“Kung Minsan Akala Ko’y Nananaginip Ako!”
Pinagmamasdang mabuti ni Lourdes ang lunsod mula sa bintana ng kaniyang apartment, habang tinatakpan ng kaniyang mga daliri ang kaniyang nanginginig na bibig. Siya’y isang babaing taga-Latin Amerika na nagdusa sa mga kamay ni Alfredo, ang kaniyang marahas na asawa, sa loob ng mahigit na 20 taon. Si Alfredo ay naganyak na magbago. Gayunman, mahirap pa rin para kay Lourdes na magsalita hinggil sa pisikal at emosyonal na kirot na tiniis niya.
“Nagsimula ito dalawang linggo lamang pagkatapos ng aming kasal,” ang sabi ni Lourdes sa mahinang tinig. “Minsan, natanggal ang dalawang ngipin ko sa suntok niya. Noong minsan naman ay umilag ako, at sumalpok ang kaniyang kamao sa isang aparador. Ngunit mas masakit ang mga panlalait. Tinawag niya akong ‘walang-silbing basura’ at pinakitunguhan ako na parang wala akong isip. Gusto kong lumayas, subalit paano ko magagawa iyon na kasama ang tatlong bata?”
Magiliw na hinawakan ni Alfredo ang balikat ni Lourdes. “Ako’y isang propesyonal na may mataas na ranggo,” ang sabi niya. “Nanliit ako nang bigyan ako ng notisya na humarap sa hukuman at bigyan ng isang utos laban sa pananakit at pagbabanta. Sinikap kong magbago, subalit di-nagtagal at ako’y nagbalik sa dating gawi.”
Paano nagbago ang mga bagay-bagay? “Ang babaing nasa tindahan sa kanto ay isang Saksi ni Jehova,” ang paliwanag ni Lourdes, na ngayo’y makikitang mas kalmado. “Nag-alok siya ng tulong upang maunawaan ko ang Bibliya. Natutuhan ko na pinahahalagahan ng Diyos na Jehova ang mga babae. Nagsimula akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, bagaman sa simula ay lubhang nakagalit ito kay Alfredo. Isang bagong karanasan ito para sa akin na gumugol ng panahon na kasama ng mga kaibigan sa Kingdom Hall. Namangha akong matuklasan na maaari akong magkaroon ng aking sariling mga paniniwala, maipahayag ang mga ito nang may kalayaan, at ituro pa nga ang mga ito sa iba. Natalos ko na pinahahalagahan ako ng Diyos. Ito ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob.
“May isang malaking pagbabago na hinding-hindi ko malilimutan. Si Alfredo ay dumadalo pa rin ng Misang Katoliko tuwing Linggo, at tinututulan niya ang ginagawa ko na kasama ng mga Saksi ni Jehova. Tinitigan ko siya sa mata at mahinahon subalit may pagtitiwala kong sinabi: ‘Alfredo, ang pangmalas mo ay hindi ko pangmalas.’ At hindi niya ako binugbog! Di-nagtagal pagkatapos niyan, ako’y nabautismuhan, at hinding-hindi na niya ako muling binugbog sa loob ng limang taon mula noon.”
Subalit higit pang mga pagbabago ang dumating. Ganito ang paliwanag ni Alfredo: “Mga tatlong taon pagkatapos mabautismuhan si Lourdes, inanyayahan ako ng isang kasamahan na isang Saksi ni Jehova sa kaniyang bahay, at ipinaliwanag niya sa akin ang kamangha-manghang mga bagay mula sa Bibliya. Nagsimula akong mag-aral ng Bibliya na kasama niya nang hindi ko sinasabi sa aking asawa. Di-nagtagal, sinasamahan ko na si Lourdes sa mga pulong. Marami sa mga pahayag na narinig ko roon ay tungkol sa buhay pampamilya, at ang mga ito ay kadalasang nagpadama sa akin ng pagkapahiya.”
Humanga si Alfredo na makita ang mga miyembro ng kongregasyon, pati na ang mga lalaki, na nagwawalis ng sahig pagkatapos ng mga pulong. Nang dumalaw siya sa kanilang mga tahanan, nakita niyang tumutulong ang mga asawang lalaki sa kani-kanilang asawa na maghugas ng pinggan. Ipinakita ng maliliit na insidenteng ito kay Alfredo kung paano gumagawi ang tunay na pag-ibig.
Di-nagtagal pagkatapos niyan, si Alfredo ay nabautismuhan, at silang mag-asawa ay naglilingkod ngayon bilang mga buong-panahong ministro. “Madalas na tinutulungan niya akong magligpit ng mesa pagkatapos kumain at mag-ayos ng higaan,” sabi ni Lourdes. “Pinupuri niya ako sa aking pagluluto, at hinahayaan niya akong pumili—gaya ng kung anong musika ang gusto kong pakinggan o kung anong mga bagay ang bibilhin namin para sa bahay. Ito ang mga bagay na hindi kailanman gagawin ni Alfredo noon! Kamakailan, sa kauna-unahang pagkakataon, binilhan niya ako ng isang pumpon ng mga bulaklak. Kung minsan akala ko’y nananaginip ako!”
[Larawan sa pahina 10]
“Natalos ko na pinahahalagahan ako ng Diyos. Ito ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob”
[Larawan sa pahina 10]
Humanga si Alfredo na makita ang mga miyembro ng kongregasyon, pati na ang mga lalaki, na nagwawalis ng sahig pagkatapos ng mga pulong
[Larawan sa pahina 10]
Nakita niyang tumutulong ang mga asawang lalaki sa kani-kanilang asawa na maghugas ng pinggan
[Larawan sa pahina 10]
“Kamakailan, sa kauna-unahang pagkakataon, binilhan niya ako ng isang pumpon ng mga bulaklak”