UNANG LIHAM NI PEDRO
1 Mula kay Pedro, isang apostol+ ni Jesu-Kristo, para sa mga nakapangalat at pansamantalang nakatira sa Ponto, Galacia, Capadocia,+ Asia, at Bitinia, sa mga pinili 2 ayon sa patiunang kaalaman ng Diyos na Ama,+ na may pagpapabanal ng espiritu,+ para sila ay maging masunurin at mawisikan ng dugo ni Jesu-Kristo:+
Tumanggap nawa kayo ng higit pang kapayapaan at walang-kapantay na kabaitan.
3 Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo. Dahil sa kaniyang dakilang awa, pinangyari niyang muli tayong maisilang+ tungo sa isang buháy na pag-asa+ sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo,+ 4 tungo sa isang mana na hindi nasisira at walang dungis at hindi kumukupas.+ Ito ay nakalaan sa langit para sa inyo,+ 5 kayo na iniingatan ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasang isisiwalat sa huling yugto ng panahon. 6 Dahil dito ay nagsasaya kayo nang husto, kahit na sa maikling panahon ay kailangan ninyong dumanas ng iba’t ibang pagsubok,+ 7 para ang inyong nasubok na pananampalataya,+ na mas malaki ang halaga kaysa sa ginto na nasisira kahit nasubok* na ito sa apoy, ay magdulot ng kapurihan at kaluwalhatian at karangalan kapag isiniwalat na si Jesu-Kristo.+ 8 Kahit hindi ninyo siya nakita kailanman, mahal ninyo siya. Kahit hindi ninyo siya nakikita ngayon, nananampalataya kayo sa kaniya at labis na nagsasaya at mayroon kayong malaking kagalakan na hindi mailarawan, 9 habang inaabot ninyo ang tunguhin ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ninyo.+
10 May kinalaman sa kaligtasang ito, ang mga propetang humula tungkol sa walang-kapantay na kabaitang para sa inyo ay matiyagang nagsaliksik at nag-aral na mabuti.+ 11 Patuloy nilang sinuri kung kailan at sa anong panahon matutupad ang sinabi ng espiritung nasa kanila may kinalaman kay Kristo+ nang ito ay patiunang magpatotoo tungkol sa mga pagdurusang mararanasan ni Kristo+ at tungkol sa kaluwalhatiang kasunod nito. 12 Isiniwalat sa kanila na sila ay naglilingkod, hindi sa sarili nila, kundi sa inyo, may kinalaman sa sinabi na sa inyo ng mga naghayag ng mabuting balita taglay ang banal na espiritu na ipinadala mula sa langit.+ Ang mismong mga bagay na ito ay gustong-gustong malaman ng mga anghel.
13 Kaya ihanda ninyong mabuti* ang isip ninyo para sa gawain;+ lubusang panatilihin ang inyong katinuan;+ umasa kayo sa walang-kapantay* na kabaitan na ipapakita sa inyo kapag isiniwalat na si Jesu-Kristo. 14 Bilang masunuring mga anak, huwag na kayong magpahubog sa mga pagnanasa na mayroon kayo noong wala pa kayong alam, 15 kundi gaya ng Banal na Diyos na tumawag sa inyo, magpakabanal din kayo sa lahat ng paggawi ninyo,+ 16 dahil nasusulat: “Dapat kayong maging banal, dahil ako ay banal.”+
17 At kung tumatawag kayo sa Ama na humahatol nang patas+ ayon sa ginagawa ng bawat isa, gumawi kayo nang may takot+ habang pansamantala kayong naninirahan sa sanlibutang ito. 18 Dahil alam ninyo na pinalaya* kayo+ mula sa walang-saysay na pamumuhay na natutuhan ninyo sa mga ninuno ninyo,* hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira, ng pilak o ginto, 19 kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo,+ gaya ng sa isang walang-dungis at walang-batik na kordero,*+ ang kay Kristo.+ 20 Totoo, siya ay pinili na bago pa maitatag ang sanlibutan,+ pero isiniwalat siya sa wakas ng mga panahon alang-alang sa inyo.+ 21 Sa pamamagitan niya, kayo ay naging mga mananampalataya ng Diyos,+ na bumuhay-muli sa kaniya+ at nagbigay sa kaniya ng kaluwalhatian,+ para manampalataya kayo at umasa sa Diyos.
22 Ngayong dinalisay na ninyo ang sarili ninyo sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan na ang resulta ay di-mapagkunwaring pagmamahal sa kapatid,+ masidhi ninyong ibigin ang isa’t isa mula sa puso.+ 23 Dahil muli kayong isinilang,+ hindi sa pamamagitan ng nasisira, kundi ng di-nasisirang binhi,*+ sa pamamagitan ng salita ng buháy at walang-hanggang Diyos.+ 24 Dahil “ang lahat ng tao* ay gaya ng berdeng damo, at ang lahat ng kaluwalhatian nila ay gaya ng bulaklak sa parang; ang damo ay nalalanta, at ang bulaklak ay nalalagas, 25 pero ang salita ni Jehova* ay mananatili magpakailanman.”+ At ang “salita” na ito ay ang mabuting balita na inihayag sa inyo.+
2 Kaya alisin ninyo sa inyo ang lahat ng kasamaan+ at panlilinlang at pagkukunwari at inggit at lahat ng paninira nang talikuran. 2 Gaya ng mga sanggol na bagong silang,+ magkaroon kayo ng pananabik sa purong gatas ng salita, para sa pamamagitan nito ay sumulong kayo tungo sa kaligtasan,+ 3 kung natikman* na ninyo ang kabaitan ng Panginoon.
4 Sa paglapit ninyo sa kaniya, isang buháy na bato na itinakwil ng mga tao+ pero pinili at mahalaga sa Diyos,+ 5 kayo rin mismo bilang mga buháy na bato ay itinatayo bilang isang espirituwal na bahay+ para maging banal na mga saserdote, para maghandog ng espirituwal na mga haing+ kalugod-lugod sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.+ 6 Dahil sinasabi sa Kasulatan: “Tingnan ninyo! Maglalagay ako sa Sion ng isang batong pinili, ang pinakamahalagang batong pundasyon,* at walang sinumang nananampalataya rito ang mabibigo.”*+
7 Kaya mahalaga siya sa inyo, dahil nananampalataya kayo; pero sa mga hindi nananampalataya, “ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo+ ang naging pangunahing batong-panulok”*+ 8 at “isang batong katitisuran at isang malaking bato na haharang sa kanilang landas.”+ Natitisod sila dahil masuwayin sila sa salita. Ito ang nakatalagang mangyari sa kanila. 9 Pero kayo ay “isang piniling bayan, mga saserdoteng maglilingkod bilang mga hari, isang banal na bansa,+ isang bayan na magiging pag-aari ng Diyos,+ para maihayag ninyo nang malawakan ang kadakilaan”*+ ng tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.+ 10 Dahil dati ay hindi kayo isang bayan, pero ngayon, bayan na kayo ng Diyos;+ dati kayong hindi pinagpakitaan ng awa pero ngayon ay pinagpakitaan na ng awa.+
11 Mga minamahal, pinapayuhan ko kayo bilang mga dayuhan at mga pansamantalang naninirahan+ na patuloy na umiwas sa mga pagnanasa ng laman,+ na nakikipaglaban sa inyo.+ 12 Panatilihin ninyo ang inyong mabuting paggawi sa mga bansa,+ para kapag inakusahan nila kayong gumagawa ng masama, maging saksi sila sa mga ginagawa ninyong mabuti,+ at bilang resulta, luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng pagsisiyasat niya.
13 Alang-alang sa Panginoon ay magpasakop kayo sa bawat gawa* ng tao,+ maging sa hari+ bilang nakatataas 14 o sa mga gobernador bilang isinugo niya para magparusa sa mga gumagawa ng masama pero pumuri sa mga gumagawa ng mabuti.+ 15 Dahil kalooban ng Diyos na sa paggawa ng mabuti ay mapatahimik* ninyo ang mangmang na usapan ng mga taong hindi makatuwiran.+ 16 Maging gaya kayo ng malalayang tao,+ at gamitin ang inyong kalayaan, hindi bilang panakip* sa paggawa ng masama,+ kundi bilang mga alipin ng Diyos.+ 17 Bigyang-dangal ninyo ang lahat ng uri ng tao,+ magkaroon kayo ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid,*+ matakot kayo sa Diyos,+ parangalan ninyo ang hari.+
18 Ang mga lingkod ay magpasakop sa mga amo nila nang may nararapat na takot,+ hindi lang sa mabubuti at sa mga makatuwiran, kundi pati sa mahirap palugdan. 19 Dahil nalulugod ang Diyos kapag ang isang tao ay nagtitiis* ng hirap* at dumaranas ng kawalang-katarungan sa pagsisikap na magkaroon ng malinis na konsensiya* sa harap ng Diyos.+ 20 Dahil kapuri-puri ba kung nagtitiis* kayo ng parusa dahil nagkasala kayo?+ Pero kung nagtitiis kayo ng pagdurusa dahil sa paggawa ng mabuti, kalugod-lugod ito sa Diyos.+
21 Sa katunayan, tinawag kayo sa landasing ito, dahil maging si Kristo ay nagdusa para sa inyo,+ at nag-iwan siya ng huwaran para sundan ninyong mabuti ang mga yapak niya.+ 22 Hindi siya nagkasala,+ at hindi rin siya nagsalita nang may panlilinlang.+ 23 Nang insultuhin* siya,+ hindi siya gumanti ng pang-iinsulto.*+ Nang magdusa siya,+ hindi siya nagbanta, kundi patuloy niyang ipinagkatiwala ang sarili niya sa Diyos na humahatol+ nang matuwid. 24 Siya ang nagdala ng mga kasalanan natin+ sa sarili niyang katawan sa tulos,*+ para tayo ay mamatay* na sa mga kasalanan at mabuhay sa katuwiran. At “sa pamamagitan ng mga sugat niya ay gumaling kayo.”+ 25 Dahil tulad kayo ng mga tupang naliligaw,+ pero ngayon ay nagbalik na kayo sa pastol+ at tagapangasiwa ng inyong mga buhay.
3 Sa katulad na paraan, kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong asawang lalaki,+ para kung siya ay hindi masunurin sa salita, makumbinsi siya nang walang salita dahil sa paggawi ng asawa niya,+ 2 dahil nakikita niya ang inyong malinis na paggawi+ at matinding paggalang. 3 Ang inyong ganda ay huwag maging sa panlabas—ang pagtitirintas ng buhok at pagsusuot ng mga gintong palamuti+ o magagandang damit— 4 kundi sa panloob na pagkatao,* ang tahimik at mahinahong espiritu, na mga palamuting hindi nasisira+ at napakahalaga sa paningin ng Diyos. 5 Dahil ganiyan ang kagandahan ng banal na mga babae noon na nagtitiwala sa Diyos; nagpapasakop sila sa asawa nila, 6 gaya ng pagsunod ni Sara kay Abraham, na tinatawag niyang panginoon.+ At kayo ay mga anak niya kung patuloy kayong gagawa ng mabuti at hindi magpapadala sa takot.+
7 Sa katulad na paraan din, kayong mga asawang lalaki, patuloy kayong mamuhay kasama ng inyong asawa at makitungo sa kanila ayon sa kaalaman.* Bigyan ninyo sila ng karangalang+ gaya ng sa mas mahinang sisidlan, na katangian ng mga babae, dahil sila rin ay kasama ninyong magmamana+ ng walang-kapantay na regalong buhay, para hindi mahadlangan ang mga panalangin ninyo.
8 Isa pa, lahat kayo ay magkaisa sa pag-iisip,*+ magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid, maging mahabagin at magiliw,+ at maging mapagpakumbaba.+ 9 Huwag kayong gumanti ng pinsala sa pinsala+ o ng pang-iinsulto sa pang-iinsulto.+ Sa halip, gumanti kayo ng pagpapala,+ dahil tinawag kayo sa landasing ito, para kayo ay magmana ng pagpapala.
10 Dahil “ang sinumang nagpapahalaga sa buhay at gustong magkaroon ng maliligayang araw ay dapat pumigil sa dila niya sa pagsasalita ng masama+ at sa labi niya sa pagsasalita ng panlilinlang. 11 Talikuran niya ang masama+ at gawin ang mabuti;+ hanapin niya ang kapayapaan at itaguyod iyon.+ 12 Dahil ang mga mata ni Jehova* ay nakatingin sa mga matuwid, at ang mga tainga niya ay nakikinig sa kanilang pagsusumamo,+ pero si Jehova* ay laban sa mga gumagawa ng masama.”+
13 At sino ang makagagawa sa inyo ng masama kung magiging masigasig kayo sa mabuti?+ 14 Pero kung magdusa man kayo alang-alang sa katuwiran, maligaya kayo.+ Gayunman, huwag kayong matakot sa kinatatakutan* nila at huwag kayong maligalig.+ 15 Kundi pabanalin ninyo ang Kristo bilang Panginoon sa mga puso ninyo, na laging handang ipagtanggol ang inyong pag-asa sa harap ng lahat ng humihingi ng paliwanag tungkol dito, pero ginagawa iyon nang mahinahon+ at may matinding paggalang.+
16 Panatilihin ninyong malinis ang konsensiya ninyo,+ para anuman ang sinasabi nila laban sa inyo, mapahiya sila+ dahil sa mabuti ninyong paggawi bilang mga tagasunod ni Kristo.+ 17 Dahil mas mabuti ang magdusa dahil gumagawa kayo ng mabuti,+ kung kalooban ng Diyos na ipahintulot ito, kaysa magdusa dahil gumagawa kayo ng masama.+ 18 Dahil si Kristo ay namatay nang minsanan para sa mga kasalanan,+ isang taong matuwid para sa mga di-matuwid,+ para maakay kayo sa Diyos.+ Pinatay siya na laman+ pero binuhay bilang espiritu.+ 19 At sa kalagayang ito ay pumunta siya at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan,+ 20 na naging masuwayin noong matiyagang naghihintay ang Diyos noong panahon ni Noe,+ habang itinatayo ang arka,+ kung saan iilang tao, walong tao,* ang nakaligtas sa tubig.+
21 Ang bautismo, na katumbas nito, ay nagliligtas din ngayon sa inyo (hindi sa pamamagitan ng pag-aalis ng karumihan ng laman, kundi sa paghiling sa Diyos ng isang malinis na konsensiya),+ sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo. 22 Siya ay nasa kanan ng Diyos,+ dahil umakyat siya sa langit, at ang mga anghel at ang mga awtoridad at ang mga kapangyarihan ay ipinasakop sa kaniya.+
4 Dahil si Kristo ay nagdusa sa laman,+ magkaroon kayo ng ganoon ding kaisipan;* dahil ang taong nagdusa sa laman ay huminto na sa paggawa ng kasalanan,+ 2 para magamit niya ang natitira niyang panahon bilang tao,* hindi na para sa mga pagnanasa ng tao,+ kundi para sa kalooban ng Diyos.+ 3 Dahil sapat na ang panahong nagdaan na ginagawa ninyo ang kalooban ng mga bansa+—ang paggawi nang may kapangahasan,* pagkakaroon ng di-makontrol na pagnanasa, labis na pag-inom ng alak, magulong pagsasaya, pagpapaligsahan sa pag-inom, at kasuklam-suklam na mga idolatriya.+ 4 Nagtataka sila dahil hindi na kayo sumasama sa kanila sa gayong lusak ng pagpapakasasa, kaya nagsasalita sila ng masasama tungkol sa inyo.+ 5 Pero ang mga taong ito ay mananagot sa isa na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay.+ 6 Sa katunayan, ito ang dahilan kung bakit inihayag din sa mga patay ang mabuting balita,+ para kahit nahatulan na sila sa laman sa paningin ng tao, mabuhay sila kaayon ng espiritu sa paningin ng Diyos.
7 Pero ang wakas ng lahat ng bagay ay malapit na. Kaya magkaroon kayo ng matinong pag-iisip+ at maging laging handang manalangin.*+ 8 Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa,+ dahil ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.+ 9 Maging mapagpatuloy kayo sa isa’t isa nang walang bulong-bulungan.+ 10 Ang kaloob na tinanggap ng bawat isa sa inyo ay gamitin ninyo sa paglilingkod sa isa’t isa bilang mabubuting katiwala ng walang-kapantay* na kabaitan ng Diyos na ipinapakita sa iba’t ibang paraan.+ 11 Kung ang sinuman ay nagsasalita, magsalita siya na gaya ng naghahayag ng mensahe mula sa Diyos; kung ang sinuman ay naglilingkod, maglingkod siya na umaasa sa lakas na ibinibigay ng Diyos;+ para sa lahat ng bagay ay maluwalhati ang Diyos+ sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan ay sa kaniya magpakailanman. Amen.
12 Mga minamahal, huwag kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na nararanasan ninyo,+ na para bang may kakaibang nangyayari sa inyo. 13 Sa halip, patuloy kayong magsaya+ dahil nararanasan din ninyo ang mga pagdurusang naranasan ng Kristo,+ para sa panahon ng pagsisiwalat ng kaluwalhatian niya ay makapagsaya rin kayo at mag-umapaw sa kagalakan.+ 14 Kung iniinsulto kayo dahil sa pangalan ni Kristo, maligaya kayo,+ dahil ang espiritu ng kaluwalhatian, ang espiritu ng Diyos, ay nasa inyo.
15 Pero huwag sanang magdusa ang sinuman sa inyo dahil sa pagiging mamamatay-tao o magnanakaw o sa paggawa ng masama o pakikialam sa buhay ng ibang tao.+ 16 Pero kung ang sinuman ay nagdurusa bilang isang Kristiyano, huwag siyang mahiya,+ kundi patuloy niyang luwalhatiin ang Diyos habang tinataglay ang pangalang ito. 17 Dahil ito ang takdang panahon para ang paghatol ay simulan sa bahay ng Diyos.+ Ngayon, kung ito ay nagsimula muna sa atin,+ ano kaya ang mangyayari sa mga hindi masunurin sa mabuting balita ng Diyos?+ 18 “At kung ang taong matuwid ay kailangang magsikap nang husto para iligtas siya ng Diyos, ano na lang ang mangyayari sa taong di-makadiyos at sa makasalanan?”+ 19 Kaya nga kung ang isang tao ay nagdurusa kaayon ng kalooban ng Diyos, patuloy niyang ipagkatiwala ang sarili niya sa isang tapat na Maylalang habang gumagawa siya ng mabuti.+
5 Kaya nga, bilang isa ring matandang lalaki, isang saksi sa mga pagdurusa ng Kristo at kabahagi ng kaluwalhatiang isisiwalat,+ nakikiusap* ako sa matatandang lalaki sa inyo: 2 Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos+ na nasa pangangalaga ninyo bilang mga tagapangasiwa,* na naglilingkod nang hindi napipilitan, kundi ginagawa ito nang maluwag sa loob sa harap ng Diyos;+ hindi dahil sa kasakiman sa pakinabang,+ kundi nang may pananabik; 3 hindi nag-aastang panginoon sa mga mana ng Diyos,+ kundi nagsisilbing halimbawa sa kawan.+ 4 At kapag nahayag na ang punong pastol,+ tatanggapin ninyo ang di-kumukupas na korona ng kaluwalhatian.+
5 Sa katulad na paraan, kayong mga nakababatang lalaki, magpasakop kayo sa matatandang lalaki.+ Pero lahat kayo ay magbihis* ng kapakumbabaan* sa pakikitungo sa isa’t isa, dahil ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas, pero nagpapakita siya ng walang-kapantay* na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.+
6 Kaya magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, para maitaas niya kayo sa takdang panahon,+ 7 habang inihahagis ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong álalahanín,*+ dahil nagmamalasakit siya sa inyo.+ 8 Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay!+ Ang kalaban ninyo, ang Diyablo, ay gumagala-gala gaya ng isang umuungal na leon, na naghahanap ng malalapa.+ 9 Pero manindigan kayo laban sa kaniya+ at maging matatag sa inyong pananampalataya, dahil alam ninyong ang ganoon ding mga pagdurusa ay nararanasan ng lahat ng kapatid ninyo* sa buong mundo.+ 10 Pero pagkatapos ninyong magdusa nang kaunting panahon, ang Diyos ng walang-kapantay na kabaitan, na tumawag sa inyo tungo sa kaniyang walang-hanggang kaluwalhatian+ kaisa ni Kristo, ang mismong tatapos sa inyong pagsasanay. Patatatagin niya kayo,+ palalakasin niya kayo,+ gagawin niya kayong matibay. 11 Sa kaniya ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.
12 Sa pamamagitan ni Silvano,*+ na itinuturing kong isang tapat na kapatid, ay sumulat ako sa inyo sa maikli para patibayin kayo at tiyakin sa inyo na ito ang tunay na walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. Manghawakan kayo rito. 13 May nagpapadala ng kaniyang* pagbati sa inyo mula sa Babilonya, isang pinili na tulad ninyo, at binabati rin kayo ni Marcos,+ na aking anak. 14 Batiin ninyo ang isa’t isa ng halik ng pag-ibig.
Kayong lahat na kaisa ni Kristo ay magkaroon nawa ng kapayapaan.
O “dinalisay.”
Lit., “Kaya bigkisan ninyo.”
O “di-sana-nararapat.”
Lit., “tinubos.”
O “mga tradisyon.”
O “batang tupa.”
Binhing dumarami o namumunga.
Lit., “laman.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “naranasan.”
O “isang pundasyong batong-panulok.”
Lit., “mapapahiya.”
Lit., “naging ulo ng kanto.” Tingnan sa Glosari.
Kapuri-puri niyang mga katangian at ginagawa.
O “institusyon.”
Lit., “mabusalan.”
O “dahilan.”
Lit., “sa kapatiran.”
O “nagbabata.”
O “lungkot; kirot.”
O “budhi.”
O “nagbabata.”
O “laitin.”
O “panlalait.”
O “puno.”
O “matapos.”
O “sa lihim na pagkatao ng puso.”
O “at magpakita ng konsiderasyon sa kanila; at unawain sila.”
O “ay magkasundo sa iniisip.”
Tingnan ang Ap. A5.
Lit., “pero ang mukha ni Jehova.” Tingnan ang Ap. A5.
O posibleng “mga banta.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “pasiya; determinasyon.”
Lit., “laman.”
O “paggawi nang walang kahihiyan.” Sa Griego, a·selʹgei·a. Tingnan sa Glosari.
O “maging alisto sa pananalangin.”
O “di-sana-nararapat.”
O “nagpapayo.”
O “na nasa pangangalaga ninyo at bantayan ninyo itong mabuti.”
O “magbigkis.”
O “kababaan ng isip.”
O “di-sana-nararapat.”
O “ikinababahala.”
Lit., “ng inyong kapatiran.”
Tinatawag ding Silas.
Ang panghalip na Griego rito ay pambabae at malamang na kumakatawan sa kongregasyon sa Babilonya.