Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 11/8 p. 31
  • Halika at Tingnan ang Nopal

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Halika at Tingnan ang Nopal
  • Gumising!—2005
Gumising!—2005
g05 11/8 p. 31

Halika at Tingnan ang Nopal

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Mexico

Ang halamang nopal ay isang uri ng kaktus na bagaman hindi kaakit-akit ay matagal nang bahagi ng buhay ng mga Mexicano. Matatagpuan ang halamang ito sa iba pang lupain sa Amerika​—gayundin sa tigang na mga lupain sa buong daigdig​—ngunit ang kapakinabangan nito ay hindi kaagad napapansin dahil sa matinik ang halamang ito. Tumataas ang halamang ito nang hanggang limang metro. Malalapad at biluhaba ang mga tangkay nito na punô ng tinik, at mayroon itong hugis-peras na bunga na makatas at matamis.

Isang angkop na lugar para sa pagtatanim ng halamang nopal ang bayan ng Milpa Alta, malapit sa Mexico City, at ang mga magbubukid dito ay matagal nang nagluluwas ng mga ito sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. May taunang eksibit pa nga na ginaganap sa Milpa Alta at dito ay may pagkakataon ang mga tao na matikman ang napakarami at sari-saring produkto na gawa sa nopal.

Sa Mexico, karaniwan nang makabibili ng tangkay ng nopal sa mga palengke gayundin sa makabagong mga supermarket. Ibinebenta ang mga ito na linís na at handa nang gamitin.

Karaniwan na, dapat ay sariwa at murà pa ang mga ito para makain. Maraming paraan ng paghahanda rito ang mga Mexicano at inihahain ito kasama ng iba’t ibang uri ng karne. Ang pinakakaraniwang luto rito ay inihaw na tangkay ng nopal na isinasama sa steak, at isang masarap na agahan naman ang binating itlog na may tinadtad na nopal.

Makagagawa rin ng masarap na salad mula sa nilagang tangkay ng nopal na hiniwa nang pakuwadrado, tinadtad na sariwang kamatis, sibuyas, at kulantro, na pinaghalu-halo kasama ng langis ng olibo, suka, at asin. Sa umpisa, maaaring hindi malasa ang mga tangkay ng nopal​—at hindi katakam-takam dahil sa pagiging madulas at medyo malagkit nito​—ngunit sumasarap ito kapag nilagyan ng maanghang-anghang na salsa ng Mexico.

Napakabibilis at sanáy na sanáy ang makaranasang mga magbubukid sa paghihiwa at paglilinis ng mga tangkay ng nopal. Kung gusto mong gawin ito, mag-ingat ka sapagkat marami itong tinik. Makabubuting magsuot ka ng guwantes.

Napag-alaman na ang halamang nopal ay mapakikinabangan bilang gamot. Sinasabi ng National Institute of Nutrition sa Mexico na isa sa mabuting naidudulot nito sa kalusugan ay ang kakayahan nitong pababain ang kabuuang kolesterol at LDL lipoprotein ng isang tao. Inirerekomenda ito ng ilan para sa pagkontrol ng diyabetis. Habang patuloy na pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang hamak na halamang nopal, malamang na matuklasan nila ang iba pang kapakinabangan nito sa kalusugan.

Samantala, bakit hindi mo tikman ang isang tradisyonal na putaheng Mexicano na gawa sa nopal? Marahil sasang-ayon ka na wala sa hitsura ng nopal ang tunay na halaga nito.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share