Ang Maraming-gamit na Furoshiki
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HAPÓN
Ang furoshiki ay isang Hapones na telang pambalot—isang kakaibang telang pambalot. Maganda itong tingnan. Kanais-nais itong salatin. At napakaganda ng pagkakatali nito. Ang pagpili at pagtatali ng furoshiki ay naging isang sining, na ipinasa sa sali’t saling lahi sa mahigit na isang libong taon na.
ANG anumang tela ay hindi basta maaaring maging furoshiki. Ang kulay, disenyo, at ang materyal ay pawang dapat isaalang-alang. Ang okasyon din ang tumitiyak kung anong furoshiki ang gagamitin. Halimbawa, ang isang regalo ay maaaring ihatid na nakabalot sa isang furoshiki na seda kung saan ang tradisyonal na mga piling disenyo, gaya ng mga bulaklak ng cherry o plum, ay nakatatak. Kung minsan maaari pa ngang igiit ng tagapagbigay sa binigyan na tanggapin ang pambalot bilang bahagi ng regalo.
Mangyari pa, ang telang pambalot ay maaaring makuha sa iba’t ibang laki at umangkop sa iba’t ibang layunin. Ang bilugang mga pakwan ay maaaring ibalot sa mga ito, o maging ang matataas na bote ng alak na galing sa bigas. Ang ilang furoshiki ay totoong napakalalaki anupat ang tatlo o apat na nilulon na mga gamit sa kama ay maibabalot sa mga ito. Ang malalaking furoshiki na ito ay karaniwang koton at lalong kinagigiliwan ng maliliit na bata na gustung-gustong gamitin ang mga ito na kunwaring mga damit. Kung ang kakaibang sukat naman ang pag-uusapan, ang ilang kabataan ay gumagamit ng napakaliliit na tela. Sa katunayan, kung titingnan ang mga baunan ng mga bata ay magsisiwalat ito ng mga bimpo sa mukha at mga panyo na ginagamit din bilang mumunting furoshiki. Kapag kinalag ng mga bata ang munting mga furoshiki na ito upang kainin ang kanilang pananghalian, ang malilinis na tela ay nagsisilbing mga napkin sa mesa. Kaya naman, ang karamihan ng furoshiki ay halos kasinlaki ng isang kudradong bandana.
Ang karaniwang gamit ng furoshiki sa Hapón ay upang ilagay ang bagay para balutin nang palihis sa tela, sa gitna. Kung ang ibabalot ay biluhaba, ang labis na materyal sa tabi ay maayos na itinitiklop sa palibot ng binabalot, una sa isang tabi pagkatapos sa kabila naman upang ang magkabilang tabi ay maitupi sa magkaibang direksiyon. Iniiwan nito ang dalawang tabi ng materyal na nakausli sa magkabilang dulo. Ngayon ay gagawin mo na ang pinakamahirap na bahagi. Ang magkabilang tabi na ito ay maayos na palilibutin sa balutan at ibubuhol nang dalawang beses. Pangkaraniwan na, ito’y magiging isang maliit na buhol na magmumukhang isang marikit na paruparo pagka natapos na. Gayunman, depende sa laki ng balutan, ang “mga pakpak” ng paruparo ay maaaring higit na magmukhang kumakampay na mga tainga ng kuneho. Pero may pag-asa pa! Ilang sandali lamang ang mga ito’y magiging isang magandang laso.
Para naman sa kudradong balutan, ang magkabilang mga dulo ng furoshiki ay itinatali sa ibabaw ng balutan, na may magkapatong na buhol anupat isang buhol lamang ang makikita. Magagawa ng mga Hapones na kalagin ang mahigpit na tali at ayusin ito sa kaakit-akit na pumpon sa ibabaw. Ang simpleng hugis ay napakaayos. Bagaman ang balutan ay mabibitbit sa buhol, sa kaso ng regalo, karaniwan nang ito’y inaalalayan mula sa ilalim upang maingatan ang hugis.
Ang salitang furoshiki ay literal na nangangahulugang “balutan sa paliligo,” isang kataga na naging kilala noong ika-17 siglo. Noong panahong iyon, dahil sa sila’y sinasakmal ng takot sa sunog, sinikap ng mga tao na iwasang magsindi ng apoy sa kanilang mga bahay para mag-init ng tubig na pampaligo. Wala silang nagawa kundi ang pumunta sa pampublikong paliguan. Doon ay kanilang inilaladlad ang kanilang parisukat na tela, naghuhubad, at ginagamit ito upang balutin ang kanilang mga damit habang sila’y naliligo. Ang pampublikong mga paliguan ay halos naglaho na, subalit ang pangalang furoshiki, “balutan sa paliligo,” ay ginagamit pa rin.
Sa panahon na ang mga tradisyon ay mabilis na naglalaho, ang furoshiki ay nananatili. Karamihan sa mga pamilya ang nagsasabi na sila’y nagtataglay ng halos walong furoshiki, at ang mga salansanan ng bagahe ng ubod-bilis na mga bullet train sa Hapón ay waring nagpapatunay sa kanilang mga sinasabi. Ang mga pasahero na nakadamit pang-Kanluran ay umaangkop nang husto sa pagsasama ng luma at bago, ng tradisyunal at makabago.
Panandaliang bumaba ang benta nang ang mga tindahan ay nagsimulang magbigay sa kanilang mga parokyano ng mga plastik bag at malalaking papel na bag. Gayunman, nabaligtad ang pangyayari. Ang mga etiketa ng kilalang mga designer at ang modernong mga disenyo ang nagpangyaring maging lubhang kaakit-akit ang furoshiki sa mga palasunod sa moda na kabataang mga babae. Ang isang furoshiki ay bumabagay sa isang kimono sa isang paraan na hindi kailanman nagawa ng balat na bag. Kaya kapag ang kimono ay ginamit para sa pantanging mga okasyon, ginagamit din ang furoshiki para sa malalaking balutan.
Totoo, maraming bagay ang masasabi sa mga telang pambalot. Ang furoshiki na yari sa likas na mga hibla ay hindi nakasasama sa kapaligiran. Ang mga ito ay magagamit nang paulit-ulit. Ito ay maliliit. Ang mga ito’y magaan. Madaling bitbitin ang mga ito. Nagiging bag ang mga ito na may iba’t ibang hugis o laki nang walang-anu-ano. Sa mga kamay ng humahangang banyagang mga turista na hindi nakaaalam kung ano ang furoshiki, ang mga ito’y nagiging magagandang scarf at mga palamuti sa mesa. At kamakailan nagsimulang gumaya ang mga Hapones sa mga banyaga at gumamit na rin ng furoshiki sa katulad na paraan, ginamit din ito bilang mga panapin sa mesa, tinagni-tagning mga quilt, epron, palamuti sa dingding, at anumang bagay na maiisip nila. Sa katunayan, natutuklasan pa ng mga tao kung gaano karaming gamit ng furoshiki.