ARALIN 53
Ang Tagapakinig ay Napatibay at Napalakas
ANUMAN ang mga suliraning napapaharap sa kanila, ang mga lingkod ng Diyos ay dapat na makasumpong ng pampatibay-loob sa kongregasyong Kristiyano. Upang mangyari ito, kailangang tiyakin lalo na ng matatanda na ang kanilang mga pahayag at payo ay nakapagpapatibay. Ang matatanda ay dapat na maging “gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan, gaya ng mga bukal ng tubig sa lupaing walang tubig, gaya ng lilim ng malaking bato sa lupaypay na lupain.”—Isa. 32:2.
Kung ikaw ay isang matanda, ang iyo bang mga pahayag ay naglalaan ng kaginhawahan at kaaliwan? Ang mga ito ba ay nagpapasigla sa mga nagsisikap na maglingkod kay Jehova nang tapat? Ang mga ito ba ay nagbibigay-lakas upang makapagbata sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos sa kabila ng kawalang-interes o pagsalansang ng madla? Kumusta kung ang ilan sa iyong tagapakinig ay nanlulumo, nagdurusa sa bigat ng matitinding kagipitan sa kabuhayan, o nakikipaglaban sa isang malubhang karamdaman na wala pang natutuklasang kagamutan? ‘Mapalalakas mo ang iyong mga kapatid sa pamamagitan ng mga salita ng iyong bibig.’—Job 16:5.
Gamitin ang taglay mong pagkakataon bilang isang tagapagsalita upang tulungan ang iyong mga kapatid na magtamo ng pag-asa at lakas mula kay Jehova at sa mga probisyon na kaniyang inilaan.—Roma 15:13; Efe. 6:10.
Alalahanin Kung Ano ang Ginawa ni Jehova. Ang isang mahalagang paraan upang magpasigla sa pagkakaroon ng lakas ng loob ay ang pagpapakita kung paano tinulungan ni Jehova ang kaniyang bayan na malampasan ang mga kahirapan noong una.—Roma 15:4.
Sinabi ni Jehova kay Moises na “patibayin” at “palakasin” si Josue bago pumasok ang Israel sa Lupang Pangako, na nang panahong iyon ay nasasakop ng mga kaaway na bansa. Paano ginawa iyon ni Moises? Sa harapan ni Josue, ipinaalaala ni Moises sa buong bayan ang mga bagay na ginawa ni Jehova para sa kanila habang nililisan nila ang Ehipto. (Deut. 3:28; 7:18) Isinalaysay rin ni Moises ang mga tagumpay na ibinigay sa kanila ni Jehova laban sa mga Amorita. Pagkatapos ay hinimok ni Moises si Josue: “Magpakalakas-loob ka at magpakatibay.” (Deut. 31:1-8) Kapag pinagsisikapang patibayin ang iyong mga kapatid, tinutulungan mo ba sila na magtamo ng lakas sa pamamagitan ng pag-alaala sa ginawa ni Jehova para sa kanila?
Kung minsan ang mga indibiduwal ay masyadong naigugupo ng kanilang mga suliranin anupat sila’y nag-iisip kung tatamasahin pa kaya nila ang mga pagpapala ng Kaharian. Ipaalaala sa kanila ang pagkamaaasahan ng mga pangako ni Jehova.—Jos. 23:14.
Sa ilang lupain ang ating mga kapatid ay napapaharap sa mga utos ng pamahalaan na nagbabawal sa pangangaral ng mabuting balita. Sa gayong mga kaso, matutulungan ng maibiging matatanda ang mga kapananampalataya na magtamo ng lakas mula sa mga karanasan ng mga apostol ni Jesu-Kristo. (Gawa 4:1–5:42) At ang pagtatampok sa paraan ng pagmamaniobra ng Diyos sa mga pangyayari gaya ng nakaulat sa aklat ng Esther ay tiyak na magpapasigla sa mga kapatid na magkaroon ng tibay ng loob.
Kung minsan ang mga indibiduwal ay dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon subalit hindi na sumusulong pa. Maaaring nadarama nila na ang Diyos ay hindi na kailanman makapagpapatawad sa kanila dahil sa napakasama ng kanilang naging dating paraan ng pamumuhay. Marahil ay mailalahad mo sa kanila kung paano nakitungo si Jehova kay Haring Manases. (2 Cro. 33:1-16) O maaaring isaysay mo ang tungkol sa mga tao sa sinaunang Corinto na nagbago sa kanilang paraan ng pamumuhay, naging mga Kristiyano, at ipinahayag na matuwid ng Diyos.—1 Cor. 6:9-11.
Mayroon bang nakadarama na ang kanilang nararanasang mga suliranin ay nagpapahiwatig na nawala na sa kanila ang pagsang-ayon ng Diyos? Maaari mong ipaalaala sa kanila kung ano ang naging karanasan ni Job at kung paano siya saganang pinagpala dahil sa panghahawakan niyang mahigpit sa kaniyang katapatan kay Jehova. (Job 1:1-22; 10:1; 42:12, 13; Awit 34:19) Ang mga huwad na mang-aaliw ni Job ay may-kamaliang nangatuwiran na si Job ay malamang na nakagawa ng pagkakasala. (Job 4:7, 8; 8:5, 6) Sa kabaligtaran, nang pinalalakas ang mga alagad at “pinatitibay-loob sila na manatili sa pananampalataya,” sinabi nina Pablo at Bernabe: “Kailangan tayong pumasok sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng maraming kapighatian.” (Gawa 14:21, 22) Gayundin sa ngayon, mapalalakas mo yaong mga dumaranas ng mga pagsubok sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila na ang pagtitiis sa ilalim ng kapighatian ay hinihiling sa lahat ng Kristiyano at may malaking halaga sa paningin ng Diyos.—Kaw. 27:11; Mat. 24:13; Roma 5:3, 4; 2 Tim. 3:12.
Patibayin ang iyong mga tagapakinig na isipin ang mga paraan kung paano tinupad ni Jehova ang kaniyang mga pangako sa kanilang sariling mga buhay. Sa pamamagitan ng kaunting pagpapaalaala, maaaring makita nila kung paano na sila pinakitunguhan ni Jehova bilang mga indibiduwal, kagaya ng kaniyang ipinangako. Sa Awit 32:8, ating mababasa: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.” Sa pamamagitan ng pagtulong sa iyong mga tagapakinig na alalahanin kung paano sila pinatnubayan o pinalakas ni Jehova, maipakikita mo sa kanila sa isang matalik at personal na paraan na si Jehova ay nagmamalasakit sa kanila at na siya ay talagang tutulong sa kanila hanggang sa malampasan ang anumang pagsubok na napapaharap sa kanila sa kasalukuyan.—Isa. 41:10, 13; 1 Ped. 5:7.
Magpakita ng Kaluguran sa Ginagawa ng Diyos Ngayon. Kapag pinagsisikapang patibayin ang iyong mga kapatid, akayin ang pansin sa mismong ginagawa ni Jehova sa ngayon. Ang pagsasalita tungkol sa mga bagay na ito sa paraang nagpapakita na kinalulugdan mo ang mga ito ay aantig ng gayunding damdamin sa puso ng iyong mga tagapakinig.
Isaalang-alang kung paano tayo tinutulungan ni Jehova na harapin ang mga kagipitan sa buhay. Ipinakikita niya sa atin ang pinakamabuting paraan ng pamumuhay. (Isa. 30:21) Ipinaliliwanag niya ang sanhi ng krimen, kawalan ng katarungan, karukhaan, karamdaman, at kamatayan at sinasabi sa atin kung paano niya wawakasan ang lahat ng ito. Pinalilibutan niya tayo ng maibiging kapatiran. Pinagkakalooban niya tayo ng napakahalagang pribilehiyo ng panalangin. Ipinagkakatiwala niya sa atin ang pribilehiyo ng pagiging kaniyang mga Saksi. Binubuksan niya ang ating mga mata upang makita na si Kristo ay nakaluklok na sa langit at na ang mga huling araw ng matandang sistema ay mabilis na sumasapit sa katapusan.—Apoc. 12:1-12.
Idagdag pa sa mga pagpapalang iyon ang ating mga pulong sa kongregasyon, mga asamblea, at mga kombensiyon. Kapag ang paraan ng iyong pagsasalita tungkol sa mga paglalaang ito ay nagpapakita ng tunay na pagpapahalaga sa mga ito, mapatitibay mo ang determinasyon ng iba na huwag pabayaan ang pakikipagtipon sa kanilang mga kapatid.—Heb. 10:23-25.
Ang mga ulat na nagpapatunay na pinagpapala ni Jehova ang ating mga pagsisikap sa ministeryo sa larangan ay pinagmumulan din ng kalakasan. Noong unang siglo nang sina Pablo at Bernabe ay patungo sa Jerusalem, “malaking kagalakan ang idinudulot nila sa lahat ng mga kapatid” sa pamamagitan ng detalyadong paglalahad sa pagkakumberte ng mga tao ng mga bansa. (Gawa 15:3) Ikaw rin ay makapagdudulot ng kagalakan sa mga kapatid sa paglalahad sa kanila ng nakapagpapatibay na mga karanasan.
Nagdudulot ng karagdagang pampatibay-loob kapag ang mga indibiduwal ay natutulungang makita ang kahalagahan ng kanilang ginagawa. Papurihan sila dahil sa pakikibahagi nila sa Kristiyanong ministeryo. Papurihan yaong ang mga nagagawa ay lubhang nalilimitahan dahil sa katandaan at karamdaman subalit nagtitiis nang may katapatan. Ipaalaala sa kanila na hindi nalilimutan ni Jehova ang pag-ibig na kanilang ipinakita para sa kaniyang pangalan. (Heb. 6:10) Ang pananampalatayang napatunayan sa ilalim ng pagsubok ay isang walang kasinghalagang pag-aari. (1 Ped. 1:6, 7) Ang ating mga kapatid ay kailangang mapaalalahanan hinggil dito.
Magsalita Nang May Damdamin Hinggil sa Pag-asa sa Hinaharap. Ang kinasihang mga pangako hinggil sa mga bagay na darating ay pinagmumulan ng malaking pampatibay-loob para sa lahat ng umiibig sa Diyos. Marahil ang karamihan sa iyong tagapakinig ay madalas nang makarinig ng mga pananalitang ito. Subalit sa ipinakikita mong pagpapahalaga kapag nagsasalita ka tungkol sa mga pangakong ito, maaari mong buhayin ang mga ito, ikintal ang pagtitiwala sa katuparan ng mga ito, at paapawin ang mga puso taglay ang pasasalamat. Ang pagkakapit mo ng iyong mga natutuhan sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay makatutulong sa iyo upang magawa iyan.
Si Jehova mismo ang Dakilang Tagapagpatibay-loob at Tagapagbigay ng kalakasan sa kaniyang bayan. Gayunpaman, maaari kang makipagtulungan sa kaniya sa paghahatid ng gayong mga pagpapala. Kapag nagsasalita ka sa kongregasyon, gamiting mabuti ang pagkakataon upang gawin iyan.