KASIA
[sa Heb., qid·dahʹ; qetsi·ʽahʹ; sa Ingles, cassia].
Bagaman dalawang salitang Hebreo ang ginagamit sa Bibliya upang tumukoy sa halamang ito, ipinahihiwatig ng mga bersiyong Syriac at Targum na ang mga iyon ay parehong kumakapit sa iisang puno o sa produkto niyaon. Sa ngayon, ang cassia bark tree (Cinnamomum cassia) ay tumutubo sa silangang Asia at kabilang sa pamilya ng punong kanela. Maaari itong umabot sa taas na 12 m (40 piye) at ang mga dahon nito ay makikintab at matitigas. Kapag ang panloob na talob ng mga sanga (tinatawag na cassia lignea) ay hiniwa, iyon ay natutuyo at natutuklap, anupat kusang bumibilot, at pagkatapos ay dinadala sa pamilihan. Mas magaspang at mas matapang ang amoy ng talob ng kasia kaysa sa talob ng kanela. Ang mga bagong-usbong na bulaklak ay ginagamit sa paghahanda ng pagkain, at ang magulang na mga bulaklak naman, kapag natuyo, ay nagsisilbing mabangong insenso.
Nang ihanda ang banal na langis na pamahid noong ginagawa ang tabernakulo, ang kasia ay kasama sa mga sangkap na ginamit bilang “mga pinakapiling pabango.” (Exo 30:23-25) Naging prominente ang kasia sa mga paninda ng mga mangangalakal at mga negosyante ng lunsod ng Tiro. (Eze 27:19) Sa Awit 45:8, ginamit ang salitang qetsi·ʽahʹ upang ilarawan ang mababangong kasuutan ng hari sa araw ng kaniyang kasal. Bukod sa tekstong ito, ang tanging paglitaw ng qetsi·ʽahʹ ay bilang pangalan ng ikalawang anak na babae ni Job, si Kezia, na ipinanganak matapos gumaling si Job sa kaniyang karamdaman.—Job 42:14.