Pinahalagahan sa Hungary ang Literatura sa Bibliya
Isang guro sa Balmazújváros ang sumulat sa tanggapang sangay ng Watch Tower sa Hungary: “Nakita ko ang isang aklat na nakatawag ng aking pansin. Kung maaari, pakisuyong padalhan ninyo ako ng isang kopya. Ang pamagat ay Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya.” Pagkatapos maging pamilyar sa aklat na ito, isang punong-guro ng paaralan sa Budapest ang humiling: “Nais naming pumidido ng 20 kopya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya para sa Mababang Paaralan No. 6.”
Isang tao mula sa Balatonboglár na nakabasa sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas ang sumulat: “Ang aklat ay pumupukaw sa kaisipan, at ang salig-Bibliyang mga sagot na ibinibigay dito ay tumpak. Ang aklat ay nakatulong nang husto sa akin, at nasumpungan ko ang mga sagot sa aking mga katanungan. Nais kong patibayin pa ang aking pananampalataya. Kaya nga, kung maaari, pakisuyong padalhan ninyo ako ng mga publikasyon tungkol sa Bibliya.”
Ang mga Saksi ni Jehova ay nalulugod na maglaan ng tulong sa mga nagnanais lumago sa kaalaman sa Bibliya. Kung nais mong tumanggap ng isang kopya ng isa sa alinmang aklat na nabanggit sa itaas o nais mong may dumalaw sa iyong tahanan upang ipakipag-usap sa iyo ang Bibliya, pakisuyong sumulat sa Watch Tower, P.O. Box 2044, 1099 Manila, o sa angkop na direksiyon na nakatala sa pahina 5.