Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 1/22 p. 3
  • Ang Kirot ng Pagpapahintulot na Bumukod

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kirot ng Pagpapahintulot na Bumukod
  • Gumising!—1998
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Nagsosolong Magulang, Maraming Problema
    Gumising!—2002
  • Maligayang Buhay sa Isang Bakanteng Pugad
    Gumising!—1998
  • Mga Magulang—Maging Magandang Halimbawa sa Inyong mga Anak
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Mga Magulang—Sanayin ang Inyong mga Anak sa Maibiging Paraan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 1/22 p. 3

Ang Kirot ng Pagpapahintulot na Bumukod

“Ako’y binalaan ng aking asawa nang isilang ko ang panganay naming sanggol​—‘Ang pagpapalaki ng mga anak, mahal, ay mahabang proseso ng pagpapahintulot na bumukod.’”​—Ourselves and Our Children​—A Book by and for Parents.

KARAMIHAN sa mga magulang ay maligaya​—tuwang-tuwa pa nga​—kapag isinilang ang kanilang panganay na anak. Sa kabila ng lahat ng kaabalahan, kahirapan, kirot, kabiguan, at mga kabalisahan na dala ng pagiging magulang, ang mga anak ay maaaring pagmulan ng malaking kagalakan. Mga tatlong libong taon na ang nakalipas, sinabi ng Bibliya: “Ang mga anak ay regalo mula sa PANGINOON; sila’y tunay na pagpapala.”​—Awit 127:3, Today’s English Version.

Gayunman, binanggit din sa Bibliya ang mabigat na hulang ito: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina.” (Genesis 2:24) Sa iba’t ibang kadahilanan, ang malalaki nang anak ay karaniwan nang bumubukod​—upang magtaguyod ng isang edukasyon o isang karera, upang palawakin ang kanilang ministeryong Kristiyano, upang mag-asawa. Subalit para sa ilang magulang, ang katotohanang ito ay napakasakit. Hinahayaan nilang ang likas na pagsisikap ng kanilang mga anak na magsarili ang maging dahilan upang sila​—gaya ng pagkakasabi rito ng isang manunulat​—ay “makadama na sila’y iniinsulto, nilalapastangan, hinihiya, pinagbabantaan o itinatakwil.” Ito’y kadalasang humahantong sa walang-katapusang alitan at tensiyon sa pamilya. Palibhasa’y hindi matanggap ang araw na lilisanin na ng kanilang mga anak ang tahanan, hindi naihanda ng ilang magulang ang mga ito sa pagkaadulto. Ang resulta ng gayong pagpapabaya ay maaaring maging napakasama: mga adultong hindi handang mangasiwa sa isang tahanan, mangalaga sa pamilya, o makapanatili pa nga sa trabaho.

Ang kirot ng paghihiwalay ay lalo nang matindi sa mga pamilyang may nagsosolong magulang. Ganito ang sabi ng isang nagsosolong magulang na nagngangalang Karen: “Kaming mag-ina ay malapit sa isa’t isa; nagkaroon kami ng isang tunay na buklod ng pagkakaibigan. Saanman ako magtungo, kasama ko siya.” Ang malapit na ugnayang magulang-anak ay karaniwan na sa mga sambahayan na may nagsosolong magulang. Talaga naman, napakasakit isipin na mawawala na ang gayong malapit na ugnayan sa isa’t isa.

Gayunman, ang aklat na Traits of a Healthy Family ay nagpapaalaala sa mga magulang: “Talagang ganiyan ang buhay ng pamilya: ang magpalaki ng isang pasusuhing sanggol tungo sa pagiging isang independiyenteng adulto.” Saka ito nagbabala: “Bumabangon ang maraming problema sa mga pamilya dahil sa hindi kaya ng mga magulang na bumukod ang mga anak.”

Kumusta ka naman? Ikaw ba’y isang magulang? Kung gayon, handa ka na ba sa pagdating ng araw na kailangan mo nang hayaan ang iyong mga anak na bumukod? At kumusta naman ang iyong mga anak? Inihahanda mo ba sila upang magtagumpay sa kanilang pagsasarili?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share