Kristiyanong Pag-ibig sa Gitna ng mga Sakuna sa Mexico
ISANG pahayagan sa Lungsod ng Mexico ang nag-ulat: “Noong nakalipas na 20 araw, ang likas na mga di-pangkaraniwang pangyayari—mga bagyo at isang lindol—ay humampas sa mga baybayin ng Mexico na nag-iwan ng mga bakas ng kamatayan at pagkawasak.”—El Financiero, Oktubre 17, 1995.
Ang mga estado ng Campeche, Quintana Roo, at Tabasco sa Mexico ay matinding pininsala ng Bagyong Opal maaga noong Oktubre. Halos 200 ang namatay, mahigit na 150 ang nasugatan, 500,000 ang nawalan, at libu-libong tahanan ang napinsala o lubusang nasira.
Karaka-raka nang mabalitaan ng tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico ang tungkol sa pinsala, may ipinadala sila upang alamin kung ano ang kalagayan ng mga Saksi sa apektadong mga lugar. Napag-alaman na mahigit na 2,500 sa kanila ang napilitang umalis ng kani-kanilang bahay. Ang mga ito’y may kabaitang tinanggap sa tahanan ng kapuwa mga Saksi.
Nag-organisa ng mga relief center. Naglaan ng pagkain, pananamit, at pera para sa nangangailangan. Nang humupa na ang mga tubig ng baha, sinimulang itayong-muli ng mga Saksi ang tahanan ng kanilang Kristiyanong mga kapatid.
Noong Oktubre 9, isang malakas na lindol na sumusukat ng 7.6 sa Richter scale ay puminsala sa mga estado ng Colima at Jalisco sa Mexico. Walong Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova ay malubhang nasira. Labindalawa sa kanilang mga bahay ang bumagsak, at halos 65 ang nasira. Minsan pa, isang komite sa pagtulong ang inorganisa, at ang tulong ay inilaan.
Pagkatapos, noong Oktubre 20, isa pang lindol ang humampas, niyanig ang estado ng Chiapas. Ang mga bahay ng 88 pang mga Saksi ay nasira, at 38 ang malubhang nasira. Dalawang Kingdom Hall ang lubusang nawasak, at apat pa ang grabe ang pagkasira. Halos kasabay nito, ang mga baha na kaugnay ng Bagyong Roxanne ay puminsala sa mga bahay ng halos 80 Saksi sa estado ng Veracruz. Apat na bahay ang lubusang nasira. Isang pondo para sa pagtulong na itinatag ng mga Saksi ni Jehova ay agad ding naglaan para sa mga biktimang ito.
Bagaman ang ilang Saksi ay nagkaroon ng mga galos at mga baling buto, walang isa man ang namatay sa likas na mga sakunang ito. Lahat-lahat, 24 na tonelada ng pagkain at 4 na tonelada ng damit ang ipinadala sa mga nangangailangan. Maraming nagmamasid ang humanga sa gawaing pagtulong. Isang babae sa Colima ang nagsabi: “Nabalitaan ko lamang na ang mga Saksi ni Jehova ay talagang nagkakaisa, subalit ngayon ay nakikita ko ito ng akin mismong mga mata.”
Kadalasang ganito ang sinasabi ng mga tao tungkol sa mga Saksi at sa kanilang gawaing pagtulong: “Sila’y talagang magkakapatid.” “Sila ang mas mahusay na organisadong grupo.” Ang ilan ay narinig pa ngang nagsabi: “Kung ang lahat ng mga grupong tumutulong na naparito upang tumulong ay nagtrabaho na gaya ng mga Saksi ni Jehova, ang buong nayon ay malinis na sana.”
Ibinabahagi ngayon ng mahigit na 440,000 Saksi ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa kanilang mga kapuwa Mexicano. Ang pag-ibig na ipinakikita nila sa isa’t isa sa panahong ito ng likas na mga sakuna kamakailan ay nagbibigay ng isang malakas na patotoo.—Juan 13:34, 35.