Sekreto 7: Matibay na Pundasyon
Ano ito? Ang isang bahay ay mananatiling nakatayo sa loob ng maraming taon kung matibay ang pundasyon nito. Ganiyan din sa pamilya. Magiging matagumpay ang pamilya kung matibay ang pundasyon nito, samakatuwid nga, kung susunod sila sa isang mapagkakatiwalaang patnubay.
Bakit ito mahalaga? Napakaraming payo tungkol sa buhay pampamilya ang makukuha sa mga aklat, magasin, at programa sa TV. May ilang tagapayo sa pag-aasawa na humihimok sa mga mag-asawang nagkakaproblema na patuloy na magsama, samantalang hinihimok naman ng iba na maghiwalay ang mga ito. May ilang eksperto naman na nagbabago ng pananaw hinggil dito. Halimbawa, noong 1994, isinulat ng isang kilalang sikologo ng mga tin-edyer na noong nagsisimula pa lang siya sa kaniyang propesyon, iniisip niyang “mas mabuti para sa mga bata na makasama ang isang masayang magulang kaysa dalawang magulang na lagi namang nag-aaway.” Sinabi rin niya na “mas mabuti pang magdiborsiyo kaysa pagtiisan ang magulong pagsasama.” Pero makalipas ang 20 taon, nagbago ang pananaw niya. Sinabi niya: “Kawawa ang mga bata kapag nagdiborsiyo ang mga magulang.”
Talagang nagbabago ang pananaw ng tao. Sa kabaligtaran, ang pinakamahuhusay na payo ay laging kaayon ng sinasabi ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Habang binabasa mo ang seryeng ito, malamang na may napansin kang simulain ng Bibliya sa gawing itaas ng pahina 3-8. Nakatulong ang mga simulaing iyon para maging maligaya ang maraming pamilya. Gaya ng ibang pamilya, nagkakaproblema rin sila. Pero nakatulong ang Bibliya para maging matibay ang pundasyon ng pag-aasawa at buhay pampamilya. Iyan ang maaasahan natin kapag sinusunod ng pamilya ang Bibliya, yamang ang Awtor nito, ang Diyos na Jehova, ang Tagapagpasimula ng pamilya.—2 Timoteo 3:16, 17.
Subukin ito. Isulat ang mga kasulatang nasa itaas na bahagi ng pahina 3 hanggang 8. Isulat din ang ibang mga kasulatan na nakatulong sa iyo, at lagi mo itong basahin.
Ang dapat gawin. Maging determinadong ikapit ang mga payo ng Bibliya sa iyong buhay pampamilya.
[Larawan sa pahina 8, 9]
Kapag nakasalig sa Bibliya ang pundasyon ng inyong pamilya, makakayanan ninyo ang tulad-bagyong mga problema