Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g93 1/8 p. 32
  • Kalayaan sa Pagsamba—Pagkaraan ng 500 Taon!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kalayaan sa Pagsamba—Pagkaraan ng 500 Taon!
  • Gumising!—1993
Gumising!—1993
g93 1/8 p. 32

Kalayaan sa Pagsamba​—Pagkaraan ng 500 Taon!

LIMANG DAANG taon ang nakalipas, si Christopher Columbus ay naglayag mula sa Espanya. Isang araw lamang bago umalis si Columbus, isa pang plota ang umalis ng Espanya, patungo sa ibang direksiyon. Si Columbus at ang kaniyang mga tauhan ay nagbalik na matagumpay, sa pagtuklas ng bagong mga lupain. Subalit hindi na kailanman nakitang muli ng ibang sawing-palad na mga naglayag ang kanilang lupang tinubuan.

Sinu-sino ang mga taong ito, at bakit sila pinalayas mula sa kanilang bansa? Sila’y mga Kastilang Judio. Dalawang linggo bago tanggapin ni Columbus ang pagtaguyod ng hari’t reyna para sa kaniyang paglalayag upang tumuklas, sina Ferdinand at Isabella, ang Katolikong mga soberano ng Espanya, ay naglabas ng isang utos na nagpapaalis sa lahat ng mga Judio sa Espanya, “kailanman ay huwag nang babalik pa.” Pinaratangan nila ang mga Kastilang Judio ng pagsasagawa ng mga krimen laban sa banal na pananampalatayang Katoliko.

Ang utos na ito, pati na ang bagong katatatag na Inkisisyon, ay nagtanda sa pasimula ng isang krusada upang gawin ang Espanya na tanging Katoliko. Isang dekada pagkatapos ng pagpapalayas sa mga Judio, sinumang Moro na nagsasagawa ng pananampalatayang Islam ay ipinatapon din. At mabilis na nalipol ng Inkisisyon ang sumisibol na mga pangkat na Protestante. Si Columbus, na tinutularan ang hindi mapagparayang espiritu ng kaniyang maharlikang mga tagapagtaguyod, ay bumanggit tungkol sa hindi pagsama sa mga Judio sa anumang lupain na maaaring matuklasan niya.

Ang espiritu ng hindi pagpaparaya sa relihiyon sa Espanya ay nananatili, kahit na hanggang sa siglong ito. Sa ilalim ng diktadura ni Francisco Franco, ang relihiyong Katoliko lamang ang nagtatamasa ng “opisyal na proteksiyon.” Marami na nagnanais magsagawa ng ibang pananampalataya ay di makatuwirang dinakip. Ang mga Saksi ni Jehova sa Espanya ay ibinilanggo sa paratang na paglabag sa espirituwal na pagkakaisa ng Espanya. Noong 1959 tinagubilinan ng ministro ng gobyerno na si Camilo Alonso Vega ang pulisya na ipagpatuloy ang “paglipol” sa mga gawain ng mga Saksi. Subalit nakatutuwa naman, nagbago na ang mga panahon.

Noong Marso 31, 1992, eksaktong limang daang taon pagkatapos na lagdaan ng kaniyang mga sinundan ang batas na nagpapaalis sa mga Judio, dinalaw ni Juan Carlos, ang kasalukuyang hari ng Espanya, ang isang sinagoga sa Madrid sa isang simbolikong pagtatagpo ng Soberanyang Kastila sa mga inapo niyaong ipinatapong mga Kastilang Judio.

“Atin nang tinapos ang hindi pagpaparaya sa Espanya,” sabi ng Kastilang ministro ng hustisya, si Tomás de la Quadra-Salcedo. Ngayon ang mga Judio, Muslim, at mga Protestante ay sumasamba nang walang hadlang. At ang mga Saksi ni Jehova ay wala na sa ilalim ng pagbabawal. Ipinagmamalaki ng Madrid ang isang bagong moske at isang sinagoga, gayundin ang tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Espanya. May mahigit na 90,000 aktibong mga miyembro, ang mga Saksi ay itinuturing na pinakamalaking hindi Katolikong relihiyon sa Espanya.

Kung nais mong magkaroon ng higit na impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova at sa kanilang mga paniwala, pakisuyong sumulat sa Watchtower, P.O. Box 2044, 1099 Manila, o sa pinakamalapit na direksiyon na nakatala sa pahina 5.

[Larawan sa pahina 32]

Sangay ng Samahang Watch Tower sa Espanya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share