“Dalhan Mo Ako ng Apatnapu. Ipamamahagi Ko ang mga Ito”
Bilang bahagi ng kanilang gawaing pagtuturo sa Bibliya sa gawing timog ng Alemanya, inalukan nina Wolfgang at ng kaniyang maybahay, si Waltraut, ang isang lalaki sa ilang pagkakataon ng mga kopya ng Gumising! Ang lalaki ay laging tumatanggi, at nagsasabi: “Napakarami ko nang babasahin.”
Gayunman, napagwari ng mag-asawa na maaaring basahin ng lalaki ang artikulong “Pag-aalis ng mga Maling Akala Tungkol sa mga Saksi ni Jehova,” sa labas ng Nobyembre 22, 1996, ng Gumising! Ang artikulo ay tungkol sa isang pahayag na binigkas sa isang Rotary Club sa California sa Estados Unidos.
Nang buklatin ni Wolfgang ang magasin sa artikulong iyon at ipinakita ito sa lalaki, binasa ito ng lalaki. Nagtanong siya kung maaari niyang kunin ito. “Babasahin ko ito mamayang gabi kapag medyo tahimik na,” aniya.
Natagpuan ni Wolfgang at ng kaniyang maybahay ang lalaki pagkalipas ng tatlong araw. Ano ang kaniyang reaksiyon? “Talagang napakaganda ng artikulong ito,” ang sabi niya.
Bakit gayon na lamang ang kaniyang paghanga? Tila siya mismo ay may mga maling akala sa mga Saksi ni Jehova. Natitiyak na niya ngayon na magugustuhan ng kaniyang mga kaibigan sa Rotary Club na basahin ang artikulo. “Maaari mo ba akong dalhan ng maraming kopya ng artikulo?” ang tanong niya.
“Ilan po ang gusto ninyo?” ang tanong ni Waltraut.
“Dalhan mo ako ng apatnapu. Ipamamahagi ko ang mga ito.”
Kung ibig mong magkaroon ng kopya ng Gumising! o ibig mong magkaroon ng libreng pantahanang pag-aaral ng Bibliya, pakisuyong sumulat sa Watch Tower, P.O. Box 2044, 1060 Manila, o sa pinakamalapit na direksiyon na nakatala sa pahina 5.