Pahina Dos
Sa siglong ito, lubusang dinagdagan ng siyensiya ang ating kaalaman sa likas na daigdig sa ating paligid. Ang mga teleskopyo nito ay nagsiwalat ng kasindak-sindak na mga kababalaghan ng mabituing kalangitan, kung paanong ang mga mikroskopyo nito ay naglantad ng kagila-gilalas na mga kasalimuotan ng mga molékulá at atomo. Ang mga kababalaghan ng disenyo sa mga halaman at hayop, ang karunungang naaaninag sa atin mismong mga katawang ginawa sa kakila-kilabot at kagila-gilalas na paraan—ang kaalamang ito ay nakakamit din natin sa pamamagitan ng mga tuklas ng masisipag na mga siyentipiko. At pinahahalagahan natin ito.
Subalit may isa pang mukha ang siyensiya. Hindi lahat ng mga nagsasagawa nito ay nakakaabot sa larawan ng makatuwiran, masigasig na mga tagapagtaguyod ng katotohanan, saanman ito humantong. Napakaraming siyentipiko ang pumipili lamang ng materyal na sumusuporta sa kanilang mga teoriya at iwinawaksi yaong hindi. Nag-uulat sila ng mga pag-aaral na hindi nila isinagawa at mga eksperimentong hindi nila kailan man ginawa, at kanilang hinuhuwad ang anumang hindi nila mapatunayan. Kanilang pinapláhiyó ang mga sinulat ng kapuwa nila siyentipiko. Marami ang umaangkin sa pagiging may-akda ng mga artikulong hindi nila pinagpagalan at marahil ay hindi man lamang nila nakita kailanman!
Ang tahasang pandaraya ay maaaring bihira, subalit ang ilan sa pagdudoktor ng mga datos na binanggit sa itaas ay pangkaraniwan. Gayumpaman, higit na pangkaraniwan, ay ang dalawang karagdagang uri ng pandaraya, kapuwa nagsasangkot ng mapanlinlang na propaganda. Susuriin ng sumusunod na apat na mga artikulo ang suliranin.