“Ang Pasasalamat Ko sa mga Saksi Dahil sa Isang Kaayaayang Sabado”
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NORWAY
Pinamagatan ni Eivind Blikstad, isang kolumnista para sa pahayagang Telemark Arbeiderblad ng Norway, ang kaniyang artikulo ng gaya ng nasa itaas. Una, ipinahayag niya ang kaniyang pagkayamot sa hindi hinihiling na mga pagbebenta na ipinadadala sa koreo, mga pagbebenta sa telepono, at mga pagdalaw sa bahay—lalo kung umaga ng Sabado. Pagkatapos ay sumulat siya:
“Walang anu-ano, naroon sila. Sa aking pinto. Ang mga Saksi ni Jehova. Sabado ng umaga. Dala ang kanilang magasing Gumising!, No. 17, Setyembre 8, 1996. [“Mga Amerikanong Indian—Anong Kinabukasan ang Naghihintay sa Kanila?”] Tinanong nila ako kung gusto kong basahin ang magasin sapagkat ito’y naglalaman ng isang bagay na sa palagay nila’y magkakainteres ako. . . . Bago ko pa masabing hindi ako interesado, sinabi pa ng isa sa kanila: ‘May artikulo tungkol sa mga Amerikanong Indian. Alam namin na kayo’y maraming isinusulat tungkol sa paksang ito.’
“Hindi na ako makatanggi. Sapagkat kapag napukaw ang iyong kayabangan, naglalaho ang lahat mong pagmamatigas. Sa loob ng bahay, sa mesa habang nag-aagahan, naging mausisa ako. Talagang pambihirang kombinasyon ang mga Saksi ni Jehova at ang kinabukasan ng mga Amerikanong Indian. Isinuot ko ang aking salamin at ako’y nagbasa. Alam mo, may kaunting pagmamalaki, binasa ko ito taglay ang saloobing isa lamang itong pag-aaksaya ng panahon.
“Sa maikli, ang artikulo na inihaharap ng mga Saksi tungkol sa kalagayan ng mga Amerikanong Indian ay hindi lamang magaling—napakagaling nito. Iminumungkahi ko na talikdan ng mga Norwegong guro ang kanilang maling akala. Pumidido ng mga kopya para sa lahat sa inyong klase! Ang gamit ng mga pinagkunang reperensiya ay kapuri-puri, at ang pagtuturo ay tulad-kristal sa linaw. Lubusang matapat din ito sa mga isyu kung saan ang mga palagay ng mga Indian ay naiiba sa mga Saksi. Walang bakas ng pandaraya. Ang isang problema sa ilang mga reserbadong lupa para sa mga Indian ay ang tungkol sa pagtatayo ng mga pasugalan. Ang mga ito’y nagbibigay ng kinakailangang trabaho, subalit mayroon ding moral na mga implikasyon. Ang problema ay may kahusayang iniharap sa paraan na nauunawaan ng mambabasa kung paano maging isang Indian sa ating siglo.”
Si Blikstad ay nagtapos: “Palibhasa’y nasiyahan sa aking pagbabasa, binasa ko ang iba pa sa Gumising! Karagdagan pa, may makabagbag-damdaming artikulo tungkol sa mga kapilya at mga simbahan na nagsasara sa minahan sa libis ng Rhondda, sa Wales. . . .
“Naiwala ko na ba nang lubusan ang aking opinyon? Isang ateistikong tumanggap sa paniniwala ng mga Saksi nang walang pagtutol? . . . Hindi ngayon. Kailangan natin sa tuwina ng mga paalaala tungkol sa kahalagahan ng pag-aalis sa mga panirang-damo ng pagtatangi. Sa susunod na pagkakataong mabalitaan kong pinararatangan ang mga Saksi ng pagsisinungaling, sa paano man ay alam kong hindi sila nagsinungaling tungkol sa mga Indian.”
Dahil sa isang pantanging pangangailangan para sa labas ng Gumising! tungkol sa mga Katutubong Amerikano, 37,000 karagdagang kopya ang inilimbag sa mga palimbagan ng Samahang Watchtower sa New York. Isang kongregasyon sa Arizona ang humiling ng 10,000 para sa pantanging pagkubre sa kanilang teritoryo.
Kung gusto mong magkaroon ng walang-pagtatanging pagtingin sa mga Saksi ni Jehova, pakisuyong sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito, na ginagamit ang pinakamalapit na direksiyon na nakatala sa pahina 5, o dumalaw sa Kingdom Hall sa inyong lugar. Walang obligasyon, walang bayad. Matapat na mga kasagutan lamang.
[Picture Credit Lines sa pahina 31]
Mukha ng Indian: D. F. Barry Photograph, Thomas M. Heski Collection; nagsasayaw na Indian: Men: A Pictorial Archive from Nineteenth-Century Sources/Dover Publications, Inc.; mga tepee: Leslie’s; disenyong hugis-parihaba: Decorative Art; mga disenyong hugis-bilog: Authentic Indian Designs