Mula sa Duyan Hanggang sa Libingan, Pag-ibig ang Ating Pinakamalaking Pangangailangan
Pag-ibig ang ating pinakamalaking pangangailangan. Ang mga sanggol ay namamatay kung wala nito. Ang mga matanda ay nanghihina dahil sa kakulangan nito. Ang mga sakit ay nananagana sa kawalan nito. Mga aklat ay naisulat tungkol dito. Ang mga grupo ay nagkakatipon upang maghawakan at magyapusan sa paghahanap nito. Pinipilipit at pinasásamâ ito ng mga pelikula at mga dula. Yaong mga nagtatalik ay tinatawag itong “making love” gayunma’y ipinakikita ang kawalang-alam nila tungkol dito. Ang isang bulok at marahas na daigdig ay tumatanggi sa umano’y impraktikal na tanging uri ng pag-ibig na maaaring magligtas dito. Gayunman ang nagliligtas na pag-ibig na iyan ang siya nating pinakamalaking pangangailangan.
SA ISANG seminar sa negosyo tungkol sa mga kaugnayan ng tao, binanggit ng tagapagsalita ang tungkol sa isang silid sa ospital na punô ng mga sanggol na ulila. Sa isang mahabang hanay ng mga kama, ang mga sanggol ay nagkakasakit at ang ilan sa kanila ay namamatay—maliban sa sanggol na nasa huling kama. Ito ay malusog. Ang mga doktor ay nagtataka. Ang lahat ay pinakakain, pinaliliguan, pinananatiling mainit—walang pagkakaiba sa pag-aalaga sa kanila. Gayunman yaon lamang sanggol na nasa huling kama ang nabubuhay. Habang lumilipas ang mga buwan at mga bagong sanggol ang ipinapasok, ang istorya ay laging ganoon: Tanging ang sanggol na nasa huling kama ang lumulusog.
Sa wakas ikinubli ng doktor ang kaniyang sarili upang magmasid. Sa hatinggabi ang babaing naglilinis ay dumarating at kinukuskos ang sahig, mula sa isang dulo hanggang sa kabilang dulo. Pagkatapos malinis ang sahig, siya ay tumatayo, nag-uunat, at hinahagod ang kaniyang likod. Pagkatapos siya ay nagtutungo sa huling kama, kinakarga ang sanggol, lumalakad-lakad sa silid na karga ito, pinapangko ito, kinakausap ito, ipinaghehele ito sa kaniyang mga bisig. Ibinabalik niya ito sa kaniyang kama at umaalis. Ang doktor ay nagmasid ng sumunod na gabi, at ng sumunod pa. Tuwing gabi ay gayunding bagay ang nangyayari. Ang sanggol na nasa huling kama ang laging kinakarga, pinapangko, kinakausap, at minamahal. At sa lahat ng bagong grupo ng mga sanggol na dinadala roon, sa tuwina’y ang sanggol na nasa huling kama ang lumalakas, samantalang ang iba ay nagkakasakit at ang ilan ay namamatay.
Sinasabi ng Psychology Today na “sa panahon ng nahuhubog na mga yugto sa paglaki ng utak, ang ilang uri ng pagkakait sa mga pandamdam—gaya ng kakulangan ng paghawak at paghehele ng ina—ay nagbubunga ng di-ganap na pag-unlad o pagkapinsala sa neuronal na mga sistema na kumukontrol sa pagmamahal.” Ang sanggol ay natututong magmahal mula sa isang maibiging ina. Sa loob lamang ng mga ilang minuto pagkasilang, nagkakaroon ng isang pagbubuklod sa pagitan ng ina at ng sanggol. Pagkatapos noon, pinalalaki ng maibiging mga pagpapalitan ang pagmamahal sa pagitan nila, gaya ng ipinakikita ng aklat na Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya sa pahina 101:a
“Ang isang ina ay yumuyuko sa sanggol sa kama nito, inilalagay ang kaniyang kamay sa dibdib nito at pinanggigigilan ito nang magiliw habang inilalapit niya ang kaniyang mukha sa sanggol at sinasabing, ‘Nakikita kita! Nakikita kita!’ Mangyari pa, hindi nalalaman ng sanggol ang mga salita (na hindi naman talagang lohikal sa paanuman). Ngunit ito ay pumipihit-pihit at umuungol sa katuwaan, sapagkat nakikilala nito na ang mapaglarong kamay at ang tono ng boses ay malinaw na nagsasabi ritong, ‘Mahal kita! Mahal kita!’ Siya’y nabibigyan-katiyakan at nagiging tiwasay. Ang mga sanggol at maliliit na mga bata na pinagpapakitaan ng pag-ibig ay nagpapahalaga rito, at, bilang pagtulad sa pag-ibig na iyan, isinasagawa nila ito, inilalagay ang maliliit na mga bisig sa palibot ng leeg ng ina at nagbibigay ng masiglang mga halik. Nasisiyahan sila sa nakapagpapasigla sa puso na emosyonal na pagtugon na tinatanggap nila mula sa kanilang ina bilang bunga. Natututuhan nila ang mahalagang aral na may kaligayahan sa pagbibigay ng pag-ibig gayundin sa pagtanggap nito, na sa paghahasik ng pag-ibig ay inaani nila ito bilang ganti.—Gawa 20:35; Lucas 6:38.”
Sa nakalipas na mga taon, ang pangangailangan ng mga sanggol sa pag-ibig ay pinatotohanan ng maraming mga pag-aaral. Inilathala ng magasing Scientific American ang report na ito: “Kinuha ni René Spitz ng New York Psychoanalytic Institute at ng kaniyang kasamahang si Katherine Wolf, ang kasaysayan ng 91 inampong abandonadong mga sanggol sa gawing silangan ng E.U. at Canada. Nasumpungan nila na ang mga sanggol ay pare-parehong kakikitaan ng katibayan ng pagkabalisa at kalungkutan. Ang kanilang pisikal na paglaki ay nahahadlangan at hindi sila bumibigat sa timbang sa normal na paraan o namayat pa nga. Ang mga yugto ng matagal na insomia ay hinahalinhan ng mga yugto ng pagkatuliro. Sa 91, iniulat nina Spitz at Wolf, na 34 ang namatay ‘sa kabila ng mabuting pagkain at maingat na medikal na pangangalaga.’”
Isang saykayatris sa Florida ang nagsabi: “Ang isang bata na hindi gaanong niyayapos o pinapangko ay maaaring lumaki na mahiyain, malamig ang loob o malayô. . . . Ang pisikal na pagkakadaiti ng katawan ng magulang at ng anak ay napakahalaga sa pagpapalaki ng anak anupa’t sa ilang mga kaso ang mga bata na hindi gaanong niyayapos o pinapangko sa unang taon ng kanilang mga buhay ay namamatay.”
Ganito ang sabi ng isang report tungkol sa mga tuklas ni Dr. James Prescott ng National Institute of Health: “Mula sa pagsilang, maraming Amerikano ang pinagkakaitan ng isang bagay na maaaring humadlang sa kanilang pagiging mga kriminal, may sakit sa isip o marahas na mga adulto. Ang isang bagay na iyon ay ang paghaplos o paghipo at pisikal na pagmamahal—isang uri ng ‘kasiyahan sa pandamdam’ na kinakailangan ng mga tao na kasinghalaga ng pangangailangan nila ng pagkain.” Ang Psychology Today ay sumasang-ayon. Tungkol sa pangangailangan ng sanggol na hipuin at ipaghele, sabi nito: “Yamang ang mga sistema ring iyon ang umiimpluwensiya sa mga sentro ng utak na nauugnay sa karahasan, . . . ang sanggol na pinagkaitan nito ay maaaring magkaroon ng problema sa pagsupil ng marahas na mga impulso bilang isang adulto.”
Ang Journal of Lifetime Living ay minsang nagsabi: “Ang mga saykayatris, sa kanilang masigasig na pakikipagbaka laban sa sakit sa isip, ay sa wakas naghinuha na ang malaking sanhi ng mga sakit sa isip ay ang kawalan ng pag-ibig. Nasumpungan ng mga sikologo sa bata, na nagtatalo sa may iskedyul na pagpapakain laban sa pagpapakain ayon sa pangangailangan, pagpalo laban sa hindi pagpalo, na hindi gaanong mahalaga ito basta ang bata ay minamahal. Nasumpungan ng mga sosyologo na ang pag-ibig ang sagot sa delingkuwensiya, nasumpungan ng mga kriminologo na ito ang sagot sa krimen, nasumpungan ng pulitikal na mga siyentipiko na ito ang sagot sa digmaan.”
Maaaring nasumpungan nila ang kasagutan, subalit maliwanag na hindi nila ikinakapit ito. Si Dr. Claude A. Frazier ay nagbabala na kung ang ating teknolohikal na lipunan ay hindi gagawing makatao sa pamamagitan ng pag-ibig, “ang mapagpipilian, gaya ng tiyak na mauunawaan natin ngayon, ay isang bansa ng mga lunsod na naging kagubatan ng pagkakapootan, ng mga pamilyang sinisira ng mapait na labanan, ng mga kabataang nagnanais tumakas sa pamamagitan ng mga droga at kamatayan, at ng isang daigdig na handang magpakamatay sa anumang sandali.”
Sinabi rin ni Frazier: “Bilang isang manggagamot, nasumpungan ko na marami sa mga pasyenteng nakikita ko araw-araw ang nagdurusa sa mga karamdaman na sa paano man ay dala ng emosyonal na kasalatang ito. . . . Ang mga karamdamang karaniwan nang binabanggit sa kontekstong ito ay yaong mga bagay na gaya ng sakit sa ulo, mga sakit sa likod, ulser, sakit sa puso. Gayunman, dinaragdagan pa ng ilang medikal na mananaliksik ang talaan upang isama ang nakatatakot na mga sakit na gaya ng kanser.”
Kung paanong ang mapagmalasakit na mga kaugnayan sa tao at ang pag-ibig ay kapaki-pakinabang sa ating kalusugan, ang hindi pagkakaroon ng kasama ay maaaring maging nakapipinsala. Ang mga panggigipit ng modernong pamumuhay, mga wasak na tahanan, mga pamilya ng nagsosolong magulang, ang emosyonal na pinabayaang mga bata, ang kahibangan sa materyal na mga bagay, ang pagguho ng moral, ang pagbagsak ng tunay na mga pagpapahalaga—lahat ng ito ay nakadaragdag sa di-katatagan at kalungkutan na pumipinsala sa ating kalusugan. Ipinagpapatuloy pa itong lubusan ni James J. Lynch sa kaniyang aklat na The Broken Heart—The Medical Consequences of Loneliness. “Ang halaga na ibinabayad natin dahil sa hindi natin pag-unawa sa ating biyolohikal na mga pangangailangan sa pag-ibig at kasamang tao,” sabi niya, “ay sa wakas maaaring singilin sa atin mismong mga puso at mga daluyan ng dugo. . . . Doon sa ating mga puso ay ipinababanaag ang isang biyolohikal na saligan ng ating pangangailangan para sa maibiging mga kaugnayan sa tao, na hindi natin tinutugunan o tinutupad sa ating ikapapahamak.”
Ang serum cholesterol ay iniuugnay hindi lamang sa pagkain kundi gayundin sa emosyonal na kaigtingan. Maaari rin nitong pataasin ang presyon ng dugo. Ang sakit sa puso ang sanhi ng 55 porsiyento ng lahat ng mga kamatayan sa Estados Unidos, at mas maraming namamatay na mga taong nag-iisa. Sabi ni Lynch: “Ang bilang ng mga namamatay dahilan sa sakit sa puso sa gitna niyaong mga Amerikanong adulto na walang asawa ay kapuna-puna—ang dami ng namamatay dahil sa sakit sa puso ay dalawa hanggang limang ulit na mas mataas sa mga taong walang asawa, kabilang na yaong mga diborsiyado, balo, o walang asawa, kaysa mga Amerikanong may asawa.” Ipinakikita ng siyentipikong mga pag-aaral kamakailan na ang kapanglawan ay maaaring makasamâ sa sistema ng imyunidad ng katawan, ginagawa itong mas madaling tablan ng sakit. Ang kapanglawan ay mapanganib sa iyong kalusugan. Kahit na si Adan ay nakadama ng kakulangan nito sa isang paraisong hardin. Nakita ng Diyos na hindi mabuti para sa tao na mag-isa at ibinigay sa kaniya si Eva.—Genesis 2:18, 20-23.
Kung tayo ay nakahiwalay at nasa kadiliman at sa isang napakatahimik na kapaligiran, tayo ay masisiraan ng bait. Kailangan natin ng kapahayagan ng pagmamahal sa ating mga pandamdam upang panatilihin ang ating katinuan. Sapagkat tayo ay likas na mahilig sa pakikipagkapuwa, kailangan natin ang kapahayagan ng pagmamahal mula sa ibang tao. Kailangan natin ng kasama kahit na walang pag-uusap. Kailangan natin ang pagpapalitan ng mga damdamin. Ang mga salitang nakaaaliw ay mabuti, subalit ang salitang walang damdamin ay hindi pumapawi ng kapanglawan. Maaaring magkaroon ng pakikipagtalastasan na mas matindi kaysa maaaring ipahayag ng mga salita.
Gayon ang kalagayan ng isang babae na nag-aalalang minamasdang mabuti ang mukha ng kaniyang asawa kapag ito ay naliligalig at ipinahahatid sa asawang lalaki ang nakapagpapagaling na lakas mula sa kaniyang sarili. O ang kaso ng 75-anyos na lalaki sa isang intensive-care unit na nakababatid na siya ay mamamatay at na ang tanging munting kahilingan ay—na ang kaniyang maybahay sa loob ng 48 taon ay manatili sa kaniyang tabi. Na ginawa naman ng maybahay niya, na sa buong panahon ay magiliw na hinahaplos ang kaniyang kamay, mapayapang nakikipagtalastasan sa kaniya na higit pa sa magagawa ng mga salita. O sa isang mas matindi pang antas, ang nars na sa pamamagitan ng magiliw na paghawak sa kamay ng isang tao na nasa mahimbing na pagkatulog (coma) at humihinga sa pamamagitan ng isang makina ay pinababagal ang tibok ng puso at pinabababa ang presyon ng dugo, ay nagpapangyari sa isa na pahalagahan ang kapangyarihan ng paghipo ng tao.
“Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili,” sabi ni Jesus, sumisipi mula sa Kautusang Mosaiko. (Marcos 12:31; Levitico 19:18) Hindi ito nangangahulugan ng labis na pagpuri sa sarili o pagkamalasarili. Bagkus, ang pagkilala sa mga pagkakamali, pagsisisi, paghingi ng kapatawaran, pagsisikap na gumawa ng mas mabuti—ang pamamaraang ito ay nagpapahintulot sa atin na igalang ang ating mga sarili at tamuhin ang kapatawaran ng Diyos. “Inaalaala na tayo’y alabok,” may kaawaang pinatatawad niya tayo, at ang kaniyang kapatawaran ay nakababawas ng mga damdamin ng pagkakasala na sa ibang paraan ay naibubunton natin sa iba, na sumisira sa ating kaugnayan sa kanila. (Awit 103:14; 1 Juan 1:9) Kaya sa ganitong paraan maaari nating tanggapin ang ating mga sarili, ibigin ang ating mga sarili, at pagkatapos ay ibigin ang iba na gaya ng pag-ibig natin sa ating sarili. Ibigin mo ang iyong sarili nang hindi mo hinahanapan ng kasakdalan ang iyong sarili; ibigin mo ang iba nang hindi mo sila hinahanapan ng kasakdalan.
Ang ganitong uri ng pag-ibig ay pinakamabuting mailalarawan sa pamamagitan ng kung ano ang ginagawa nito at kung ano ang hindi ginagawa nito: “Ang pag-ibig ay matiisin at magandang-loob. Ang pag-ibig ay hindi nananaghili, ito’y hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo, hindi nag-uugaling mahalay, hindi hinahanap ang sariling kapakanan, hindi nayayamot. Hindi inaalumana ang masama. Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan. Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis. Ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman.”—1 Corinto 13:4-8.
Nais mo bang ibigin sa kamangha-manghang paraang ito? Kung gayon maghasik ka nito upang umani nito. Isagawa mo ito gaya ng pag-eehersisyo mo sa isang kalamnan. Palakihin mo ito, paramihin, hanggang sa mapunô ka nito, at maging bahagi mo. Pagkatapos patunayan mo na ito ay buháy sa pamamagitan ng maibiging mga gawa. “Ugaliin ninyo ang pagbibigay,” sabi ni Jesus, “at kayo’y bibigyan ng mga tao. Takal na mabuti, pikpik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat sa panukat na inyong isinusukat ay doon din naman kayo susukatin.” (Lucas 6:38) Sa pagbibigay ay inuudyukan mo ang iba na maging mapagbigay, at ang lahat ay nakikibahagi sa kagalakan. Gaya ng sinabi rin ni Jesus: “May higit na kaligayahan ang magbigay kaysa tumanggap.” (Gawa 20:35) Ang pinakadakilang anyo ng pagbibigay ay ang pagbibigay ng iyong sarili—ng iyong panahon, ng iyong pansin, ng iyong awa, ng iyong pag-unawa. “Tratuhin [ninyo] ang iba kung paanong nais ninyong tratuhin nila kayo.” (Mateo 7:12, The New English Bible) Makipagtalastasan. Makibahagi sa kanilang mga damdamin, mga kagalakan, at maging sa kanilang mga kalungkutan. At higit sa lahat, ibigay ang iyong sarili sa Diyos.—Awit 40:7, 8; Hebreo 10:8, 9.
Ang Bibliya ay nagsasabi na ang “Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Ang marami ay tumututol, ‘Kung ang Diyos ay pag-ibig, bakit niya ipinahihintulot ang kabalakyutan?’ Layunin niya na wakasan ang lahat ng kabalakyutan, subalit iniaantala niya dahilan sa pag-ibig niya sa atin: “Hindi mabagal si Jehova tungkol sa kaniyang pangako, gaya ng pagkamabagal na palagay ng iba, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapahamak kundi ang ibig niya’y magsisi ang lahat.” (2 Pedro 3:9) Dala ng kaniyang awa ipinahihintulot niya ngayon ang kabalakyutan, upang ang mga nagsisisi ay huminto na sa paggawa nito at mabuhay. (Ezekiel 33:14-16) Subalit sa kaniyang takdang panahon wawakasan niya ang kabalakyutan sa pamamagitan ng pagpuksa roon sa mga nagpapatuloy rito. Wawakasan niya ang digmaan sa pamamagitan ng pagwawakas sa mga nagsusulsol ng digmaan. Wawakasan niya ang krimen sa pamamagitan ng pagwawakas sa mga kriminal, wawakasan niya ang pulosyon sa pamamagitan ng pagwawakas sa mga nagpaparumi, wawakasan niya ang malubhang imoralidad, panggagahasa, insesto, at kalisyaan sa pagwawakas doon sa mga nananatili sa paggawa nito. Ang lahat ng kabalakyutan ay magwawakas kapag winakasan ng Diyos ang lahat ng mga manggagawa ng kabalakyutan. Sa paggawa ng gayon ipinakikita niya ang pag-ibig doon sa mga nagnanais mamuhay sa kapayapaan at katuwiran. (Awit 37:10, 11; Kawikaan 2:21, 22) Gaya ng nalalaman ng sinumang hardinero, kailangang alisin ang mga damo upang lumago ang mga bulaklak.
Sapagkat ang Diyos ay pag-ibig, nilikha niya ang lupa at inilagay rito ang tao at inilaan ang mga ani nito para sa lahat, kapuwa sa mga mabuti at masama: “Pinasisikat niya sa mga taong balakyot at pati sa mabubuti ang kaniyang araw at nagpapaulan sa mga taong matuwid at di-matuwid.” (Mateo 5:45) Sapagkat ang Diyos ay pag-ibig, wawakasan niya ang sakit at kamatayan. Inilaan na niya ang paraan ng kaligtasan para sa lahat ng tao: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Sapagkat ang Diyos ay pag-ibig, kaniyang “ipinadarama ang kaniyang pag-ibig sa atin sa paraan na, samantalang mga makasalanan pa tayo noon, si Kristo ay namatay alang-alang sa atin.” (Roma 5:8) Sinisisi ng marami ang Diyos sa pagpapahintulot sa kabalakyutan bagaman sila ay nasisiyahan sa paggawa nito, subalit yaong nagpapasalamat sa kaniyang pag-ibig ay tumutugon na kakaiba: “Tayo’y umiibig, sapagkat siya ang unang umibig sa atin.”—1 Juan 4:19.
Sa daigdig na ito, may kakulangan ng pag-ibig sa Diyos at may kakulangan ng pag-ibig sa kapuwa, subalit walang kakulangan sa pag-ibig ng Diyos para sa tao. At ang pag-ibig niya sa atin ang siya nating pinakamalaking pangangailangan.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Blurb sa pahina 4]
“Sa paghahasik ng pag-ibig ay inaani nila ito”
[Blurb sa pahina 5]
“Ang malaking sanhi ng mga sakit sa isip ay ang kawalan ng pag-ibig”
[Blurb sa pahina 6]
Kailangan natin ang kapahayagan ng pagmamahal sa ating mga pandamdam upang panatilihin ang ating katinuan
[Blurb sa pahina 7]
Makibahagi sa kanilang mga damdamin, mga kagalakan, at maging sa kanilang mga kalungkutan