Sakit sa Isip—Ang Mahiwagang Sakit
Walang kamalay-malay si Irene kung ano ang naging problema. “Ako ay 30 taóng gulang,” nagugunita niya, “isang ina na nagtatrabaho na may dalawang anak na inaalagaan. At oo, mayroon akong ilang problema. Subalit wala namang di-pangkaraniwan,” yaon ay, hanggang sa lumitaw ang unang palatandaan ng kaniyang sakit.
“Isang araw nilapitan ko ang isang ganap na estranghero at iginiit ko na siya ang aking namatay na kapatid na babae. Natitiyak ko na siya ay kamukha at kaboses ng aking kapatid na babae. Iyan ang unang paglayo ko sa katotohanan.
“Pagkaraan ng ilang panahon, naglalakad ako pauwi ng bahay mula sa beauty shop at ako ay nag-iiiyak. Sa pagkaalam ko ay iniwan ako ng aking asawa at kinuha sa akin ang aking mga anak! Subalit pagdating ko ng bahay, naroroon pa sila. Nakikita ng aking asawa na may problema at dinala ako sa tahanan ng isa sa aking mga kapatid na babae. Gayunman, kumbinsido ako na gusto akong patayin ng aking kapatid! Ipinasiya ng aking asawa na patingnan ako sa ospital.”
Kaya nagsimula na ang walang-katapusang pagpapaospital, psychoanalysis, shock therapy, at paggagamot ni Irene—isang paghahanap ng lunas sa mahiwagang karamdaman na gumulo sa kaniyang buhay.
ANG sakit sa isip ay nagpapahirap sa napakaraming tao. Tinataya ng U.S. National Institute of Mental Health na halos isa sa limang adultong Amerikano ay pinahihirapan ng pagkasira ng isip. “Ang World Health Organization (WHO 1975a) ay nag-uulat ng tinatayang 40 milyong hindi ginagamot na mga kaso ng sakit sa isip sa mga rehiyon sa nagpapaunlad na daigdig; marahil 200 milyon ang nagdurusa mula sa hindi gaanong grabeng pagkasira.”—Third World Challenge to Psychiatry.
Gayunman, hindi maaaring sukatin ng basta mga bilang lamang ang kirot ng sakit sa isip. “Maguguniguni ba ninyo kung ano ang pakiramdam,” tanong ng ina ng isang lalaking may sakit sa isip, “na ikaw ay maupo sa tanggapan ng doktor kasama ng isang anak na lalaki na ang kalakhang bahagi ng kaniyang buhay ay ginugol sa pagtulong sa iba at malaman na siya ngayon ay hindi na gaya ng dati?” Gayundin, ang sakit sa isip ay kadalasan nang isang palatandaan ng kahihiyan, isang karamdaman na nababalot ng mga salita ng paghamak (sirâ, baliw). Kadalasan nang ito’y nauunawaang bahagya ng mga kaibigan at ng pamilya kaysa noong mga edad medya—na ang mga baliw ay sinasabing ‘inaalihan ng Diyablo.’
Gayumpaman, ibinaba na ng sakit sa isip ang lambong ng hiwaga nito. Ang mga bagong kaalaman tungkol dito ay nagdala ng panibagong pagkaunawa sa karamdaman. Ipinahihintulot ngayon ng bagong mga paggagamot ang maraming dating mga pasyente na may sakit sa isip—tulad ni Irene—na mamuhay nang normal at mabungang buhay. Tatalakayin ng sumusunod na artikulo kapuwa ang tungkol sa nakapagpapatibay-loob na mga pagsulong na ito at tungkol sa buong-pusong pag-asa ni Irene para sa isang permanenteng lunas sa malapit na hinaharap.