Manghang-mangha sa Kalikasan!
MARAMI nang natuklasan ang siyensiya tungkol sa uniberso, o kosmos, at sa sistema nito. Mas nauunawaan na ito ngayon ng tao—mula sa pinakamaliliit na bagay na bumubuo sa materya hanggang sa pagkalaki-laking kalawakan. Subalit napakarami pa ring hindi alam ang tao.
Ang ating Lupa ay katiting na bahagi lang ng napakalawak na uniberso. Pero sa tahanan nating ito, manghang-mangha tayo sa napakakomplikado, ngunit napakagandang mga bagay sa kalikasan—makapigil-hiningang tanawin, magandang bulaklak, kahanga-hangang balahibo ng ibon, mga pakpak ng paruparo, waring nag-aapoy na paglubog ng araw, o ngiti ng isang minamahal.
Dahil sa sapat na katibayang makikita sa pisikal na uniberso, marami ang naniniwala na mayroon itong isang matalinong Pinagmulan. Ayon sa kanila, ang mga batas ng pisika ay para bang isinaayos nang husto para masustinihan ang buhay. Kung iibahin ang pagkakaayos ng uniberso, kahit bahagyang-bahagya lang, imposibleng may mabuhay. Pero heto, kahit saan tayo tumingin, makakakita tayo ng iba’t ibang uri ng mga nilalang.
Isinulat ng kosmologong si Paul Davies: “Ang galaw at pagbabago ng kosmos ay nagpapahiwatig na may layunin ang uniberso . . . Ang kalikasan ay hindi bunga ng basta sunud-sunod na pagbabago ng mga bagay-bagay. Bunga ito ng masalimuot ngunit mahusay na pagkakatugma ng mga batas ng matematika.” May mga siyentipikong sang-ayon kay Davies. Mayroon ding hindi.
Halimbawa, ang pisikong si Steven Weinberg, na ginawaran ng Nobel Prize, ay nagsabi: “Habang waring higit nating nauunawaan ang uniberso, lalong higit na lumilitaw na wala itong layunin.” Pero sinabi rin ni Weinberg na “kung minsan, higit pa sa kagandahan ang makikita sa kalikasan. . . . Hindi ko maiwasang isipin na sa paanuman, ang lahat ng kagandahang ito ay nariyan para sa ating kapakinabangan.”
Ano ba talaga ang totoo? Kung napakaayos ng uniberso, tiyak na mayroon itong Dalubhasang Tagapagsaayos—isang Disenyador, isang Maylalang—na may layunin, hindi ba? May layunin nga kaya ang ating buhay at ang ating uniberso? O bunga lang tayo ng mga prosesong walang direksiyon? Sasagutin ito ng sumusunod na mga artikulo.