Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • lr kab. 48 p. 250-256
  • Mapayapang Bagong Sanlibutan ng Diyos—Maaari Kang Manirahan Doon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mapayapang Bagong Sanlibutan ng Diyos—Maaari Kang Manirahan Doon
  • Matuto Mula sa Dakilang Guro
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Mabuhay Magpakailanman ay Hindi Panaginip Lamang
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Paano Ka Mabubuhay Magpakailanman?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Ang Buhay sa Mapayapang Bagong Sanlibutan
    Ang Buhay sa Mapayapang Bagong Sanlibutan
  • Paraiso—Malapit Na!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2021
Iba Pa
Matuto Mula sa Dakilang Guro
lr kab. 48 p. 250-256

KABANATA 48

Mapayapang Bagong Sanlibutan ng Diyos​—Maaari Kang Manirahan Doon

INILAGAY ng Diyos sina Adan at Eva sa hardin ng Eden. Kahit na sila’y sumuway at namatay, ginawa pa ring posible ng Diyos na ang kanilang mga anak, kasali na tayo sa ngayon, ay manirahan magpakailanman sa Paraiso. Nangangako ang Bibliya: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at [maninirahan] sila roon magpakailanman.”​—Awit 37:29.

Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa “mga bagong langit” at sa “isang bagong lupa.” (Isaias 65:17; 2 Pedro 3:13) Ang mga “langit” sa kasalukuyan ay binubuo ng mga pamahalaan ng tao sa ngayon, pero si Jesu-Kristo at ang mga kasama niyang mamamahala sa langit ang bubuo naman ng “mga bagong langit.” Napakaganda nga kung ang mga bagong langit na ito, na siyang matuwid na pamahalaan ng Diyos na magpapasapit ng kapayapaan, ay maghahari na sa buong lupa!

Ano naman ang “bagong lupa”?​— Ang bagong lupa ay yaong mabubuting tao na umiibig kay Jehova. Alam mo, kapag binabanggit ng Bibliya ang “lupa,” ang ibig sabihin nito kung minsan ay yaong mga taong nakatira sa lupa, hindi ang lupa mismo. (Genesis 11:1; Awit 66:4; 96:1) Kaya ang mga taong bumubuo ng bagong lupa ay maninirahan dito mismo sa lupang ito.

Ang kasalukuyang sanlibutan ng masasamang tao ay mawawala na. Alalahanin mo, pinawi ng Baha noong panahon ni Noe ang isang masamang sanlibutan ng mga tao. At, gaya ng natutuhan natin, ang kasalukuyang masamang sanlibutang ito ay pupuksain sa Armagedon. Tingnan naman natin ngayon kung ano ang magiging buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos pagkatapos ng Armagedon.

Gusto mo bang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa mapayapang bagong sanlibutan ng Diyos?​— Sinumang doktor ay walang kakayahang mapanatili tayong buháy magpakailanman. Walang gamot na kapag ininom natin ay hindi na tayo mamamatay. Ang tanging paraan para mabuhay tayo magpakailanman ay ang maging malapít sa Diyos. At sinasabi sa atin ng Dakilang Guro kung paano iyan magagawa.

Kunin natin ang ating Bibliya at buksan ito sa Juan kabanata 17, talata 3. Dito ay makikita natin ang mga salitang ito ng Dakilang Guro: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”

Kaya, ano ang sinabi ni Jesus na kailangan nating gawin para mabuhay magpakailanman?​— Una, dapat tayong kumuha ng kaalaman tungkol sa ating makalangit na Ama, si Jehova, at gayundin sa kaniyang Anak, na nagbigay ng kaniyang buhay para sa atin. Ang ibig sabihin nito ay kailangan nating pag-aralan ang Bibliya. Ang aklat na ito, Matuto Mula sa Dakilang Guro, ay tumutulong sa atin na gawin iyan.

Pero paano kaya tayo matutulungan ng pag-aaral tungkol kay Jehova para mabuhay magpakailanman?​— Buweno, kung paanong kailangan natin ang pagkain araw-araw, kailangan din tayong matuto tungkol kay Jehova araw-araw. Ang Bibliya ay nagsasabi: ‘Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa lahat ng mga salitang lumalabas sa bibig ni Jehova.’​—Mateo 4:4.

Kailangan din tayong kumuha ng kaalaman tungkol kay Jesu-Kristo dahil isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak para alisin ang ating kasalanan. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Walang kaligtasan sa kanino pa man.” At sinasabi rin ng Bibliya: “Siya na nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan.” (Gawa 4:12; Juan 3:36) Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng ‘manampalataya’ kay Jesus?​— Ang ibig sabihin nito ay talagang naniniwala tayo kay Jesus at alam natin na hindi tayo mabubuhay magpakailanman nang wala siya. Naniniwala ba tayo rito?​— Kung oo, patuloy tayong matututo araw-araw mula sa Dakilang Guro, at gagawin natin ang sinasabi niya.

Ang isang mabisang paraan para matuto mula sa Dakilang Guro ay ang basahin ang aklat na ito nang paulit-ulit at tingnan at pag-isipan ang lahat ng mga larawan. Subukan kung masasagot mo ang mga tanong na nasa tabi ng mga larawang ito. Gayundin, basahin ang aklat kasama ng iyong nanay o tatay. Kung hindi puwede ang iyong mga magulang, basahin ito kasama ang ibang mga nasa edad na at ang ibang mga bata. Hindi ba’t napakaganda kung matutulungan mo ang iba na matutuhan mula sa Dakilang Guro ang kailangan nila para mabuhay magpakailanman sa bagong sanlibutan ng Diyos?​—

Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Ang sanlibutan ay lumilipas.” Pero ipinaliliwanag naman ng Bibliya kung paano tayo makapaninirahan magpakailanman sa bagong sanlibutan ng Diyos. Sinasabi nito: “Siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Kung gayon, paano kaya tayo makapaninirahan magpakailanman sa bagong sanlibutan ng Diyos?​— Oo, sa pamamagitan ng pagkuha ng kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang mahal na Anak, si Jesus. Pero dapat din nating gawin, o tuparin, ang ating natututuhan. Matulungan ka sana ng pag-aaral mo sa aklat na ito na gawin ang mga bagay na ito.

Kasama ng mga adulto at ng mga bata ang iba’t ibang hayop sa Paraiso

Habang binabasa mo ang Isaias 11:6-9 at Isaias 65:​25, matututuhan mo ang tungkol sa mga hayop na mapayapang namumuhay. Tingnan mo ang mga larawang ito. Pansinin mo ang kordero, ang maliit na kambing, ang leopardo, ang guya, ang malaking leon, at ang mga batang kasama nila. Masasabi mo ba ang pangalan ng iba pang mga hayop dito na binabanggit ng Bibliya?​— Tingnan mo ang batang lalaking iyon na nakikipaglaro sa kobra! Walang sinumang nakatira sa bagong sanlibutan ang matatakot. (Oseas 2:18) Ano ang masasabi mo rito?​—

Iba’t ibang lahi ng tao ang magkakasama nang payapa at panatag sa bagong sanlibutan

Pansinin mo ang kapayapaan sa gitna ng lahat ng uri ng tao. Nag-iibigan silang lahat sa isa’t isa, gaya ng sinabi ni Jesus na gagawin ng kaniyang mga tagasunod. (Juan 13:​34, 35) Ang mga sandatang pandigma ay ginagawang mga kasangkapan sa pag-aalaga sa lupa. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa kahanga-hangang kapayapaan at katiwasayan na tatamasahin ng mga tao sa bagong sanlibutan ng Diyos. Mababasa natin ito sa mga kasulatang gaya ng Awit 72:7; Isaias 2:4; 32:16-18; at Ezekiel 34:25.

Mga tao sa Paraiso na nagtatayo ng bahay, nag-aalaga sa lupa, at nag-e-enjoy sa mga bunga nito

Tingnan mo ang mga tao sa pahinang ito. Inaalagaan nila ang lupa, anupat ginagawa itong isang magandang lugar. Tingnan mo ang magandang bahay na itinatayo nila at ang lahat ng masasarap na prutas at gulay na ipinakikita rito. Ang mga tao ay may pakikipagpayapaan sa lupa, kaya ito ay naging isang paraiso na gaya ng hardin ng Eden. Mababasa natin ang tungkol sa magagandang bagay na ito sa Awit 67:6; 72:16; Isaias 25:6; 65:21-24; at Ezekiel 36:35.

Malulusog at masasaya ang mga tao sa Paraiso

Gaya ng makikita mo rito, ang lahat ay malusog at masaya. Ang mga tao ay nakaluluksong gaya ng usa. Walang pilay, bulag, o may sakit. At tingnan mo ang mga taong ito na ibinangon mula sa mga patay! Binabanggit ng Bibliya ang mga bagay na ito sa Isaias 25:8; 33:24; 35:​5, 6; Gawa 24:15; at Apocalipsis 21:​3, 4.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share