‘Wala pa akong nakilalang Saksi ni Jehova na hindi ko naibigan’
NAKATAGPO ka na ba ng isa sa mga Saksi ni Jehova na nakaharap mo? Nagkaroon ka ba ng pagkakataon na suriin kung ano talaga ang paniniwala nila? Marahil nagkaroon ka ng maikling pakikiharap sa isang Saksi sa inyong kalye o sa inyong pinto mismo. Subalit kalimitang iyan ay hindi nagpapahintulot ng panahon para sa isang tunay na pag-uusap.
Si George Plagenz, isang kolumnista sa relihiyon sa E.U., ay sumulat ng kaniyang mga karanasan tungkol sa mga Saksi: “Kung sisipiin ko ang [Amerikanong mapagpatawa] na si Will Rogers, na nagsabi na kailanman ay wala pa siyang nakilalang tao na hindi niya naibigan, wala pa akong nakilalang Saksi ni Jehova na hindi ko naibigan.”
Pagkatapos ay sinipi ni Plagenz ang awtor na taga-Ireland na si Alan Bestic: “Ang karaniwang manggagawa ng kilusang ito na matinding nililibak ay masisigla, masasaya at maliligayang tao. Sa kanilang internasyonal na asamblea sa London [Inglatera], ako’y pinakitunguhan sa pinakamabait, magalang at tunay na palakaibigang paraan ng bawat Saksing nakilala ko.”
Sinabi ni Plagenz na ang dating agresibong mga paraan ng pagbabahay-bahay ng ilang Saksi ay lumikha ng matinding pagkapoot. “Subalit nabago na ang karamihan diyan.” Pagkatapos ay sinipi niya ang isang Saksing tagapagsalita: “Ang karamihan sa mga Saksi ngayon ay dating pinagsasarhan ng pinto ang isang dumadalaw na Saksi.” Bakit may higit na positibong pagtugon sa ngayon? “Nagsisimulang matanto ng mga tao . . . na hindi malulunasan ng tao ang dambuhalang mga suliranin na nakakaharap ng daigdig.”
Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang tanging ganap na kasagutan sa mga suliranin ng sangkatauhan ay ipinahihiwatig sa panalangin ni Jesus: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos, na kinikilala ng mababait at maaamong tao, ang siyang tanging solusyon sa karahasan at pagkapoot na kasalukuyang nararanasan ng daigdig. Kung nais ninyong matuto ng higit tungkol sa Bibliya at sa mga turo nito, pakisuyong makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa malapit na Kingdom Hall, o sumulat sa pinakamalapit na direksiyong nakatala sa pahina 5.