Mula sa mga Kamalig Tungo sa mga Istadyum
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Espanya
MULA sa taas ng buról hanggang sa dalampasigan, isang pamilyar na bahagi ng tanawin sa Galicia, hilagang-kanluran ng Espanya, ay ang hórreo. Bihirang homestead sa Galicia ang wala nito. Karaniwang yari sa granito o kahoy at walang salang napalalamutian ng isang krus, ang hórreo ay mapagkakamalang isang libingan ng pamilya.
Gayunman, ang layunin nito ay mas makamundo. Ito’y isang maliit na kamalig, o bangan, na ginagamit upang panatilihing tuyo ang mais, patatas, at iba pang ani sa mahalumigmig na mga buwan ng taglamig. Ang tulad-kabuting mga haligi na pinagpapatungan nito ay ginagamit upang linlangin ang mga daga, na gustung-gustong magpista sa ani.
Subalit 30 taon ang nakalipas, ang isang partikular na hórreo sa isang maliit na nayon ng Xeoane ay inalisan ng krus nito. (Tingnan ang larawan sa itaas.) Ang maliit na kamalig na ito—mga 10 metro kuwadrado lamang—ay nagsilbi bilang ang kauna-unahang lihim na dakong pinagtitipunan ng mga Saksi ni Jehova sa Galicia. Kasindami ng 23 mga Saksi ang nagsisiksikan sa maliit na lugar na ito, dumarating at umaalis sa gabi upang huwag madakip noong panahon ng diktadura ni Franco.
Ngayon, halos dalawang dekada na ang nakalipas mula nang ang mga Saksi ni Jehova ay pagkalooban ng relihiyosong kalayaan sa Espanya. Kamakailan, ang mga Saksi sa Galicia ay nagdaos ng kanilang taunang pandistritong kombensiyon. Isang pahayagan sa rehiyon, ang La Voz de Galicia, ay nagsabi:
“Kung papaanong ang sinaunang mga Kristiyano ay nagtipun-tipon sa mga katakumba sa Roma upang idaos ang kanilang mga seremonya, na ipinagbabawal ng mga autoridad, sa gayunding paraan ginamit ng unang mga Saksi ni Jehova sa Galicia, noong mga taon ng 1950’s, ang isang hórreo. . . . Ngayon mayroon nang 4,000 [mga Saksi] sa apat na lalawigan ng Galicia. . . . Sa ngayon, ang kanilang dakong pinagtitipunan—ang isports istadyum ng munisipyo—ay mas malaki.” Talagang malayung-malayo ito sa hamak na hórreo na iyon! At ngayon, sa buong Espanya, may 80,000 mga Saksi sa mahigit na isang libong mga kongregasyon!
[Larawan sa pahina 24]
Malaking kombensiyon sa football istadyum sa Barcelona