Si Mama at ang Kaniyang Sampung Anak na Babae
AYON SA SALAYSAY NI ESTHER LOZANO
PAREHONG isinilang sina Inay at Itay sa Bitlis, Turkey, mula sa Armenianong mga magulang. Noong unang bahagi ng nakaraang siglo, nang magkaroon ng lansakang pagpatay sa mga Armeniano, umalis ang aming ama sa Turkey at nagpunta sa Estados Unidos. Mga 25 taóng gulang siya noon. Umalis ang mama namin, si Sophia, pagkalipas ng ilang panahon, nang siya’y 12 taóng gulang.
Tila sumang-ayon ang mga magulang ng dalawang pamilya na ipadala ang aming ina sa Estados Unidos upang pakasalan ang aming ama, si Aram Vartanian. Napakabata pa ni Sophia upang mag-asawa nang dumating siya sa Fresno, California, kaya nanirahan muna siya kasama ng kaniyang magiging biyenang babae hanggang sa sumapit siya sa tamang edad.
Ang unang anak ng aming mga magulang ay isang lalaki na pinanganlan nilang Antranig, isang pangalan na nang maglaon ay pinalitan niya ng Barney. Isinilang siya noong Agosto 6, 1914. Ang sumunod na sampung anak ay puro babae. Ang aming ama ay naging isang Estudyante ng Bibliya, na siyang pagkakilala sa mga Saksi ni Jehova noon, nang dalawin ni Shield Toutjian ang Fresno at magbigay ng isang diskurso sa Armenianong komunidad noong 1924. Pagkatapos nito, dinaluhan ng aming buong pamilya ang mga Kristiyanong pagpupulong nang magkakasama.
Noong 1931, lumipat kami sa Oakland, California at umugnay sa kongregasyon doon. Naglingkod si Barney nang tapat kay Jehova sa Napa, California hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1941. Ikatlo ako sa mga babae na isinilang pagkatapos ni Barney, at sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova noong 1935. Pagkatapos daluhan ang mga pulong sa loob ng mga 75 taon, ang aming kapatid na si Ate Agnes ay kamakailan lamang nabautismuhan! Lahat kaming mga babae ay naroroon, at maligayang-maligaya kami na ang pinakahuli sa sampung babae ay bautisado na ngayon.
Nakalulungkot, wala roon si Inay. Kamamatay lamang niya noong taon bago nito sa edad na 100 taon at 2 araw. Iniulat ang kaniyang kamatayan sa pahayagan ng California na Hayward News noong Mayo 14, 1996. Sinabi nito na “gumawa siya ng boluntaryong paglilingkod sa komunidad bilang isang Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng pagtuturo . . . ng Bibliya sa mga interesadong tao sa loob ng 54 na taon.” Sinipi rin ng artikulo ang aming kapatid na si Elizabeth, na nagsabi: “Bukás lagi ang kaniyang bahay at lagi siyang may lugar para sa isa pang tao sa hapag-kainan . . . Palagi niyang sinasabi, ‘Tuloy ka at uminom ka ng kapeng barako,’ at kung napadaan ka kapag nagluto siya ng kaniyang kilaláng baklava pastry, talagang napakapalad mo.”
Ang aming pinakamatandang kapatid na babae, si ate Gladys, ay 85 taóng gulang, at ang aming bunso ay 66 na taóng gulang. Kaming lahat ay aktibong mga Saksi. Tatlo sa amin ang naglingkod bilang mga misyonera nang magtapos kami sa Watchtower Bible School of Gilead. Si Elizabeth, na naninirahan ngayon sa Newport Beach, California, ay kabilang sa ika-13 klase ng paaralan at naglingkod sa Callao, Peru, sa loob ng limang taon. Dinaluhan ni Ruth ang ika-35 klase. Siya at ang kaniyang asawa, si Alvin Stauffer, ay naglingkod bilang mga misyonero sa Australia nang limang taon. Kabilang ako sa ikaapat na klase ng Gilead at noong 1947 ay inatasan ako sa Mexico, kung saan ay pinakasalan ko si Rodolfo Lozano noong 1955.a Pareho kaming naglilingkod sa Mexico mula noon.
Kaming sampung magkakapatid na babae ay lubos na nagpapasalamat dahil sa antas ng kalusugan na tinataglay namin. Pinahihintulutan kami nitong magpatuloy sa paglilingkuran kay Jehova nang aming buong pag-iisip, puso, at lakas hangga’t loobin niya ito—kapuwa ngayon at magpakailanman sa kaniyang bagong sanlibutan.
[Talababa]
a Mababasa ang kaniyang karanasan sa Enero 1, 2001, isyu ng Ang Bantayan.
[Larawan sa pahina 20]
Si Ate Agnes noong kaniyang bautismo, 1997
[Larawan sa pahina 20, 21]
Si Elizabeth noong araw ng kaniyang pagtatapos sa Gilead, 1949
[Larawan sa pahina 21]
Si Esther (sa kanan) sa sangay sa Mexico, 1950
[Larawan sa pahina 21]
Sina Ruth at Alvin Stauffer na naglilingkod bilang mga international servant sa sangay sa Mexico, 1987