Nang Mawasak ang mga Pangarap sa Kapayapaan
KAKAUNTING tao ang umaasa na ang 1914 ay mapapaiba sa isang karaniwang taon. Sa katunayan, ang hinaharap ay tila man din di-pangkaraniwang maaliwalas sa mga tao noong nagligad na mga taon. Ang siyensiya ay nakauulos laban sa sakit. At ang digmaan? Bueno, gaya ng sabi ng pahayagang L’Osservatore Romano noong Pebrero 1991, bago ang 1914 ang publiko “ay naniniwalang ang digmaan ay itinapon na sa pinakamalayong pusod ng alaala ng kasaysayan” at na ang tao sa wakas ay namumuhay sa “isang panahon kung saan ang digmaan ay ipinagbawal na ng naliwanagang mga tao at mga pamahalaan.”
Gayunman, ang 1914 at ang kasunod na mga taon ay may nakalaang malupit na mga sorpresa para sa kampanteng sangkatauhan. Ang una ay ang tinatawag na Malaking Digmaan ng 1914-18 na nagwasak sa mga pangarap sa kapayapaan. Sa katunayan, tinawag ito ng L’Osservatore Romano na “ang unang malaking pagpapatayan sa modernong kasaysayan, tinatandaan, kabilang sa ibang mga bagay, ng teknikal na mga tuklas na pinaniwalaan ng dakilang mga siyentipiko noong unang mga salinlahi na itatalaga sa mapayapang mga layunin.” Ginawang katatawanan ng digmaan ang siyensiya bilang isang paraan upang makamit ang kapayapaan, sa halip, binigyan ng siyensiya ang digmaan ng walang katulad na kakayahan para sa lansakang pagpatay.
At nang matapos na ang pagpatay ng digmaan, nagsimula ang isa pang pagpatay. Ang trangkaso Espanyola ng 1918-19 ay kumitil ng mahigit na 20 milyon katao—mas marami kaysa namatay noong Malaking Digmaang mismo. Ang wala nang pag-asang mga hakbang ay kinuha; ang pagkakalat ng sakit ay ipinahayag na isang krimen sa ilang bansa. Inaaresto pa nga ng mga pulis ang mga taong bumabahin sa publiko! Subalit hindi rin ito nakatulong. Tulad ng isang bagyo, ang sakit ay hindi napigilan sa pagkalat hanggang sa magsawa ito. Ang buong mga bayan ay napalis. Ang mga bangkay ay pinagpapatung-patong sa mga morge.
Ang panahon ng pagbabago na dala ng 1914 ay nag-iwan sa tao na susuray-suray. Ang kaniyang mga kahibangan tungkol sa tagumpay sa digmaan at sa sakit, ang kaniyang mga pangarap sa isang kapayapaang pandaigdig na winasak ng karunungan ng tao, ay nagkagula-gulanit. At habang patuloy na lumulubha ang mga bagay-bagay, habang ang Malaking Digmaan ay ibinaba sa Digmaang Pandaigdig I ng pagkalaki-laking digmaang kasunod nito, ang Digmaang Pandaigdig II, habang ang sakit, karalitaan, gutom, at katampalasanan ay patuloy na pumuputok sa buong daigdig na parang epidemya, nakilala ng mga mananalaysay ang 1914 bilang isang malaking pagbabago sa kasaysayan ng tao.
Subalit di-gaya ng daigdig sa pangkalahatan, inaasahan ng International Students (gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova noon) ang 1914 ay magiging isang mahalagang taon bago pa ito dumating. At mga taon mula noon, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagtataka na makita ang daigdig na sumamâ nang sumamâ sa walang pag-asang lusak na kinasadlakan nito ngayon. Tinulungan sila ng mga hula sa Bibliya na asahan ang mga pangyayaring ito at makita pa nga ang isang maluwalhating panahon ng pag-asa sa kabila niyan. Paano naging posible iyan? Sa susunod na pagkakataong dumalaw sa inyo ang mga Saksi ni Jehova, baka gusto ninyo itong itanong sa kanila. O maaari kayong sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Muling iginuhit mula sa mga gawa ni Franklin Booth