Kung Paano Ihihinto ang Bisyo
HUWAG sikaping huminto nang paunti-unti: Pinatatagal nito ang hirap na dinaranas sa paghinto.
HUWAG aksayahin ang pera sa magastos na mga panlunas laban sa paninigarilyo: “Walang tinatangi, ang mga pantulong na kasalukuyang nasa pamilihan ay nagbibigay ng kaunting tulong sa maninigarilyo,” ulat ng New Scientist. At ang World Health ay nagsasabi: “Ang pangunahing elemento sa tagumpay . . . ay ang matatag na disisyon ng naninigarilyo. Ang iba pa ay pagbabawas na lang.”
TANGGAPIN ang iyong pananagutan, at tumanggap din ng tulong: Ang maaasahang mga kaibigan na huminto mismo sa paninigarilyo ay napakahalaga. Manalangin. Malaki ang nagagawa ng taimtim na pagnanais na paluguran ang Diyos at gawin ang kaniyang kalooban.—Filipos 2:4; 4:6, 13.
KILALANIN ang mga pakinabang ng hindi paninigarilyo: Binabawasan ang iyong panganib sa kamatayan (mula sa sakit sa puso, atake, brongkitis, emphysema, o kanser); nagbibigay ng isang mabuting halimbawa; nakapagtitipid ng salapi; nagiging malaya sa gulo, amoy, abala, at pagkaalipin sa bisyo.
UNAWAIN ang iyong mararamdamang mga kirot sa paghinto: Sa loob ng 12 oras ng iyong huling sigarilyo, ang iyong puso at mga bagà ay magsisimulang kumpunihin ang kanilang sarili. Ang iyong mga antas ng carbon monoxide at nikotina ay mabilis na bumababa. Subalit habang ang iyong katawan ay gumagaling, ito ay masakit. Maaaring makadama ka ng pagkainis o pagkayamot, subalit hindi mo kinakailangan ang isang sigarilyo upang pakalmahin ang iyong mga nerbiyos. Ang panandaliang pagkabalisang ito ang pasimula ng mas malusog na buhay.
UNAWAIN ang hamon: Asahan mo ang mga problema. Iwasan ang awa-sa-sarili at pakikipagkompromiso. Subalit walang alinlangan, maaari mong ihinto ang bisyo.