Mula sa Aming mga Mambabasa
Kulang sa Buwan Mayroon akong anak na babae, ngayo’y nasa ikatlong taon sa junior high school. Napansin ko sa nakalipas na mga taon na ang kaniyang kakayahan sa pagbabasa at pakikinig ay mahina. Sa pagsisikap kong pasiglahin siya, nakapagsabi ako ng mga salitang tiyak na malupit sa kaniyang mga pandinig. Gayunman, nang mabasa ko ang inyong artikulo, nagunita ko na ang aking anak na babae ay isa ring kulang sa buwan. (“Isinilang na Maaga, Isinilang na Maliit,” Pebrero 22, 1989) Tinulungan ako ng inyong artikulo na matanto na dapat kong isaalang-alang ang kaniyang background kapag nakikitungo sa kaniya.
A. I., Hapón
Maraming-maraming salamat sa inyong sensitibo at timbang na paglapit. Pinaiyak ako ng inyong mga artikulo. Pinasasalamatan ko lalo na ang inyong pagkilala na ang maliliit na taong ito ay mayroong mga damdamin at na ang maibiging pangangalaga ng ina at ng pamilya ay malaki ang maitutulong sa kanilang kapakanan.
J. J., Estados Unidos
Mga Paniki Pinahahalagahan ko ang inyong artikulo tungkol sa mga paniki. (Enero 22, 1989) Talagang itinigil ko ang pagbasa nito dahil sa maisip ko lamang ang mga ito ay kinikilabutan na ako. Ngayon pagkatapos kong mabasa ang artikulo, maaari ko nang pahalagahan ito. Sa mga larawan, para bang ang babait nila, walang malay na mga hayop. Nakasumpong pa nga ako ng katatawanan sa kanilang mumunting mga mukha. Ang mga nilalang ni Jehova ay tiyak na maganda.
C.S., Estados Unidos
Nawala ng 20 Taon Ang karanasan ni Tiyo Jimmy ay nagpasigla sa akin nang lubos. (Disyembre 8, 1988) Mayroon akong leukemia, subalit ako’y nakakikilos nang mahusay. Paminsan-minsan ako ay nanlulumo at nararanasan ko ang panahong ‘sa aba ko.’ Subalit, ngayon, ginugunita ko kung papaanong ang pananampalataya ni Tiyo Jimmy ay nakatulong sa kaniya sa mahihirap na panahon. Hinding-hindi ko siya malilimutan.
J. B., Estados Unidos
Naantig ang damdamin ng aking walong-taóng-gulang na anak na babae sa karanasan ni Tiyo Jimmy anupa’t siya’y naupo at sumulat sa kaniya. (Sa katunayan, kung siya ang masusunod, sasakay kami ng kotse at magbibiyahe sa Estados Unidos upang dalawin siya.) Siya ay sumulat kay Jimmy: “Talagang nakapagpapatibay na mabasa na kapag sinisikap ng mga taong pahintuin kayo sa paglilingkod kay Jehova, basta sumisige kayo. Ako po’y walong taóng gulang, at inaasahan ko po na ako ay magiging kasintatag ninyo sa [pananampalatayang Kristiyano].”
J. R., Canada
Kalungkutan Isang kamag-aral ko ang nagsabi: “Malamig ang pakikitungo sa akin ng mga babae sa aking klase, at walang gustong makipagkaibigan sa akin.” Kinabukasan dinala ko sa kaniya ang artikulong “Paano Ko Papawiin ang Aking Kalungkutan?” sa Agosto 8, 1987, na labas ng Gumising! Talagang hindi ko inaasahan na babasahin ito ng batang babaing ito. Subalit kinabukasan sinabi niya sa akin: “Binasa ko ito pagdating na pagdating ko sa bahay. Mayroon ka pa ba nito?” Binigyan ko siya ng iba pang mga artikulo sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” na inaakala kong makakainteres sa kaniya. Pagkalipas ng ilang araw, tuwang-tuwang sinabi niya sa akin: “Nagkaroon ako ng mga kaibigan gaya ng sabi ng magasing iyon!” Bunga nito, kami ngayon ay magkasamang nag-aaral ng Bibliya.
M. S., Hapón
Mga Crush sa Kasekso Ako’y isang 17-anyos na babae, at matagal ko nang itinatanong sa aking sarili, ‘Mayroon bang diperensiya sa akin?’ Hindi kapani-paniwalang ako’y naginhawahan nang mabasa ko ang inyong artikulo sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” tungkol sa paksang iyan mismo. (Abril 8, 1989) Nakagiginhawang malaman na may mga iba ring nakadarama na gaya ko, at na balang araw ito ay kalalakhan din. Maraming-maraming salamat!
M. R., Estados Unidos