Mga Kombensiyon—Ayon sa Bibliya
ISANG pagtitipon o pagsasama-sama ng mga tao ukol sa isang espesipikong layunin; isang asamblea. Sa Kasulatan ang salitang “kombensiyon” ay isang pagsasalin mula sa Hebreong salitang miq·raʼʹ, na nangangahulugang “isang pagtawag upang magsama-sama,” o “pagtitipon; pagtawag upang magpulong.” Ang isa pang salin ng Hebreong salitang ito ay “kombokasyon.” Pinatutunayan ang saligang kahulugan nito sa Bilang 10:2 upang itawid ang diwa ng pagtitipon ng kapulungan ng Israel.
Ang mga “banal na kombensiyon” ay nakaiskedyul gaya ng sumusunod: (1) Tuwing Sabbath (Levitico 23:3); (2) sa una at ikapitong araw ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa kapag Nisan, ang unang buwan (Marso-Abril) (Bilang 28:18, 25; Levitico 23:6-8); (3) sa Kapistahan ng mga Sanlinggo o Kapistahan ng Pag-aani, na nakilala nang maglaon bilang Pentecostes, na ginaganap sa ikatlong buwan, ang Sivan (Mayo-Hunyo) (Levitico 23:15-21); (4) sa una at ikasampung araw ng ikapitong buwan, ang Etanim o Tishri (Setyembre-Oktubre), na ang huling araw na binanggit ay ang Araw ng Pagbabayad-Sala (Levitico 23:23-27; Bilang 29:1, 7); (5) sa unang araw ng Kapistahan ng mga Kubol, na nagsisimula sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, ang Etanim o Tishri, at gayundin sa araw pagkatapos ng pitong-araw na kapistahang iyon.—Levitico 23:33-36.
Ang isang naiibang katangian ng lahat ng “banal na kombensiyon” na ito ay na sa mga araw na ito, ang mga tao ay walang gagawing mabigat na gawain. Halimbawa, ang una at ikapitong araw ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa ay mga “banal na kombensiyon,” na tungkol dito ay sinabi ni Jehova: “Walang gawa ang gagawin sa mga araw na iyon. Tanging ang kailangang kainin ng bawat kaluluwa, iyon lamang ang maaari ninyong gawin.” (Exodo 12:15, 16) Gayunman, sa panahon ng mga “banal na kombensiyon,” ang mga saserdote ay abala sa paghahandog ng mga hain kay Jehova (Levitico 23:37, 38), na tiyak namang hindi paglabag sa anumang utos laban sa pagsasagawa ng normal na gawaing pang-araw-araw. Ang mga okasyong ito ay hindi mga yugto ng katamaran para sa mga tao sa pangkalahatan kundi mga panahon ng malaking espirituwal na kapakinabangan. Sa lingguhang araw ng Sabbath, nagpupulong nang sama-sama ang mga tao para sa pangmadlang pagsamba at pagtuturo. Sa gayo’y napatitibay sila ng pangmadlang pagbabasa ng at pagpapaliwanag sa nasusulat na Salita ng Diyos, na gaya ng ginawa nang maglaon sa mga sinagoga. (Gawa 15:21) Kaya bagaman walang ginagawang mabigat na gawain ang mga tao sa araw ng Sabbath o sa iba pang “banal na kombensiyon,” iuukol naman nila ang kanilang mga sarili sa pananalangin at pagbubulay-bulay hinggil sa Maylalang at sa kaniyang mga layunin.