Nagbago ng Direksiyon ang Pangglobong Paninigarilyo
Samantalang ang dumaraming bilang ng mga Europeo at mga Amerikano ay pinapatay ang kanilang huling sigarilyo, isang dumaraming pangkat ng mga maninirahan sa Third World ang ibinibigay ang kanilang kakaunting kita upang sindihan ang kanilang unang sigarilyo. Ano ang dahilan ng pagbabagong ito ng direksiyon sa pangglobong paninigarilyo?
Binago ng mga kampaniya sa impormasyon sa Kanluraning daigdig na naglalantad sa nakapipinsalang mga epekto ng paninigarilyo ang saloobin ng mga tao tungkol sa paggamit ng tabako. Bunga nito, ipinakikita ng isang pag-aaral kamakailan na isinagawa ng American Cancer Society at ng iba pang mga organisasyon sa kalusugan na sa nakalipas na 20 taon ang dami ng mga maninigarilyo sa Estados Unidos ay patuloy na bumababa.
Sa kabaligtaran, ang paninigarilyo sa mga bansa sa Third World ay kumakalat na parang malaking sunog. Ang dahilan? Sang-ayon sa WHO (World Health Organization), ang pangunahing dahilan ay ang agresibong mga kampaniya sa pag-aanunsiyo na isinasagawa ng “walang konsiyensiyang mga industriya ng tabako.” Tinatakpan ng mga ahensiyang ito ang katotohanan na, sa buong daigdig, isang milyong tao isang taon ang namamatay dahil sa mga sakit na nauugnay sa paninigarilyo. Ang magasing Olandes na Internationale Samenwerking (Internasyonal na Pakikipagtulungan) ay nag-uulat na ang industriya ng tabako ay gumugol ng dalawa at kalahating bilyong dolyar sa pag-aanunsiyo noon lamang 1984—halos pitong milyong dolyar sa bawat araw! Ang mga anunsiyo na gaya ng “ ‘Varsity’: For That Fine Clear Head Feeling” o “ ‘Gold Leaf’: Very Important Cigarettes for Very Important People” ay kumukumbinse sa mga tao sa nagpapaunlad na mga bansa na ang paninigarilyo ay nauugnay sa pag-unlad, kalayaan, at kagalingan sa paglalaro at “sumasagisag sa kasaganaan.”
Karagdagan pa, ang nilalamang tar at nikotina ng mga sigarilyong ipinagbibili sa Third World ay nilayon na mas matapang kaysa roon sa ipinagbibili sa Kanluraning mga lupain, sabi ng aklat na Roken welbeschouwd (Paninigarilyo—Pagkatapos Isaalang-alang ang Lahat ng Bagay). Bakit? Sa ganitong paraan, ang mga tao ay mas madaling magumon upang kapag unti-unting ibinaba ng mga kompaniya ng tabako ang antas ng tar at nikotina, ang mga maninigarilyo ay mapipilitang bumili ng higit pang sigarilyo upang masapatan ang kanilang masidhing paghahangad sa nikotina. Ang resulta? Malakas na benta ng sigarilyo. Taun-taon ang nakukunsumong tabako sa mga bansang iyon ay tumaas ng 2.1 porsiyento. Gayunman, ang pagtugon ng mga pamahalaan sa Third World ay nagpapatuloy na ‘walang sigla.’ Bakit? Para sa maraming pamahalaan, ang produksiyon ng tabako ay nagbibigay ng isang pinagmumulan ng kita.