Sekreto 2: Katapatan sa Sumpaan
“Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—Mateo 19:6.
Ano ito? Isa sa mga susi ng maligayang pagsasama ang tamang pangmalas sa pag-aasawa—na ito’y panghabang-buhay na pagsasama. Kapag may problema, sinisikap itong lutasin sa halip na gawing dahilan para maghiwalay. Kapag tapat ang mag-asawa sa kanilang sumpaan, nagiging panatag sila. Tiwala sila na mananatili silang tapat sa isa’t isa.
Bakit ito mahalaga? Isa sa mga pundasyon ng pag-aasawa ang katapatan sa sumpaan. Pero dahil sa paulit-ulit na di-pagkakasundo, ang sumpaang ito ay nagiging sumpa. Kaya sa diwa, ang pangakong “till death do us part” ay nagiging hanggang sa papel na lamang—isang kontratang pilit nilang hinahanapan ng butas para makalaya rito. Hindi nga sila literal na naghihiwalay, pero hindi naman sila nagpapansinan o nag-uusap kapag may mabibigat na problema.
Subukin ito. Tingnan kung gaano ka katapat sa inyong sumpaan. Gamitin ang sumusunod na mga tanong.
◼ Kapag nagtatalo kami, nagsisisi ba ako na siya ang pinakasalan ko?
◼ Madalas ba akong mangarap na may kasama akong iba?
◼ Minsan ba’y sinasabi ko sa aking asawa, “Iiwan na kita” o “Hahanap ako ng ibang magmamahal sa akin”?
Ang dapat gawin. Mag-isip ng isa o dalawang paraan na magagawa mo para lalo kayong maging tapat sa inyong sumpaan. (Ilang mungkahi: Bigyan ng love note ang iyong asawa paminsan-minsan, magdispley ng litrato niya sa lugar ng trabaho, o kapag nasa trabaho ka, tawagan siya para kumustahin.)
Bakit hindi pag-isipan kung ano pa ang puwede mong gawin, at tanungin ang iyong asawa kung ano ang mas gusto niya?
[Larawan sa pahina 4]
Ang katapatan sa sumpaan ay nagsisilbing halang para hindi malihis sa daan ang inyong pagsasama
[Credit Line]
© Corbis/age fotostock