Puwedeng Magtagumpay Kahit ang Nagsosolong Magulang
PARAMI nang parami ang mga pamilyang nagsosolo ang magulang. Pansinin ito: Sa Estados Unidos lamang, mahigit 13 milyon ang nagsosolong magulang, at karamihan dito ay mga babae. Ayon sa isang pag-aaral, halos kalahati ng lahat ng bata sa bansang iyon ay makakaranas, sa paanuman, na magkaroon ng isa lamang magulang sa panahon ng kanilang kabataan.
Kahit isa kang nagsosolong magulang, tandaan na puwedeng magtagumpay ang iyong pamilya. Subukin ang sumusunod na mga mungkahi.
◼ Iwasan ang pagiging negatibo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang inaapi ay kahabag-habag sa lahat ng araw, ngunit ang masayang puso ay patuloy na nagdiriwang.” (Kawikaan 15:15, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Maaaring hindi laging masaya ang iyong buhay. Pero gaya ng ipinakikita ng talatang ito, ang kaligayahan ay hindi nakasalalay sa sitwasyon ng isa kundi sa kaniyang pananaw sa buhay. (Kawikaan 17:22) Hindi makakatulong kung iisipin mong wala nang pag-asa ang iyong pamilya. Lalo ka lamang panghihinaan ng loob at mahihirapan sa mga pananagutan mo bilang magulang.—Kawikaan 24:10.
Mungkahi: Isulat ang mga negatibong bagay na sinasabi mo tungkol sa iyong sitwasyon. Sa tapat ng bawat isa, isulat ang mga positibong bagay na ipapalit mo rito. Halimbawa, palitan ang “Hindi ko ’to kaya” ng “Kaya ko ’to kahit nagsosolo lang ako. Siguradong may tutulong sa akin.”—Filipos 4:13.
◼ Magbadyet. Pera ang pinakamalaking problema ng maraming nagsosolong magulang—lalo na ng mga babae. Pero makakatulong ang mahusay na pagbabadyet. Sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.” (Kawikaan 22:3) Para maiwasan ang “kapahamakan” na ito, o problema sa pera, napakahalagang magplanong mabuti.
Mungkahi: Gumawa ng listahan ng gastusin sa loob ng isang buwan. Pag-aralang mabuti kung paano ka gumagastos. Mahilig ka bang mangutang? Binibili mo ba ang lahat ng gusto ng mga anak mo para lang hindi nila madamang iisa ang magulang nila? Kung may isip na ang mga anak mo, pag-usapan ninyo kung paano kayo makakatipid. Magandang pagsasanay ito sa kanila. Malay mo, baka may maganda silang ideya!
◼ Huwag makipag-away sa dati mong asawa. Kung pareho kayong may karapatan sa pangangalaga sa anak ninyo, hindi makakatulong kung sisiraan mo siya sa inyong anak—o gagamitin mo ang inyong anak para manmanan siya.a Makipagtulungan sa kaniya sa pagdidisiplina sa inyong anak o sa iba pang bagay na makakaapekto sa bata. Sinasabi ng Bibliya: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao”—pati na sa dati mong asawa.—Roma 12:18.
Mungkahi: Kapag hindi kayo magkasundo ng dati mong asawa, ituring mo siya bilang katrabaho. Sa trabaho, sinisikap mong maging palakaibigan sa lahat—kahit sa isa na hindi mo masyadong gusto. Ganiyan din ang gawin mo sa dati mong asawa. Maaaring hindi kayo laging magkasundo, pero huwag ninyong palakihin ang maliliit na problema.—Lucas 12:58.
◼ Maging mabuting halimbawa. Tanungin ang iyong sarili: ‘Anong katangian at saloobin ang gusto kong matutuhan ng mga anak ko? Nakikita ba nila ito sa akin? Halimbawa, masaya ba ako kahit nagsosolo akong magulang? O iniisip kong wala nang pag-asa ang aking buhay? May samâ pa ba ako ng loob sa asawa ko dahil sa ginawa niya sa akin? O matatag ako kahit hindi makatuwiran ang pakikitungo sa akin ng iba?’ (Kawikaan 15:18) Totoo, hindi madaling harapin ang mga bagay na ito. Pero malamang na tularan ng mga anak mo anuman ang reaksiyon mo.
Mungkahi: Isulat ang tatlong katangian na gusto mong ipakita ng mga anak mo kapag malalaki na sila.b Isulat din kung ano ang magagawa mo ngayon para maipakita ang mga katangiang iyon at maging mabuti kang halimbawa sa kanila.
◼ Alagaan ang iyong sarili. Dahil sa iyong sitwasyon, baka madepres ka at mapabayaan mo na ang iyong kalusugan. Huwag mong hayaang mangyari ito sa iyo! Huwag mo ring pabayaan ang iyong “espirituwal na pangangailangan”! (Mateo 5:3) Tandaan—hindi mo magagamit nang matagal ang cellphone kung lowbat ito. Hindi ka rin makakatagal kung hindi ka “magre-recharge.”
Mayroon ding “panahon ng pagtawa” at “panahon ng pagluksu-lukso.” (Eclesiastes 3:4) Hindi pag-aaksaya ng panahon ang paglilibang. Makakatulong ito para ma-recharge ka at makapagbata bilang nagsosolong magulang.
Mungkahi: Tanungin ang ibang nagsosolong magulang kung paano nila inaalagaan ang kanilang sarili. Habang ‘tinitiyak mo ang mga bagay na higit na mahalaga,’ puwede ka rin namang gumugol ng panahon bawat linggo para gawin ang mga bagay na gusto mo. (Filipos 1:10) Isulat ang mga ito at kung kailan mo ito planong gawin.
[Mga talababa]
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Wasák na Tahanan—Ang Epekto ng Diborsiyo sa mga Tin-edyer,” sa pahina 18-21 ng magasing ito.
b Ang ilan sa mga ito ay “paggalang,” “pagiging makatuwiran,” at “pagpapatawad,” na tinalakay sa pahina 6-8 ng magasing ito.