ENOC
[Isa na Sinanay; Pinasinayaan [samakatuwid nga, inialay, pinasimulan]].
1. Anak ni Cain at ama ni Irad. Si Enoc ay ipinanganak sa lupain ng Pagtakas matapos patayin ni Cain ang kapatid niyang si Abel.—Gen 4:17, 18.
2. Ang lalaking ipinanganak kay Jared sa edad na 162; ang ikapitong tao sa linya ng angkan mula kay Adan. Bukod pa kay Matusalem, na ipinanganak sa kaniya nang siya ay 65 taóng gulang, si Enoc ay nagkaroon ng iba pang mga anak na lalaki at babae. Si Enoc ay isa sa “ganito kalaking ulap ng mga saksi” na naging mahuhusay na halimbawa ng pananampalataya noong sinaunang mga panahon. “Si Enoc ay patuloy na lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Gen 5:18, 21-24; Heb 11:5; 12:1) Bilang propeta ni Jehova, inihula niya ang pagdating ng Diyos na kasama ang Kaniyang laksa-laksang banal upang maglapat ng hatol laban sa mga di-makadiyos. (Jud 14, 15) Malamang na pinag-usig siya dahil sa kaniyang panghuhula. Gayunman, hindi pinahintulutan ng Diyos na patayin si Enoc ng mga sumasalansang. Sa halip, “kinuha siya” ni Jehova, samakatuwid nga, pinutol ang kaniyang buhay sa edad na 365, isang edad na napakaikli kung ihahambing sa edad ng karamihan ng kaniyang mga kapanahon. Si Enoc ay “inilipat upang hindi makakita ng kamatayan,” na maaaring nangangahulugan na pinangyari ng Diyos na mawalan siya ng diwa gaya ng isang propeta at pagkatapos ay winakasan ang kaniyang buhay anupat hindi naranasan ni Enoc ang mga hapdi ng kamatayan. (Gen 5:24; Heb 11:5, 13) Ngunit hindi siya dinala sa langit, gaya ng malinaw na ipinakikita ng sinabi ni Jesus sa Juan 3:13. Lumilitaw na gaya ng naging kalagayan ng katawan ni Moises, pinaglaho ni Jehova ang katawan ni Enoc, sapagkat “hindi siya masumpungan saanman.”—Deu 34:5, 6; Jud 9.
Hindi si Enoc ang manunulat ng “Aklat ni Enoc.” Ito ay isang di-kinasihan at apokripal na aklat na isinulat pagkaraan ng maraming siglo, malamang na noong ikalawa at unang siglo B.C.E.
3. Ang unang lunsod na binanggit sa Bibliya. Itinayo ni Cain ang lunsod na ito sa lupain ng Pagtakas sa dakong S ng Eden, anupat tinawag ito ayon sa pangalan ng kaniyang anak na si Enoc.—Gen 4:17.