pero lagi kaming nauudyukan na magpasalamat sa Diyos para sa inyo, mga kapatid na minamahal ni Jehova, dahil sa simula pa lang ay pinili na kayo ng Diyos+ para maligtas. Naging posible ito dahil pinabanal niya kayo+ sa pamamagitan ng kaniyang espiritu at dahil nanampalataya kayo sa katotohanan. 14 Tinawag niya kayo para maligtas sa pamamagitan ng mabuting balita na inihahayag namin, para maluwalhati rin kayong+ gaya ng ating Panginoong Jesu-Kristo.+ 15 Kaya mga kapatid, manatili kayong matatag+ at manghawakan kayo sa mga bagay na itinuro sa inyo,+ sinabi man ito sa inyo o isinulat namin sa aming mga liham. 16 Bukod diyan, ang ating Panginoong Jesu-Kristo mismo at ang Diyos na ating Ama, na nagmamahal sa atin+ at nagbibigay ng walang-hanggang kaaliwan at kamangha-manghang pag-asa+ sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan, 17 ay umaliw nawa at magpatatag sa inyo+ para patuloy kayong gumawa at magsalita ng mabubuting bagay.

3 Bilang panghuli, mga kapatid, patuloy kayong manalangin para sa amin,+ para ang salita ni Jehova ay mabilis na lumaganap+ at patuloy na maparangalan, gaya ng nangyayari sa gitna ninyo, 2 at para mailigtas kami mula sa napakasamang mga tao,+ dahil hindi lahat ng tao ay may pananampalataya.+ 3 Pero tapat ang Panginoon, at palalakasin niya kayo at poprotektahan mula sa isa na masama.*+ 4 At dahil mga tagasunod kami ng Panginoon, nagtitiwala kaming sinusunod ninyo ang mga tagubilin namin at patuloy na susundin. 5 Patuloy nawang gabayan ng Panginoon ang puso ninyo para mahalin ninyo ang Diyos+ at magtiis kayo+ para sa Kristo.

6 Tinatagubilinan namin kayo ngayon, mga kapatid, sa ngalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na layuan ang sinumang kapatid na lumalakad nang wala sa ayos+ at hindi sumusunod sa mga bagay na itinuro namin sa inyo.*+ 7 Alam ninyo kung paano kami tutularan,+ dahil hindi kami lumakad nang wala sa ayos sa gitna ninyo 8 at hindi kami kumain nang walang bayad.+ Sa halip, gabi’t araw kaming nagtrabaho at nagpakahirap para hindi namin mapabigatan ang sinuman sa inyo.+ 9 Hindi sa wala kaming awtoridad,+ kundi gusto namin na maging mabuting halimbawa sa inyo.+ 10 Sa katunayan, noong kasama pa ninyo kami, ibinigay namin ang utos na ito: “Kung ayaw magtrabaho ng isang tao, huwag siyang pakainin.”+ 11 Dahil nabalitaan namin na may mga lumalakad nang wala sa ayos sa gitna ninyo+—mga hindi nagtatrabaho at nanghihimasok pa sa mga bagay na walang kinalaman sa kanila.+ 12 Inuutusan namin at pinapayuhan ang gayong mga tao sa ngalan ng Panginoong Jesu-Kristo na mamuhay nang tahimik at kumain ng pagkain na pinagtrabahuhan nila.+

13 Kayo naman mga kapatid, huwag kayong tumigil* sa paggawa ng tama.+ 14 Pero kung may sinuman na hindi sumusunod sa mga sinabi namin sa liham na ito, markahan ninyo siya at tumigil kayo sa pakikisama sa kaniya+ para mahiya siya. 15 Pero huwag ninyo siyang ituring na kaaway, kundi patuloy siyang paalalahanan+ bilang kapatid.

16 Ang Panginoon ng kapayapaan ay patuloy nawang magbigay sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng bagay.+ Sumainyo nawang lahat ang Panginoon.

17 Narito ang aking pagbati, at ako mismong si Pablo ang sumulat nito.+ Ganito lagi ang paraan ko ng pagsulat, para matiyak ninyo na ako ang sumulat nito.

18 Sumainyo nawang lahat ang walang-kapantay na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.

O “pagbabata.”

O “makapangyarihang salita na.” Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

O “mula kay Satanas.”

O posibleng “kanila.”

O “mapagod.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share