Isang Relihiyosong Perya
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Italya
NOON ay Pebrero 1995 nang magsimulang kumalat ang balita tungkol sa inaakalang isang modernong-panahong himala: Isang imahen ng Madonna sa Civitavecchia ang di-umano’y nakitang lumuluha ng dugo. Mula noon, ang mga Katoliko mula sa iba’t ibang panig ng daigdig ay naglakbay upang kanila mismong makita ang imahen.
Gayunman, ayon sa pahayagang La Repubblica, maraming Katoliko ang naiinis sa “kapaligiran ng isang perya” sa palibot ng dako ng mga turista. Maging ang ilang teologo ay nababahala sa mga pulutong na dumaragsa upang sambahin ang imahen. Halimbawa, pinuna ni Luigi Pizzolato, isang guro sa Katolikong Unibersidad ng Milan, ang simbahan dahil sa pagiging kontento na sa isang pananampalatayang “pukáw sa emosyon.” Sinabi niya na ang bunga na iniluluwal ng ganitong di-umano’y himala ay “sinira ng pamahiin.” Ipinaalaala sa atin ng isa pang teologo, si Carlo Molari, na “sa Bagong Tipan, isang Simon Magus ang gumamit ng di-pangkaraniwang kapangyarihan para sa kaniyang sariling layunin—upang magkasalapi, ang masasabi natin sa ngayon.”—Gawa 8:9-24.
Nagbabala si Jesus sa kaniyang mga alagad na mag-ingat sa mga magsasagawa ng “mga dakilang tanda at mga kababalaghan.” (Mateo 24:3, 24) Kahit na ang gayong mga tanda ay waring totoo, ang pananampalataya ng isang Kristiyano ay hindi maaaring nakasalig sa diumano’y mga himala. (Hebreo 11:1, 6) Sa halip, sa pamamagitan ng pagkuha ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos at pagkakapit ng payo nito maaaring matamo ang isang matatag na pananampalataya. (Juan 17:3; Roma 10:10, 17; 2 Timoteo 3:16) Ibig mo bang magtaglay ng ganiyang uri ng pananampalataya? Bakit hindi hayaang tulungan ka ng mga Saksi ni Jehova sa susunod na pagdalaw nila?
[Picture Credit Line sa pahina 31]
AGF/La Verde