Ang Sanlibutan bang Ito’y Makaliligtas?
Ang nakatatawag-pansing tanong na iyan ang pamagat ng isang tract na ipinamamahagi ng mga Saksi ni Jehova. Noong nakaraang taon isang residente sa Washington, D.C., ang tumanggap ng tract na ito at sinabi niya na natawag ang kaniyang pansin. Siya’y sumulat:
“Maliwanag sa isa na nakatira sa kabisera ng ating bansa na ang daigdig ay talagang dumarating na sa isang wakas. Ang Hilagang Ireland, ang dating Yugoslavia, ang dating mga republika ng Unyong Sobyet, ay pawang nagpapatotoo sa kadiliman at sigalutan na sumasalot sa daigdig na ito sa ngayon. Umaapaw na mga bilangguan, bagong mga epidemya ng tuberkulosis at salot na itim, pawang pinatutunayan ang punto na ginawa ninyo sa inyong tract.”
Ang lalaking ito ay humiling: “Pakisuyong padalhan ninyo ako ng higit pang impormasyon tungkol sa inyong kakaibang punto de bista, at ang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya na iniaalok ninyo.”
Itinuturo ng mga Saksi ni Jehova sa mga tao kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kinabukasan ng tao. Kung nais mo ng isang kopya ng nabanggit na tract o nais mo ng isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya, pakisuyong sumulat sa Watch Tower, P.O. Box 2044, 1099 Manila, o sa angkop na direksiyon na nakatala sa pahina 5.